Share

BROKEN

Maya’t maya ang malalim na pagbuntonghininga ni Mhia. Tulala lang siyang nakatingin sa labas ng flower shop na pag-aari niya. Siya lang ang tao roon sa mga sandaling iyon, kaya malaya siyang tumunganga.

Tumunog ang wind chime na nasa pintuan, indikasyong may pumasok na tao, pero malungkot pa rin siyang nakatulala sa kawalan. Nakapangalumbaba pa siya sa tabi ng counter.

“Mananakawan ka, alam mo ba iyon?” anang tinig na pumukaw sa kaniyang pag-iisip. 

Napatingin siya rito. Nakangiting mukha ng kaibigan niyang si Tiffany ang bumungad sa kaniya.

Muli siyang tumingin sa kawalan. Muli ring bumuntonghininga.

“Ay! Deadma?” palatak nito. May kalakasang tinapik pa nito ang countertop.

Hindi niya ito pinansin. She’s not in the mood para makipagbiruan dito.

“Hoy, Mhia! Huwag mo nga akong dramahan nang ganiyan! Nakakainis ito! Magsalita ka, hoy!” Hindi na ito nakatiis, tinampal na nito ang braso niya.

Napahikbi siya na ikinagulat nito. Bumalatay sa mga mata nito ang pag-aalala.

“Sorry. . . Napalakas yata ang hampas ko,” anito.

Mabilis niyang pinunasan ang pumatak na mga luha sa kaniyang magkabilang pisngi, pagkuwa’y ngumiti rito. 

“It’s not you.”

Nagsalubong ang mga kilay nito. “What do you mean it’s not you? Huwag mong sabihin sa aking— si Cendrick na naman ba?” 

Nag-iwas siya ng tingin. Ayaw na niyang pag-usapan pa ang tungkol sa kasintahan dahil katakot-takot na sermon na naman ang aabutin niya rito.

“Huwag mo akong daanin sa pagi-ganiyan mo, Mhia, ha. . .” babala nito. Nameywang ito sa harapan niya. “Ano na namang ginawa ng lalaking iyon, ha? May babae na naman ba?” pag-uusisa nito.

Hindi siya sumagot. Alam na naman nito kung anong pag-uugali mayroon si Cendrick. At iyon ang ikinagagalit sa kaniya ng kaibigan. Masyado raw siyang martyr at patay na patay sa lalaki.

She and Cendrick were in an off and on relationship for almost a year now. Iyon ay dahil sa nag-iisang kapintasan ng boyfriend niya— masyado itong palikero.

Pero kahit ganoon, nakukuha pa rin niyang patawarin ang lalaki. Hindi niya rin alam kung bakit, lalong hindi niya alam kung bakit niya natitiis na saktan siya nito, emotionally— na palaging ikinagagalit ni Tiffany. Pakiramdam niya kasi mamamatay siya kapag nawala ang kasintahan sa kaniya. Ganoon niya ito kamahal.

“Ewan ko ba sa iyo, Mhia! Ilang beses na naulit pero tinatanggap mo pa rin. Kung puwede nga lang iumpog kita sa pader ginawa ko na. Aba, hindi na maganda iyang paulit-ulit na panloloko niya sa iyo, ha! You’re doing it a habit. My God! Kapag nagkakamali siya, madali mo rin lang pinatatawad. Kaya siya nasasanay dahil nasa sa iyo na rin mismo!” panenermon nito.

“Eh, anong gagawin ko? Sa ma—”

“Mahal mo?” sarkastikong putol nito. “Eh, ang sarili mo hindi mo ba mahal? Huwag kang t*nga, Mhia! Please. . . hiwalayan mo na siya.” Hindi iyon pakiusap kun’di utos.

Napabuntonghininga siya. Nagbabadya na namang bumuhos ang kaniyang mga luha.

“Naku! Naku! Tapos ganiyan ka! Iiyak-iyak!” talak pa nito. “Huwag mo akong daanin sa paiyak-iyak mong iyan, Mhia, ha! Ikaw ang aayaw umalis sa relasyong iyan. Ikaw rin mismo ang nagdudulot ng sakit sa sarili mo. Kaya iyang pag-iyak-iyak mo, tigil-tigilan mo. Naku! Nanggigigil talaga ako. Kung hindi lang kita kaibigan, matagal na kitang hinayaan diyan sa pagpapaka-t*nga mo!” Tumatahip ang dibdib nito habang sinasabi iyon.

Nagyuko siya ng ulo. Wala siyang maisagot na kahit ano rito dahil totoo naman ang lahat ng iyon. Totoong hinahayaan niyang masaktan ang sarili. Maaari naman niyang hiwalayan si Cendrick pero hindi niya ginagawa.

