Share

Dawn At Night
Dawn At Night
Author: Eternalqueen

Simula

Simula

Palaging may liwanag sa dulo ng madilim na lagusan. Iyon ang palagi kong itinatatak sa puso at isip ko. Sa tuwing nawawalan ako ng pag-asa o kaya naman ay gusto ko nang sumuko, iniisip ko na lang na matatapos din ang lahat. Na balang araw, makakamit ko rin ang inaasam ko sa buhay.

Mabilis kong isinarado ang kalan nang makitang luto na ang almusal na ginawa ko. Sinandok ko iyon sa plato bago ko inilapag sa mesa.

Wala pang ilang segundo ay narinig ko na ang mga yapak ng paa ng pamilya ko. Sunod-sunod silang pumasok sa kusina kung nasaan ako.

Nakangiti ko silang tiningnan. “Magandang umaga!”

Humalik ako sa pisngi nila mama at papa nang makaupo sila sa hapagkainan. Nakangiting pinagmasdan ni mama ang pagkain sa mesa.

“Naku, dapat hindi ka na nagluto ng almusal. Ako dapat ang gumagawa nito,” sabi ni mama. 

Natawa naman si papa. "Ano ka ba naman, mahal. Hayaan mo na si Dawn at nagsasanay iyan para maging mabuting may-bahay,” biro ni papa kaya sumimangot ako.

Nagtawanan naman ang dalawa kong nakababatang kapatid. Ang hilig talaga nila akong pagkaisahan. Hindi matatapos ang isang araw nang hindi nila ako inaasar. 

Pero kahit ganyan sila, mahal na mahal ko sila. Handa akong gawin ang lahat para sa kanila. Ayos lang kahit asarin nila ako palagi, kung doon sila masaya.

Ngumiti ako. “’Ma, ’Pa, alam ko pong pagod kayo sa trabaho sa palengke kaya ako na ang nagluluto ng almusal. Hindi pa po ako mag-aasawa,” paliwanag ko at naupo na rin sa harap ng hapag.

Hindi mayaman ang pamilya namin. Pero hindi rin naman kami gano’n kahirap. Nagtatrabaho sa palengke sina mama at papa. Sapat lang ang kita nila para sa isang araw naming gastusin. Habang ako naman ay nagta-trabaho bilang tindera sa bakery. Ang kinikita ko ro’n ay ginagamit ko naman sa ibang gastusin ko sa school pati na rin sa mga kapatid ko.

Hindi rin naman gaanong kalakihan ang bahay namin. Isang palapag lang ito at may dalawang kuwarto. Ang isa ay para sa mga magulang ko at ang isa ay para sa aming magkakapatid. 

“Ate, susunduin ka ba ulit ni Kuya Allen?” biglaang tanong ni Danico, ang pangalawa sa aming magkakapatid.

Sumulyap ako sa magulang ko na nakangiti sa akin bago ako tumango kay Danico.

“Oo. Baka parating na rin ’yun. Bakit mo naitanong?” tanong ko rin bago nagsimulang kumain.

Umiling siya at ibinalik ang tingin sa kaniyang pagkain. Bahagyang nakabusangot ang kaniyang mukha na para bang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko.

Gusto ko sana siyang tanungin kung may problema ba siya kay Allen pero hinayaan ko na lamang dahil nasa harap kami ng hapagkainan. 

Bumuntonghininga si mama. “Dawn, anak, ” panimula niya bago hinawakan ang kamay ko. “Suportado namin ang relasyon n’yo ni Allen pero huwag ka munang mag-aasawa, ha?”

Ngumiti ako bago tumango. “Opo, ’ma. Magtatapos pa ako sa pag-aaral at tutulungan ko pa kayo. Marami pa po akong pangarap sa buhay at kasama kayo ro’n.”

“Alam naman namin ng papa mo na hindi mo kami pababayaan. Ikaw talaga ang nagsisilbing liwanag sa pamilya natin.”

Bumuntonghininga ako habang nag-iinit ang sulok ng aking mata. 

Palagi nilang sinasabi na nagdudulot daw ako ng liwanag sa taong nakakasalamuha ko. Hindi ko alam na may lahi pala akong flashlight o daig ko pa ang Meralco. Char!

Kung may bitbit nga akong liwanag sa iba, sana makatulong ako para makalabas sila sa dilim na tinatahak nila. Baka iyon talaga ang silbi ko sa mundo. Magbigay ng pag-asa at tumulong sa iba. Magsilbing liwanag sa madilim nilang landas.

“Tama na nga ang drama. Kumain na tayo,” pag-iba ko ng usapan at natawa na lang kaming lahat.

