Share

Chapter 9

Agad rin akong napamulat dahil sa gulat. Unang nguya ko pa lamang ay rinig at ramdam ko na ang lutong ng kinakain ko na para bang kinakain ko 'yong balat ng fried chicken. Sa mga sumunod na nguya ay para ko namang kinakain ngayon ang laman ng fried chicken. Nakatulala lamang ako habang ngumunguya. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari. Hindi ako makapaniwala sa kinakain ko ngayon.

Papaanong… nangyari ang ganito? Dahon pero lasang fried chicken?

Nang matapos akong ngumuya ay napalingon ako sa kanila Mark at Dave na pareho rin palang nakatingin sa akin habang ngumunguya rin. They're waiting for my reaction. Pinagtaasan nila ako ng kilay para itanong ang opinyon ko.

Hindi ko nagawang makasagot. Muli lamang akong napatingin sa platong hawak ko bago agad na kumuha ng isa pang dahon at isinubo iyon. Napapikit ako nang malasahan naman ang isa pang dahong kalasa ng isa pang putahe sa mundo namin—ang sinigang. Lasang sinigang ang dahon!

Kumuha ako ng isa pa, at ng isa pa, at ng isa pa. Walang salita akong kumain. Hindi ako makapaniwala na nangyayari 'to pero hindi ko na nagawang magtanong pa sa mga kasamahan ko at patuloy na lamang na kumain. Mas nangibabaw ang tunog ng sikmura ko kaysa sa mga tanong sa utak ko. Mabilis ang bawat pagnguya ko dala na rin ng gutom. Nang muli kong inangat ang tingin ko ay bumalik na rin sa pagkain sina Mark at Dave.

Ang bilis-bilis naming kumain. Para kaming nag-uunahan tatlo. Para kaming kasali sa paligsahan ng pabilisang kumain. Kung nasa ibang sitwasyon lang kami ngayon ay malamang na pagtatawanan ko na ang sarili ko sa bilis at lakas kong kumain ngayon, subalit wala nang oras para sa ganyan. Wala na rin akong balak pang pigilan ang gutom ko. Wala na akong pakialam kung magmukha man akong patay gutom basta't magkalaman lamang ang tiyan ko.

Ilang minuto lamang ay natapos na akong kumain, maging sina Mark at Dave ay inilagay na ang mga plato nila sa pinaglagyan nito kanina. Tumayo na rin ako para ilagay 'yong akin. Nang sandaling mailagay ko na iyon ay bahagya akong napaatras nang kusa itong magsara. Bumalik na ito sa pagiging isang sphere na may mga paa.

Bumalik na lamang ako sa kama ko at umupo habang nakatulala. Ilang saglit pa ay nakita ko na namang paparating ang isang alien. Hindi pa man siya nakakapasok sa selda namin ay agad nang nagtama ang mga mata namin kung kaya't alam kong si Blue na naman ito. Muli niyang idinikit ang palad niya sa gilid ng selda at agad naman iyong bumukas.

Grabe, hindi pa rin ako makapaniwalang may mga naninirahan talaga sa ibang planeta. Oo, matagal ko na talagang naiisip at pinaniniwalaang may mga katulad nila sa ibang planeta pero hindi ko naman aakalaing makakaharap ko mismo sila.

Para rin talaga silang kami. May dalawang mga braso at kamay, may dalawang mga paa. Maging ang tindig nila, at ang porma ng mga katawan nila ay katulad sa amin. Naiisip ko tuloy na baka… kamukha namin sila. Hindi kaya? Pero baka hindi rin. Baka iyong mga parang helmet talaga ang mga ulo nila.

At iyong mga mata nila iba rin sa amin. Well, may pagkakatulad ang hugis at ang pwesto ngunit 'yong kulay ay iba. Makukulay ang sa kanila. Para iyong mga bituin at kung anu-ano pang makikita sa kalawakan. Parang mga makukulay na galaxy.

Ngunit dahil sa kulay ng mga mata nila, hindi ko sila mabasa. Hindi ko mabasa kung ano ang tumatakbo sa mga isipan nila. Malay ko ba baka pinagpaplanuhan na pala nila ang kamatayan namin.

