Share

Chapter 6: New Environment

“HOY! KANINA KA pa wala sa sarili,” ani ni Owen sa akin. Hawak nito ang isang plato na mula yata sa labas.

Mapaklang ngumiti ako sa kan’ya. “Napapadalas kasi ang pagkirot ng dibdib ko nitong mga nakaraan. Hindi na mawala-wala sa isipan ko.”

“Ganoo’n ba. Aba’y ipa-check up mo na ‘yan. Baka iba na ‘yan.” Hinugasan niya ang platong hawak saka inilagay sa tray.

“Balak ko ngang magpaalam bukas. No’ng Sabado sana, kaso walang clinic yata kapag gano’ng araw, noh?”

“Parang. Mas maganda na iyong weekdays. O siya, mauna na ako sa ‘yo. Walang bantay sa mga kapatid ko, e.”

“Sige, Owen, alas otso pa ako, e. Wala kasing kasama si Banjo.” Dalawa na lang kami matitira ni Banjo sa kainan dahil nakipagpalit sa akin si Nilda, kailangan daw maagang umuwi. 

“O sige, ingat na lang.” 

Magkaiba kaming purok na inuuwian, pero iisang barangay lang kami ni Owen. Magkaiba rin kami minsan ng shift kaya hindi kami nagsasabay ng oras ng pagpasok at pag-uwi.

Naglalakad na ako papasok ng barangay namin nang maramdaman ang pag-vibrate niyon. Kinapa ko sa loob ng bag pagkuwa’y tiningnan kung sino ang nag-text. Napangiti ako nang makita ang text ni Mommy.

Gabi-gabi naman niya ako kinukumusta. Alam niya kasi ang oras ng uwi ko kaya mga gano’ng oras siya nagpapadala ng mensahe. Saglit na kinausap ko siya at kinumusta pati na rin si Daddy.

“Nandito na po ako!” ani ko nang makapasok sa bakuran namin.

Maagang umuwi si Aling Precing kaya alam kong may tao na sa bahay. 

“Halina! Nandito na si Ate! May pasalubong ako para sa ‘yo.” May dala akong cotton candy. May nadaanan kasi ako kaya napabili ako. Alam kong matutuwa siya.

Kaagad na nagmano ako sa matanda nang makitang siyang nakaupo sa sofa at tahimik. 

“Kaawaan ka ng Diyos, anak,” aniya.

“Si Halina po?”

“Hindi ko kasi siya kayang kargahin kaya pinaiwan na lang muna ni sir.”

Napakunot ako ng noo nang mapansing may benda ang paa niya.

“A-ano pong nangyari diyan?” ani ko at nginuso ang paa niya. 

Binaba ko ang bag at cotton candy bago lumuhod sa harapan niya.

“Naku. Nadulas lang.”

“‘Yan na nga ba sinasabi ko, e.” Nag-angat ako ng tingin sa kan’ya. “‘Wag ka na lang po kaya pumasok? Ako na muna ang bahala sa gastusin dito.” Kaya ko naman silang buhayin. May pera pa naman akong naipon. Maliban pa iyon sa perang nasa bangko.

“Kaya mo ba? Dalawa na kaming papakainin mo,” aniya sa malungkot na himig. 

Sa totoo lang, ilang buwan nang walang balita si Aling Precing sa anak nito, sa ina ni Halina. Kaya nga nagpursige siyang makapasok sa malaking bahay. Gano’n din ako. Hindi ko hinahayaang mawalan ng trabaho kahit papaano. May pagkukunan naman ako kung tutuusin pero ayaw ko lang mag-isip siya sa akin.

“May ipon pa naman po ako sa ilang taon ko sa pagtatrabaho. Kaya kaya naman po.”

“Ang kaso, inaalala ko si sir. Wala siyang ibang pinagkakatiwalaan, kung hindi ako lang. May kontrata pa akong pinirmahan sa kan’ya.”

“Ho? May kontrata po?”

“Oo. Isang taon kasi silang mamalagi dito. ‘Di ba, nasabi ko na ang pinapagawa nilang mall sa bayan? Walang ibang mag-aasikaso kung hindi siya. At ako naman sa anak niya, maliban sa pagkain nila. Hindi niya kasi maasahan ang ibang kasamahan ko kasi mga bata pa nga.”

“Gano’n ba. Ba’t ‘di na lang po siya mag-hire ng bago?”

“Nasabi ko nga sa kan’ya. Aba’y ako naman ang pinapahanap, ‘yong mapagkakatiwalaan daw sa loob ng bahay.” 