Nang matapos kumain ay inayos ko na ang gamit ko sa bag. Tumunog na ang cellphone ko sa mensahe mula kay Allen. Nasa labas na raw siya. 

“Ma! Pa! Nasa labas na po si Allen. Alis na po ako!” sigaw ko dahil palabas na ako ng bahay.

Natanaw ko na agad si Allen na nakasandal sa motor niya. Magpapahatid kasi ako sa kanya papunta sa school na pag-aapply-an ko sa college. Incoming freshman na kasi ako sa pasukan at related sa business ang kukunin kong kurso.

May kamahalan ang tuition fee sa school na gusto kong pasukan kaya kailangan ko ring mag-apply para sa scholarship. Sana talaga makapasa ako. 

“Hi,” bati ko kay Allen dahil abala siya sa cellphone niya. Agad niya iyong itinago bago nag-angat ng tingin sa akin.

“Hey,” nakangiti niyang bati bago ako hinalikan sa noo. “Halika na. Baka ma-late pa tayo pareho.”

College student na si Allen iyon nga lang sa ibang school siya nag-aaral. Schoolmates kami noong high school kaya kami nagkakilala. Napansin ko na siya agad noong una kaming nagkita dahil sikat siya sa campus dati. 

Bukod kasi sa matangkad, guwapo, at matalino siya ay mabait talaga. Palakaibigan din kaya marami siyang ka-close sa school noon. 

Hindi ko nga alam na mapapansin niya ako, eh. Basta isang araw, niligawan niya ako at pagkatapos ng tatlong buwan ay sinagot ko siya. Ngayon ay malapit na kaming mag-limang taon.

Inalalayan niya akong sumakay sa motor bago niya binuhay ang makina. Kumapit ako sa beywang niya habang pinapatakbo niya ito. 

Sa halos limang taon na relasyon namin ni Allen ay hindi man lang ako nakaramdam ng lungkot o sakit. Siguro dahil hindi naman ako masiyadong nag-de-demand sa kaniya kaya hindi din ako masiyadong na-di-disappoint.

Kalahating oras lang ang tagal ng biyahe papunta sa university. Pagdating doon ay natanaw ko na agad si Chariz sa entrance gate. 

“Chariz!” tawag ko sa kaibigan ko at agad siyang napalingon sa akin.

Nanlaki ang mata niya at agad na tumakbo palapit sa akin. Sinalubong ko siya ng yakap. Ngayon lang ulit kami nagkita mula nang magbakasyon dahil abala rin siya sa family business nila. Habang ako nga ay abala sa aking pamilya.

Kumalas siya sa yakap at malapad ang ngiti na hinarap ako. 

“Na-miss kita, Dawn! Buti na lang at pareho tayo nang a-apply-an na university. Sana makapasa tayo pareho para mas masaya ang college life natin!” na-e-excite na saad niya at may kasamang pagtaas pa ng kamay.

Ngumiti rin ako. “Sana nga. Buti ka pa hindi mo na kailangang mag-apply for scholarship. Entrance exam na lang ang iintindihin mo.”

May kaya sa buhay sila Chariz kaya naman afford ng pamilya niya ang tuition fee. At saka nag-iisang anak lang siya hindi katulad ko, may dalawa akong nakababatang kapatid. 

“Hi, Allen!” bati ni Chariz sa boyfriend ko.

At kagaya ng dati ay tumango lang sa kaniya si Allen bago tumingin sa akin. 

“Mauuna na ako, Dawn. Text ka na lang kapag magpapasundo ka,” bilin ni Allen bago pinaandar ang motor at umalis.

Gano’n talaga siya madalas. Parang mailap sa ibang tao at sobrang lamig makitungo. Hindi naman ganiyan dati, sobrang sweet at clingy niya nga noon pero siguro dahil sa tagal na rin namin kaya hindi na kami masiyadong showy sa isa’t isa.

Pinagmasdan ko habang papalayo si Allen bago ko ulit hinarap si Chariz. Napahawak pa siya sa kaniyang dibdib at bahagyang nanlaki ang mata.

Natawa ako. “Ayos ka lang? Nasobrahan ka yata sa kape,” biro ko bago naunang maglakad patungo sa gate.

Agad naman siyang sumunod at umangkla pa sa braso ko. 

“Ahm, mahal mo talaga si Allen, ’no?" tanong niya pagkapasok namin.

Tumango ako habang nakakunot ang noo. “Oo naman. Bakit? Halata ba masyado?”

Hindi siya kumibo kaya nilingon ko siya. Diretso ang tingin niya pero halatang malalim ang iniisip. Naalala kong ganyan na ganyan din ang reaksyon ni Danico kanina nang magtanong siya tungkol kay Allen. 

