Share

Chapter 4

 

 

"HI, Gie, napatawag ka?" masayang bati sa kanya ng kaibigang si Paloma na nasa kabilang linya. Naisip niya ang malaking ngiti nito.

"Wala, nangangamusta lang," kibit-balikat niyang sagot kahit pa hindi naman ito nakikita ng kausap.

"Kumusta ang nirireto ng lola mo? Nagkaharap na ba kayo?"

Saglit siyang nag-isip kung sasabihin ba ang mga nangyari nitong nagdaang araw. Baka naman ay tuksuhin pa siya nito.

Sasagot na sana siya sa tanong nang may biglang pumasok na tawag mula sa unregistered number. Akala niya'y missed call lang pero hindi pala. Na-curious tuloy siya kung sino ito.

"Pam, saglit lang. may tumatawag kasi kaya sasagutin ko muna," paalam niya sa kausap. Nagpaalam kaagad ang kaibigan at ito na ang kusang nagbaba ng linya.

"Hello?" pilit niyang inipit ang boses para cute pakinggan.

"Mabuti naman at naisipan mong sagutin ang tawag ko," saad ng baritong boses na nasa kabilang linya.

Hindi siya makapaniwalang si Martin ang may-ari ng baritonong boses na tumatawag sa kanya ngayon.

"Tinawagan ko kasi ang kaibigan ko," paliwanag niya kahit hindi naman nagtatanong ang lalaki.

"Wedding anniversary nina Lola mamaya at may kaunting salo-salo sa bahay kaya sana'y makapunta kayo ni Lola Carmen at ni Ate Toyang."

Inipit niya ang labi dahil baka mapatili siya ng wala sa oras dala ng kilig at saya. Pinaypayan niya ang mukha gamit ang sariling kamay para bigyan ng hangin ang baga at pakalmahin ang nagwawalang puso. Pakiramdan niya'y mahihimatay na yata siya. Sa dami ng pwedeng imbetahin ay naisip pa siya nito.

"Don't get the wrong idea, Gieselle. Hindi ko gustong imbetahan ka pero mapilit si Lola. Besides, magkaibigan sila ni Lola Carmen kaya gusto niyang nandito siya sa ganitong okasyon."

'Aray!' hiyaw ng isip niya. Na-scam siya sa invitation nito. Magsasaya na sana siya pero supalpal naman pala. Pero aaminin niyang nasaling na naman ang kanyang pride.

Dati ay imbetasyon ng mga kilalang lalaki sa lipunan ang pinapaunlakan niya at malalaking event ang pinupuntahan nila. Ngayon ay isang simpleng wedding anniversary lang pero hindi pa siya invited at nasabit lang kay Lola Carmen.

Napaismid siya at matalim na tiningnan ang cellphone na hawak. Nakikita ng kanyang guni-guni ang istriktong mukha ni Martin kung siya ang kausap pero nakangiti naman kung iba ang kaharap. Bakit ba ang hirap i-please ng isang 'to?

"Okay, sasabihan ko si Lola," matamlay niyang tugon bago ibinaba ang tawag.

Nagtatalo pa ang kanyang puso at isip kung isi-save ba ang number nito o buburahin na lang.

Pero nanaig ang una. Naiinis siya sa sarili dahil kutang-kuta na siya kay Martin.

"Bakit hindi ka pa nakabihis?" nagtatakang-tanong ni Lola Carmen sa kanya.

"Kayo na lang po ang pumunta. Mabo-bore lang ako sa ganoong klaseng event at magrorosaryo lang din naman kayo kaya mas mabuting dito na lang po ako." Umayos siya ng higa sa sofa. Nakapamaywang naman ang matandang nakatunghay sa kanya pero hindi siya nagpadala.

"Nandoon si Martin."

"Ano naman po ngayon? Lola, hindi ko gusto si Martin. Masyadong boring ang lifestyle niya. Masyadong seryoso at ayaw ko sa mga ganoong lalaki."

Pero taliwas naman iyon sa tunay na nararamdaman niya.

Kahit seryoso at may pagka-istrikto ay kursunada pa rin niya ito. Na-challenge lang siguro siya sa lalaki dahil lumandi na siya pero hindi pa rin ito nagpapakita ng interes.

"Saka masama po ang pakiramdama ko. Masakit ang ulo at sinisipon ako," imbento niya para hayaan na siya ng matanda at hindi na pilitin pa.

"Baka may pinaplano ka?" Pinaningkitan siya ng mata nito.

"Plano? After akong mapalo ng walis-tambo may gana pa kaya akong gumala?"