“Sinasayang mo ang ganda mo sa Cendrick na iyan. He never appreciates you. He never cares for what you feel— he’s full of himself! Ang masaklap, he never really loves you. Ikaw lang itong patay na patay sa kaniya— na kung tutuusin kaya mo namang ipagpalit. Maraming nanliligaw sa iyo. Hindi lang si Cendrick ang lalaki sa mundo, Mhia. Marami. Marami sila! Ikaw na lang ang mamimili.”

Again, Tiffany was right. Marami siyang suitors na palagi niyang tinatanggihan dahil nga may nobyo siya. Ironically, she never looked into another man, other than Cendrick. 

Not even once!

“Ngiti mo pa lang, kahit sino ma-h-hook sa iyo. Ultimo bata kayang-kaya mong paibigan,” patuloy ni Tiffany. Alam niyang hindi ito titigil hangga’t hindi humuhupa ang galit sa dibdib nito.

“Ang tagal ko ng sinasabi sa iyo, use your looks to get even with him. Kapag ginawa mo iyon, tiyak, siya ang maghahabol sa iyo and not that other way around,” anito. Hindi pa ito nasiyahan, umikot pa ito sa tabi niya at iniharap siya sa sarili.

“Your smart, Mhia. Used that. Huwag laging ang kalambutan nito ang pinaiiral mo.” Itinuro nito ang tapat ng kaniyang dibdib. Pinakatitigan siya nito sa mga mata. “Please, Mhia. . . ako na ang nakikiusap sa iyo, tigilan mo na ito. Stop tolerating him. Dahil habang paulit-ulit mo siyang pinatatawad, mas lalo lang lumalakas ang loob niya na saktan ka. Don’t you get it? He was just playing on your feelings,” anito.

Napaluha na siya nang tuluyan. Ang sakit pala kapag ibang tao ang nagsasabi sa iyo ng totoo. Para siyang sinasaksak nang paulit-ulit sa dibdib. 

May pagka-palengkera man ang ugali ni Tiffany, pero alam niyang para lang sa ikabubuti niya ang mga sinasabi nito. Hindi na nga naman siya natuto. 

“Hush. . .” Niyakap siya nito habang masuyong hinahagod ang kaniyang likod.

“A-anong gagawin ko?” basag ang tinig na tanong niya.

Mabilis siya nitong inilayo sa sarili. Pinunasan din nito ang mga luha niya.

“Ako ang bahala.” Kumindat ito. 

Nagpaubaya na lang siya nang kunin nito ang kaniyang mga gamit at hawakan siya sa kamay. Mag-a-alas-syete na rin naman ng gabi. Wala ng customer sa ganoong oras.

Sumakay sila ng taxi. Si Tiffany na rin mismo ang nagbayad at nagsabi ng lugar sa driver. 

“Dito? Bakit dito?” salubong ang kilay na tanong niya sa kaibigan pagbaba nila ng taxi.

“Hay, naku! Saan ba maraming isda, Mhia? Syempre sa ocean! Kaya, ito na!”

Tiningnan niya ito nang masama.

“Oh, bakit?” maang-maangan nito.

Tumalikod siya. Mabilis naman siyang hinarangan nito.

“Hindi ko kailangan ng lalaki, Tiff. I already have one,” aniya.

“Yes. Pero sakit naman sa puso atulo.ang inaabot mo. Dito sa Ocean Adventure Club, kalilimutan mo na siya forever. Maninisid tayo ng maraming lalaki rito,” pilyang wika nito, saka mabilis na hinawakan ang braso niya at hinila siya papasok sa loob.

Hindi na siya nakapalag pa. Para siyang hanging nagpatianod sa kaibigan.

Unang bungad pa lang ng malakas na tugtog ay napangiwi na siya, kasabay ng paglalagay ng isang daliri sa tenga. Sumusunod lang siya kay Tiffany na wala yatang balak na pakawalan siya.

Hindi siya sanay sa ganoong uri ng lugar. Nahihila lang siya roon paminsan-minsan ng kaibigan na hilig talaga ang mag-bar. Tiffany is liberated, while she remained an old-fashioned lady. Hindi naman siya manang manamit, marunong siyang sumunod sa uso pero laging may limitasyon. Hindi siya ang tipo ng babae na sanay sa one-night stand. She valued her purity most. Iyon ang madalas na pinagtatalunan nila ni Cendrick. Dahil kahit anong pilit nito sa kaniya, hindi niya makuhang ibigay ang sarili rito— which is the right choice. 

