Share

CHAPTER 1

[PEN's Point of View]

"Naku, ang galing-galing talaga ng pamangkin ko! Grumadweyt ka na namang top one. Kaya dapat talaga mag-doktor ka!" proud na sambit ni Tita Emily. Malaki ang kanyang ngiti, malakas ang kanyang boses at kulang na lang sabihin na kumikinang ang kanyang mga mata sa sobrang tuwa.

"Anong doktor, doktor? Mas bagay sa kanya ang maging abogado, no! Tignan mo nga, tayo pa lang ay pang-korte na." Lumapit naman ang Tita Isay habang hawak sa kaliwang kamay ang baso na may lamang juice at sumingit sa usapan dahil hindi s'ya kumbinsido sa narinig.

"Masyado n'yo namang pini-pressure ang bata. May dalawang taon pa 'yan sa high school. Pero ija, pagbutihin mo at nang maging magaling na accountant ka." Pag-sabay din ng Uncle Bob na sandali munang tumigil sa paglalagay ng pagkain sa kanyang plato upang makisali.

"Aba sira talaga ang tuktok ng isang 'to," inis na sambit ni Tita Isay at muntik pang hampasin ang asawa. "Ah, basta dapat mag-abogada ka. Kailangang magkaroon ng abogada sa pamilya."

"Ate naman, hindi ba't sinabi ko ng magiging stewardess ang anak ko? Sayang naman ang ipinamana kong ganda kung puro kriminal lang ang makakaharap nya." Ayan na. Dumating na si mama at ipinaglandakan na naman ang gandang ipinamana n'ya.

"Ma naman! 'Di ba po sinabi ko na sa inyong gusto kong maging engineer katulad ni papa? Ayan ka na naman sa stewardess, e."

Umugong ang malakas nilang tawanan bagay na hindi ko maintindihan. Anong nakakatawa dun?

"Oo na, oo na. Engineer na kung engineer. Baka lang naman mabago ko pa ang isip mo." Masuyong inangkla ni mama ang kanyang kamay at matamis na ngumiti.

"Oo nga, ija. Ayaw mo ba talagang mag-abogada? Alam mo ba? 'Yung anak ng kumare ko, nag-abogado. Gumanda ang buhay at nadala ang buong pamilya sa ibang bansa." Ayaw talagang patalo ni Tita Isay at patuloy na iginigiit ang kanyang gusto.

"Pupwede rin namang doktor na lang. Tapos sa ibang bansa ka magtatrabaho." Dagdag pa ni Tita Emily habang sopistikadang ipinapaypay ang dala n'yang abaniko.

"Naku Tita!  Kapag ako naging engineer na, hindi ko lang kayo dadalhin sa ibang bansa. Doon ko pa kayo patitirahin."

"Sana nga! Magkatotoo sana!" Pagtawa nilang lahat kaya napangiti na lang din ako.

Ang saya-saya ng lahat. Moving up kasi namin ngayon. Nagpa-cater sina mama at papa kaya maraming handa at ganun din ang mga bisita. Lahat nakangiti, lahat nag-e-enjoy, lahat busog, lahat masaya.

"Uy, Pen! Anong ginagawa mo d'yan?" Tanong sa akin ni kuya Ron kaya nawala ang atensyon ko sa kumpulan nina mama at ng mga tita ko. Napaayos ako ng tayo dahil baka mahalata n'yang para akong tangang nagtatago sa may pintuan para sumilip kina mama.

"Ah wala," sagot ko na lang.

"Ganun ba? Sakto. Pwede bang kumuha ka ng yelo sa ref? Wala na kasing yelo sa table namin, e. Pakidala na lang dun, p'wede?"

Literal akong napanganga sa sinabi n'ya. Seryoso? Gusto ko sana s'yang pagsabihan na hindi naman ako waiter dito at pwedeng-pwede n'ya namang gawin 'yun pero hindi ko din naman nagawa. Hays. Hindi na lang ako nagreklamo at tumango na lang.

"Sige, pakibilisan ha? Salamat!" sambit n'ya pa bago umalis at bumalik sa table nila.

"Sana talaga may anak din akong kasing talino mo. Ipagpatuloy mo 'yan Faye, ha? Siguradong magiging successful ka pagdating ng araw."

Napabaling ulit ako sa table kung saan masaya silang nag-uusap. Proud na proud sila kay Faye dahil top one na naman s'ya. At ako? Ayos lang naman ako. Nakatapak naman ako sa stage at nakamayan ang principal. 'Yun nga lang, hindi katulad ng kapatid ko, wala akong nakuha kahit isang award. Wala akong papuring natanggap. Ni wala nga yatang nakapansin sakin dito. Ni wala nga yatang may alam na nagtapos din ako ngayon. Ni wala nga yatang may pake.

