Share

Chased by a Secret Billionaire
Chased by a Secret Billionaire
Author: Brae Yannah

CHAPTER 1

"Mama! Papa!" sigaw ng isang bata habang umiiyak na pinapanuod ang mga taong naghuhukay sa mga kabahayang natabunan ng gumuhong lupa. Malakas ang buhos ng ulan sanhi nang paglambot ng lupa at nagiging putik pero hindi iyon inalintana ng mga kalalakihan at patuloy na pinagtutulungang hukayin ang isang bahay na tila napuruhan at nabagsakan na rin ng mga malalaking puno at bato.

Lumapit ang isang ale sa batang babae at mahigpit itong niyakap ngunit hindi iyon nagsilbi sa bata dahil mas lalong lumakas ang pagtangis nito. Walang humpay sa pagsisigaw ng mama at papa subalit walang ni isang magulang na lumapit sa kaniya. Ang kanina'y maputik nitong katawan ay unti-unti nang natatanggal dahil sa patuloy na paglakas ng ulan.

Sumisikip ang dibdib kong pinagmamasdan siya dahil sa awa. Gusto ko siyang lapitan at damayan ngunit nang humakbang ako palapit sa kaniya ay unti-unti siyang lumalabo sa paningin ko hanggang sa tuluyan na nga siyang naglaho.

"Cailee! Ano ba? Wala ka bang balak bumangon d'yan? Hindi ka pa nakapagluto, wala pang makakain ang mga anak ko!"

Nagising ako dahil sa malakas na bulyaw ni Tiya Marita. Napabalikwas agad ako sa aking maliit na kama nang mabanaag ng mapupungay kong mata ang orasan. Alas syete na pala ng umaga, napasarap ang tulog ko dahil napuyat din ako kagabi.

Muli kong sinara ang mga mata ko at naramdaman ang isang patak ng luha sa pisngi ko. Mabilis ko itong pinunasan gamit ang dalawang daliri at saglit itong pinagmasdan. Bigla kong naalala ang panaginip ko. Naalala ko na naman ang mga magulang ko. Mabigat ang hiningang kumawala nang kusa mula sa bibig ko kasabay nang pagbagsak ng mga balikat ko pero pinilit kong ngumiti. Wala na akong mailalaan pang oras para sa kalungkutan at namnamin pa ang sakit sa panaginip ko dahil sesermunan na naman ako ni tiya.

Dali-dali akong umibis sa kama kahit hirap pa rin na binubuklat ang aking nanlalabong mga mata. Bigla akong nakaramdam ng pananakit sa ulo at katawan kaya dahan-dahan lang akong nag-unat ng mga kamay. Naalala kong naulanan nga pala ako kahapon habang naglalakad pauwi galing sa eskuwelahan. 

Ilang minuto rin kasi ang layo ng paaralang pinapasukan ko mula rito sa bahay ni tiya. Wala naman akong sapat na perang pamasahe sa jeep kaya tinitiis kong maglakad kahit na may kalayuan.

Dumiretso na ako sa kusina upang makapagluto, hindi ko na ininda ang sakit na nararamdaman ko dahil kahit naman may sakit ako ay hindi pa rin ako ligtas sa mga gawaing bahay. Sasabihin lang naman ng tiyahin ko na nag-iinarte lang ako.

"Ano na? Mali-late na ang mga anak ko, ang kakainin nila at babaunin sa eskuwelahan hindi mo pa naihanda!" 

Nakagat ko na lang ang ilalim ng aking labi nang maramdaman ko ang mabigat at pabagsak na mga yabag ni Tiya Marita palapit sa 'kin habang patuloy sa pagsesermon. Kahit naman araw-araw akong napapagalitan at nasisigawan ay natatakot pa rin ako sa kaniya.

Nagsisimula pa lang akong magsindi ng mga kahoy na ipanggagatong sa kalan. Halos hindi ko magawang ikuskos ang posporong hawak ko upang makapagpaliyab ng apoy dahil sa nerbiyos.

"Pasensya na po Tiya Marita, hindi ko po namalayan ang oras," paliwanag ko. Halos hindi ko magawang makipagtitigan sa kaniya, kahit kasi na nakapikit ako ay nakikita ko kung paano manlisik ang malaking mata nito sa tuwing nagagalit. Mukha naman siyang tao, nakakatakot nga lang ang hitsura. Lihim nga siyang pinangalanang impakta ng mga kapitbahay namin dito.

