Share

CHAPTER 6

       "HOY, ADALINA! Dalian mo na diyan at pagabi na, girl," untag ni Mirka kay Yna na abala sa pagkalikot ng kuko, habang nakaupo sa paanan ng kama ni Liam.

       "Just wait, okay? Nabura kasi ang nail polish ko," maarteng sabi pa ni Yna, pero tumayo na rin naman upang tulungan si Mirka.

       Napasimangot si Mirka.

Muling ipinaulit ni Liam ang paglalagay ng kobre kama, paglalagay ng kurtina at ang pagpupunas ng mga libro sa shelves. Pero this time ay kasama na ni Yna si Mirka. Tinulungan na siya upang makatapos agad at makauwi na sila bago mag alas siete ng gabi.

       "I'm hungry na," nakabusangot na ungot ng dalaga sa kasama.

      "Ikaw lang ba, girl? Gutom na rin ako, kaya dalian mo na diyan at nang makauwi na tayo."

        Uwian sila araw-araw. Isa sa mga rules ni Liam sa mansion ay stay-out na kasambahay at kabilang si Yna sa mga 'yon, kahit pa personal maid siya ng binata. Ang mayordoma, si Jamir at dalawang matagal na kasambahay lamang ang naiiwan sa mansion kapag gabi kasama ni Liam. Pabor na pabor kay Yna ang rule na 'yon, dahil hindi niya kailangan tiisin ang kasungitan at presensya ni Liam sa gabi.

      "Tignan mo kung paano ko gawin, Yna. Para kapag kailangan mong palitan ulit ang mga ito ay alam mo na," sabi ni Mirka sa dalaga.

      

      Tumango lamang si Yna, pero para bang hindi naman tumitimo sa isip nito ang sinasabi ni Mirka.

       Ilang saglit pa ay tapos na rin sila sa ginagawa at napagpasyahan na nilang umuwi.

    "Kumain na tayo rito, Mirka. I'm hungry na talaga," muling ungot ng dalaga habang pababa sila ng hagdan.

     "Ayoko, sa bahay na lang ako kakain." Halata sa tinig ni Mirka ang pagod at nais na lang nitong makauwi.

      Napasimangot si Yna. Hindi na rin lang siya kakain at sa bahay na lang niya pag-uwi. Inihatid sila ni Mang Julius sa kani-kanilang mga bahay gaya ng lagi nitong ginagawa.  Malayo kasi iyon kung lalakarin nila.

      "Salamat, Mang Julius. Ingat po," ani Mirka nang maibaba na sila ni Yna. Nang makaalis na si Mang Julius ay binalingan siya ng babae. "Bukas ipapaalala ko lang sa'yo na maaga tayo sa hacienda, ha?" Bilin ni Mirka kay Yna dahil lagi itong late magising tuwing umaga.

      "Yah." Wala sa loob na sabi ni Yna. "Ang hirap naman kasing magising ng maaga, back in Spain, kahit anong oras ko gusto magising ay puwede," reklamo pa ni Yna.

    "Pwes ibahin mo rito, girl. Sa Spain, mayaman ka. Dito sa Pinas, poorita ka kaya need mong mag-adjust sa buhay dine," mahabang pangaral pa ni Mirka.

      Napasimangot na binalingan ito ni Yna. "Kailangan pa bang ipaalala? Gosh! Diyan ka na nga." Sabay talikod ni Yna sa babae.

      "Kumain ka, ha?" Pahabol na bilin ng babae bago pumasok sa sariling solar.

       Hindi maiwasan ni Yna na mapangiti sa sinabi ni Mirka. Kahit napaka madakdak nito at may pagkamasungit minsan ay hindi niya maitatangging maalalahanin ito katulad ng ina nitong si Aling Prancia.

       Pagpasok ni Yna sa loob ng bahay-kubo niya ay agad siyang tumuloy sa kusina upang maghanap ng makakain sa ref niya.

      "What the fuck?" Inis niyang bulong ng makitang ang tanging laman lang ng ref ay isang pitsel ng tubig na malamig.

        Mabibigat ang mga paa na bumalik siya sa sala at umupo. Ramdam niya ang gutom. Wala sa loob na napatingin siya sa mga perfumes, make ups and kung anu-ano pang abubot na nabili niya sa binale niyang sahod mula kay Liam. Bakit ba nawala sa isip niya na bumili ng pagkain at ibinuhos lahat sa gamit niya?

