Share

CHAPTER 3

CHAPTER 3

Habang lumilipas ang araw at linggo ay napapadalas ang pag-alis ni Tiya Marita sa bahay. Madalas na kami lang ng mga pinsan ko at tiyuhin ang naroon. Kasundo ko naman si Maui, ngunit si Arah ay tila namana ang ugali sa kaniyang ina, lahat kasi ng mga mali kong nagawa ay agad nitong napupuna at isinusumbong kay tiya. Kahit papaano ay nasasanay na rin naman akong tinatrato niyang katulong. Kaso nga lang ay hindi ko matanggap ang iba nitong paratang tulad na lang nang pangungupit ko umano ng pera. 

Halos magka-edad lang kami ni Arah, buwan lang ang tanda ko sa kaniya. Hindi ko maintindihan kung bakit tila abot hanggang langit ang galit niya sa akin gayong wala naman akong ginagawa sa kaniya. Hindi ko naman ginustong ikinukumpara kami ng mga kapitbahay namin. Palagi akong pinupuri kahit pa noong nagdadalaga pa lang ako, mas madalas nga lang nilang sabihin na mas gumaganda at mas lumilitaw na umano ang hubog ng katawan ko ngayon. Sinasadya pa yata ng iba na iparinig 'yon kapag nariyan si Arah. Hindi rin naman kasi ito namamansin ng mga kapitbahay at madalas niyang sinusungitan kaya siguro mas lalo siyang inaasar ng mga ito. Pakiramdam ko tuloy ay nabalot ng inggit at galit ang kaniyang puso. Pero kahit na gano'n niya ako kung tratuhin ay minabuti ko pa rin na pakitunguhan siya nang maayos. 

Alas onse na ng gabi ngunit abala pa rin ako sa mga gawaing bahay. Nag-iimbak na ako ng tubig dahil wala ng tagas tuwing umaga. Squater kasi ang lugar na tinitirhan namin, maingay, magulo at kabilaan mong maririnig ang madalas na away ng mga kapitbahay.

Nang masiguro kong natapos ko na ang lahat ng mga gawain ko ay tumungo na ako sa aking kuwarto at inihanda ang sarili sa pagtulog.

Nagising ako dahil sa mga yabag at kaluskos na narinig ko papalit sa aking kuwarto. Dahil sa sobrang pagod ay hindi ko na nagawang bumangon upang tingnan kung kanino nagmula ang kaluskos at yabag na 'yon. 

"Baka dumating na si Tiya Marita," saad ko sa aking isip. Muli kong pinikit ang mga mata ko dahil na rin sa bigat ng talukap nito. 

Tila naalimpungatan ako nang maramdaman kong may magaspang na kamay ang humahaplos sa mga hita ko. Napasinghap ako at mabilis na bumalikwas sa kama at nanlalaki ang mga mata nang maaninag ng kaunting liwanag ng ilaw ang mukha ni Tiyo Henry. Nalanghap ko ang amoy nitong alak na mabilis na umalingasaw sa silid ko.

"Tiyo Henry, ano po'ng ginagawa niyo?!" Sumiksik ako sa sulok ng kama habang pilit na dumidistansiya sa kaniya.

"Shh.. 'wag kang maingay, hindi ba't sinabi ko sa'yo na huwag kang tatanggi kung maniningil na ako kapalit ng mga pagtatakip ko sa iyo," halos pabulong nitong sambit sa akin. Batid kong lango ito sa alak dahil halos mabulol ito sa pagsasalita. 

Sinubukan kong umibis ng kama upang makatakbo ngunit wala akong nagawa nang tuluyan siyang makalapit sa akin. Sa liit ng kuwarto ko ay wala akong pagtatakbuhan. Pilit niya akong iginagapos sa kaniyang mga bisig at pinagbantaang sasaktan kung sisigaw ako. Mabilis at sunod-sunod ang pakawala ko ng hininga dahil pilit niyang tinatakpan ang bibig ko. Nanghihina na rin ako dahil maraming beses na akong pumiksi ngunit parang bakal sa tigas ang mga bisig ni tiyo dahil hindi man lang siya tinablan sa mga sampal at kalmot ko. Nang tuluyan niyang matakpan ang bibig ko ay sinubukan ko pa ring magpumiglas upang makawala, subalit mabilis nitong nahawakan ang dalawa kong kamay at agad akong pinadapa sa kama. Ininda ko kaagad ang sakit nang puwersahan nitong hinuhubad ang suot kong bistidang pantulog. Paulit-ulit akong nagsusumigaw ngunit hindi nagsilbi dahil mas lalo nitong idiin ang kaniyang kamay sa bibig ko. Sinimulan niyang haplusin ang makinis kong balat. Halos bumaliktad ang sikmura ko sa sobrang pagkaasiwa sa ginagawa niya sa katawan ko. Kasabay nang pagpupumiglas ko ay ang pagragasa ng malalaki kong pawis at luha. Hinang-hina na ako at nauubusan na ng lakas ngunit patuloy pa rin akong lumalaban. Diring-diri ako sa sarili ko nang makalapat na ang labi nito sa leeg ko. 

