Share

Chapter 2

Natigil ang pag-alala ni Yara sa nakaraan dahil narinig niyang tumunog ang kanyang cellphone. Saka rumihestro sa screen ang pangalan ni Jack na may text sa kanya.

"Pera na lang ba talaga ang importante ngayon?" natanong na lamang ni Yara sa sarili dahil naalala nanaman niya ang nakaraan at dahilan kung bakit sa ibang babae nagpakasal si Jack at hindi sa kanya.

"Kung mayaman ba ako sa akin ka kaya magpapakasal Jack?" napahawak na lang si Yara sa kanyang pisngi dahil naramdaman niyang umiiyak na pala siya.

Hindi niya kasi lubos akalain na sa muling pagkrus ng landas nila ni Jack ay magiging kabit siya nito. Noong una nga na sabihin iyon sa kanya ni Jack ay nasampal niya ito pero sa huli ay napapayag siya sa lihim at pinagbabawal na relasyon. Ilang beses niyang pinag-isipan ito at sinaway ang sarili ngunit nakagat pa rin siya ng kamandag ng kataksilan.

Masama na kung masama siyang babae ika nga ni Yara ngunit nagmamahal lang siya. Una namang naging kanya si Jack at ngayon ay binabawi na niya. Ilang beses na rin siya humingi ng kapatawaran sa Diyos ngunit alam niyang maski ang Diyos ay hindi siya agad-agad na mapapatawad.

Pinunasan ni Yara ang luha sa kanyang pisngi saka binuksan ang mensahe ni Jack. Pinaalalahanan lang siya nito na pumasok ng maaga dahil may meeting sila sa kumpanya.

Simula kasi noong patago silang may relasyon ay tinulungan siya ni Jack na makapasok sa kumpanya kung saan ay vice-president si Jack. Ayaw

tanggapin iyon ni Yara noong una ngunit napag-isipan niya na kailangan niya nga ng pera upang may maipadala siya sa nanay at mga kapatid niyang naiwanan niya sa kanilang probinsya.

Dali-daling naligo at nagbihis si Yara upang hindi siya malate sa pagtime-in, pagkatapos mag-ayos ni Yara ay nagmadali siyang naghanap ng taxi sa kalsada. Sa kamamadali ay muntik na siyang mahagip ng motor. Mabuti na lang at nakapreno agad ang driver na sakay ng motor.

"Hoy! Anong sa tingin mo ikaw ang hari ng kalsada ha?!" iritang sigaw ni Yara dahil pakiramdam niya kanina ay mawawala na siya sa mundo. Ang bilis rin kasi ng takbo ng driver ng motor.

"Pasensya na miss nagmamadali kasi ako eh, isa pa ay nakaharang kayo sa daraanan ng motor, bigla na lang kayo sumulpot," sabi ng driver ng motor sabay tanggal ng helmet niya upang mas maayos na makahingi ng sorry kay Yara.

Sa pagtanggal ng helmet ng driver ay bahagyang napatulala si Yara, hindi niya akalain na ganito kagwapo ang muntikan na makabangga sa kanya. Saka lang niya napansin na mas matangkad ito kumpara kay Jack.

"Miss okay ka lang ba? Gusto mo ba ay dalhin na kita sa hospital? Sabihin mo na miss dahil nagmamadali ako dahil ito ang unang araw ko sa trabaho ko," muling bumalik sa huwisyo niya si Yara at ang dating sa kanya ng sinabi ng driver ay insulto kaya naman bumalik ang galit nito sa kanya lalo na noong naalala niya na sinabihan siya nito na bigla na lang siyang sumulpot.

"Wala akong pakialam kung nagmamadali ka! Ikaw na nga 'tong muntik na makasagasa sa akin---hooooy! Ibaba mo ako!" sigaw nanaman ni Yara dahil binuhat siya ng driver ng motor. Kahit anong palag niya ay para lang siyang ginawang sako ng bigas kung paano siya buhatin nito.

Wala naman nagtangka na awatin sila kahit na may mangingilang tao ang nandoon dahil akala ng mga ito na may lovers quarrel silang dalawa.