"Siguraduhin mo lang iyan, Gieselle. O siya, hindi na kita pipilitin at baka lumala pa iyang sakit ng ulo mo. May gamot doon sa cabinet sa kusina, uminom ka para hindi na lumala ang sipon mo. Uuwi rin kami kaagad ni Toyang para may kasama ka rito."

Hinatid pa niya ang dalawa hanggang sa gate at mabilis din namang pumasok nang nakaalis na ang mga ito.

Parang maiiyak naman siya dahil sa lungkot nang siya na lang mag-isa. Binuksan niya ang TV pero wala namang nagustuhang palabas kaya ini-off na lang niya ulit.

Mag-aala-sais pa lang ng gabi at mukhang mapapaaga ang landing niya ngayon sa kama. Wala naman siyang gagawin kaya matutulog na lang siya.

Bago tuluyang nahiga sa kama, nag-hot shower muna siya saka nagbihis ng oversized T-shirt bago pinahiran ng lotion ang mga binti at braso.

Nilagyan din niya ng moisturizer ang mukha at pinapatuyo ang basang buhok gamit ang tuwalya. Hindi siya nakontento kaya kumuha na siya ng blower.

Bago pa man makapag-blower ay may humintong sasakyan sa labas at bumusina ito. Akala niya'y sa kapitbahay ito may sadya pero nang makarinig ng tatlong sunod-sunod na busina ay sumilip na siya sa labas.

May asul na Raptor doon at pamilyar ang sasakyang 'yon.

Hindi na siya nag-aksaya pa ng segundo at lumabas na para harapin ang dumating.

Nababagot na mukha ni Martin ang kanyang nabungaran pagkabukas ng gate. Nakasandal ito sa sasakyan at naiinip na naghihintay sa kanya.

Gustong-gusto niyang maglambitin sa leeg nito at maglambing ngunit pinigilan niya ang sarili, sa halip ay pinasuplada niya ang mukha.

Nagsalubong naman ang kilay nito nang hagurin siya ng tingin mula ulo hanggang paa saka pabalik. Pati siya'y napatingin sa sariling katawan.

Kulay dilaw na oversized shirt at tanging lacy panty lang ang pang-ilalim. Hindi na siya nag-abala pang mag-suot ng brassiere lalo't nasa bahay lang at matutulog na.

Umabot hanggang kalahati ng mahahabang hita niya ang laylayan ng T-shirt pero lantad pa rin ang makinis niyang binti. Bakat din ang malulusog niyang dibdib at ang maliit na koronang nasa tuktok. Napansin niyang napalunok ang kaharap pero sumeryoso ulit ang mukha nito.

"Ganyan ka ba palagi kung haharap sa ibang tao, specially sa mga lalaki?" halata ang inis doon.

Nakakainsulto ang dating ng tanong nito at rumaragasa ang inis at sakit sa kanyang dibdib. Pero sa kanyang tansiya ay mas malaki ang porseyento ng huli.

Siguro kung ibang tao ang kaharap ngayon ay hindi siya mag-aabalang pagbuksan ito ng gate.

Dahil lang sa nakitang ayos niya parang ang dumi-dumi na niyang babae.

"Anong kailangan mo? Nandito ka ba para lang sabihin 'yan at insultuhin ako? Total, tapos mo na namang gawin makakaalis ka na. Ingat ka pauwi." At pinagsarhan na ito ng gate pero mabilis naman ang kamay nito na pigilan siya.

"Nandito ako dahil nag-aalala si Lola Carmen at Lola Pressy sa'yo," nakatingalang saad ni Martin. Parang iniiwasan na magawi ang mata sa kanya.

"Na-check mo naman ako na humihinga pa kaya pwede ka ng umuwi," pagtataboy niya dala ng inis.

"No. I will stay. Sasamahan kita. Pinadalhan ka na rin ni Lola Pressy ng pagkain lalo't matagal pang makaka-uwi sina Lola Carmen dahil magrorosaryo pa ang mga 'yon." Ipinakita nito ang dalang paper bag.

Kinabahan siya lalo't silang dalawa lang sa bahay. Pero kung gagahasain naman siya nito'y hindi na rin lugi. Willing naman siyang magpagahasa.

Gusto niyang batukan ang sarili dahil gugustuhin na nga niya ang mangyayari pero gahasa pa rin ang naiisip niya. Kapag kaharap niya si Martin ay nagiging bobo siya at hindi ito magandang palatandaan. Baka sa susunod ay masisiraan na siya ng bait.

Pinitik ni Martin ang daliri sa harap niya upang gisingin ang kanyang nakatulalang diwa. Kumurap naman siya na parang nagising sa isang panaginip.