Ano bang problema ng mga tao sa paligid ko ngayon? Parang mga wala sa sarili, eh.

“Huy! Natulala ka na diyan.” Binangga ko ang balikat niya kaya bumalik siya sa reyalidad.

Ngumiti siya pero alam kong pilit iyon.

“S-Sorry. May iniisip lang ako,” nauutal niyang palusot.

Mataman ko siyang tinitigan habang pinag-aaralan ang reaksyon niya. Hindi magaling magtago ng sikreto si Chariz. Sa tagal na naming magkaibigan, halos alam ko na kung paano mag-isip ang babaeng ’to.

“Bakit ganiyan ka makatingin?” tanong niya at nagkibit-balikat lang ako. “Tara na nga! Baka mahaba na ang pila.” 

Pagkasabi n’on ay agad niya akong hinila patungo sa isang building.

Naguguluhan man ako sa ikinikilos niya ay hindi na ako nag-usisa pa. Baka kinakabahan lang siya para sa entrance exam. 

“Dawn Talia Celeste.”

Nagtaas ako ng kamay nang marinig ko ang pangalan ko. Nasa loob na kami ng room kung saan kami mag-e-exam at tinatawag isa-isa ang mga estudyante para masigurong nandito na lahat. One-seat apart din ang mga upuan para masigurong walang kopyahan na magaganap. Gano’n kahigpit ang university na ’to.

Alphabetical letter ang arrangement ng mga applicants sa bawat room kaya hindi kami magkasama ni Chariz. Rivero kasi ang apelyido ng kaibigan ko at mukhang malayo ang room niya rito. Bukod pa roon, may dagdag na exam para sa aming mag-t-take ng scholarship.

“You may now start answering. Goodluck.”

Agad kong binuklat ang answer sheet at questionnaire nang payagan kami ng proctor. Sa isip ko ay hinihiling ko na sana ay masagutan ko nang tama ang mga tanong dito.

Ilang oras din ang itinagal nang exam namin kaya paglabas ay halos gutom na ako. Buti na lang at natanaw ko na agad si Chariz sa waiting area ng campus.

Hinihimas niya ang tiyan habang papalapit sa ’kin. “Gutom na ako. Kain muna tayo,” sabi niya.

Sumulyap muna ako sa cellphone ko para tingnan ang oras. May trabaho pa kasi ako sa bakery ngayong hapon. Hindi ako pumasok kaninang umaga dahil nandito ako sa campus kaya ngayong hapon ay didiretso na ako ro’n.

“Sige. Tara na para makapunta na rin ako sa bakery,” sabi ko.

Nagtungo kami sa karinderya na katapat lang ng university. Buti na lang at may dala akong extra-budget kaya may pambili ako ng pagkain.

“Dalawang order nga po ng adobo at kanin,” sabi ni Chariz doon sa tindera.

Habang hinahanda ang order namin ay nakapangalumbabang humarap sa akin si Chariz. 

“Dawn, itong itatanong ko sa ’yo general question lang ah.” Umayos ako nang pagkakaupo at tumango sa kanya. “Paano kung may ibang babae si Allen?”

Hindi ako nakasagot agad dahil inilapag na sa harap namin ang order namin. Hinintay ko munang umalis ang babae bago ako ulit humarap kay Chariz.

“Ano ba namang tanong ’yan?” natatawa kong sambit bago sumubo sa pagkain ko.

Ngumuso siya. “General question nga lang. Sagutin mo na kasi.”

This time, napaisip na ako sa tanong niya. Paano kung may babae ang boyfriend ko? Kahit kailan hindi sumagi sa isip ko ang ganoong bagay. Malaki ang tiwala ko kay Allen at wala naman siyang ginawang bagay na talagang pagdududahan ko.

Nagkibit-balikat ako. “Hindi ko alam. May tiwala ako sa kanya at kung may babae nga siya, siguro masasaktan ako pero maiintindihan ko rin. I mean, alam kong marami akong pagkukulang. At kung mahanap niya sa iba ang pagkukulang ko, ayos lang. Tatanggapin ko.”

Kumirot ang puso ko sa isiping iyon. Kung ayaw na sa akin ni Allen, palalayain ko siya. Hindi ko siya ikukulong sa relasyon namin. Kung hindi na siya masaya sa ’kin, hahayaan ko siyang sumaya sa iba.

“Bakit ka ba ganyan, Dawn? Gano’n na lang? Pakakawalan mo siya agad? Kahit na masasaktan ka?”

