Share

Chapter 3

"Bakit kuya? May problema ba?" nagtatakang tanong ni Beatrice sa kanya dahil sa naging reaksyon niya noong makita niya kung sino ang nasa picture.

"Wala naman, actually nakita ko siya kanina at dinala ko pa nga siya sa hospital. Kaya nalate rin ako ngayon," hindi alam ni Zircon pero tila nasisiyahan siya dahil magkikita pa pala sila muli ng babaeng sinabihan niya kanina na parang machine gun ang bibig. "Small world naman."

"Hindi ko nagugustuhan ang ngiti sa labi mo kuya ha. Isa pa ay dapat tinuluyan mo na siya kanina," pagalit na sabi ni Beatrice at hindi iyon nagustuhan ni Zircon.

"Pumayag ako sa hiling mo dahil nagmamakaawa ka non tapos ngayon gagawin mo akong mamamatay tao? Hindi ako ganon Beatrice!" may inis sa tono ni Zircon at kinabahan naman doon si Beatrice. Ayaw niya kasing nagagalit sa kanya ang kuya Zircon niya kaya naman hinawakan nito ang braso ng kapatid upang pakalmahin.

"Sorry na kuya, alam ko naman na hindi mo magagawa iyon. Pero alam mo naman kung saan ako humuhugot kaya ko iyon nasabi. Isa pa kuya pinapaalalahanan lang kita, huwag kang magpapadala sa kamandag ng kabit na yan," sa pagkakataong ito ay may halo na pag-aalala ang boses ni Beatrice.

Ayaw niya lang na mahulog ang loob ng nag-iisa niyang kuya sa babaeng sumisira ng pamilya niya ngayon. Tila lumambot ang ekspresyon ni Zircon dahil naiintindihan niya ang kanyang kapatid at naaawa siya dito. Dahil doon ay naalala niya yung gabing sumugod si Beatrice sa kanyang condo habang umiiyak.

"Beatrice?" gulat na tanong ni Zircon nang makita niya ang kanyang kapatid na nasa harap ng kanyang condo at tila parang isang basang sisiw.

Umuulan kasi ng gabing iyon at nagtataka siya kung bakit biglaan ang pagpunta ni Beatrice sa kanyang tinutuluyan. Nasanay kasi siya na kapag dadalawin siya ng kapatid ay magsasabi muna ito sa kanya. Agad naman niyang pinapasok si Beatrice sa loob at bago tuluyang pumasok si Zircon ay tinignan niya muna ang paligid kung may kasama ba ito o kung may sumusunod sa kanyang kapatid.

Siya si Beatrice Fajardo, ang nakababatang kapatid niya sa kanyang ama. Yes, maghalf-siblings lang silang dalawa. Pero kahit na gano'n ay magkasundo naman sila. Ang ina ni Beatrice ang naging pangalawang asawa ng kanyang ama pagkatapos mawala ng parang bula ang kanyang ina. Nang ipinanganak na si Beatrice ay malawak na ang kanyang pang-unawa kaya naman hindi siya nagtanim ng galit sa kanyang bunsong kapatid lalo na mabait sa kanya ang pangalawang asawa ng kanyang ama. Ngunit hindi maiwasan ni Zircon na mailang kahit na maganda naman ang ipinapakita ng ina ni Beatrice sa kanya pero hindi rin naman niya lubos na magalit dito kahit na ito ang pumalit sa pwesto ng kanyang ina. Samakatuwid ay maituturing pang mas maganda ang family relationship ni Zircon sa kanyang step-mother kesa sa biological father niya habang siya ay nalaki.

"Ano bang nangyayari sa 'yo Beatrice? Gabing-gabi na sumugod ka dito. Ang pamangkin ko kumusta?" nag-aalalang tanong ni Zircon sa nakatulalang si Beatrice. Inabutan niya rin ng mainit na chocolate drink ang kapatid.