"Hindi ko kailangan ng paliwanag mo, huwag ka na munang pumasok ngayon, mahuhuli ka na rin naman sa klase."

"Po? P-pero tiya, absent din po kasi ako no'ng isang araw. B-baka po pagagalitan na naman ako ng guro ko," halos mangiyak-ngiyak na ang tinig ko nang sinasambit 'yon. Pinilit ko nang makipagtitigan sa nakakatakot niyang mukha upang makita niya ang pagsusumamo ko.

"Wala akong pakialam sa sasabihin ng guro mo sa iyo. Hindi naman kita pinilit na mag-aral 'di ba? Huwag mo na nga akong kausapin, aalis ako ngayon dahil magto-tongits kami ng mga kumare ko, asikasuhin mo na lang 'yong mga anak ko." 

"D-dahil po ba hindi ako maagang nagising kaya po galit kayo? Pangako ko po hindi na mauulit tiya," muli kong pagmamakaawa. Unti-unti nang nanlalabo ang paningin ko dahil sa namumuo na namang luha sa gilid ng mga mata ko.

"Puwede bang tigilan mo na muna ako sa drama mo? Ang aga-aga pa pinapainit mo ang ulo ko! At saka puwede ba, alam mo naman na hindi benta sa akin 'yang paiyak-iyak mong iyan! Bilisan mo na riyan at papasok pa si Arah at Maui." Kumunot lalo ang noo nito at tinapunan ako ng matalas na tingin. Mas lalo tuloy nakakatakot ang kaniyang hitsura.

"P-pero po, tiya.."

"Tama na puwede ba?!" 

Wala na akong nagawa nang tuluyan na siyang tumalikod at iniwan ako sa kusina. Halos tatlong beses sa isang linggo na lang ako kung makapasok sa paaralan. Anim na taon na akong pabalik-balik sa high school dahil pahinto-hinto ako sa pag-aaral. Labingwalong taong gulang na ako pero hanggang ngayon ay nasa third year high school pa lang ako. Pinilit kong makapag-aral kahit ayaw ni tiya, gusto kong makapagtapos kahit high school man lang kaya kahit na tutol siya ay nagsikap ako upang makapasok sa paaralan.

"Hindi ako puwedeng mag-absent ngayon, may mahaba kaming pagsusulit," saad ko sa aking isip habang pinapahid ang iilang luhang  pumatak sa pisngi ko. 

Matapos kong naipaghanda ang dalawa kong pinsan ay hinanda ko na rin ang aking sarili. Tinapos ko na agad ang mga gawaing bahay. Batid kong hindi na ako makakapasok sa unang paksa ngayong umaga kaya sisikapin kong makapasok sa ikalawang paksa kung saan kami ay may pagsusulit. 

Nang makaalis na ang dalawa kong pinsan ay mabilis akong tumungo sa banyo upang maligo.

Habang lumilipas ang ilang taon at nadadagdagan ang edad ko, pakiramdam ko ay pagsubok na rin maging ang pagliligo ko sa banyo.

Sa tuwing naliligo kasi ako ay madalas na akong hindi mapalagay, para bang palaging mayroong nagmamasid. Isang beses ko na ring nahuli ang tiyuhin kong naninilip sa banyo no'ng naliligo ako. 

Kinikilabutan ako sa tuwing kami na lang ang naiiwan sa bahay. Minsan ko na rin itong isinalaysay sa tiyahin ko ngunit nagmukha akong sinungaling dahil umano sa huwad kong paratang. Iyon na rin ang simula ng malalang pagtrato ni tiya sa akin. Nanahimik na lang ako no'ng isang beses ko ulit siyang naabutan sa kuwarto ko. Nagising ako sa gitna ng gabi at nakita ko siya na pinagmamasdan ako habang natutulog. Kukumutan niya lang daw ako kaya naroon siya sa silid ko noong gabing 'yon. Halos magdamag ay mulat ang mga mata ko at gising ang diwa dahil hindi na ako dinalaw ng antok. Abala na ang isip ko sa mga posibleng mangyari kapag nakapikit na ako. Isa na rin iyan sa mga dahilan kung bakit madalas na akong napupuyat.

Binilisan ko na agad ang pagkilos at nagmadaling pumasok sa banyo. Alam kong natutulog pa si Tiyo Henry sa mga oras na ito. Gabi na rin ito kung umuwi dahil sa kaniyang trabaho. 