"Pen, 'yung yelo!" Sigaw ni kuya Ron kaya nabalik ako sa sarili. 

"Ah, eto na." Halos magkumahog ako sa pagpasok sa loob at dumiretso sa kusina para kumuha ng yelo. Pabalik na ako sa labas nang makasalubong ko naman si Papa.

"Oh Pen, kumain ka na ba?" Tanong nya kaya napangiti ako. Kahit papaano, napansin ako ni Papa.

"Oo na po, Pa." Ngiting-ngiti kong sagot— iyong klase ng ngiti na umaabot hanggang tenga.

"Mabuti naman. Asikasuhin mo muna 'yung bisita sa labas, ah? Magpapalit lang ako ng damit. Saka maglabas ka na din ng leche flan. Kanina pa naghahanap ng dessert ang mga pinsan mo."

Unti-unting napawi ang ngiti ko. Tinapik ni papa ang balikat ko at saka ako nilampasan paakyat ng kwarto.

"Bilisan mo. Baka mainip na ang mga 'yun." Pahabol n'ya pa habang umaalingawngaw sa tenga ko ang mga yabag n'ya paakyat ng hagdan.

"O-opo," pabulong at nanghihina kong tugon.

Masakit, oo. Hindi 'yun ang inaasahan kong maririnig sa kanya. Congratulations. Akala ko maririnig ko na ang salitang 'yun. Akala ko lang pala.

Makailang beses akong umiling at kagat-labing nagpatuloy sa labas para pigilan ang nagbabadyang luha sa mga mata ko. Peste.

Dumiretso ako sa table nina Kuya Ron at inilapag ang hiningi n'yang yelo.

"Uy, Pen!"

Narinig ko pa ang pagtawag sa akin ng mga kasama ni Kuya Ron sa table pero nagdire-diretso na lang ako sa paglalakad paalis. Baka mautusan na naman ako. Kasi naman, hindi ako waiter dito! Kung pwede lang talagang isigaw 'yan sa kanila, baka kahapon pa lang, ginawa ko na.

"Pen! Pen, sandali!" Napatigil ako nang humarang si Tita Emily sa daraanan ko at hinawakan ako sa braso. "Bata ka, kanina pa kita hinahanap. Halika nga dito!"

Wala akong nagawa nang hatakin n'ya ako kaya nagpatianod na lang ako sa kanya papunta sa kanilang table. Natigil sa pag-uusap sina mama at binalingan kami ng tingin nang mapansin ang pagdating namin.

"Ayan na pala si Pen," nakangiting sambit ni Faye bagay na mas lalong nagpa-aliwalas ng kanyang magandang mukha. Dumagdag pa dito ang make-up na inilagay sa kanya at ang pina-rebond n'yang buhok. Samantalang ako, ni hindi nagawang maglagay kahit pulbo man lang. Mas inuna kasing ayusan si Faye at late na nang matapos kaya hindi na ako naasikaso. Pumunta kami sa ceremony na para lang akong papasok sa eskwelahan sa isang normal na araw— walang kahit na anong espesyal.

"Oo nga, Pen. Aba'y kanina ka pa namin hinahanap. Saan ka na naman ba tumambay, ha?" Salubong ang kilay ni mama at mababakasan ng pagka-inis ang kanyang boses sa akin.

Tumambay? Eh, nag-waiter na nga ako.

"D'yan lang po." Mahina kong tugon at hindi napigilang mapayuko habang nilalaro ang laylayan ng suot kong blouse.

"Hala, sige! Pen dito ka at nang makapag-picture na." Napaangat ako ng tingin nang marinig ang sinabi ni Tita Emily. Ilang segundo muna akong napatigil bago gumalaw ang aking mga kamay at mabilis na inayos ang lampas balikat kong buhok na mukhang dinaanan ng bagyo. Kusa ding kumurba ng ngiti ang aking mga labi at para bang biglang dumaloy ang dugo ko sa katawan dahilan para mabuhayan ako. Pakiramdam ko rin ay unti-unting lumiliwanag ang aking paligid at may naririnig akong masiglang kanta na hindi ko alam kung saan nanggagaling. Parang biglang nagkaroon ng himala. Ngayon lang kasi nila ako niyayang mag-picture. Mukhang wala nga yata akong picture noong nasa moving up ceremony palang kami. Lahat kasi sila... kay Faye ang atensyon.

"Oh, heto. Gandahan mo ang kuha, ha." Dagdag pa n'ya bago iniabot sa akin ang kanyang cellphone at dali-daling pumwesto sa likuran ni Faye habang nasa magkabilang gilid n'ya si mama at Tita Isay.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jofel Caringal
ouch, pain, pighati, sakit naman nun hays
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status