“Mahirap nga po ‘yan,” ani ko at naupo sa upuan. 

Napatitig sa akin si Aling Precing kaya napaangat ako ng kilay.

“Kanina ko pa iniisip, ikaw na lang kaya pumalit sa akin? Malaki naman magpasahod si Sir. Gusto mo ba?”

“H-ho?”

“Sige na, anak. Mabait naman si Sir. Mahahatid sundo mo pa rin naman si Halina. Tapos maraming oras ka na pahinga kapag tapos na ang pagluluto. Kapag nagpapahinga si senyorito Kalei, makakapagpahinga ka rin.”

“P-pag-iisipan ko po.” 

“Salamat, anak.”

 Sabay pa kaming nagkatinginan nang marinig ang paghinto ng sasakyan sa labas. Kaagad na sumilip ako. 

“Anak, puntahan mo nga sa labas. Baka si sir ‘yan.”

“Ay, oo nga pala, si Halina!”

Lakad-takbo ang ginawa ko palabas ng bahay. Pero natigilan ako nang makitang pababa ang boss ni Aling Precing. Muli na namang kumirot ang dibdib ko. 

Sa ilang araw ko ng pagsundo kay Halina sa malaking bahay nila, laging ganito ang nararamdaman ko. Hindi ko maintindihan kung bakit.

“Ate!”

Saglit na pinakalma ko ang sarili ko. Inayos ko ang scarf ko. Sinadya kong ilabas ang may peklat kong mukha at itinago ang makinis na kabilang pisngi ko. Ganito ang ginagawa ko kapag may bago sa amin. Ayoko na kasi ng maraming tanong kung ano ang tinatago ko sa scarf ko.

Hindi pa man ako nakakalingon nang yumakap na sa hita ko si Halina.

“Ate, kasama ko si Kalei. Si Ate Asha ko, o” Tinuro ako ni Halina kay Kalei kaya kumaway ako. Pero tumitig na naman siya sa mukha ko kaya mabilis na nag-iba ako ng tingin.

“Si Manang Precing?” 

Nagbaba ako ng tingin nang lumapit sa akin ang boss ni Aling Precing.

“N-nasa loob po. Pasok ho kayo,” ani ko sa masuyong tinig.

“Thank you,” anito sabay hakbang papasok sa pintuan.

Nakapasok na siya pero doon pa rin ang tingin ko. Saka ko lang napansin na sumunod na pala ang dalawang bata.

Mabilis na tumakbo papasok nang may narinig na iyakan. Si Kalei pala ang umiyak. Pinapatahan na ito ng ama nito.

“B-bakit, Halina?” Sa kanila agad ang atensyon ko pero ibinaling ko din kay Halina mayamaya.

“Ayaw niya po ako bigyan ng candy,” sagot ni Kalei na humihikbi na. 

Saka ko lang naalala ang binili kong cotton candy. Hawak na pala iyon ni Halina.

“Halina, ‘di ba, bawal maging madamot? Paano kung si Kalei lang din ang ang may pagkain at wala ka? Huh? Kaya bigyan mo si Kalei. Okay?”

Napaingos si Halina na binigay sa akin ang cotton candy na nakabalot pa.

Tumingin ako sa ama ni Kalei na titig na titig pala sa akin.

“O-okay lang po ba kumain nito ang anak niyo, sir?”

Umawang lang ang labi niya kaya inulit ko.

“Okay lang po–”

“Y-yes, okay lang. Paborito niya rin ‘yan.”

Tumango ako at binuksan ang plastic saka hinati ang laman niyon. May stick naman kaya parehas na may hawakan naman.

Pinagpantay ko ang aking sarili sa dalawa.

“Uminom ng tubig pagkatapos, huh?” ani ko.

“Opo,” magkasabay na sabi ng dalawa.

Ngumiti ako habang pinagmasdan ang dalawang nagngingitian na.

“Thank you.” Napatingin ako sa ama ni Kalei at bahagyang ngumiti. 

“Sa silid po muna ako,” ani ko.

Binitbit ko na ang bag ko at pumasok sa loob ng silid ko. Nagbihis na rin ako kapagkuwan.

Shorts at t-shirts lang ang suot nang lumabas ako. Nawala sa sarili kong may bisita pala si Aling Precing kaya mabilis ang mga hakbang ko papasok ng kusina. Sa iksi ba naman ng shorts ko, hindi ka mahihiya? Buti kung maganda ‘yong nagsusuot!

