Share

C2: Kristine Del Castillo

Kinuha ko ang damit ko na nagkalat at sa bathroom ko na isinuot uli ang mga iyon. Nagbabagsakan ang mga luha ko dahil ibang lalaki ang naghubad no’n sa akin at sinasabi pa niyang isa akong prostitute! Ilang ulit kong pinahid ang luha ko pero ayaw no’ng magpaawat at tumigil man lamang kahit saglit. Paglabas ko ay naroon pa rin siya at naghihintay.

“Accept th—”

Tinabig ko ang kamay niya at dinampot ko ang bag ko sa lapag saka tumakbo ako palabas.

Gulong-gulo ang isipan ko pero hindi ko ipinahalata sa ibang nakakasalubong ko ang hitsura ko.

Tumunog ang cellphone ko na nasa loob ng shoulder bag ko kaya kinuha ko ‘yon no’ng nasa elevator na ako. Mabuti na lamang at nag-iisa ako rito. Message ni Evan iyon sa akin.

“What happened? I’m waiting for you for the whole night. Where are you? You can always talk to me, Kristine.”

Nanlalabo ang paningin ko dahil sa mga luha ko. Paano ko siya haharapin ngayon? Paano ko sasabihin sa kanya ang nangyari? Papaniwalaan ba niya ako? Patatawarin ba niya ako? No, kahit ako sa sarili ko hindi ko mapatawad ang aking sarili dahil nagawa kong magpagalaw sa lalaking hindi ko kilala at napakatanga ko na hindi man lamang ako nagpakasiguro kung boyfriend ko siya o hindi.

Nagkamali ba ang lalaking iyon ng kuwarto? Parang hindi rin ako ang ini-expect ng lalaking iyon na katabi niya o baka nagkukunwari lamang siya?

Marami pang messages si Evan hanggang maging call na iyon na paulit-ulit.

Nang makalabas ako sa hotel ay kaagad akong pumara at sumakay sa taxi at sinabi ang address sa bahay.

Paulit-ulit na tumatawag ang boyfriend ko kaya lumakas nang husto ang aking pag-iyak.

He’s a good man, iyong sagutin ang tawag niya hindi ko ‘yon ginagawa sa loob ng dalawang taon namin lalo kung  wala naman ako sa work. Pero ngayon paulit-ulit kong hindi pinansin ang kanyang tawag. Hiyang-hiya ako sa aking sarili.

Napakarami niya ring messages as if siya ‘yong may pagkakamali sa aming relasyon.

“Tine, I am not forcing you, we can always talk about this.”

“Tine, please, answer me, may nagawa ba akong mali sa ‘yo? Na-offend ba kita or something?”

Kesa dumiretso sa bahay nang ganito ang hitsura ay nagpababa na lamang ako sa bahay ng pinsan ko.

“Oh, Tine, bigla—anong nangyari sa ‘yo?” iyon kaagad ang tanong niya nang mapagbuksan ako.

Kaagad akong dinaluhan ni Cleah. Yumakap ako sa kanya nang mahigpit at umiiyak.

 “Anong nangyari? May nanakit ba sa iyo? Niloko ka ba ng boyfriend mo?” sunod-sunod niyang tanong.

Lalo lang lumakas ang pag-iyak ko. Hindi ko magawang magpaliwanag dahil iyong utak ko parang sasabog na.

“Cleah, hindi ako nagkamali ng kuwarto! Tama iyon, bago pa iyong gabing iyon kasama ko pa si Andrea na nag-ayos doon! Iyong lalaki, iyong lalaking iyon ang nagkamali!”

“H-huh? Ano bang nangyari? Ipaliwanag mo nang maayos.”

“Cleah! Cleah, tingnan mo itong video!” Pababa ang asawa ng pinsan ko. Pero natigilan siya sa hagdanan nang makita ako.

“Ano iyon?”

“Ah, w-wala,” anito na nakatitig sa akin.

Pinahid ko ang luha ko dahil baka naiilang siya sa hitsura ko. Gulo-gulo marahil ang buhok ko at malakas ang naging pag-iyak ko.

Dinala ako ni Cleah sa sofa nila.

“Ikukuha lang kita ng tubig,” ani Cleah.

Tumango naman ako. Bumaba ang asawa niya at sinundan siya sa malapit na kusina.

Tiningnan ko ang cellphone ko at nagu-guilty ako na napag-aalala ko nang husto si Evan. Pero hindi ko rin alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Natatakot din ako na hindi niya ako paniwalaan.

Sobrang kahihiyan ang nararamdaman ko. Nandidiri rin ako sa aking sarili na nakuha ako nang lalaking kahit pangalan ay hindi ko nga alam! Gusto kong maging panaginip na lamang ang lahat ng ito at magising na ako dahil baka hindi ko ito kayanin.

“Kristine!”

Hindi tubig ang dala-dala nang nagmamadaling pinsan ko, cellphone ang dala-dala niya at may panginginig pa ang palad niyang ipinakita iyon sa akin.

 “I-ikaw ba ito?” Hindi siya makapaniwala at namumutla na rin.

Nang tingnan ko ang video na nag-play ay nanlaki ang mga mata ko.

Ang kahihiyang daramdamin ko na lamang mag-isa ay mukhang mas malala pa ang ibibigay sa akin.

“S-saan mo nakita iyang video?” tanong ko. Masisiraan yata ako ng ulo dahil sa mga sunod-sunod na pangyayari na ito sa akin.

