Share

Kabanata II

Wala na yatang imamalas pa ang araw na ito para kay Aleyna. Parang pinagsakluban siya ng langit at lupa nang marinig ang anunsyo ng doktor sa kanya. Bukod sa stroke ay nahawa ang ama niya ng tuberculosis mula sa kay Ali. Naghalo-halo na ang emosyon niya, mula sa kawalan ng trabaho, ang pagkakarindi sa boses ng madrasta, ang nangyayari ngayon sa kanyang ama at kapatid. Ang kaguluhan sa lahat ng ito.

Madaling araw na, ubos na ang sampung libong piso na kinita niya sa loob ng isang buwan. Ang huling sweldo niya. Napunta lahat ng ito sa ospital dahil kung hindi siya magbibigay ng paunang bayad ay hindi iaadmit ang kanyang ama.

Lumabas siya ng ospital upang magpahangin sa labas. Gabi na ngunit madami pa din ang mga taong nasa labas, nauunawaan niyang ang mga ito ay dumidiskarte para magkaroon ng pera. Pumunta siya sa likod ng ospital, sa parking lot at doon ay tahimik na umiyak. 

Wala siyang kamag-anak na malapitan. Wala na ang lolo’t lola niya sa kanyang ama, ang nag-iisang kapatid nito’y masama ang ugali, at ang mga kamag-anak sa parte ng kanyang tunay na ina ay hindi niya kinikilala. Sa isip niya’y iniwan na sila ng kanyang ina, umalis ito para sa kabutihan nila, “magtatrabaho ako para sa inyo, anak.” Iyon ang huling sinabi ng kanyang ina bago sila iniwan at kailanman ay hindi na bumalik pa. Hindi kailanman nagsalita tungkol sa ina nila ang kanyang ama. At maging siya ay hindi na din nagnanais na malaman ang katotohanan tungkol sa ina niyang lumisan na lamang bigla, nagpaalam na babalik, pero hanggang ngayon ay wala pa din. 

“Tangin*…” mura niya habang patuloy ang paghikbi, wala siyang matakbuhan na kaibigan dahil lahat sila ay kapos din sa pera. Hindi niya maatim gumawa ng illegal na bagay dahil ayaw ng kanyang ama at hindi din kinakaya ng konsensya niya na magnakaw o dumiskarte sa illegal na paraan. 

Ang tahimik na parking lot ay umingay, sunod-sunod ang mga sasakyan na dumating na akala mo’y nagkakakarera, lahat ng ito’y parang handang bumangga ng kung sino man ang haharang sa daan. Kasunod nito ay pagdating ng stretcher at nagtatakbuhang mga nurse papunta sa isa sa mga sasakyan. Doon ay tumambad sa kanya ang sugatan na mga kalalakihan, sa lahat ng ito ang isa ang umagaw ng kanyang pansin – ang lalaki na walang malay at umaagos ang dugo sa buong katawan. Hindi niya maaninag ang mukha nito. Mula sa mga suot at sa nagagagandahang sasakyan ay napagtanto niya na mula sa kabilang parte ng San Felipe nagmula ang mga taong iyon. Kung bakit sila nasa ganitong klase ng ospital, iyon ang hindi niya sigurado.

Matagal niyang tinitigan ang pangyayari bago naisipan na pumasok sa loob ng ospital upang tingnan ang kanyang ama. 

Nagmadali siyang maglakad papasok at nang malapit na siya sa pintuan ng ama ay kinuhit siya ng isa sa mga nurse, “bills niyo daw,” pagpapaalala nito. Mula pagpasok sa ospital ay kailangan ang pera, mula sa mga proseso, hanggang sa paglabas. Wala naman siyang magawa at hindi niya masisisi ang institusyon ng mga ito, tama lamang ang kinikita ng ospital at sa paninigurado na masisingil lahat ng pumapasok sa kanila ay nasisiguro nilang kahit papaano ay makakapagpatuloy ang operasyon ng munting ospital. 

Tinanguan niya ang nurse at sinabing susunod siya, ngunit ang totoo ay wala pa siyang pera pambayad sa mga tests na ginawa sa kanyang ama. Natuluyang lumayas si Belinda sa kanila, nanatili si Ali sa kanilang tahanan upang bantayan ito, at siya naman’y kaagad na sumugod sa ospital bitbit ang ama.

“Pa…” Hinawakan niya ang malamig nitong kamay. Kasalukuyan itong nakaratay sa kama at tahimik na natutulog. Sa lahat ng dalangin niya, ang winika na lamang niya ay kahit sana pera lamang para makalabas sa ospital ang ama at mabili ang kinakailangang gamot nito, kahit pang isang linggo lamang.

Hindi niya namalayan na nakatulog na siya, kung hindi tumunog ang speaker sa ospital na nag-aanunsyo ng emergency kung sino ang mayroong blood type na AB negative ay siguro patuloy lang ang paghimbing niya at pagtakas sa reyalidad. 

Tila ba nabuhayan siya ng dugo, parang agad na narinig ng kalangitan ang panalangin niya. Sino ba ang mag-aakala na ang dugong hinahanap sa kasalukuyan ay match sa dugo niya. AB, Rh Negative. Hinalikan niya sa noo ang ama saka nagmamadaling pumunta sa front desk ng mga nurse. 

