Andrea’s POV
Nakatitig lang ako sa pintong kalalabas lang ni Dylan Reed Romero, parang ayaw pang tanggapin ng utak ko ang nangyari. Totoo ba ’yon? Pumayag ba talaga siyang pakasalan ako nang ganoo lang kadali, diretsahan, walang paligoy-ligoy?
Huminga ako nang malalim, sinusubukang ayusin ang gulong-gulong isip ko. Ang deal na in-offer ko kanina, ngayon parang sobrang bilis kapag binalikan ko. Ako—si Andrea Villamor ay magpapakasal kay Dylan Reed Romero. Ang thirty-two-year-old heir ng Romero empire. Ang lalaking kinaiinisan at kinatatakutan sa mundo ng negosyo. At higit sa lahat, ang pinakamalaking business rival ng ex-fiancé ko.
Isang kasal na pwedeng mag-ayos ng problema naming dalawa. Para sa akin, makakatakas ako sa kahihiyang isang bride na iniwan sa altar, sa harap ng daan-daang bisita at media. Para sa kaniya, makukuha niya ang lupa na matagal nang target ng Romero Group.
Pero kahit malinaw ang dahilan, hindi pa rin mawala ang kaba sa dibdib ko. Kasal. Kahit pa business arrangement lang, kasal pa rin ’yon. Hindi biro ang isang kasal.
Naputol ang pag-iisip ko nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Lira, halos hingalin, nanlalaki ang mga mata sa gulat.
“Wait—Andrea,” bungad niya, halos pabulong pero mataas ang tono, “was that Dylan Reed Romero na kalalabas lang ng room mo?”
Tumango ako, pakiramdam ko lutang pa rin ako.
“As in—that Dylan Reed Romero?” sunod-sunod niyang tanong. “CEO ng Romero Group? ‘Yung laging laman ng business news? ‘Yung ni-list ng Forbes as one of the thirty most influential businessmen under forty? Dylan Reed Romero?”
“Yes, Lira. Siya nga,” sagot ko habang inaayos ko ang pagkakaupo ko sa kama.
Parang sasabog ang utak niya. “Oh. My. God. Anong ginagawa niya rito? Wait—konektado ba ’to sa aksidente?”
“Yeah,” sagot ko, pilit na kalmado ang boses. “He came to talk about compensation. ‘Yung tungkol sa car accident.”
Hindi siya mukhang kumbinsido sa sinabi ko, pero hindi na siya nagtanong pa. Tinulungan niya akong mag-impake ng mga gamit ko, tapos siya na ang nagmaneho pauwi. Kailangan kong magpalit ng damit bago bumalik sa ospital para bantayan si Daddy.
Nahimatay lang si Daddy dahil sa sobrang emosiyon, sabi ng doktor. Walang seryosong komplikasyon, pero kailangan pa rin siyang obserbahan. Kahit papaano, nakahinga ako nang kaunti.
Pagdating sa bahay, nagpalit ako ng simpleng sweater at jeans. Wala akong lakas ng loob magbihis nang maayos. Ang daming tanong sa isip ko. Totoo ba ’to? Kaya ko ba talagang gawin ’to? Magpapakasal sa lalaking halos hindi ko kilala, bukod sa reputasyon niya bilang cold at ruthless businessman?
***
Pagbalik namin sa ospital, mas maayos na ang itsura ni Daddy. May kulay na ulit ang mukha niya. Doon ko naramdaman na kahit papaano, may isang bagay na umaayos sa magulong buhay ko.
Kinabukasan, nasa tabi ako ng kama niya, nagbabasa ng libro habang mahimbing siyang natutulog. Tahimik ang kwarto, tanging tunog lang ng heart monitor ang maririnig nang biglang bumukas ang pinto.
Inangat ko ang tingin ko, inaakalang nurse o doktor lang, pero hindi.
Si Edward Anderson ang nasa pintuan, may hawak na bouquet ng bulaklak.
Nanikip ang dibdib ko sa isang iglap. Parang may humawak sa puso ko at biglang pinisil. Siya—ang lalaking nangakong pakakasalan ako. Ang lalaking iniwan ako sa altar. Ang lalaking mas piniling protektahan si Margaret Sandoval habang may may baril na nakaharap sa akin.
“Andrea…” mahina niyang tawag, puno ng pagsisisi ang boses. “Nabalitaan ko ang tungkol sa Daddy mo. Gusto ko lang sana kayong kamustahin.”
