Share

CHAPTER 6

"Paktay ka pala talaga kapag nawala mo ang singsing, Ate. Aba’y CEO na bilyonaryo pala ang nagmamay-ari. Nakakatakot. Sigurado pupugatan ka niya ng ulo oras na makita ka niya.” Um-acting pa si Gela na nanginginig sa takot matapos sabihin iyon. Alam na rin nito kung ano o sino talaga si Reedz Rovalez na nagbigay sa kanya ng singsing dahil ka-chat niya ito kanina. Ibinalita niya agad dito ang nalaman niyang impormasyon ukol sa binata.

"Sige, lakasan mo pa ang boses mo para may makarinig," saway niya sa kapatid sabay irap.

“Ay, sorry.” Labas ang lahat ng ngipin pati na gilagid na ngumiti at nag-peace sign naman ito sa kanya. “Pero nandiyan pa? Tsinek mo na?”

“Oo, safe pa naman.”

Napaka-OA na napatutop sa dibdib si Gela kasabay ng paghinga ng malalim.

Simula napunta sa kanya ang singsing ay ganito na sila kapraning na magkapatid. Kapag nakakauwi sila ay ang singsing agad ang kinukumusta nila.

“Teka, bakit ngayon ka lang pala nakauwi? Pasado alas-onse na ng gabi, ah?” puna na niya sa kapatid nang maalala niyang kanina pa pala dapat ito nakauwi, pero ngayon lang ito dumating. Kung sa mga nagdaang araw ay baka hindi niya napapansin, dahil kung bubuksan ang ulo niya at babasahin ang nilalaman ng kanyang utak ay puros na tungkol sa singsing ang laman niyon, ngayon ay napansin na niya.

Kinilig na si Gela. Napakagat-labi ito na para bang naihi sa salawal.

“Hoy, natatae ka ba?” sita niya rito.

Awtomatiko ang pag-asim ng mukha ng kapatid. “Kinikilig ako, Ate, hindi natatae. Palibhasa hindi mo alam ang difference niyon kasi hindi ka pa nagkakadyowa. Hindi mo pa alam ang feeling ng kinikilig dahil in love.”

Calynn rolled her eyes ceiling ward. Gayunman, dahil ayaw niyang makipagtalo sa kapatid ukol sa bagay na iyon, pa-walk out na siyang lumakad palabas ng silid. Isa pa, aminado naman siya na wala talaga siyang alam sa feeling ng kinikilig dahil in love.

Stress na stress siya buhay. Kung paano makakabayad ng bills, ng upa, ng tuition ng kapatid, at kung paano sila kakain araw-araw, kaya wala talaga siyang oras sa kilig-kilig.

Kinikilig lang siya noon kapag nai-imagine niya na dumating na ang ‘The One’ niya at isinuot sa kanya ang kanyang pangarap na engagement ring, na ngayon ay naging disaster na sa kanyang buhay.

Napasakanya nga ang singsing, ngunit problema naman ang dulot nito sa kanya. Paano pa siya kikiligin kung ganito ang naging ending nila ng kanyang singsing?

“Ang suplada naman talaga,” parinig sa kanya ng feeling hindi suplada niyang kapatid. Nakasunod ito sa kanya habang pababa sila ng hagdanan. "Ibalik mo na nga kasi 'yon nang mapanatag na ang loob mo at pati na rin ako. Pakiramdam ko lagi ay may bigla na lamang papasok dito at pipiliting kunin ang singsing tapos papatayin tayo. Katakot na." Hinimas-himas ni Gela ang mga braso habang inilinga-linga ang tingin sa kabuuan ng apartment nilang inuupuhan, partikular ang maliit na bintana sa may salas nila na jealousy lang ang pananggalang.

Ang tibay, jusko! Sa sobrang tibay kahit hindi masamang tao, kahit nagti-trip lang na bata na gustong basagin iyon ay mababasag agad-agad.

Hindi nila iyon ipinabatid sa landlord nila dahil anila ay tabi-tabi naman sila ng mga kapitbahay nila na nangungupahan din. Isang sigaw lang nila ay maririnig na ng mga katulad nilang renter at dadaluhan na sila upang tulungan. Iba lang talaga ngayon ang pakiramdam nila, na hindi na sila safe gawa ng singsing.

"Parehas lang tayo. Kahit nga nasa work ako ay nandito sa bahay ang isip ko. Hindi tuloy ako makapag-concentrate sa trabaho." Animo'y may naligaw na mga kuto sa mga buhok ni Calynn na nakamut-kamot niya ang ulo. "Pero paano ko nga ibabalik? Wala naman akong maisip na paraan. Hindi ko pa rin alam ang saktong address ni Reedz.”

