Share

Kabanata Cinco

MATAPOS ang dinner sa mansion ng Fajardo ay nag-usap pa nang matagal si Fausto at Leonardo, kasama si Liliane.

Si Marcus naman ay umakyat sa taas patungo sa kwarto upang palihim na makinig sa usapan ng tatlo. Inaya naman siya ni Leonardo na sumama sa mga ito at makipagkwentuhan ngunit hindi na lamang siya sumalo nang tingnan siya ng masama ni Liliane.

Una niyang madadaanan ang kwarto ni Luna na saktong bumukas ang pinto. Bahagya itong natigilan nang makita siya at pagkatapos ay mabilis na sinara ang pinto at humarang pa sa hamba. “I won’t allow you to enter my room.”

“Bakit?”

“What? Anong bakit? Do you expect me to invite you inside just because you’re my husband?"

“That’s not what I mean. Alam ko namang off-limits ako, kahit pa kasal na tayo. I ask, kasi bakit mo naisip na I will go to your room… if I have my own?” Sabay turo sa guest room na noong umpisa pa lang ay kwarto na niya. “Dadaan lang naman ako.”

“Oh, really? Do you expect me to believe that? First night ng kasal natin ngayon, tapos sasabihin mo na hindi mo ‘ko papasukin sa room?”

Muntik nang matawa si Marcus kung hindi lang siya nagpigil. Gusto lang naman niyang pumunta sa sariling kwarto para gawin ang kanyang misyon ngunit ganito pa ang mangyayari? Ano ba ang tingin ni Luna sa kanya? Ma*yak?

“No. And para maniwala ka… aalis ako, hindi ako rito matutulog.”

Bahagyang kumalma ang ekspresyon ni Luna sa kanyang sinabi. “Okay,” ang sagot nito at saka siya nilagpasan.

Ang planong pakikinig sa usapan ng matatanda sa ibaba ay hindi na lamang niya tinuloy at umalis muli sa mansiyon upang doon na lamang matulog sa resort.

Malapit ng maghating-gabi ng makabalik siya sa resort. May mangilan-ngilan na turista ang gising pa rin na nasa may pool nang dumaan siya. Sa front desk ay pinaalam niya na bumalik siya upang doon na magpalipas ng gabi.

Nag-alok ang isang staff na ihahatid siya sa kanyang kwarto nang mapansin ang apat na lalakeng nilagpasan siya. “Hindi na kailangan,” ang sagot niya sa staff. Paalis na sana si Marcus nang maalala ang nakitang tattoo na nasa braso ng isa sa apat na lalakeng dumaan.

Pamilyar sa kanya ang imahe sa tattoo ngunit hindi niya matandaan kung saan niya ito nakita. Nang nasa tapat na ng kwarto ay saka lang rumehistro sa kanyang utak na ang tattoo’ng nakita ay mula sa isang grupo ng mga kriminal. At noong isang taon ay may hinatid na kriminal sa isla na may ganoong tattoo, walang iba kundi ang leader ng grupo.

Dali-daling bumalik si Marcus upang alamin kung anong ginagawa ng isa sa miyembro ng grupong iyon. At nakita niyang tumambay ang mga ito sa may pool, nag-uusap.

Hindi niya inaalis ang tingin sa lalakeng may tattoo hanggang sa napapansin niyang panaka-naka itong tumitingin sa itaas ng resort, sa mga kwarto.

Kaya bumalik siya at tinanong sa front desk kung sino-sino ang mga naka-check-in sa itaas… at doon ay nalamang dalawa sa guest ay ang babaeng pulis at ang kasama nitong lalake. Ilang beses na niyang na-encounter ito ngunit ngayon niya lang nalaman ang pangalan ng babaeng pulis.

May kutob si Marcus na ang pakay ng lalakeng may tattoo ay si Scarlette. Sa dami na ng kriminal na nakasalamuha ay hindi siya maaaring magkamali sa kutob.

Sa kulungan lang maaaring magtagpo sa iisang lugar ang pulis at kriminal. Maliban doon ay maaaring nagkataon lang o sinadya.