"Can I come in?" seryosong saad na naman nito. Dahan-dahan niyang nilakihan ang pagkakabukas ng gate at humakbang paatras para makadaan ang malaking bulto ng katawan nito.

Nauna siyang naglakad papasok ng bahay at biglang na-conscious. Kahit simpleng tsinelas lang ang kanyang suot pero nangangalay ang kanyang binti na tila nakasuot ng stilleto. Pakiramdam niya'y parang hindi siya modelo dahil sa kabang nararamdaman.

Gusto niyang tumakbo papunta sa kwarto at magtalukbong na lang ng kumot dahil sa kahihiyan.

"U-upo ka muna. Ililipat ko lang ng sisidlan ang pagkaing dala mo," sabi niya pagkapasok nila sa sala.

Iniabot nito ang dala at nasagi nila ang daliri ng isa't isa. Nag-uunahan ang kaba at init sa kanyang katawan. Parang hihimatayin at ayaw niyang mangyari 'yon.

"Would you mind? Changing your clothes first?"

Muli niyang sinipat ang sariling hitsura at uminit ang pisngi. Inilapag niya sa lamesita ang mga pagkain at nagmamadaling pumasok sa kwarto. Mabilis siyang pumili ng masusuot at nagpalit kaagad.

Simpleng T-shirt at walking shorts na hanggang tuhod ang kanyang isinuot at sana lang ay wala na itong maipipintas pa.

Bumuntong-hininga ito nang makita siya paglabas ng kwarto. Wala nang sinabi pero halata ang ginhawa sa mukha.

Mapapalaban siya kay Martin, hindi lang snob at istrikto, saksakan din ito ng arte.

Itinuloy na niya ang paglilipat ng mga pagkain sa sisidlan at naalalang ulam lang pala ang dala nito. Wala pala siya kanin at tamang-tama lang din ang sinaing kanina ni Ate Toyang para sa tanghalian.

Napakamot siya sa ulo habang kumukuha ng kaldero at nilagyan ng bigas.

"Marunong ka bang magsaing?"

Muntik na siyang mapalundag dahil sa gulat. Napahawak siya sa dibdib upang pakalmahin ang sarili.

"Papatayin mo yata ako sa atake sa puso," ipinahalata niya ang inis.

"Sorry," hingi nito ng paumanhin na may tawa ang mukha. Hayan na naman ang ngiti nitong nakakatunaw at malakas ang epekto nito sa kanya.

Tahimik lamang itong nakamasid sa kanyang kilos bago nagsalita.

"Galingan mo sa pagsasaing kasi dito ako kakain."

Nilingon niya ito ulit pero mas pinili niyang huwag na lang magsalita. Na-pressure tuloy siya dahil sa nalaman.

Gusto niyang itaboy ito at pauwiin na para malaya na siyang makakilos pero mas malaki ang parteng gusto pa niya itong makasama ng matagal.

Masisiraan na yata siya ng bait habang nananatili sa probinsiya.

Lumabas na sila ng kusina pagkatapos malagay sa kalan ang kaldero.

Kapag nasa iisang lugar silang dalawa'y pakiramdam niya ay parang lumiliit ang espasyo na kanilang ginagalawan.

Binuksan niya ang TV para may mapaglilibangan ito at siya naman ay inabala ang sarili sa pagkalikot ng cellphone kahit alam naman niyang wala ring silbi iyon lalo't wala namang matinong signal sa lugar.

Mahabang katahimikan ang namagitan at nagpapakiramdaman lamang sila sa isa't isa.

Hindi nagtagal ay narinig niya ang tunog ng kumukulong sinaing kaya pinuntahan niya ito sa kusina. Hininaan ang apoy sa kalan at ilang minuto na lang ay maluluto na ang kanin.

Kasunod niyang inihanda ay ang mesa. Kumuha siya ng mga placemats, plato at mga kubyertos. Naglagay rin siya ng baso at isang pitsel ng malamig na tubig. Natatakam siyang pinagmasdan ang ulam na dala ng lalaki at naglaway sa isang platong litson na handa sa wedding anniversary nina Lola Pressy.

"May maitutulong ba ako?" sabi ni Martin pagpapasok sa kusina.

"Wala na. Tapos ko ng ihanda ang lahat. Ang kanin na lang ang kulang." Sabay lapit sa kalan at tuluyang pinatay ang mahinang apoy.

Pero namutla siya nang buksan ang kaldero. Binalingan niya ang lalaking nakaupo at handa ng kumain.

Malalait na naman siya nito.

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status