Hindi ko na namalayan kung paano ako nakahugot ng lakas at kung paano nakawala ang isa kong kamay mula kaniyang mahigpit na pagkakahawak. Nang may nakapa ang kamay kong matigas na bagay ay walang pag-aalinlangan ko iyong pinukpok sa kaniya dahilan upang mawalan siya ng ulirat. Hindi ko sinasadyang matamaan ang kaniyang ulo, nasa likuran ko siya kaya hindi ko alam kung saang parte ng katawan niya tatama ang alkansiyang de-kahoy na nakapa ko. Malapit na itong mapuno kaya mabigat at hindi gaanong maingay.

Nanginginig ang mga tuhod ko, humahangos ako sa matinding pagod dahil sa pagpupumulit kong makawala. Hindi ko alam ang gagawin dahil hindi na ako makapag-isip nang maayos. Blangko ang isipan ko at hindi makausad sa nangyari.

"Ate Cailee.." Mula sa pagkabalisa ay bumalik ako sa aking sarili nang mahigpit akong niyakap ni Maui. Walang salita akong yumakap pabalik sa kaniya nang mas mahigpit. Pareho kaming humahagulgol at mas ramdam ko ang panginginig ng katawan niya.

"Ate, umalis ka na rito, alam kong matagal ka nang nagtitiis sa ginagawa ni papa sa iyo. Nasaksihan ko ang lahat ng nangyari, patawarin mo ako naunahan ako ng takot kaya wala akong ginawa kanina." Pahigpit nang pahigpit ang pagkakayakap niya sa akin habang binibigkas 'yon.

"Natatakot ako, hindi ko alam kung saan ako pupunta Mau." Muli akong napahagulgol. Punong-puno na ng luha ang aking pisngi at humahapdi na rin ang mga mata.

"Pumunta ka kahit saan, basta siguraduhin mong malayo rito sa atin. Kung maaari ay isumbong mo na lang si papa sa mga pulis, ate." Diterminado si Maui, matagal na rin pala niyang inoobserbahan ang masamang pagnanasa ng ama niya sa akin. Labing limang taong gulang na siya kaya't mulat na siya sa mga kakaibang pangyayari rito sa bahay. Kumalas kami mula sa mahigpit na pagkakayakap at nag-umpisang planuhin ang nararapat na gagawin.

Habang wala pang malay si Tiyo Henry ay tinulungan niya akong mag-impake ng mga gamit ko. Labis ang pasasalamat ko nang inabot nito ang perang inipon niya ng ilang taon para lang may magagamit ako sa pag-alis ko ngayong gabi. Hindi ko na iyon tinanggihan dahil alam niyang kakarampot lang ang baryang naipon ko sa aking alkansiya.

"Susuklian ko ito Mau, maraming-maraming salamat sa iyo. Pipilitin kong balikan ka, gagawa ako ng paraan upang magkita tayong muli," pangako ko sa kaniya. 

Tumango siya habang patuloy na umiiyak. "Bilisan mo na ate, baka magising na si papa." 

Nang handa na ako ay yumakap akong muli sa kaniya nang mahigpit. Kinakabahan ako pero kailangan kong maging matatag.

Si Maui lamang ang tangi kong kakampi at karamay sa tuwing nalulungkot ako. Taliwas sa ugali ni Arah, kahit ang kakarampot na pagkain nito'y hinahati pa niya upang pagsaluhan naming dalawa. 

Hindi ko na nilingon pa ang munting tahanan na ilang taon ko ring kinalakihan. Kahit puro pahirap at lungkot ang tanging alaala ko sa bahay ni Tiya Marita ay nagpapasalamat pa rin ako dahil kinupkop niya ako. 

Lutang ang isip ko at tila wala sa sarili habang naglalakad sa tabing kalsada. Hindi ko na namamalayang malayo-layo na rin pala ang nilakad ko, hindi man lang ako nakaramdam ng pagod. 

Hindi ko alam kung saan ako tutungo, malalim na ang gabi at ayokong makaisturbo kay Rina, ang tanging nasaisip ko lamang ay kailangan kong makalayo sa tahanan ng tiyahin ko. Gustuhin ko man na isuplong si Tiyo Henry sa mga pulis ay hindi ko magawa dahil sa awang nararamdaman ko para kay Maui, ama pa rin niya ito kahit papaano. Kalilimutan ko na lang nangyari. Simula ngayon ay kailangan kong maging matatag at magsikap upang buhayin ang sarili ko. Kung saan man ako dadalhin ng mga paa ko, sa lugar na 'yon ako magsisimula ng panibagong buhay.