Dali-dali siyang tumawag sa isla upang tanungin si warden Torres kung alam ba nito kung sino-sino ang mga miyembro ng naturang grupo. Sa isla na siya tumawag upang maiwasan ang maraming tanong kung sa police station siya kakalap ng impormasyon.

“Hello? Alam mo ba kung anong oras na?” ang sagot ni warden Torres sa kabilang linya. Yamot dahil naantala ang tulog.

Hindi na nagpaligoy-ligoy si Marcus at agad tinanong ang tungkol sa grupo at kung ano ang kinalaman ni Scarlette sa grupo?

“Kung hindi ako nagkakamali ay siya at ang kanyang team ang nakahuli sa leader, bakit mo naman naitanong?” ani warden Torres na hindi matukoy kung saan papunta ang usapan dahil sa antok.

Kaya pinaalam ni Marcus ang maaring mangyari.

“Teka! ‘wag mo sabihing huhulihin mo ‘yang mga ‘yan ng mag-isa?” ani warden Torres na tila nawala ang antok sa sinabi ni Marcus. “Napakadelikado ng mga ‘yan!” ang babala pa nito.

“Salamat sa impormasyon.” At saka binaba ang tawag. Walang pakialam si Marcus sa babala nito tungkol sa grupo ng mga kriminal.

Bumalik siya sa may pool upang magmasid pa sa apat na lalake na hindi nagtagal ay bumalik na papasok sa resort. Umakyat ang mga ito sa itaas na kapansin-pansin na ang mga kakaibang ikinikilos.

Huminto ang apat sa tapat ng kwarto ni Scarlette. Ang dalawa sa grupo ay agad nagmasid sa paligid.

Mabilis na nakapagtago sa pader si Marcus. Matapos ay dumukot sa bulsa upang ibato sa mga ito ang barya na agad lumikha ng ingay. Naagaw niya ang atensiyon ng grupo dahil sa ginawa.

“Hoy!” ang sigaw ng isa matapos tumakbo ni Marcus upang magpahabol at mailayo ang grupo sa resort.

Sa madilim at likod na parte ng resort huminto si Marcus sa pagtakbo. Ang ilaw na nagmumula sa resort ay hindi na abot sa parte kung nasaan siya at ang grupo. Sinadya niya ito upang mas maging lamang sa kalaban.

Madamo ang lupang inaapakan at malamig din ang simoy ng hangin. Hindi niya man makita ngunit alam niyang nasa paligid lang ang apat na lalake. Bentaha na sanay siya sa dilim ngunit hindi pa rin gano’n kadaling alamin kung nasaan eksakto ang apat.

Yumuko siya at bumunot ng damo sabay bato sa kanyang harapan. Agad na nagsalita ang dalawa sa grupo at hindi na nag-aksaya ng oras. Mabilis na sumugod si Marcus bago pa gumalaw at mawala sa puwesto ang mga ito.

Isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Marcus na agad ikinatumba ng isa sa grupo. Matapos ay may kung anong dumaplis sa kaliwa niyang balikat. Agad niyang naramdaman ang hapdi kaya mabilis siyang umatras.

“Sa tingin mo ba ay hindi kita mararamdaman?” ang sabi ng isa. “Kumusta? Nahíwa ko ba ang braso mo?”

Sa isip-isip ni Marcus ay tama nga si warden Torres na delikado ang grupong ito. Wala na siyang magagawa pa kundi ang magseryoso. Dahan-dahan siyang umatras at nang naging sapat na ang distansya niya sa lalakeng nagsalita ay saka siya sumipol.

May mga hawak na sandata ang grupo at mahihirapan siyang sumugod kung hiwa-hiwalay ang mga ito. Kaya ang paraan na naisip niya’y sila na lamang ang pasusugurin papunta sa kanya.

“Aba! At talagang nakuha mo pang sumipol? Mukhang gusto mo na yatang mamatáy?”

Patuloy lang si Marcus sa pagsipol hanggang sa may lumapit. Sinadya niyang ipain ang sarili hindi upang masaktan, kundi dahil alam niyang madali niya lang maipapanalo ang laban sa ganitong paraan.

