Share

CHAPTER 2

                Nang bigla na sana akong tatayo ay saka naman mabilis na gumalaw ang cobra para tuluyan akong tuklawin ngunit mabilis ang ginawa ng estrangherong binatilyo na ihampas ang hawak niyang patpat gamit ang kanang kamay niya at hinila niya ako gamit naman ang kaliwang kamay niya kaya bago pa man ako matuklaw ay nakita kong tumilapon ang cobra sa malayo. Nawalan siya ng panimbang kaya bumagsak kami sa damuhan at nakapatong ako sa kaniya. Sa bilis ng pangyayari ay hindi kaagad kami nakakilos. Yakap niya ang baywang ko. Ang isang kamay ko ay nakapulupot sa kaniyang leeg at ang isa pa ay nakadampi sa matigas-tigas niyang dibdib. Tatlong pulgada lang ang layo ng mukha niya sa mukha ko kaya amoy ko ang kaniyang hininga at amoy pawis niyang katawan. Ngunit napansin ko kaagad ang mapungay niyang mata na binagayan ng may kakapalang kilay at hindi naman katangusang ilong. Ngunit sandali lang ang tagpong iyon dahil mabilis din niya akong hinawi kaya bumagsak ako sa damuhan at siya naman ay mabilis na tumayo. Nang nakatayo na siya at ako naman ay nakasalampak pa sa damuhan ay napansin kong mas matangkad siya sa akin, mukha siyang bata pa ngunit may masel na ang kaniyang dibdib at mga bisig. Nakita kong napangiti siya nang napa-aray ako sa masakit kong tadyang. Tumama kasi ito sa ugat ng puno nang mabilis niya akong hinawi at naitulak mula sa pagkakadagan ko sa kaniya. Hindi kaputian ang ngipin ngunit pantay-pantay ito. Nagsisimula na ring tumubo ang kaniyang bigote.

                "Bumangon ka na diyan at baka balikan ka ng cobra." Inilahad niya ang kaniyang kamay.

                Dahil sa takot na baka nga balikan ako ng cobra ay mabilis kong inabot ang kaniyang kamay at tumayo. Magaspang ang kaniyang mga palad. Mukhang banat sa trabaho.

                "Ano bang ginagawa mo kasi rito?”

“Tumatambay, bakit?”

“Kayo talagang tiga-maynila mahilig kayong maggala kahit hindi naman ninyo kabisado ang mga lugar na pinupuntahan ninyo."

                "Bakit mo alam na tiga-Maynila ako."

                "Halata naman sa kutis mo. Saka sa pagkalampa." Nakangisi niyang pang-aasar.

                "Lampa? Paano ka naman nakakasigurong lampa ako. Dahil lang sa niligtas mo ako sa ahas lampa na agad ako?"

                "E, di hindi na. Bukod pala sa pagiging magala, hambog pa kayo."

                Nagpanting ang tainga ko sa narinig ko. Kanina pa niya iniinsulto ang aking pagkatao. Ngunit nagpigil parin ako.

                Sasagot pa sana ako ngunit mabilis na siyang tumalikod.

                "Umuwi ka na. Balikan ka pa ng cobra diyan. Lampa ka pa naman." Patutsada niya.

                "Yabang mo!" pahabol kong sigaw sa kaniya.

                Lumingon siya at iniwanan niya ako ng nang aasar na ngiti.

                Tinanggal ko ang sombrero ko. Bumagsak ang may kahabaan kong buhok. Tinanggal ko ang aking maong na jacket.

                “Yabang no’n ah. Baka akala niya lalaki ako kaya gano’n makapanghusga! Hoy! Kahit babae ako yakang-yaka kita gago!” sigaw ko. Alam kong hindi na niya ako narinig o di na niya ako nakita pa.

                Hindi ko alam kung anong meron sa ngiting iyon at naikintal sa isip ko nang nakahiga na ako. Naghihilik na nga si Daddy pero ako hindi pa rin dinadalaw ng antok. Naninibaguhan kasi ako sa kung anong nararamdaman ko. Hindi naman ako ganito sa Maynila. Mas madami pa ngang guwapo sa kanya, makinis ang balat, laging mabango, maporma... saka bakit siya ang iniisip ko e, di naman siya yung tipo ko? Siguro kasi nakita ko sa kaniya yung tapang na dapat meron ako? Siguro dahil naipamalas niya sa akin ang lakas na pinapangarap kong magkaroon din ako. Ano kayang pangalan niya? Saan kaya siya nakatira? Bakit ngayon ko lang siya nakita rito e, minsan sa isang taon naman kami umuuwi. Hanggang sa nakatulugan ko na ang dami ng aking mga katanungan.

