Share

C3: Kristine Del Castillo

Nang magising ako sa sofa ay gabi na at kahit paano ay kumalma na ako. Kaagad akong inabutan ng tubig ni Cleah nang makitang gising na ako. Kailangan makausap ko ang nanay ko, pakiramdam ko sa ganitong pakiramdam ay siya lamang din ang makapagpapakalma sa akin. Sigurado akong paniniwalaan niya ako dahil kilalang-kilala niya ako.

“Nabura na iyong mga videos, kung mayroon man iyong mga nakapagdownload na lamang no’n pero nagbanta na iyong nakasama mo sa video na kakasuhan lahat ng maglalabas no’n.”

Napatitig ako kay Cleah.

“Kasama?”

“Iyong lalaki,” aniya.

Kung ganoon kabilis niyang nagawa iyon mukhang hindi siya basta mayaman lang na tao.

“Atleast, hindi na iyon lalabas pa.”

Ipinagpapasalamat ko na iyon na hindi na umabot pa nang ilang araw. Pero sigurado akong iba na ang magiging tingin sa akin ng mga nakakakilala sa akin at matagal pa bago mamatay ang usap-usapan na iyon.

“Sinabi sa akin ng asawa ko na C.E.O. siya sa isang Steel Fabrication Company. Hindi mo naman siguro planong magsampa ng kaso? Ibig kong sabihin, masyado siyang malaking tao?” Nakita kong nag-iingat naman ang pinsan ko sa pagsasalita at nag-aalala lamang siya.

“Wala na akong pakialam sa kanya masyado na akong maraming problema para idagdag pa siya. Kung puwede lang makalimutan ko na kaagad siya.”

Hindi ako lasing no’n, pero alam kong may kakaiba sa akin pero inisip kong iyon iyong normal na nararamdaman kapag gagawin iyon. Bago ako roon at ang lalaking mahal ko ang makakalapit ko kaya hindi ko na iyon gaanong inisip pa. At base sa iilang saglit na nakita ko, nagustuhan ko ang dating ng video—hindi ko alam kung maco-consider na rape iyon at kung ganoon man ano naman ang ilalaban ko sa malaking tao? At ano naman ang mapapala nang lalaking iyon para ikalat ang video namin? Kung malaki siyang tao, napakalaki ring kahihiyan no’n, kami rin ang nagbook ng kuwarto na iyon, bukod sa aming dalawa sino ang kukuha no’n habang nasa kama kami? May iba bang tao sa kuwarto? Wala namang ibang may alam ng password ng kuwartong iyon maliban kay Andrea.

Ako ba ang nai-set-up o iyong lalaki ang gusto nilang i-set-up?

Binabayaran niya ako at sa pagkakarinig ko ay five million ang ibinibigay niya, tingin ko dahil na-realize niyang hindi ako ang babaeng dapat ay kasiping niya at umiiyak ako. Gusto niya akong patahimikin sa nangyari.

“Saan ka pupunta?” tanong ng pinsan ko dahil tumayo na ako.

“Uuwi na muna ako.” Hindi ko magawang ngumiti man lamang.

“Kapag kailangan mo nang kausap ay narito lamang ako. Naiintindihan ko at naniniwala ako sa iyo, Krisitine.”

Niyakap ko siya nang maihatid niya ako sa tricycle kahit mas mura ang jeep. Hindi ko kayang isipin na pinagtitinginan ako ng mga tao dahil nakilala nila ako sa viral video.

Madilim nang may mangyari sa amin.

Madilim din nang magising kami.

Pero iyong video ay doon sa couch mismo kung saan may dim light dahil malapit doon ang dinner na nai-set-up namin. Sigurado akong walang tao roon, ibig sabihin mayroon ng camera roon na nag-capture ng video? It’s our second round. Nasisiguro ko rin na hindi ko na nakilala ang lalaki, ibig sabihin ba mayroon talaga akong nainom para hindi siya makilala kaagad sa bahaging iyon?

“Ito na po ba?” tanong ng driver.

Natigil ako sa pag-iisip. Mukhang napakatagal kong nag-isip.

Inabutan ko na siya ng bayad at hindi ko na nakuha ang sukli dahil hindi na nag-pa-function ang utak ko.

Dahil nasa looban pa ang bahay namin ay kailangan ko pang daanan ang mga kapitbahay namin. Kahit diretso ang lakad ko ay alam kong pinagtitinginan ako at pinagbubulungan. Ipinagpapasalamat ko na lamang na madilim na. Iyon lamang hindi ko maiiwasan ang mga taong ito dahil mayroon at mayroon pa ring nakatambay at gising na mga tsismosa.

“Buti dumating ka na, nag-aaway yata iyong magulang mo!” si Aling Melba iyon na nagtitinda ng balut sa tabing daan.

Nang marinig ko iyon ay nagmamadali na akong pumunta sa aming bahay. Bukas naman ang gate namin kaya pumasok na ako. Sa pintuan na bukas pa lamang ay nakikita ko nang sinasaktan ni tatay si nanay. Hinihila niya ito habang sumisigaw nang sumisigaw. Tahimik lamang na umiiyak si nanay para hindi gumawa ng ingay. Pero dahil halos magkakadikit ang mga bahay rito ay madali lang talagang malaman kung may nag-aaway.