Magagaling nga ang mga kriminal na ito, walang duda. Ngunit may isang napansin si Marcus. Tulad niya ay malakas ang pakiramdam at mabibilis ang kilos ng mga ito ngunit… mabibigat ang galaw na agad niyang napansin.

Ramdam niya ang mabibigat na hakbang ng apat sa madamong lupa. At hindi nga nagtagal ay may isang pares ng paa ang patakbong sumugod sa kanya.

“Katapusan mo na!” ang sigaw ng lalakeng sumugat kay Marcus.

Hinanda ni Marcus ang cellphone at pinailawan ito malapit sa mukha na agad nitong ikinasilaw. Kinuha niya ang pagkakataong na-distract ito sa ginawa niya at mabilis na inagaw ang hawak na patalim.

Matapos ay hiníwa ni Marcus ang balikat nito bilang ganti sa ginawa sa kanya. Hindi pa siya nakuntento at ilang beses pinadaan ang patalim sa iba’t ibang parte ng katawan ng lalake.

Sa madilim at tahimik na gabi ay maririnig ang mahihinang hiyaw ng lalake ng dahil sa ginawa ni Marcus. At ang tatlo namang lalakeng natitira ay biglang nakaramdam ng kaba.

Hindi nila akalain na makakasagupa sila ng malakas na tao. Sa dami ng mga nakalaban at napatáy nila ay ngayon lang sila nakaharap ng taong nagbigay kaba at kilabot sa buong parte ng kanilang katawan, nang dahil lang sa narinig nila ang hiyaw ng kasamahan.

Ngunit magkagano’n man ay tatlo pa rin sila kumpara kay Marcus na mag-isa lang. Kayang-kaya nila itong pagtulungan.

Iyon ang iniisip ng mga kriminal ngunit nang mainip si Marcus ay bigla na siyang sumugod sa tatlo. Sa bilis ng pangyayari ay huli na rin ang naging reaksyon ng tatlong kriminal.

Tulad ng ginawa ni Marcus sa unang lalake ay pinaghihíwa niya rin ang ilang parte ng katawan ng tatlo, lalo na sa paa at kamay. Sa ginawang ‘to ni Marcus ay pansamantalang mahihirapan ang apat sa pagamit ng paa at kamay. Kaya kung ano man ang binabalak nila kay Scarlette ay hindi nila magagawa, sa ngayon.

Matapos ay tinawagan ni Marcus ang staff ng resort na naka-assign sa front desk upang magpadala ng mensahe kay Scarlette. Naisip niyang mas mabuting ito na rin ang humuli sa grupo tulad ng ginawang pagdakip sa leader.

Pagkatapos ay muli niyang binalikan ang apat na lalake at saka pinatulog gamit ang kamao upang hindi makatakas sa oras na umalis siya.

MALAKAS na katok ang ginawa ni Scarlette sa labas ng pinto ng kwarto ni Kurt, matapos niyang matanggap ang mensahe na sinabi ng staff ng resort. Dali-dali siyang lumabas sa kwarto upang gisingin ito.

“Bakit?” ang tanong ni Kurt na pipikit-pikit pa ang mga mata. Naka-topless at nagkakamot ng tiyan.

“Magbihis ka’t may pupuntahan tayo, bilis!”

Wala ng maraming tanong ay sumunod si Kurt dahil alam niyang may nangyari kapag nagmamadali si Scarlette. Paglabas ay hinila siyang agad nito papunta sa front desk.

“Ikaw ‘yung tumawag sa ‘kin kanina ‘di ba?” ang tanong ni Scarlette na tinanguan ng staff. “Sinong nagpadala ng message?”

“Sorry, Ma’am pero hindi ko po alam. Tumawag lang din po rito ang caller to relay the message,” ang sagot naman ng staff.

Hindi na pinilit ni Scarlette ang staff. Muli niyang hinila si Kurt papunta sa labas ng resort.

“Sa’n tayo pupunta, Captain?”

Hindi sumagot si Scarlette at saka nilabas ang cellphone para ilawan ang kanilang daraanan. “May natanggap akong tip na narito ang ilang member ng grupong X.M.”