Bago pa ako makasagot, tumayo na si Lira mula sa kinauupuan niya sa sulok ng kwarto.
“Excuse me?!” singhal niya. “May kapal ka pa ng mukha na pumunta rito? After everything you did? Iniwan mo siya sa altar, Edward! Tapos ngayon papasok ka rito na parang walang nangyari?”
Nagising si Daddy sa ingay. Nang makita niya si Edward, agad tumigas ang ekspresyon niya.
“Lumabas ka,” mahina pero matigas niyang utos.
Lumapit pa ng isang hakbang si Edward. “Mr. Villamor, please. Gusto ko lang magpaliwanag—”
“Sabi ko lumabas ka!” sigaw ni Daddy, dahilan para bumilis ang tunog ng monitor. “Sapat na ang ginawa mong sakit sa anak ko.”
Nanatili akong tahimik. Tinitigan ko si Edward—walang galit at walang luha ang mababalas sa mukha niya. Malamig ang presensiya niya. Ang lalaking minahal ko ng labindalawang taon, ngayon parang estranghero na lang.
“Andrea, please…” pakiusap niya, gamit ang titig na dati’y kayang pabagsakin ang lahat ng depensa ko.
“Umalis ka na lang,” sagot ko sa wakas, kalamdo pa rin ang boses. “Narinig mo si Dad.”
Halos itulak siya ni Lira palabas. Rinig ko pa ang sigaw niya sa hallway.
“Balik ka na sa precious Margaret mo! Leave Andrea alone bago pa ako tumawag ng security!”
Pagbalik ni Lira, halatang galit na galit pa rin siya. Pero agad nagbago ang tingin niya nang tumingin siya sa akin.
“Okay ka lang?” tanong niya.
Tumango ako. At nagulat ako sa sarili ko—okay lang talaga ako. Masakit, pero hindi na tulad ng inaasahan ko.
Ilang araw pa ang lumipas. Napansin kong hindi ako makapag-access ng social media. Walang notifications at walang updates. Doon ko nalaman na si Lira pala ang nagdiskonekta ng internet sa phone at tablet ko.
“Lira,” sabi ko isang hapon, seryoso ang tono, “ibalik mo.”
“Why?” bakas ang pag-aalala sa mukha niya. “Gusto mo bang masaktan ulit?”
“Kailangan kong makita,” sagot ko. “Labindalawang taon akong naging bulag. Kung hindi ko haharapin ’to, baka makalimutan ko ang sakit kapag gumaling na.”
Naluha siya pero inabot niya ang phone.
Habang nagbabasa ako ng comments sa mga gossip sites, halos manginig ang kamay ko.
“Grabe ang mga tao,” bulong ni Lira. “Paano nila nasasabi ’yan tungkol sa ‘yo?”
May mga nagsasabing hindi raw ako sapat para kay Edward. May mga nagsasabing ako raw ang may kasalanan. May mga nagsi-celebrate pa sa pagiging ‘true love’ nina Edward at Margaret.
Masakit. Pero bawat salita, parang nagpapatigas ng loob ko. Tapos na ang pagiging tanga sa fairy tale na inaakala ko.
Nang ma-discharge na si Daddy, nag-aayos kami ng gamit niya nang mag-vibrate ang phone ko. Isang text.
“I have time tomorrow. Meet me at the Local Civil Registrar’s Office at 10 AM. Bring your documents. – A.C.”
Tatlong beses kong binasa. Totoong hindi siya umatras sa napagkasunduan naming kasal.
“Sino ’yan?” tanong ni Daddy.
“Work lang po,” mabilis kong sagot.
Pag-uwi namin, agad akong hinila ni Lira papasok ng kwarto ko.
“Okay, spill!” excited niyang sabi. “Si Dylan ’yon, ’di ba?”
“Oo,” amin ko.
“At sasabihin mo na naman ‘nothing important’?” tinaasan niya ako ng kilay.
Huminga ako nang malalim. “It’s complicated.”
“Compensation?” biro niya. “Gaano kalaking compensation ba ’yan?”
Hindi ako nakasagot agad.
“At ‘wag kang mahiya,” dagdag pa niya. “Billionaire ’yon. Kayang-kaya niya.”
Hindi ko na napigilan ang sarili ko.
“Hindi pera ang hiningi ko,” sabi ko sa wakas.
“Then what?” tanong niya, nanlalaki ang mata.
Huminga ako nang malalim—handa nang sabihin ang katotohanan nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Maria, isa sa mga kasambahay.