Iniinit ko ang tirang niluto ko kaninang umaga nang may biglang nagsalita sa gilid ko. Buti na lang naisukbit ko ang scarf kaya mabilis na nilagay ko sa mukha. 

“Hi.” 

Napatakip ako sa kabilang side ng hita ko nang mapansing napatingin doon ang amo ni Aling Precing. Kita ko pa ang paglunok niya kaya napilitan akong magsalita na lang.

“M-may kailangan po kayo, sir?” nauutal kong tanong.

“Ahm, nabanggit na raw kasi sa ‘yo ni Manang na kung p’wedeng ikaw na lang muna ang pumalit sa kan’ya. Nakapagdesisyon ka na ba? Talagang kailangan ko kasi ng makakasama sa bahay na kagaya ni Manang. Sa ilang buwan kong kasama siya, nagustuhan ko ang pamamalakad niya sa bahay, maging ang pagbabantay sa anak ko kapag nasa bayan ako. At sa tingin ko naman magkakasundo kayo ng anak ko kaya hindi ka mahihirapan sa kan’ya. Kaya sana tanggapin mo ang trabaho. Please?”

Bahagyang umawang ang labi ko kaya inulit pa niya ang salitang ‘please’.

“Ah–eh, h-hindi pa po, e. Saka may trabaho din po ako sa bayan. Hindi–”

“Dadagdagan ko ang sweldo kung kinakailangan. Asha, right?”

Tumango ako. “P-pero–”

“No buts, please. Hihintayin kita bukas.” Bigla na siyang tumalikod kaya napalabi ako.  Paladsesisyon pala siya.

“S-sige po, payag ako!” Habol ko sa kan’ya na ikinatigil niya sa paghakbang. “Pero magpapaalam po ako bukas sa pinapasukan ko.”

“Great. Kahit afternoon hihintayin kita. Alas tres pa naman ang meeting ko sa mga tauhan ko bukas.”

Napatango ako. Ngumiti siya sa akin kaya ngumiti rin ako.

Pero kahit gano’n ay ang bigat pa rin ng dibdib ko. Nawala lang iyon nang umalis na ang mag-ama sa bahay ni Aling Precing.

Hindi ako nakatulog ng maayos nang gabing iyon kakaisip sa magiging boss ko, kaya hindi ko na nagawang mag-jogging kinabukasan. Late na ako nagising. Pinaliguan ko pa si Halina at pinakain bago hinatid sa eskwelahan.

Pabalik na ako ng bahay nang may humintong sasakyan sa akin. Natigilan ako nang makilala ang sakay niyon.

“Diyan ko rin kasi inenroll ang anak ko.” Tinuro niya ang eskwelahan nila Halina. “Isasabay ko na si Halina sa pag-uwi ni Kalei. Mukhang hindi ka pa yata nakapagpaalam, e.”

“H-ho? Hindi pa nga po.”

“Kaya ako na nga ang magsundo mamaya para makabalik ka kaagad dito. Maaga kasi ang alis ka mamaya, e, mga after lunch.”

“G-gano’n po ba. S-sige po. Maraming salamat po.” Hindi na siya sumagot sa akin, pinaandar na niya ang sasakyan pabalik ng bahay niya.

Binilisan ko ang lakad ko pauwi at nagpaalam kay Aling Precing. Sinabi ko na rin na isasabay na raw ng magiging boss ko ang apo niya. 

Napatigil ako sa pagbihis nang maalalang hindi ko pa nga alam ang pangalan ng magiging amo ko.

“Ano nga po ulit ang pangalan ng boss mo po?” magalang na tanong ko kay Aling Precing nang matapos akong magbihis.

Sa harap na niya ako nag-zipper ng pantalon. Naglilinis naman siya ng monggo. Tinatanggal niya ang mga maiitim na at balat. Mukhang monggo ang uulamin namin bukas.

“King. King Hernandez. Kaygandang pangalan, ano?”

Hindi ko maiwasang matigilan na naman nang marinig ang buong pangalan ng magiging boss ko. Kasabay niyon ang biglang pagpatak ng luha sa aking mata. Ang aking dibdib naman ay nagsimulang manikip na naman.

Napatampal ako sa dibdib ko kapagkuwan. Mukhang kailangan ko ng magpa-check up. Iba na yata itong nararamdaman ko.

