Share

CHAPTER 2

Chapter 2

Habang naglalakad ako papuntang paaralan ay nahagip ng mga mata ko ang isang insidenteng naganap sa daan. Gustuhin ko mang umusisa ay mas pinili kong balewalain na lang ito dahil gahol na rin ako sa oras at kailangan ko nang magmadali. 

Kasabay ng magkabilaang busina ng mga sasakyan na naging sanhi ng trapiko ay ang mga ingay na nagmula sa nag-uumpukang mga tao na nag-uusisa rin kaya naman hirap akong makadaan. Gayunpaman ay pinilit kong makipagsisikan. Nang makatiyempo ako ng makipot na daan ay mabilis ko 'yong sinulong upang makalusot sa kabilang kalsada. Sari-saring amoy ang nalanghap ko mula sa mga drayber ng tricycle at mga tambay sa kanto ngunit tiniis ko na lang dahil nagmamadali ako. 

Nasa pagitan na ako ng magkabilang kalsada nang biglang may humarurot na kotse sa mismong dadaanan ko. Nanlaki ang mga mata ko sa labis na pagkabigla at halos bumulagta ako sa kalsada dahil sa tumakas na lakas sa mga tuhod ko. Nanginginig ito at nanghihina sa sobrang kaba. Isang hakbang ko na lang baka nilalamayan na ako nina Tiya Marita, ang masaklap pa ro'n ay baka masaya pa itong pinasusugalan ang burol ko. Hindi maganda ang naging takbo ng buhay ko pero ni minsan ay hindi ko naman hiniling na mamatay na ako.

Mabilis na huminto ang kotse at saka lamang ako ibinalik sa sarili nang lumikha ito ng malakas na ingay dahil sa biglaang pagpreno. Mabuti na lang at hindi ako tuluyang nahagip kaya ipinagpapasalamat ko pa rin 'yon nang lubos sa panginoon.

Natuod akong humahangos habang nakahawak ang kanang kamay ko sa aking dibdib upang kumalma. Umalma ako nang umatras ang kotse kaya mabilis din akong humakbang paatras.

Nang matapat sa kinatatayuan ko ang bintana ng sasakyang ito ay kasabay rin ang pagbukas ng bintana. 

Bumungad ang dalawang lalaking parehong nakasuot ng itim na suit at itim na antipara. 

"Carefull, young lady," saad ng isang lalaking nakaupo sa tabi ng nagmamaneho. Malalim ang boses nito ngunit mababa at kalmado. May pag-aalala rin akong naramdaman sa kaniyang tinig. Nang dumapo ang paningin ko sa drayber ay mabilis nitong binawi ang mga mata at sa daan na muling binaling ang tingin.

Bago pa man ako makasagot sa saad nito ay mabilis ulit na pinaharurot ng nagmamaneho ang kotse. Sinundan ko pa ng tingin ang sinasakyan nila hanggang sa tuluyan nang maglaho. Masyadong mabilis ang pagpapatakbo kaya wala akong nagawa kahit na gusto ko pa sana silang pagmumurahin. 

"Mga buwisit! Sila na nga itong muntik makabangga eh," bulong ko sa sarili ko habang tinatapik-tapik ang aking dibdib. Unti-unti nang humuhupa ang kabang naramdaman ko kanina ngunit napalitan naman ng inis dahil sa inasta ng mga lalaking naka-kotse. 

Tatawid na sana akong muli nang biglang may mga pulis na tumatakbo palapit sa kung saan ako nakatayo. Muntik ko nang makalimutan na nasa gitna nga pala ako ng kalsada, mabuti na lang at mabagal ang takbo ng mga sasakyang dumaraan dahil nakikiusyoso rin sa insidenteng nangyari.

"Miss, sandali lang!" sigaw ng mga ito. Lumingon pa ako sa aking likuran baka sakaling may iba pa silang tinatawag. Nang wala akong makita sa likuran ko ay saka ko natiyak na ako nga ang kanilang tinatawag.