Minsan, iyon ang inirarason nito sa kaniya kaya ito nambabae. Dahil hindi raw niya maibigay ang gusto nito. Aminado naman siyang may pagkukulang siya pagdating sa bagay na iyon, pero para sa kaniya, hindi lang naman iyon ang basehan para magtagal ang isang relasyon. Wagas na pagmamahal ang sagot doon. At kung tunay siyang mahal ng kasintahan maiintindihan siya nito.

Now, you’re saying that? Pagkatapos ng mga pinagdaanang mong sakit, ngayon mo talaga maiisip ang bagay na iyan, ha, Mhia? T*nga ka ngang talaga, anang malakas na tinig sa kaniyang isipan.

Matagal na naman niyang alam ang bagay na iyon, hindi niya lang maunawaan ang sarili kung bakit hindi niya magawang maiwan ang manlolokong kasintahan. Siguro nga, baliw na siya. 

“There!” malakas na wika ni Tiffany na nagpalingon sa kaniya rito. Itinuro nito ang isang lalaking mag-isang umiinom sa may bar counter, sa pinakasulok niyon. “Pagkakataon mo na!” Itinulak siya nito.

Muntikan pa siyang masubsob sa lalaki kung hindi niya naibalanse ang sarili. Tiningnan niya nang masama si Tiffany pero wala na ito sa kinatatayuan kanina.

“Bruhang iyon!” inis na bulong niya sa sarili.

Umayos siya ng pagkakatayo at naupo sa bakanteng upuan na katabi ng lalaki. “One martini, please,” aniya sa bartender. Mabilis naman nitong inihanda ang order niya.

Habang naghihintay, palihim niyang sinulyapan ang lalaking katabi. Nangunot ang noo niya. Para kasi itong isang taóng hindi naliligo sa itsura nito.

Mahaba ang buhok ng lalaki, pati bigote at balbas. Pabasta na lang itong nagsuot ng long sleeves polo, dahil hindi naman ayos ang kuwelyo niyon. Idagdag pa na tila hinugot lang iyon sa kung saan, dahil halos hindi na iyon kakayanin pang daanan ng plantsa.

Matangkad ang lalaki at malaki ang pangangatawan. Matangos din ang ilong nito at nahihinuha niyang maganda ang mga mata nitong hindi niya masyadong maaninaw ang kulay. Naka-side view kasi ito sa kaniya at medyo may kadiliman sa tapat nito. Ang tanging nakikita niya lang ay ang mahahaba at malalantik nitong pilik na dinaig pa yata ang sa kaniya. 

“Here’s your order, Ma’am,” anang bartender.

Tumango siya. Kinuha niya iyon na ang atensyon ay nasa katabi pa ring lalaki.

Napadako ang mga mata niya sa kamay nito na nakapatong sa counter, partikular sa palasinsingan nito. Napainom siya nang wala sa oras nang makita ang simbolong nagsusumigaw na hindi na ito malaya.

May asawa na pala, sa loob-loob niya.

Pero kung may asawa na ito, bakit ganito ang itsura nito? Saka, bakit ito naririto sa bar? 

Baka nag-away sila ng asawa niya, sagot naman ng isang bahagi ng isipan niya sa sarili katanungan.

Napailing siya sa sarili.

Here she is, drinking while thinking someone else’s problem. Para bang wala siyang sariling problema na iniisip, where in the first place, iyon ang dahilan kung bakit siya hinatak ng kaibigang si Tiffany roon.

Mabilis niyang naubos ang laman ng baso, kaya muli siyang um-order. Hindi siya sanay uminom, pero dahil sa sakit na nadarama, bigla ay naging immune siya sa lasa ng alak. Parang naging tubig na lang iyon sa kaniya.

Maya-maya pa, nahihilo na siya. Tumatawa na rin siyang mag-isa kasabay ng pagpatak ng mga luha. Nang lingunin niya ang katabi, nakatingin din ito sa kaniya. 

Hindi niya maunawaan ang sarili. Bigla siyang tumayo at walang sabi-sabing hinalikan ito sa mga labi, na ikinabigla nito. Hindi agad nakakilos ang lalaki. Mabilis lang naman iyon, pero libo-libong kuryente ang nanulay sa buong katawan niya, kaya mabilis siyang napalayo rito.

Subalit, mabilis na nahapit ng lalaki ang beywang niya. Ito naman ang walang pakundangang umangkin sa mga labi niya, na hinayaan naman niya. 

Truth is, she likes the way he kissed her. Kakaiba iyon sa mga halik ni Cendrick sa kaniya. Masuyo sa umpisa na kinalaunan ay naging mapaghanap. Hindi na siya nagdalawang-isip na ipulupot ang mga braso sa leeg nito.

The next thing she knew, lumalapat na ang kaniyang katawan sa malambot na kama, kung saan man sila naroroon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status