"Kakayanin ko itong mag-isa, Diyos ko, gabayan n'yo po ako. Mama, Papa, tulungan niyo po ako," pagtangis ko habang nakatingala sa madilim na kalangitan.

Kasalukuyan akong nasa gitna ng isang mahabang tulay. Iilang sasakyan na lang ang dumaraan dahil malalim na ang gabi. Tinatagan ko ang loob ko kahit nababalot pa rin ng takot ang dibdib ko. Nang mapansin ko ang isang kulay puting van ay agad ko itong pinara. Agaran itong huminto at nagbukas ng bintana. Isang may edad na lalaki ang bumungad sa akin at agad na nagtanong kung saan ako pupunta. Hindi ko alam kung napansin nito ang namumugto kong mata, bigla kasing nag-iba ang ekspresyon ng kaniyang mukha nang masinagan ako ng ilaw mula sa dumaang sasakyan.

Hindi ko alam ang isasagot dahil wala naman talaga akong ideya kung saan ako tutungo, kusa na lamang bumuka ang bibig ko at hindi ko rin maunawaan ang sarili kung bakit at paano sumagi sa isip ko ang lugar ng Davao City.

"Tamang-tama hija pauwi kami ngayon ng misis ko roon. Halika't sumabay ka na sa amin," saad ng mamang drayber. Ramdam ko ang malasakit sa tinig nito kaya hindi na ako nag-alangan pang sumampa sa sasakyan. 

Nang sumakay na ako ay doon ko napansin ang kaniyang misis na nagising yata nang mag-usap kami ni manong drayber. Ngumiti ito sa akin at pinatabi ako sa kaniyang puwesto. Dumungaw ako sa bintana ng sasakyan at sa mga dinadaanan lang  namin ako tumitingin upang makaiwas sa kanila at hindi makahalatang nagsisinungaling ako sa mga katanungan nila. Patuloy akong kinakausap ng mag-asawa at lahat ng isinasagot ko ay purong kasinungalingan. 

"Sigurado ka bang tiyahin mo ang pupuntahan mo sa Davao? Miss, tutulungan ka namin. Magsabi ka ng totoo, bakit ganitong oras mo naman naisipang bumiyahe? Hating gabi pa lang ah," may pagdududang tanong ng ale.

Tumango lang ako at ngumiti, pero peke ang ngiti kong 'yon. Hindi ko na nagawang tumugon pa sa mga tanong nila, ayaw ko na ring humaba pa ang pag-uusap namin.

Nang tumigil na ang ale sa pagtatanong ay unti-unti ko na ring naramdaman ang pinaghalong pagod at antok kaya tuluyan na akong pumikit hanggang sa hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako.

Pasikat na ang araw nang magising ako, mag-aanim na oras din ang nilakbay namin mula Cotabato City patungong lungsod ng Davao. 

"Hija, narito na tayo sa lungsod ng Davao, saan ka ba bababa?" tanong ng mama. Bahagya pa itong lumingon sa akin. Pinagmasdan ko muna ang lugar at saka nagsalita.

"Puwede n'yo na po akong ibaba rito," saad ko habang pinipilit pa ring ngumiti.

"Hija, tawagan mo ako kung sakaling kailangan mo ng tulong ko, mayroon akong maliit na puwesto sa palengke, baka kailangan mo ng trabaho. Iba ang kutob ko sa'yong bata ka eh, sana ay nagsasabi ka ng totoo." Inabot nito ang maliit na papel kung saan nakalakip ang kaniyang cellphone number. 

Tuluyan na akong nagpaalam at bumaba sa sasakyan matapos ko silang pasalamatan. Nang makaalis na sila ay huminga muna ako nang malalim. Hindi ko alam kung ano ang una kong gagawin. Nang maglakad ako at natapat sa isang karendirya ay sabay namang kumalam ang aking sikmura, hudyat na ako ay nagugutom na. Dahil hindi ko na matiis ang gutom ay nagdesisyon na akong kumain.

Matapos kong kumain ay matagal kong pinagmasdan ang numerong ibinigay ng ale. 

"Miss, mayroon po ba kayong cellphone? Maaari po bang makitawag?" tanong ko sa babaeng serbidora sa karendiryang kinainan ko. Hindi naman ito nag-atubiling ipahiram ang kaniyang de-keypad na cellphone. Kumawala akong muli ng malalim na hininga at saka nagtipa ng mga numerong nakasulat sa maliit na papel.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status