“Ano?” Hindi makapaniwala si Kurt na narito lang pala sa lugar ang member ng grupong matagal na nilang pinaghahanap. “Sino ang nag-tip?”

“’Yan ang dapat nating alamin pero sa ngayon ay unahin muna natin ang pagtunton sa kanila at baka makawala pa—!" Natigilan si Scarlette sa nakita.

Katawan ng apat na lalake ang makikita sa lugar na nakahandusay sa damuhan at naliligo sa sariling dugo.

“Tumawag ka ng pulis,” ang utos bigla ni Kurt. Matapos ay lumapit sa apat upang alamin kung humihinga pa ba ang mga ito.

“K-kumusta?”

Umiling si Kurt. “Ang dami nilang saksák sa katawan. Sa dibdib, tiyan at likod. Kung sino man ang gumawa nito ay mukhang walang balak na buhayin ‘tong apat.”

Lumapit pa nang husto si Scarlette upang inspeksyunin din ang mga katawan. “Sariwa pa, kung sino man ang gumawa nito’y nasisiguro kong hindi pa nakakalayo.” 

Biglang tumayo si Kurt upang sana’y hanapin sa paligid ang salarin nang pigilan ni Scarlette.

“Sa’n ka pupunta? ‘wag mo sabihing hahanapin mo ang gumawa nito?” Mahigpit ang kapit ni Scarlette sa braso nito.

“Hindi ko pwede hayaang nagpagala-gala ang kriminal na ‘yun!”

Nabitawan ni Scarlette ang cellphone nang pilit na inaalis ni Kurt ang kamay nito mula sa kanya. Dahil doon ay panandaliang dumilim ang paligid.

Kalmadong pinulot ni Scarlette ang cellphone at itinutok sa pagmumukha ni Kurt na agad nasilaw sa liwanag. “Hahanapin natin, ‘pag dumating na ang mga pulis.”

Tila naman natauhan si Kurt. “Pasensiya na, nakalimutan kong hindi ‘to ang mission natin sa lugar."

“Tumawag na ‘ko ng pulis, maghintay na lamang tayo.”

Muling tinutok ni Scarlette ang ilaw sa apat na bangkáy. Iniisip kung isa ba itong babala mula sa taong pumatay sa apat na miyembro ng X.M.?

Hindi nagtagal ay dumating ang mga pulis sa lugar. Agad naman silang nakipagtulungan upang matunton ang posibleng salarin sa pagpatay.

Bumalik pa sila sa resort upang magtanong sa mga turistang gising pa ng mga oras na iyon at ibang staff, kung may napansin ba silang kahina-hinala.

Ngunit wala silang nakalap na impormasyon at kahit ang nakausap ni Scarlette na staff sa front desk ay wala ring alam.

Pero may kutob siyang… nasa malapit lang ang gumawa nito at maaaring nagtatago sa isa sa mga kwarto sa resort.

“Kailangan kong inspeksyunin ang lahat ng kwarto rito sa resort,” ang pahayag ni Scarlette sa staff.

“I’m sorry, Ma’am, but it’s a bit too late. You might disturb the other guest.”

Mabigat ang buntong-hininga ni Scarlette. Hindi niya pwedeng ipilit ang gusto at baka mapaalis pa sila sa resort. “Tingnan ko na lang ang list ng guest na nag-check-in dito pati na rin ang CCTV.”

Sandaling pinaalam ng staff sa iba pang staff ang request niyang makita ang CCTV footage nang dumating si Kurt na nagpaiwan sa pinangyarihan ng insidente.

“Kumusta? Anong balita sa imbestigasyon?”

“May nakitang patalim malapit sa mga katawan. Mukhang ito ang ginamit sa pagpatáy ngunit nang makita ay malinis na at walang bahid ng dugo.”

“Marahil ay nilinis muna niya ang patalim bago itinapon sa malapit.” Ang hinala ni Scarlette. Mayamaya pa ay tinawag na siya ng staff upang ihatid sa surveillance room habang nasa isip na hindi na isa kung hindi’y dalawa na ang magiging mission niya sa lugar.

Ang hulihin ang grupo na sangkot sa drugs at ang taong pumatay sa apat na miyembro ng X.M.