Hindi na mawala-wala sa isipan ko ang pangalang King hanggang sa pag–alis ko papuntang bayan. Nagpaalam nga ako sa may-ari ng restaurant na medyo lutang. Panay po pa ako na parang bungol habang kausap ang may-ari. Nauutal pa ako habang sinasabi ang rason. Kasalanan iyon ng pangalan ng amo ko.

Nasa labas na ako ng kainan at tapos nang magpaalam sa may-ari pero parang wala pa rin ako sa sarili. Kahit no’ng tumawid ako ay wala rin sa sarili, buti na lang nakapagpreno pa ang trickle na dumadaan.

Ipinilig ko ang ulo ko at pilit na pinakalma ang sarili nang makarating sa terminal ng jeep. Saglit lang naman ang biyahe kaya naupo muna ako sa gilid para magpakalma ng aking sarili. 

Namalayan ko na namang kausap ang aking ina. Pinayuhan niya rin akong magpa-check up. Hindi ako nakasagot sa kan’ya nang tanungin niya ako kung bakit na naman bumabalik ang gano’ng pakiramdam. Hindi ko rin alam, e. Na-curious din ako sa totoo lang. Gusto kong alamin din kaya hindi ko muna talaga sinabi kay Mommy.

Tatayo na sana ako nang may tumawag sa akin. Pamilyar ang boses kaya hinanap ko. Napangiti ako nang makitang si Owen pala. Kumaway siya kaya gano’n din ako.

Kaagad na lumapit ako. Ang alam ko, hindi siya pumasok ngayon, dinig ko lang sa kasamahan namin kanina. 

Saglit pa kaming nagkwentuhan. Nabnggit ko sa kan’ya na huling araw ko na kahapon at nagpaalam na ako. Babalikan ko na lang ang huling suweldo ko sa Sabado.

Muling gumaan ang pakiramdam ko matapos ng pag-uusap namin ni Owen. Puro tawanan na kasi nang mga sumunod na sandali. Nawala na bigla ang iniinda kong mabigat sa dibdib.

Napatayo ako bigla sa kinauupuan ko nang maalalang kailangan ko nga palang makabalik agad

“Hindi ka pa ba uuwi? Ngayon kasi ang simula ko doon sa malaking bahay.”

“Sabay na tayo, Asha. Pauwi na rin ako.”

Magkasabay na nga kami ni Owen sumakay ng jeep maging sa paglalakad papasok ng barangay namin. Sinabayan niya rin ako hanggang doon kaya hindi ko ramdam ang pagod sa paglalakad. Tirik na tirik pa naman ang araw.

Saktong pagdating ko sa malaking bahay ay siya ring labas ng magarang sasakyan ng magiging boss ko. Saglit na huminto siya nang makita ako. Sinuyod niya rin nang tingin si Owen bago ako.

“I’m glad nakabalik ka na. Kailangan na ako sa site, ikaw na muna ang bahala sa anak ko, Asha. Okay?”

“Sige po, sir.” 

As usual, hindi na naman siya tumugon. Basta na lang niya sinara ang bintana ng sasakyan niya at pinaharurot. 

Gano’n nga talaga siguro kapag boss. Dati, hindi ko alam ang bagay na ‘yan pero nang mamasukan ako dito, ang dami kong natutunan. Pero sabagay, hindi naman ako harsh o bastos sa mga tauhan ko ayon sa Mommy ko.

Napatango ako kay Owen nang magpaalam na siya sa akin. Ako naman, pumasok na at hinanap ang mga bata. Mabuti na lang at may kalaro na si Halina, hindi na siya nalulungkot. Hindi na rin siya nagtatanong sa akin kung bakit wala siyang kalaro. Paano, halos matatanda sa kan’ya ang mga anak ng kapitbahay namin.

“Hi, kids!” bati ko sa dalawa nang makita sila sa theater room ng bahay na iyon. Doon ko kasi narinig ang matitinis nilang boses na tumatawa. Nanonood pala kasi sila ng nakakatawang palabas.

Comments (53)
goodnovel comment avatar
Meg Saturno
naawa nman ako Kay ayiesha ,s abodang babae,at na bwiset ako Kay king sobra...
goodnovel comment avatar
garcia Louise Princess
c ayeisha parang ung tatay din niya na si thunder,nagpapanggap din ng mahirap sa ngalan ng pag ibig............
goodnovel comment avatar
Areezah Habiba Casan Mangondato
kaya lang may anak na si king ahaist tps my asawa pa complicataed storya na ito,naawa aq sa bida.
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status