"B-bakit po sir? nagtataka kong tanong. Muli na naman akong nakaramdam ng kaba.

"Namumukhaan mo ba ang sakay ng kotseng 'yon? tanong ng isang pulis na humihingal pa dahil sa pagmamadali. Mabilis namang sinundan ng mga police car ang itim na kotseng muntik nang makahagip sa akin. 

"H-hindi po sir.." Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang makiusap itong anyayahan ako sa kanilang estasyon upang ilarawan ang ilang detalyeng maaaring makatulong sa pagkakakilanlan ng mga salarin sa naganap kanina. Paulit-ulit akong tumanggi dahil sa paghahabol ko ng oras, ngunit dahil sa patuloy nitong pagmamakaawa ay tuluyan na akong nakumbinsing sumama sa kanila.

Mabilis kong isinalaysay ang mga detalyeng maaaring makatulong sa kanila sa pagdakip sa mga suspect upang makapagpaalam na agad akong umalis. Habang dini-detalye ko ang mga hitsura at suot ng mga lalaking iyon ay mabilis namang iginuguhit ng isa pang pulis sa harapan ko ang mga ito.

Nang tuluyan na akong magpaalam ay agad namang nagboluntaryo ang isa sa mga rito na ihatid ako papuntang paaralan. May katandaan na ito at mukhang matagal-tagal na rin sa serbisyo. Hindi na ako tumanggi pa nang sa gano'n ay makarating ako sa tamang oras.

"Miss, maraming salamat nga pala sa'yo ha. Malaking tulong ang ginawa mo ngayon sa nangyaring pamamaril kanina," saad nito. Kasalukuyan naming binabaybay ang daan patungong paaralan.

Ngayon lang yata ako kinilabutan nang malaman kong may nabaril kanina. 

"Wala pong anuman, sir. Pasensya na po kayo at 'yon lang ang tangi kong maitutulong. Iyon lang po kasi ang natatandaan ko, masyado pong mabilis ang mga pangyayari kanina." 

"Malaking bagay na 'yon. Maari kasing ang dalawang taong nakasakay sa kotseng 'yon ang maging daan upang matukoy na namin ang utak ng mga illegal na droga rito sa atin. Posibleng may kinalaman ang mga 'yon sa naganap na insidente kanina."

Nakagat ko na lang ang labi ko habang patuloy itong nagkukwento.

"Ibig sabihin, ang dalawang mga buwisit na 'yon na muntik nang makasagasa sa akin ay posibleng mga kriminal." Nasa isipan ko lamang ang mga salitang 'yon. 

Hindi ko na namalayang nasa tapat na kami ng gate ng paaralan dahil sa mahaba naming napagkuwentuhan. Agad na akong bumaba sa kotse at nagpasalamat sa mamang pulis. Inihatid muna ng aking mata hanggang sa tuluyan nang mawala sa paningin ko ang sasakyang ginamit paghatid sa akin bago ako tumungo sa gate.

"Estrella, late ka na naman," saad ng guwardiya ng school. Napakamot pa ito sa ulo dahil wala na naman akong ipambabayad na multa dahil late na naman ako. Kilala na ako ni manong guard dahil ilang taon na akong pabalik-balik sa eskuwelahang ito at madalas akong late. Kasundo ko naman si manong kaya hindi na ito humingi ng eksplinasyon ko, bagkus ay binuksan na lang nito ang gate at mabilis akong pinapasok habang wala pang ibang estudyante na makakita sa pagpapalusot niya sa akin.

Ngumiti na lang ako sa kaniya at muling binilisan ang paglalakad patungo sa aking silid-aralan. Sakto namang papasok pa lang ang guro ko kaya naman nakahinga na muli ako nang maluwag. 