Ang tinutukoy ni Zircon na pamangkin niya ay ang anak ni Beatrice na si Johann. Bago niya kausapin ang kapatid ay pinapaligo niya muna ito at mabuti na lang talaga dahil may konting damit si Beatrice na naiwanan sa kanyang condo. Dahil madalas dumalaw sa kanya ang kapatid at mag-overnight kasama si Johann.

"Iniwanan ko muna si Johann kila mommy, a-ayos lang siya k-kuya," ramdam ni Zircon na anumang oras ay iiyak na ang kapatid kaya naman lumipat siya ng upuan at umupo siya sa tabi ni Beatrice.

At hindi nga siya nagkakamali dahil humagulgol na ng iyak ang kanyang kapatid. Hinayaan na lang muna ni Zircon na umiyak si Beatrice kahit na ayaw niyang nakikitang umiiyak ito. Ayaw na ayaw kasi ni Zircon na makakita ng babaeng umiiyak sa harapan niya. Dahil naalala niya noong bata pa siya na palihim na umiiyak ang kanyang ina.

"Gumaan na ba ang pakiramdam mo?" tanong ni Zircon kay Beatrice makalipas ang ilang minuto pagkatapos nitong umiyak sa harap niya. Hinaplos-haplos din ni Zircon ang likod nito upang mapakalma siya.

"Pasensya ka na kuya," hinging sorry ni Beatrice dahil naabala niya ang kanyang kapatid.

"Pwede mo na ba sa akin ikwento kung bakit ka nagkakaganyan?" ilang segundo pa siya tinignan ni Beatrice dahil sa kanyang tanong bago tuluyang tumango hudyat na ikwekwento na niya sa kanya ang nangyayari.

“Sinasabi ko na nga ba na walang gagawing maganda iyang napangasawa mo. Bakit hindi mo na lang hiwalayan yan?” naiinis na wika ni Zircon nang ikuwento sa kanya ng kanyang kapatid na may kabit ang kanyang asawa na si Jack.

“Hindi gano’n iyon kadali kuya, isa pa ay may anak na kami at mahal na mahal ko siya kaya naman hindi ko kaya na makipaghiwalay sa kanya,” malungkot na sagot ni Beatrice sa kanyang kapatid habang siya ay nakayuko.

Sa isip-isip ni Zircon ay nangyayari ito dahil sa ama nilang babaero at ang kapatid niyang babae ang nakakaranas ngayon ng karma. Pero hindi na iyon sinabi ni Zircon sa kanyang kapatid dahil ayaw na niya na mas lalong madagdagan ang iniisip nito at ang stress na dulot ng kanyang asawa na may kinakalantari na pala. Dinamayan ni Zircon ang kanyang kapatid na umiiyak nanaman sa kanyang harapan ngayon.

Ipinagdarasal lagi ni Zircon na sana ay hindi ito mangyari sa kapatid niyang babae dahil alam niya kung gaano kahirap ang bagay na ito dahil nakita na niya kung gaano naghirap ang kanyang ina noon bago ito mawala na parang bula pero heto at tila pinaglalaruan yata sila ng tadhana at nangyari na nga kay Beatrice ang bagay na kinakatakot niya.

“Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit personal akong nagpakita sa iyo kuya Zircon. Alam ko kasi na matutulungan mo ako sa bagay na ito at ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko,” napakunot naman ng kanyang noo si Zircon dahil sa sinabi ni Beatrice sa kanya.

“Ano ba iyon? Titignan ko kung talaga nga bang makakatulong ako sa ‘yo,” iyon na lang ang sinabi ni Zircon dahil sa loob niya ay may hinala siya na hindi maganda. Hinihintay na lang niya ang susunod na sasabihin ng kanyang kapatid at gano’n na lang ang kanyang pagkagulat niya nang marinig niya ang sumunod na sinabi nito.

“Akitin at paibigin mo ang kabit ng asawa ko.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status