Nang tuluyang makapasok si Blue ay muli niyang nilapitan iyong lamesang sphere at hinawakan iyon sa magkabilang gilid. Kusang natiklop ang mga paa no'n kaya naman ang bilog na lamang ang hawak niya katulad kanina.

Saglit siyang huminto at napatingin sa amin nina Mark at Dave. Tiningnan niya kami isa-isa bago muling huminto sa akin ang mga tingin niya. Napaayos ako ng upo nang biglang umilaw ang dibdib niya. Saglit lamang iyon at agad na siyang lumabas.

Pinakiramdaman ko ang sarili ko kung bumibigat ba ang pakiramdam ko katulad kanina pero mabuti na lamang at hindi naman. So, ano 'yong ginawa niya? Ano 'yong… sinabi niya? Iyon ba talaga ang paraan ng pagsasalita nila? Litong-lito na 'ko. Ang daming tanong na nabubuo sa utak ko. Masyado silang misteryoso.

Napatingin ako sa mga kasamahan ko at kapareho ko rin silang naguguluhan. Nagkibit-balikat lamang si Mark. Si Dave naman ay nagawa pa akong asarin.

"Baka trip ka," tumatawang aniya.

Sinamaan ko siya ng tingin. "Akala ko pa naman napakaseryoso mong tao. Katulad ka lang din pala ni Josh. Mapang-asar." Napailing ako. Totoo naman kasi. Akala ko mature siya at katulad ni Mark kung mag-isip. Medyo may pagka-Josh din pala. Ang kulit.

"Siyempre, magkaibigan kami eh. Parehas kami ng ugali kaya kami nagkasundo. 'Yon nga lang, mas mature pa rin ako sa kaniya. Pero mapang-asar din." Natatawang aniya. Muli na lamang akong napailing at napairap.

Napabuntong hininga ako bago muling napahiga sa kama ko. Tumayo naman si Mark at nag-inat-inat. Mag-eexercise ata siya. Gusto ko rin sana para mawala kahit papaano ang stress ko kaya lang ang daming tumatakbo sa isip ko. Hindi ako makakapagfocus. Sinusubukan ko ring mag-isip ng paraan kung paano kami makakatakas sa lugar na 'to. Naisip ko rin na maghanap ng ibang planeta sa oras na makaalis na kami sa kamay ng mga alien na nagkulong sa amin. Kaso wala talaga akong maisip. Ang hirap.

Paano na ngayon? Ganito nalang ba kami? Paano na ang mga tao sa Earth? Sina Mara at May? Hindi namin sila pwedeng biguin. Kami na lamang ang pag-asa nila.

"Hanggang kailan tayong ganito?" Napabalikwas ako ng upo nang makarinig ng ibang boses.

Hindi iyon si Mark dahil nag-eexercise siya, at hindi rin si Dave dahil kanina pa siyang pakanta-kanta. Inilibot ko ang paningin ko sa loob ng silid kung saan kami nakakulong hanggang sa napatingin ako sa glass wall. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang mapagtantong si Josh 'yong nagsasalita.

Nakikita namin sila mula sa selda nila. Ang pader ay parang naging TV monitor at nakikita namin sila mula ro'n. Halos magkasabay kaming napatayong tatlo nina Mark at Dave at lumapit sa harapan para mas masilayan ang sitwasyon nila sa kabilang selda.

Halos magkapareha lang din ang sitwasyon namin. May tatlo rin silang kama at isang toilet bowl. Nakaupo lamang sa kama si Josh at nakatulala. Si Lei naman ay nakaupo sa kama at itinitirintas ang buhok ni Rina na nakaupo naman sa sahig.

"Hindi ko alam. Parang mauuwi lang sa wala ang ilang taong pagt-train natin." Nanlulumong sabi naman ni Lei.

"Hmm, kahit ako nawawalan na rin ng pag-asa. Pilit kong iniisip na malalampasan natin 'to, pero hindi ko na alam. Baka hanggang dito nalang tayo." Mahinang sabi ni Rina pero sapat pa rin para marinig namin iyon.