       "O sige, Yna. Lantakan mo ngayon ang mga abubot mo," mahina niyang kausap sa sarili.

 

        Tatayo na sana siya upang itulog na lamang ang gutom nang marinig niya ang boses ni Aling Prancia na tinatawag siya. Dumungaw siya sa maliit na bintana at nakita ito. Nakangiti ang ginang gaya ng lagi nitong ginagawa sa tuwing nakikita siya.

      "Why, Aling Prancia?"

       "Sabi ni Mirka ay hindi ka pa raw naghahapunan? Tara sa bahay at nang makakain tayo ng sabay-sabay."

        Kuminang ang mga mata ni Yna at mabilis na lumabas ng kaniyang bahay-kubo. Aba e gutom na gutom na siya at wala siyang balak tanggihan ang alok neto.

      Pagdating nila sa bahay nina Aling Prancia ay nakita siya ni Mirka na may nakakalokong ngiti, habang kumakain na sa mesa. "Wala kang pagkain, noh? Shopping pa more." May bahid pa ng pang aasar ang tinig ni Mirka.

      Inismiran niya ito at umupo na. Lalo siyang nasabik kumain nang makitang pritong manok ang ulam. Hindi naman niya kinakain noon iyon sa Spain, pero nang minsan bigyan siya ng ganoon ni Aling Prancia ay nagustuhan na niya.

      "Sige kumain na tayo," ani Aling Prancia na umupo na rin. "Nabanggit sa akin ni Mirka na napagalitan ka na naman daw ni Sir Liam."

       Tinapunan niya ng tingin ang tsismosang si Mirka na binigyan lang siya ng ngisi.

      "Don't worry about me, Immune na ako sa lalaking 'yon," bale walang sabi ni Yna.

    "Pagpasensyahan mo na si Sir Liam, hindi naman 'yan dating ganiyan," sagot ni Aling Prancia habang kumakain.

      Natigil sa pagsubo si Yna at napatingin sa ginang. Medyo na-curious siya sa sinabi nito na hindi naman dating ganoon si Liam. Malamang sa malamang ay maraming alam si Aling Prancia tungkol doon dahil dati itong cook ng mga Decker.

       "He's not? But why? I mean, bakit ba ang sungit-sungit ng lalaking 'yon?" Hindi na napigilan ni Yna ang magtanong.

       "Buhat kasi nang mamatay sa aksidente ang kasintahan ni Sir Liam, e naging ganiyan na siya. Laging galit at nakasinghal, masungit at aburido pa. Para bagang laging galit sa mundo..."

        Nagulat si Yna sa narinig. Namatayan pala ng kasintahan si Liam. He must really love the woman, dahil tila sobrang laki ng impact ng pagkawala nito sa pagkatao ngayon ni Liam.

       "And then?" Usisa pa niya habang hindi inaalis ang tingin sa ginang.

       "Tsismosang mestiza ka pala," sabat naman ni Mirka na natatawa pa.

        Inismiran ito ni Yna.

      "Cállate, Mirka," (manahimik ka, Mirka.) masungit niyang sabi sa babae.

       "Anong sabi mo?"

        Hindi niya sinagot ito at muling tumingin kay Aling Prancia.

      "Mabait 'yan si Sir Liam, may pagka stirct pero palangiti at palabati pa nga noon." Napabuntong hininga ang ginang. "Hangang sa maaksidente sila ni Ma'am Raya. Namatay si Ma'am at nalumpo naman siya, hayan buhat noon naging ganiyan na."

        Hindi alam ni Yna, pero biglang tila may kudlit ng awa siyang naramdaman patungkol sa binata. Kaya pala nagkaganoon ito, akala niya ay masungit lang ito sa kaniya dahil sa nakaraan nila noon. Hindi pala.

      "Hindi na nga 'yan lumalabas ng mansion. Pati ang kompanya niya sa manila ay ipinabahala na muna niya sa ama niya. Lumalabas lang yan si Sir Liam kapag dadalaw sa puntod ni Ma'am Raya."

       Hindi nakaimik si Yna.

       "He must really love that woman..."

        "Ay, sobra-sobra, girl!" Si Mirka ang sumagot. "Sobrang bagay nila at sobrang ganda ni Ma'am Raya at sobrang bait pa, kaso sayang nga lang at namatay." May bahid ng panghihinayang sa tinig ni Mirka nang sabihin ang mga katagang 'yon.

         

  

       

       

      

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status