"Umupo ka na lang ng maayos kung ayaw mong malaglag," walang ganang sabi ng driver pagkatapos siyang paupuin nito sa upuan ng motor saka naman dali-daling sumakay ang driver at pinaandar ang motor. Dahil sa pagkabigla ni Yara ay napakapit siya sa balikat ng driver gawa na rin ng takot niyang malaglag siya.

"Papatayin mo talaga ako no?! Kidnapper ka ba ha? Saan mo ba talaga ako dadalhin?!" sigaw ni Yara.

"Sa hospital, may malapit lang dito para mapatingnan ka," sigaw ng driver dahil kung hindi siya sisigaw ay hindi siya maririnig dahil sa lakas ng hangin.

"Salamat po doc," rinig ni Yara na nagpasalamat yung driver na muntik na makasagasa sa kanya bago lumabas ng opisina ng doctor. Dinala nga siya nito sa malapit na hospital.

"Miss, sabi ng doctor okay ka naman daw. Hindi ka nabalian ng buto o ano pa man. Kaya hindi mo na kailangan tumawag ng pulis," inirapan ni Yara yung lalakeng driver. Kanina kasi pagdating palang nila sa hospital ay pulis na ang bukambibig ni Yara, akala niya ay matatakot yung driver.

"Maski na, dapat yung mga katulad mong barumbado sa kalsada dapat sa inyo pinapakulong. Kaya hindi mo ako mapipigilan!" hindi rin kasi matanggap ni Yara yung ginawa nito sa kanya na bigla na lang siyang binuhat at wala siyang nagawa isang kisap mata lang niya ay nasa hospital na sila. Hindi man lang siya nakapalag.

"Bahala ka na kung anong gusto mo, kanina pa rin ako hingi sayo ng hingi ng pasensya. Pero parang machine gun ang bibig mo. Tutal nagawa ko naman ang dapat kong gawin, dinala kita sa hospital at hindi tinakbuhan, iwanan na kita. Masyado na akong late sa lakad ko dahil dito," sabi nong lalake na siyang mas lalong nagpataas ng dugo at kilay ni Yara. Aalma pa sana si Yara ngunit mabilis maglakad yung lalakeng driver palayo sa kanya.

"Machine gun mo mukha mo! Amp!" sigaw na lang ni Yara sa sobrang inis. Sira na talaga ang araw niya.

"Kuya!" pagkatanggal pa lang ni Zircon ng kanyang helmet pagkatapos mai-park ang kanyang motor sa basement parking lot ay narinig niya ang boses ng kanyang kapatid. "Bakit ngayon ka lang? Masyado ng late, unang araw mo pa naman ngayon."

"Pinapagalitan mo ba ako dahil ikaw ang boss sa kumpanyang 'to?" tanong ni Zircon sa kanyang kapatid na si Beatrice.

"Hindi kuya ah, natakot lang ako dahil akala ko aatras ka. Alam mo naman na wala na akong ibang malapitan tungkol dito," parang batang sumbong ni Beatrice sa kanyang kuya Zircon.

"Nandito na ako kaya naman huwag ka na matakot. Isa pa ay ginagawa ko rin ito para sa pamangkin ko. Nga pala anong ginagawa mo dito?" nagtataka lang si Zircon dahil wala naman sa usapan nila na si Beatrice ang mag-oorient sa unang araw ng pagpasok niya sa kumpanya.

"Nakalimutan ko kasing ipakita sa 'yo ang pagmumukha ng anay," mataray na pagkakasabi ni Beatrice. Makikita rin sa mga mata nito ang labis na galit para sa anay na kanyang tinatawag.

"Sige nga patingin para mamukhaan ko siya. Gusto ko kasi matapos na ito agad," sabi ni Zircon saka niya kinuha ang cellphone ni Beatrice kung saan nandoon ang picture ng isang babae.

Napakunot ang noo ni Zircon dahil sa kanyang nakita. Hindi niya aakalain na maliit lang pala talaga ang mundo.

"Siya?"

---

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status