Napakunot ang noo ko. Seriously, gano'n na lang 'yon? Mawawalan sila ng pag-asa? Sa lahat ng paghihirap na sinuong namin, sa isang iglap mawawalan nalang sila ng pag-asa? Oo, alam kong mahirap na magtiwala. Maghirap nang paniwalaang makakaya pa naming lampasan ang pagsubok na 'to, pero kahit pa gano'n, kailangan naming subukang umasa. Kailangan naming maniwala. Hindi lang para sa amin at sa mga pamilya namin ang misyong 'to kundi para na rin sa bilyon-bilyong pamilya sa Earth na umaasa sa amin. Kaya kahit ano pa ang mangyari, kailangan naming kayanin.

"Alam ko na ngayon kung bakit tayo at sila ang pinagsama-sama ng mga alien sa iisang selda." Agad akong napalingon kay Dave na nasa kaliwa ko.

"Bakit?" Sabay na tanong namin ni Mark.

"Nawalan na sila ng pag-asa. Samantalang tayo ay patuloy na nagiging matatag." Huminto siya sa pagsasalita at tumingin sa sahig bago muling tumingin sa monitor. "Pinagsama-sama nila ang mga mahihina ang loob para mas panghinaan pa sila ng loob. Habang tayo naman ay patuloy na nananalig na makakaalis pa tayo sa lugar na 'to."

Napakunot ang noo ko. Hindi ko naiintindihan ang pinupunto ni Dave.

"Ano? Hindi ko maintindihan ang ibig mong sabihin." Maging si Mark ay hindi rin pala nakuha ang sinasabi ni Dave.

"This is a test. Tinitingnan nila kung ano ang kakayahan natin. Kung hanggang saan tayo tatagal," Dave said and stared at us.

Ilang sandali akong napatulala bago muling lumingon sa pader kung saan namin nakikita ang mga kasamahan namin.

Lugmok na lugmok na nga ang iba pang mga kasamahan naming nasa kabilang selda. Pare-pareho na lamang silang nakatulala sa kawalan. Hindi na rin sila nagsasalita na tila maging ang pagsasalita ay wala na ring silbi pa dahil sa sitwasyon namin.

I inhaled a large amount of breath.

Test, huh? Okay, let's ace this test then.

Akmang babalik na kami nina Mark at Dave sa kaniya-kaniya naming mga kama nang biglang nag-iba ang imaheng pinapakita ng monitor. Nawala sila Josh, Lei, at Rina. Pumalit sa monitor ang imahe ng dalawang tao. Nasa loob din sila ng isang kulungang kagaya ng kinasasadlakan namin.

Naningkit ang mga mata ko sa pagtataka. May iba pang bilanggo? Mga alien din ba sila na nagkasala? Katulad ba sa mundo namin ang sistema nila sa tuwing may nakakagawa ng masama? Ikinukulong din ba nila bilang kaparusahan?

Nadagdagan na naman ang mga tanong sa utak ko. Ngunit ang mga katanungang 'yon ay agad ring nasagot nang mas matitigan ko pa ang dalawang tao mula sa monitor.

"It can't be..." Mahinang sabi ko.

"Ano?" Sabay na tanong nina Mark at Dave.

"S-sila..." Napalunok ako nang bigla akong pumiyok dahil sa sobrang panginginig ng boses ko. "They're humans."

"Are you sure? Tayo pa lang naman ang mga taong nakapunta rit—" Naputol ni Mark ang sinasabi niya nang makuha ang pinupunto ko. "Unless they're the..."

"The first batch of Searchers." Dugtong naman ni Dave.

I nodded and gulped. Mara and May's parents. My parents' co-workers.

"Tita! Tito! Can you hear me?! Please, answer me! Where are my parents?! Where are they?!" Hindi ko na napigilan pa ang emosyon ko at napaiyak na ako nang tuluyan.

Pinaghahampas ko ang monitor na nasa harapan namin, nagbabakasakaling maririnig nila ang mga kalampag ko. Nagbabakasakaling maririnig at makikita nila kami gaya nang kung paano namin sila naririnig at nakikita ngayon.

Natigil lamang ako nang maramdaman kong inaawat ako nila Mark at Dave. Hawak-hawak ni Dave ang dalawang kamay ko habang pilit naman akong hinihila ni Mark sa bewang palayo sa monitor.

Hindi ko alam ang sumunod na nangyari. Naramdaman ko na lamang na parang umikot ang paningin ko bago ako tuluyang nawalan ng malay.

-----

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status