“Naipasa lang iyan sa group chat ng mga batch ko no’ng college,” tila nahihiya pang paliwanag ni Gio, ang asawa ng pinsan ko. “Pero mukhang mabilis siyang kumakalat dahil iyong ibang kasama ko ro’n ang sabi nila ay nauna na nila itong napanood.”

Para akong binuhusan nang malamig na tubig.

Heto ako nanliliit sa aking sarili. Sa pagkakaalam ko ay wala akong ginawan nang masama pero bakit ako humantong sa ganitong sitwasyon?

Lumapit sa akin si Cleah at niyakap ako nang mahigpit. Hindi ko na magawang magpaliwanag pa. Umiyak lang ako nang husto, pero kahit anong iyak ang gawin ko ay hindi mabubura ang lahat ng mga nangyari. Ang inalagaan kong katawan ko na para lamang sa lalaking tingin ko ay magiging asawa ko na ay naibigay ko sa isang lalaking hindi ko naman kakilala. Ang katawan kong hindi ko halos ipakita sa iba ay pinagpipiyestahan ngayon sa iba’t ibang social media—pinagtatawanan, tinatatawag nang kung ano-ano at pinagpapasa-pasahan.

“Hindi ko ‘yon ginusto! Kasama ko nga si Andrea no’n nang iniayos namin ‘yong kuwarto. Hindi ako ang may kasalanan, hindi naman ako nagkamali. Sadya lang na madilim dahil isu-surprise ko si Evan no’n!” Para akong mababaliw sa pagpapaliwanag pa lamang.

“Sige na, kumalma ka, pagkatapos no’n bakit may video? Hindi mo ba nakita ang mukha niya?”

Umiling ako. “Hindi ko nakita dahil hinalikan niya ako kaagad at hindi nga natuloy ‘yong surprise dinner ko sa kanya dahil nagmamadali siya. Pero lasing iyong lalaki no’n at hindi ko rin alam bakit parang ang init-init nang pakiramdam ko at nagpadala ako sa sitwasyon!”

“Hindi kaya may nainom ka?” tanong sa akin ni Cleah nang nag-aalala. “Hindi kaya kagagawan ito ni Andrea?”

Pinagkatitigan ko siya nang husto. Elementary pa lamang ay kaibigan ko na si Andrea at matalik na kaibigan pa nga.

“Bakit naman niya iyon gagawin sa akin?” tanong ko sa kanya.

“Hindi ko rin alam, pero kung ikaw ang nag-ayos no’n ibig sabihin hindi ka lumabas para mapunta sa ibang kuwarto.”

Tumango ako nang sabihin iyon ni Cleah.

“Paano nakapasok iyong lalaki doon?”

“H-hindi ko alam, iyong kuwarto na iyon ay card key at password ang ginagamit. Iyong card key nasa akin ibig sabihin ay password ang ginamit niya at kaming nagpa-book ang nag-set no’n kaya paano niya iyon malalaman no’ng lalaki?”

Nagkatitigan kami at may iguguho pa pala ang nararamdaman ko.

Hindi. Imposibleng kaibigan ko mismo ang nagplano nito para sa akin.

Pero siya rin ang pinagsabi ko kay Evan ng room number…

May tumatawag sa akin kaya nahinto ako sa pag-iisip. Tiningnan ko kung sino iyon. Mommy iyon ni Evan, hindi naman ako sobrang gusto niya pero tinanggap naman niya ako dahil sa ako ang gusto ni Evan. Hindi rin naman niya ako pinakikitaan nang hindi maganda pero minsan nararamdaman ko lang na hindi siya pabor sa akin. Pero nitong mga nakaraang buwan nagiging in good terms na rin naman kami.

“Tumatawag ‘yong mommy ni Evan,” sabi ko sa pinsan ko. Hindi ko alam ang gagawin.

“Huwag mo munang sagutin kumalma ka muna—”

Namatay ang unang tawag at may sumunod uli kaya napilitan akong sagutin iyon dahil baka magalit na naman siya sa akin. Wala pa naman siguro siyang alam.

“Sinasabi ko na nga ba! Hindi mo na mapeperahan ang anak ko! Malandi ka! Hindi ka na nahiya sa pinaggagawa mo, magloloko ka na lang gumawa ka pa nang ebidensiya! Dahil mas marami kang mahuhuthot doon sa lalaking kasama mo sa kawalanghiyaan mo kaya iyon naman ang bibiktimahin mo?” Galit na galit siya, sa sobrang pagkabigla ko hindi ko na magawang magsalita. “Lumayo ka na sa anak ko! Marumi kang babae! Malandi! Nakakahiya ka! Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa iyo kapag nalaman kong kinakausap mo pa ang anak ko!”

Namatay na iyon pero hindi ko pa rin magawang alisin sa tainga ko ang cellphone.

Iyong mga salitang ‘malandi’ at ‘marumi’ ay hindi kailanman tinawag sa akin ninoman. Si Evan din ang second boyfriend ko at iyong isa ay iyong college ako at hindi rin nagtagal dahil nga hindi raw ako madalas sumama sa kanya at sa lakad ng kanyang mga kaibigan.

Pakiramdam ko nag-shutdown ako bigla, maging ang umiyak ay hindi ko na magawa. Iyong sinasabi ng pinsan ko hindi ko na halos maunawaan. Hindi ako makahinga, para akong kakapusin ng hangin, mamamatay na ba ako? Parang mas mabuti pa nga na mamatay na lamang ako dahil hindi ko yata kayang panindigang humarap pa sa ibang tao.

“Kristine!”

Iyon ang huling narinig ko sa aking pinsan bago ako mawalan ng malay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status