“Ano ba ‘yan!” Ginaya siya ng kapatid. Animo’y nangati rin ang ulo nito na napakamut-kamot din. “Sana talaga, Ate, naaalala ng Reedz na iyon na ibinigay niya sa 'yo ang singsing para kahit hinahanap ka na niya ngayon ay hindi ka niya pag-iisipan ng masama. Hindi ka niya ipapakulong o ipapa-salvage.”

“Hay, sana nga. Sana nga huwag siyang shunga,” tipid na sang-ayon niya. Stress na stress, inihilamos niya naman ngayon ang dalawang palad sa mukha.

Bumuntong-hininga naman si Gela. “Oh, siya mamaya na muna natin pag-isipan kung paano mahahanap si CEO, Ate. May binili pala akong cake. Naroon sa lamesa sa kusina. Kainin muna natin.”

“At ano’ng meron? Hindi mo naman birthday at lalong hindi ko birthday?” Bahagyang nagsalubong ang kanyang mga natural na makakapal na kilay.

Kinikilig na naman si Gela. Nagniningning ang mga mata nito na halos magkorteng puso, itinaas nito ang kamay, at ipinakita ang daliri na may nakasuot na singsing.

“Ano ‘yan?” kunot ang noong tanong niya.

“Promise ring. Bigay ni Ruan kanina, Ate."

Sa halip na matuwa, nagdilim ang mukha ni Calynn. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin siya boto sa boyfriend ng kanyang kapatid. Sapagkat ang totoo ay ayaw pa rin niya sana itong mag-boyfriend dahil nga nag-aaral pa.

“Wala man lang reaksyon diyan?” ismid na sa kanya ni Gela.

“Ano naman ang gusto mong ireaksyon ko? At saka ano ba ‘yan? Ibig bang sabihin niyan ay nag-propose na siya sa iyo? Hindi ba’t usapan natin babawi ka muna? Dapat maka-graduate ka tapos tulungan mo ako sa pangarap nating bahay at negosyo? Ano’t parang mag-aasawa ka na?”

Nakusot na rin ang mukha ni Gela. “Ang daming sinabi. Ang sakit sa tainga.”

“Eh, bakit kasi binigyan ka na ng singsing?” Pinamaywangan na niya ito. “At saka ang cheap, ah? Parang ‘yan ‘yung tag 299 lang sa online shop, eh? Ganyan lang ba ang halaga mo sa kanya?”

“Promise ring lang ito hindi engagement ring, Ate. Ano ka ba?”

“Ganoon din ‘yon. Bibigyan ka na nga lang ng singsing mumurahin pa. Ibig lang sabihin ay hindi talaga ganoon kalalim ang nararamdaman niya sa iyo kasi hindi man lang nag-ipon bago magbigay.”

“At least, naisip niyang bigyan ako bilang pangako na maghihintayan kami sa isa’t isa,” pagtatanggol ni Gela sa nobyo. “At saka hindi naman kasi ako katulad mo na ambisyosa. Nangangarap ng diamond ring, wala namang jowa na mayaman. Sino kaya ang mas nakakahiya?”

“Gaga!” Natatawang itinulak niya ang ulo ng kapatid. “Ang sa akin lang ay dapat maghanap ka ng lalaking handang ibigay ang buwan at bituin sa iyo. Iyong kaya kang buhayin. Kaya kang—”

“Hep” Iniharang ni Gela ang palad sa kanyang mukha upang magtigil siya sa walang kabuluhang pagdadaldal. “Huwag mo akong itulad sa iyo, Ate. Ako, may tiwala sa lalaking mahal ko. Na kung ngayon hindi niya pa maibigay sa akin ang mga gusto ko, balang araw naman ay maibibigay niya. At saka kahit hindi niya ako mabigyan ng mga materyal na bagay basta loyal, mabait at responsible siya sa aming magiging pamilya ay ayos na sa akin. Mas higit na mahalaga iyon kaysa sa mga materyal na bagay.”

“Ewan ko sa 'yo! Sige, magpakatanga ka sa Ruan na ‘yon! Buti sana kung guwapo!” pagsuko niya pero syempre ay pataray pa rin. Ang totoo ay agree siya kapatid. May punto talaga ito at natutuwa siya. Gayunman, gusto pa rin niya itong i-challenge pati na si Ruan kaya hindi pa rin niya ibibigay ang blessings niya sa mga ito. Magkukunwari pa rin siyang kontrabida hanggang sa maka-graduate sila parehas ng kolehiyo.

“Grabe ka. Ang sama mo.” Lumabi si Gael.