“AB Negative ako.” Anunsyo niya na siyang ikinalaki ng mata ng mga nurse na nakausap niya, dagli siyang isinama ng mga ito sa isang silid, tinimbang saka ibinigay sa kanya ang consent form at saka siya tinanong tungkol sa kasalukuyan niyang kunsidyon. “Malusog ako at saka AB Negative talaga ang dugo ko. Rare ‘yon kaya ang swerte niyo.” Nauunawaan ito ng mga nurse kaya nga agad silang kumilos at nang kukuhanan na ng dugo si Aleyna ay pinigilan niya ang mga ito, “t-teka, wala bang bayad ‘to?” Huminga siya ng malalim, hindi niya sigurado kung tama ang ginagawa niyang paninigil pero ito lang ang paraan na naiisip niya para mailabas ang ama sa ospital. Nagtinginan ang mga nurse, isa sa kanila ay lumabas. “Teka lang,” wika ng isang nurse na naiwang kasama niya. 

Hindi nagtagal ay dumating ang isang lalaki kasama ang nurse na umalis kanina, ang suot nito’y gaya ng mga mayayaman na nakita niya kanina sa paradahan ng ospital. “Limampung libo kada bag ng dugo.” Direktang sabi nito, walang patumpik-tumpik. Napangiti si Aleyna sa kanyang isipan. Wala siyang pakialam kung saan nila gagamitin ang dugo niya o kahit ano pa ang gawin nila dito. 

Kabado si Aleyna sa ginagawa, pero isiniksik niya sa kanyang isipian na hindi ito illegal at wala siyang ginagawang masama. Para ito sa kanyang ama. 

Isang bag ng dugo ang naibigay niya. Nanghihina siyang tumayo at pilit na pinakikiramdaman ang sarili. Gaya ng kasunduan, binigyan siya ng limampung libo para sa isang bag ng dugo. Inabot sa kanya ito ng cash. Hindi nakatakas sa nahihilong tingin niya ang titig ng lalaki sa kanya pero hindi niya ito pinansin at kaagad na dumiretso sa cashier ng ospital. Kailangan niya ng ilabas ang ama niya kung hindi ay patuloy na lalaki ang bayarin nila, ang huling bagay na gugustuhin niya ngayon ay mangutang. Hindi niya gusto ang ideya na iyon. Isa pa’y wala din naman siyang kilalang mauutangan, mayroon man ay grabe naman magpatubo ang mga iyon.

Tagumpay niyang naiuwi ang ama, sa kabutihang palad ay mayroon pa siyang natira na isang libong piso. Tumambad sa kanilang tahanan ang umiiyak na si Ali, sumalubong sa kanila ang binata. Kaagad nitong niyakap ang kapatid at ama. 

Inihiga niya ang ama sa kama nito saka kinausap si Ali, “kumain ka na ba? Kumusta na ang pakiramdam mo?”

“Ayos lang ako ate. May kanin pa pero wala ng ulam.” Niyakap niya ang kapatid, hindi niya na sinabi na nahawa sa kanya ang kanilang ama dahil baka mag-isip pa ito ng kung ano-ano at sisihin lamang ang sarili. Sumapit ang hapon, matapos lamang ang kaunting pahinga pagkalabas sa ospital ay nagpaalam si Aleyna na maghahanap ng trabaho. Hindi pwedeng umupo na lamang siya at ipagpabukas ang gagawin. Bawat oras at segundo ay mahalaga, hindi dapat sinasayang. Totoong ginto ang oras, at kailanman hindi ito dapat itinatapon lamang sa wala – hindi ganoon dapat itrato ang ginto. 

Nagsimulang suyurin ni Aleyna ang kanilang barangay, maging ang karatig nitong mga barangay upang magtanong kung saan mayroong maaaring mapagtrabahuhan. Sa lahat ng nakausap niya ay walang nakapagbigay ng ninanais niya na sagot. Sinuyod niya ang bawat karinderya, maliliit na tindahan, palengke, establisyementong hindi mo mawari kung mall ba o bodega, maging ang mga computer shops ay hindi niya pinalampas. Pero sa dami ng tao na nagnanais magtrabaho at sa konting mga pagkakataon para kumita ng pera, hindi sapat ang mga ito upang magkaroon ng mapagtatrabahuhan ang lahat ng nangangailangan nito.

Dumako si Aleyna sa Barangay Gumamela, ang lugar at pugad ng bahay-aliwan. Kahit saan ka lumingon ay mayroong mga babaeng mapupula ang labi at maikli ang mga damit – hapon pa lamang pero madami ng mga tao at buhay na buhay na ang lugar. Iwinaksi niya sa utak ang naiisip. 

Papaalis na si Aleyna nang kausapin siya ng isang matangkad na babae. Gaya nang lahat ng kababaihan sa lugar na iyon, pulang pula ang labi nito, makapal ang make up, maikli ang suot na akala mo ay kinulang sa tela. Patuloy ang pag-ihip nito sa sigarilyo habang taimtim siyang tinitignan, “ngayon lang kita nakita dito,” sabi nito sa kanya.

Barangay Gumamela ang lugar na iniiwasan ni Aleyna, dahil sa simpleng dahilan na ayaw niyang maengganyong pumasok sa ganoong uri ng trabaho. Alam niyang mabilis siyang mapapapayag dahil sa kagipitan at kahit gaano kalabag sa loob niya ay gagawin niya ito para sa kanyang pamilya. 

“Maganda ka.” Sabi ng babae sa kanya. Sa tantiya niya ay nasa kwarenta ang babae pero malakas ang pangangatawan at halatang sanay na sanay sa trabahong kinabibilangan. Umikot ito sa kanya at tinignan siya mula ulo hanggang paa, “gusto mo ng trabaho?” Alam niya kung ano ang iaalok nito sa kanya, hindi siya mangmang, at lalong hindi siya pinanganak kahapon lamang. Mulat ang mata niya sa reyalidad. Ganun pa man, kahit anong kumbinsi sa sarili na huwag ay pikit mata siyang tumango.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status