Matapos kong maligo ay naglakad na ako patungo sa kuwarto, wala itong pinto at tanging kurtina lamang ang nagsisilbing pantakip dito kaya madalas akong kinakabahan sa tuwing gabi. Habang tumatagal kasi ay natatakot na rin ako sa kakaibang ikinikilos at mga titig ni tiyo sa akin. Lalo na sa tuwing nag-iinuman sila ng mga barkada niya at wala si Tiya Marita.

Para akong naistatwa nang makarating ako sa aking silid. Namataan ko kasi tiyo na nakahiga sa kama ko. Parang may kung anong bagay na bumara sa lalamunin ko dahilan upang hindi agad ako makapagsalita. Mas dumoble ang lamig na nararamdaman ko dahil sa mabilis na pag-usbong ng takot at kaba sa dibdib ko. Halos ayaw bumuka ng bibig ko upang tanungin siya kung ano ang ginagawa niya roon. Gayunpaman ay nilabanan ko ang takot ko at sa huli ay nagkaroon din ng lakas ng loob upang komprontahin siya.

"M-may kailangan po ba kayo, tiyo? Napahawak ako nang mahigpit sa tuwalyang nakapulupot sa katawan ko.

"Oo, hinahanap ko 'yong damit ko, baka napasali riyan sa mga nailigpit mo, kaya nga lang hindi ko nakita kaya humiga na muna ako. Papasok ka pa ba? Hindi ba't sinabi ng Tiya Marita mo na 'wag ka na munang pumasok ngayon? Narinig ko kasi kayong nag-uusap kanina," saad nito habang pinagmamasdan ang kabuohan ko. Ayokong mag-isip ng masama pero masyado kasing malagkit ang mga titig nito dahilan uoang maasiwa ako. Dahan-dahan na rin siyang nag-unat ng mga kamay sa kalagitnaan ng paghihikab na para bang kagigising lang at saka bumangon sa aking kama.

"M-may long quiz po kasi kami ngayon tiyo, h-hindi po ako puwedeng mag-absent. Malaki po ang magiging epekto nito sa grado ko kapag hindi po ako papasok." 

"Gano'n ba? Sige pumasok ka na, 'wag kang mag-alala hindi ko sasabihin sa tiya mo." Hinithit pa nito ang hawak na sigarilyo na hindi ko na napansing ipinatong niya gilid ng maliit na lamesang katabi ng maliit kong kama at ngumiti nang bahagya. Amoy ng shampoo at sabon lang na galing sa akin ang naamoy ko kanina at ngayon ko lang nalanghap ang amoy ng sigarilyo.

Kinikilabutan man at naiilang ay pinilit ko pa ring ngumiti pabalik sa kaniya.

"Maraming salamat po tiyo," sambit ko. Kahit papaano ay natutuwa ako dahil makakapasok ako sa eskuwelahan nang hindi niya pipigilan. 

Maya-maya ay dahan-dahan itong humakbang palapit sa'kin dahilan upang ako ay matuod. Halos idikit na kasi nito ang kaniyang katawan sa tagiliran ko at pasimple akong inamoy. 

"Huwag ka nang magpasalamat, sa susunod na kailangan ko nang kapalit huwag ka na lang tumanggi, ayos ba?" bulong nito sa likod ng aking tainga. Tumindig ang mga balahibo ko, tila ba may kung anong gumapang sa balat ko. Nanginig ang mga tuhod ko, bigla akong kinilabutan sa kaniyang sinabi. Malakas at mabilis ang kalabog ng dibdib ko. Hindi ko alam kung napansin 'yon ni Tiyo Henry. Para bang may ibang kahulugan ang gusto nitong ipahiwatig. Hirap akong napalunok ng laway hanggang sa tuluyan na ngang binalot ng takot ang puso ko.

Nakahinga na lang ako nang maluwag nang tuluyan niya nang nilisan ang silid ko. Napabuga ako ng malalim na hininga, hindi ko magawang iwaksi sa aking isipan ang huling sinabi ni tiyo. Saglit pa akong natulala. Nang hindi ko na narinig ang mga yabag niya ay mabilis kong isinara ang kurtinang pantakip sa pintuan ng kuwarto ko. Siniguro kong hindi ito magkakaroon ng pagkakataong makapamboso bago ko hinubad ang aking tuwalya at saka nagmadaling isinuot ang mga saplot ko.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status