“Ano naman? At least, hindi ako minus ten points sa langit,” depensa niya. Patawarin sana siya ng kanyang kapatid sa pinagsasabi niya. Hindi bale at babawi na lang siya kapag nakatapos talaga ito ng pag-aaral.

“Kaya ka hindi nagkaka-boyfriend dahil karma mo ‘yan sa panlalait mo kay Ruan ko,” panlalaban naman ni Gela. “Tatanda ka sanang dalaga.”

“Okay lang.” Dinilaan niya ito habang nakahalukipkip pa rin.

Para silang bata na nag-aaway, at wala na naman sanang katapusan. Mabuti na lamang at kinatok sila ng isang kapitbahay nila. Nagbigay ng pansit na sakto sa cake na dala ni Gela.

Makaraan ang ilang sandali ay ganado na silang kumakain sa may salas. Doon nila pinili na kumain upang aniya ay makapanood sila ng TV. Bonding na rin nilang dalawa.

“Hindi sana ganito lang ang kinakain natin ngayon kung pumapayag kang ibenta na lang natin ang singsing,” pagbabalik ni Gela sa topic tungkol sa singsing.

“Huwag ka nang umasa dahil ibabalik ko talaga iyon sa totoong may-ari,” aniya habang ngumunguya at nanonood. “Ayoko ng sakit sa ulo.”

“Baka lang kako magbago ang isip mo,” hirit ni Gela. Tatatawa-tawa.

Inirapan niya muna ito bago ibinalik ang tingin sa telebisyon. Balita na ang palabas. News na panghating gabi. Buti talaga at hindi natutulog ang balita, bente kuwatro oras. Nalalaman pa rin nila ang mga nangyayari sa bansa kahit gabi na sila nakakauwi galing trabaho at school.

“Si Sir Reedz!” Nang bigla ay napakislot siya nang makita niya ang mukha ng lalaking hina-hunting niya ng ilang araw na.

Isang reporter ang nag-i-interview kay Reedz ukol sa isang ground breaking ceremony raw na gaganapin sa Litex Urban bukas ng umaga. Donation daw kasi ng Regal Empire na pabahay para sa mahihirap ang itinatayo roon kaya kinukuhanan ng statement si Reedz bilang ito ang CEO ng malaking kompanya.

"Sigurado ka, Ate? ‘Yan si Reedz?" Naglipat-lipat ang tingin ni Gela sa kanyang mukha at sa TV.

"Oo dahil hindi ko kailanman makakalimutan ang kanyang mukha." Madaming tango ang kanyang ginawa. Ang mga mata niya’y mas natutok pa sa pinapanood. Ang guwapo talaga ng tipaklong, mapa-TV man o personal.

“Taray, ang daming bodyguards ng papatay sa ’yo, Ate,” sabi ni Gela nang makitang paalis na si Reedz at napapalibutan ito ng mga kalalakihang pang-men-in-black ang datingan.

“Mel, gaganapin nga ang ground breaking ceremony para sa bagong proyektong magbibigay pag-asa sa mga mahihirap bukas ng umaga. At aasahang dadaluhan ito ng mga lokal na opisyal, mga tagapagtatag ng proyekto, ilang celebrity at mga pribadong tao na pangungunahan mismo ng CEO ng Regal Empire na si Reedz Rovalez,” pagtatapos ng reporter sa ibinabalita nito.

“Salamat, Ivan,” sagot naman ng batikang news anchor. Hanggang sa iba na ang ibinabalita.

“Ate, ito na ang chance para maibalik mo ang singsing,” excited na sabi ni Gela pagkuwan. Hanggang tainga ang pagkakangiti nitong kinalabit ang kapatid sa balikat.

“Paano?” amazed na tanong naman ni Calynn. Hindi niya nakuha agad ang sinasabi ng kapatid.

“Hindi ba’t sabi ay bukas may ground breaking ceremony at ang sabi dadalo si Reedz Rovalez?”

“Oo?”

“Eh, di puntahan mo siya. Malapit lang ang Litex Urban dito. Dalawang sakay lang.”

“Oo nga, ‘no.” Unti-unti ay nagliwanag ang kanyang mukha nang na-gets na niya ang pinagsasabi ni Gela.

“Pupunta ka?”

“Oo, pero samahan mo ako.”

“Bakit pa?”

“Eh, baka nerbyosin ako o kaya naman kung ano’ng gawin niyon sa akin kapag nakita niya ako.”

“Kunsabagay baka hindi ka paniwalaan kapag ikaw lang. Sige, Ate, sasamahan kita. Naalala ko na panghapon ang klase ko bukas. Saktong-sakto.”

Pagkasabi niyon ni Gela ay nagngitian silang magkapatid. Finally, matatapos na ang kanilang problema. Maibabalik na niya ang singsing.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status