                Kinaumagahan, maagang-maaga ay pumunta muli ako sa silong ng malaking punong iyon. Nagdala na akong itak. Kung sakaling may cobra, patay na ngayon sa akin ‘yon. Ngunit hindi lang ang cobra ang binalikan ko roon kundi umaasa rin ako na makita ko sanang muli ang binatilyong nagligtas sa akin kahapon. Natakot man ako na maaring naroon pa rin ang cobra ngunit mas nanaig ang kagustuhan kong makilala siya. Ni hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kaniya kahapon. Siguro dahil din sa kakaiba at mayabang na asta niya kaya hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na pasalamatan pa siya. Ngunit isang oras na ako doon at naubos na ang baon kong bala ng pellet gun, nabunot ko na ang masukal na damo sa aking inuupuan ngunit hindi ko pa rin siya nakikita. Nasaan kaya 'yun?

                "Aya! Umuwi ka muna at mag-almusal!" sigaw ni Daddy habang palapit siya sa akin.

                Tirik na ang araw at kanina pa ako nakakaramdam ng gutom ngunit mas matindi kasi yung kagustuhan kong makitang muli ang binatilyong iyon.

                "Tara na. Umagang-umaga palang nandito ka na. Mamaya matuklaw ka pa ng ahas." Inakbayan ako ni Daddy. Wala akong magawa kundi sumabay sa kaniya ngunit palingon-lingon pa rin ako. Nagbabakasakaling baka bigla na naman siyang bubulaga.

                Tanghali nang makita ko si lolo na gumagawa ng saranggola. Noong mga nakaraang bakasyon ko kasi, dahil wala akong magawa ay ginawan niya ako ng libangan kong saranggola. Umaalma si Lola kasi laruang panlalaki raw ‘yon pero wala rin naman silang magawa ni Mommy. Si daddy at lolo pa rin ang nasusunod. Ngunit hindi na ako ganoon kabata para maramdaman yung excitement sa pagpapalipad nito. Ganoon pa man ay ipinakita ko pa rin kay lolo na natutuwa ako sa panahong iginugugol niya para lang maaliw niya ako. Nang matapos niya ang saranggola ay tinawag niya ako na noon ay nakikipagkulitan kay Claire. Kahit alas dos palang ng hapon ay medyo mahangin na rin kaya minabuti kong pagbigyan si Lolo na subukan ang saranggolang ginawa niya. Saka may dahilan na rin akong pumunta muli sa puno na pinagtatambayan ko. Nagbabakasakaling magawi muli ang tagapagligtas ko doon.

                Mataas na ang lipad ng saranggola ngunit dahil sa nawili akong pataasin pa ng pataasin ang lipad nito ay hindi ko naramdamang ubos na ang tali at nabitiwan ko't hindi  na nahabol pa. Nakita kong isinama ito ng hangin sa masukal na gubat. Nagdadalawang isip ako kung susundan ko pa ba ito sa masukal na gubat o sabihin ko na lang kay lolo na gumawa na lang ng panibago. Pero nang naisip kong sayang naman ang iginugol niyang pagod kanina kaya minabuti kong kuhain na lamang iyon.

                Dahil sa sukal ng gubat ay hindi ko na alam kung saan talaga iyon bumagsak na puno. Tagaktak na ang aking pawis dahil bukod sa masukal ang aking dinadaanan ay matarik na bundok ang aking inaakyat. Humihingal na ako at hindi ko na alam kung paano bumalik sa aking pinanggalingan. Umupo na muna ako at nagpahinga. Nagdesisyon ako na pagkatapos kong magpahinga ay hanapin ko na lamang ang daan pabalik sa bahay nina lolo. Hindi ko na lang ituloy pang hanapin ang saranggola.

                Tahimik ang gubat. Bukod sa huni ng mga ibon ay may narinig akong lagaslas ng tubig sa hindi kalayuan. May falls kaya sa malapit o kaya ilog? Gusto kong hugasan ang paa kong puno na ng dumi kaya minabuti kong hanapin kung saan nanggagaling ang narinig kong lagaslas.

                Matarik ang aking dinadaanan kaya nagiging maingat ako sa bawat paghakbang ko. Hanggang sa natanaw ko ang isang maliit na falls na dumadaloy sa isang malinis na creek. Nasa apat hanggang limang metro rin ang taas mula ng kinatatayuan ko. Kailangan ko pang bumaba para marating iyon. Hinanap ko kung saan ako puwedeng bababa at nakita kong kailangan ko pa palang umikot sa hindi naman kataasang bangin. Muli kong tinignan ang falls na iyon habang nagdedesisyon ako kung itutuloy ko pa bang puntahan o sa bahay na lang ako maghugas. Nang tatalikod na sana ako ay napansin kong mula sa kung saan bumabagsak ang tubig ay nakita ko ang ang isang hubad na lumutang sa pagkakasisid.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status