“Pipigilan mo pa akong babae ka!” sigaw ni tatay kay nanay. Akma niyang sasampalin ang nanay kaya kaagad ko siyang nahawakan sa kamay.

“Tatay, huwag! Kagagaling nga lang ni nanay sa sakit!” umiiyak na sabi ko.

Bumaling siya sa akin malakas akong tinabig dahilan para bumagsak ako malapit sa pintuan.

“Malandi ka! Pokp*k ka rin palang lalaki katulad ng nanay mo! Pinag-aral kita at ipinagmamalaki pero put*ng-ina mas malala ka pa pala dito sa nanay mo!” sigaw niya sa akin.

“Tatay, tatay, sorry, hindi ko iyon ginusto!” umiiyak na sabi ko. Tumayo ako para lapitan siya pero inawat siya ni nanay.

“Huwag mong saktan ang anak mo, hindi mo ‘yan ginagawa!” sigaw ni nanay na iyak nang iyak. “Kung gusto mo ay ako na lamang ang saktan mo!”

Hindi ako makalapit dahil alam kong galit na galit sa akin ang tatay ko.

Pinakamasakit na disappointed sa akin ang tatay ko sa lahat. Totoong ipinagmamalaki niya ako, iyon lamang kapag lasing siya ay bumabalik sa kanya ang naging affair ni nanay noong nag-abroad siya. Para sa akin inayos nila ang relasyon nila at nagsasama naman ng maayos iyon lamang ay hindi na nawawala kay tatay ang kasalanan ni nanay kahit pa twenty years na ang lumipas. Madalas niya ring sinasaktan talaga si nanay kapag lasing siya pero tinitiis na lamang iyon ni nanay dahil maganda naman daw ang turing sa akin ni tatay bilang anak niya.

Isa akong investment para sa kanya. Pangarap nga niyang makapag-asawa ako ng mayaman kaya daw dapat gamitin ko ang talino sa mga gagawin kong desisyon sa buhay.

“Tatay, sorry—” hilam na hilam na ako sa luha.

“Huwag ka nang babalik sa bahay na ito! Lumayas ka na! Lumayas ka!” malakas na sigaw ni tatay na susugurin pa ako pero kaagad siyang hinila ni nanay sa braso.

“Kristine, sige na, umalis ka na muna,” may pakiusap sa boses ni nanay.

“Tatay—”

“Dalhin mo ang lalaking iyon dito at patatawarin kita lalo na kung pakakasalan ka niya! Para kahit naman naging malaking kahihiyan na kita ay may maganda ka ring maibibigay sa amin ng nanay mo!”

Nalaman siguro ni tatay na mayaman ang lalaking iyon. At wala siyang pakialam kung sino ang lalaking iyon, basta lamang mapanagutan ako niyon na napakaimposible at hindi ko rin naman gusto. Kung puwede nga lamang na hindi na rin magkrus ang landas namin ng lalaking iyon!

Kahit mabigat ang mga binti ko ay umalis ako dahil hindi ko na kayang tagalan pa ang makitang umiiyak nang husto si nanay, habang galit na galit naman sa akin ang tatay. Pero natatakot akong iwanan si nanay, paano kung mas masaktan siya? Paano ko siya kukunin? Sasama ba siya sa akin?

“Kristine!”

Lumapit sa akin si Beth, isang kababata at kaedad ko sa ‘king paglabas sa gate.

“Gusto mo bang sa amin ka na lamang muna?” nag-aalala siya sa akin.

Umiling ako. “Gusto kong lumayo muna sa lugar na ito. Madadamay rin kayo sa tatay ko.”

“Saan ka pupunta?” tanong niya.

“Ayos lamang ako, salamat, bed spacer naman ako malapit sa trabaho ko,” pilit akong ngumiti.

Sinamahan niya na lamang ako hanggang makasakay ako sa tricycle.

Bumalik na lamang ako sa maliit na apartment na tinitirhan namin ng apat kong ka-workmate. Mayroon kaming team building ngayon kaya walang tao at hindi ako sumama dahil anniversary namin ni Evan.

Kailangan ko pa ring magtrabaho, kung hindi lang para sa nanay ay hindi na siguro ako kikilos pa. Kailangan ako ni nanay higit sa lahat. Pero hindi na siguro sa trabaho ko ngayon dahil paniguradong nakita o may nakakita na rin sa kanila ng video.

Habang iniipon ko ang pira-pirasong lakas ng loob ko ay isang text message ang nabasa ko.

Nakipaghiwalay na sa akin si Evan at ang mahabang mensahe na iyon na raw ang huli kong matatanggap.

Nangiti na lamang ako, hindi dahil masaya ako kung hindi dahil sobra-sobra na ang ibinigay sa akin na pagsubok. Pagsubok pa ba ito o parusa na? Gaano karaming luha ang ilalabas ko sa araw na ito? Titigil pa ba ito? Makakayanan ko pa ba talaga ang susunod na araw?

Sa buong gabing iyon wala akong ginawa kung hindi ang umiyak. Ilang beses ko ring tinangkang maglaslas gamit ang cutter pero tuwing maiisip ko ang nanay ko ay impit na iyak na lamang ang pinakakawalan ko. Gumuho ang lahat-lahat nang pinaghirapan kong buoin—ang sarili ko, ang relasyon ko sa lalaking minamahal ko, at ang respeto ko para sa ‘king sarili at ang respeto ng ibang tao para sa akin lahat iyon ay naglaho…

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status