Kumunot ang noo ko bago ngumiti. “Chariz, mahal ko si Allen. Gusto kong maging masaya siya kaya kung hindi na siya masaya sa ’kin, pakakawalan ko siya.”

Hindi dapat makasarili ang pagmamahal. Dapat hangad mo lagi ang kasiyahan ng taong mahal mo. At kaakibat ng pagmamahal ang masaktan. Handa akong masaktan basta ba magiging masaya siya.

Pagkatapos naming kumain ay naghiwalay na kami ni Chariz. May lakad pa raw kasi siya habang ako ay sumakay na ng jeep papunta sa bakery na pinapasukan ko.

“O Dawn, kumusta ang exam? Akala ko ay aabutin ka ng gabi roon,” bungad sa akin ni Aling Mona, ang may-ari ng bakery.

Inilapag ko ang bag ko sa mesa bago siya pinalitan sa kaha. 

“Ayos lang naman po. Medyo mahirap nga lang pero kaya naman,” sagot ko.

Nagpaypay siya gamit ang kaniyang abaniko bago umupo sa isang silya.

May edad na si Aling Mona ngunit malakas pa. Kitang-kita na ang mga puting buhok sa kaniyang ulo maging ang nangungulubot ng balat sa kaniyang mukha.

Isang taon na rin ako rito sa bakery niya dahil bukod sa mabait siya bilang amo, nakatutuwa pa siyang kausap.

Itiniklop niya ang hawak na abaniko. “Naku, alam kong makakakapasa ka doon. Ikaw pa, eh matalino ka kaya at maganda pa.”

Natawa ako sa papuri niya sa akin. Wala kasi siyang anak na babae kaya anak na rin ang turing niya sa akin. Para ko na rin naman siyang pangalawang ina. Nagsasabi ako sa kaniya ng problema minsan lalo na kapag alam kong abala sila mama.

“Pabili nga!”

Agad akong tumayo nang may dumating na kustomer. Namumukhaan ko ang lalaki, siya iyong tambay doon sa may kanto. Madalas siyang bumili rito lalo na kung ako ang tindera.

“Ano po ’yun?” tanong ko.

Ngumisi siya kaya halos kilabutan ako. Bukod kasi sa namumula niyang mga mata, nangingitim pa ang kanyang labi dahil siguro sa sigarilyo. 

“Bente piraso ngang kababayan,” sabi niya at ibinalot ko agad ang kaniyang bibilhin.

Nang iabot ko iyon sa kanya ay pansin ko ang sadya niyang paghaplos sa kamay ko. Agad kong binawi ang aking kamay at kinuha ang bayad niya.

Buti na lang at hindi ko na siya kailangang suklian. Umalis din naman siya agad pagkatapos no’n. Nakahinga naman ako nang maluwag.

“Ikaw ba Iha ay may nobyo?” biglang tanong ni Aling Mona kaya nilingon ko siya.

Tumango ako. “Opo. Iyon pong naghahatid sa akin dito minsan,” sagot ko.

Ngumiwi siya kaya nagtaka ako. Mukhang pati si Aling Mona ay may isyu sa boyfriend ko.

“Iyong guwapo?” Tumango ako nang dahandahan. “Naku, mukhang hindi gagawa nang mabuti iyon. Teka, parang nakita ko nga siya noong nakaraan. May kasama siyang babae, hindi ako sigurado.”

Nanlumo ako sa narinig pero nanatili akong nakangiti. Baka naman kaklase niya ’yun o kaibigan. Saka sabi naman ni Aling Mona, hindi siya sigurado. Kaya baka hindi rin iyon totoo.

“O siya, ikaw na ang bahala rito sa bakery at ako’y uuwi na,” paalam niya sa akin kaya inalalayan ko siyang lumabas.

“Ingat po kayo,” sabi ko habang nakatanaw sa kanya.

Bumuntong-hininga ako habang iniisip ang sinabi ni Aling Mona. Naalala ko rin ang tanong ni Chariz kanina. Alam kong hindi nagkataon ang mga iyon. 

Paniguradong may nangyayaring hindi ko nalalaman. At mukhang hindi ko na rin gustong malaman iyon.

May babae ba si Allen? Magagawa niya ba ’yun?

Tumunog ang cellphone ko at nakitang nag-text si Allen. Agad ko iyong binasa.

From: Allen

Hindi muna kita masusundo ngayon. Nagkayayaan ang tropa. Ingat ka sa pag-uwi. I love you.

Napabuntonghininga ako at tumingin sa labas. Hindi makabubuti kung pag-iisipan ko siya nang masama. 

Tiwala. Kailangan ng tiwala sa isang relasyon. At may tiwala ako kay Allen. Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko mismo nakikita sa sarili kong mga mata.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status