Matapos ang mahabang pagsusulit at iilang mga anunsyo ng titser namin ay tumunog na ang bell, pahiwatig na oras na ng meryenda. Katulad ng palagi kong gawi, tumungo na ako sa library upang mawaglit kahit papaano ang aking gutom. 

Humugot ako ng isang malalim na buntong-hininga bago ibinuklat ang babasahin kong aklat ngunit hindi ako makapag-isip nang maayos dahil sa dami ng nangyari ngayong umaga lang. Hindi pa man ako nakapag-umpisang magbasa ay natuon ang atensiyon ko sa isang estudyanteng humatak ng bakanteng upuan sa harap ko. Napangiti na lang ako nang mapagtanto kung sino ito.

"Ate Cailee, heto o sandwich at juice," sambit ng kaklase kong si Rina sabay abot sa akin ng hawak nitong pagkain. Para ko na siyang kapatid dahil masyado kaming malapit sa isa't-isa, at siya lang ang nakakaalam sa sitwasyon ng buhay ko. Minsan na rin ako nitong inalok na tumira na lang sa kanilang bahay ngunit mariin akong tumatanggi sa alok niya.

"Naku Rina nag-abala ka pa, busog naman ako eh," pagsisinungaling ko sa kaniya. Ngumuso naman ito nang ibinalik ko ang pagkaing inabot niya.

"Ate naman eh, magtatampo ako niyan sige ka! Bigla ka na lang nawala kanina sa room." Natawa na lang ako nang makita kong muling humaba ang kaniyang nguso.

"O siya, sige na nga akin na at kakainin ko na." Sumilay ang ngiti sa labi nito nang binuksan ko ang sandwich at saka isinubo. Kahit papaano ay nagpapasalamat ako sa batang ito dahil muling maiibsan ang gutom ko. Alam naman kasi niyang wala akong pera, kung mayroon man ay itinatabi ko na lang ito at idadagdag sa baryang iniipon ko.

"Ate, ba't nga pala wala ka kanina sa first subject natin?"

"Oo nga eh, may nangyari kasi kanina."

"What? May nangyari? Ano naman 'yong nangyari? Tungkol ba sa tiyahin mong bruha at tiyuhin mong manyak?" Nanlaki ang mga mata nito habang binibigkas iyon.

"Shh.. huminahon ka, hindi 'yon ang ibig kong sabihin. May barilang naganap kanina sa daan habang naglalakad ako, sakto kasing tatawid ako nang muntik akong mabangga ng mga posibleng suspect sa pangyayari kaya inimbitahan ako ng mga pulis sa kanilang estasyon upang ilarawan ang aking nakita.

"Oh my gosh! Gano'n ba? Ang creepy naman ate, talamak na talaga ang patayan dito sa lugar natin. So, na-encounter mo ang mga suspek? Ano ba'ng hitsura nila? Nakakatakot ba?" 

"Sa totoo lang Rina, kung ilalarawan ko ang mga hitsura nila, hindi naman sila mukhang mga kriminal. Mukha silang mayayaman at mga disenteng tao eh, at kahit muntik na nila akong masagasaan kanina, aaminin ko ha pareho silang guwapo. Mukha nga lang suplado 'yong drayber."

Kumunot ang noo nito at nanliit ang mga mata, kitang-kita ang kuryosidad sa kaniyang mukha nang matapos akong magsalita. Napaawang pa ang bibig nito at nasa hitsura na gusto pang marinig ang susunod kong sasabihin.

"Talaga ba? Baka naman po napagkamalan lang sila ng mga pulis," saad nito. 

"Hindi ko rin alam eh, pero sa panahon ngayon kahit ano pang hitsura ng tao, disente man o mukhang kriminal ay hindi natin puwedeng i-base 'yon kung mabuti sila o masama. Mag-ingat na lang tayo." 

Tumango ito at sumang-ayon sa sinabi ko at hindi na muling nangulit pa nang sitahin kami ng librarian dahil nakalikha kami ng ingay sa loob ng library.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status