KINAUMAGAHAN ay ni-report ng staff ang nangyari sa pagpatáy sa apat na lalake kay Artemio na siyang namamahala sa resort.

“Si Marcus?” ang tanong niya matapos malaman ang nangyari kagabi.

“Nasa room niya po, Sir. Hating-gabi na po siya pumunta rito at sandaling lumabas sa resort,” ang sagot ng staff.

“Alam niya na ba ang nangyari kagabi?”

“Hindi, Sir. Ipapaalam ko po ba pag-alis niya?”

“Ako nang bahala,” aniya at saka nagtuloy-tuloy patungo sa room ni Marcus.

Pagpasok niya ay gising na si Marcus na kagagaling lang sa pagligo. “Good morning, Boss,” ang bati niya at saka nilibot ang tingin sa paligid.

Walang kakaiba… maliban sa sugat sa braso ni Marcus. “Good morning din,” ang bati ni Marcus na tiningnan pa ang sugat na natamo.

“Napa’no ‘yan, Boss?”

“May muntik lang manggulo rito kaya niyaya ko sa likod nitong resort. Kaya ito—” Sabay pakita ng sugat. “Nadaplisan ako sa braso, pero okay na. Siniguro kong makukulong ang mga ‘yun sa ‘Heaven’ kasama ng leader nila.”

Napahinga nang malalim si Artemio habang pinag-iisipan kung sasabihin niya ba ang totoong nangyari?

May tiwala siya kay Marcus at alam niyang hindi ito papatáy ng tao ng walang malalim na dahilan. Kaya kung sino man ang may kagagawan sa pagpatáy sa apat na kriminal kagabi ay kailangan niya pang alamin bago niya ipaalam kay Marcus. Sisiguraduhin niyang hindi ito madadawit sa gulo.

“Ah, gano’n ba, Boss? Dapat pala’y lalo pang higpitan ang security rito sa resort,” sa halip ay ito na lamang ang sinabi ni Artemio.

Sandaling bumalik si Marcus sa banyo upang magbihis. Ngunit napansin ni Artemio ang mantsa ng dugo sa damit nito. “Magpapadala ako ng ibang damit, Boss.”

“Sige, salamat.” Kanina pa nga iniisip ni Marcus ang damit niyang may mantsa ng dugo. Hindi siya pwedeng umuwi sa mansion ng Fajardo na suot niya ang damit. At baka kung ano ang isipin ng mga tao roon.

Kinuha naman ni Artemio ang damit na may mantsa. “Anong gusto mong gawin ko rito sa damit mo, Boss?”

“’Kaw nang bahala.”

Tumango lang si Artemio at saka lumabas ng kwarto. Nang may makitang staff ay agad niyang inutusan na itapon ang naturang damit.

At nang umalis ang inutusang staff ay nakabunggo nito si Kurt sa hallway. Nabitawan ang dalang damit na agad namang pinulot ni Kurt sabay balik. “Sorry, hindi kita napansin.”

“Okay lang, Sir.” At saka nagpatuloy ang staff.

Habang si Kurt ay nakasunod pa rin ang tingin, lalo na sa hawak nitong damit.

SA MANSION ng Fajardo ay abala si Luna sa paglalagay ng make-up. Dahil mamaya ay aalis siya upang makipag-meet up sa mga kaibigan.

Matapos lagyan ng kolorete ang mukha ay ang mamahaling damit naman ang hinanda. Isang light-pink layered dress ang nilapag niya saglit sa kama bago suotin.

At habang isinusuot na niya ang peep-toe high heels ay kumatok at pumasok ang katulong para sabihin na handa na ang sasakyan niya paalis.

“Okay, bababa rin ako mamaya,” ang sagot niya at kinuha saglit ang shoulder bag.

“Kararating lang din po ni Sir Marcus.”

Saglit na natigilan si Luna sa sinabi ng katulong. Ang buong akala niya kasi ay nakalimutan na ni Marcus ang address ng mansion dahil buong araw itong wala matapos umalis kagabi.

At sa kanyang pagbaba ay nakasalubong niya ito na iba na ang suot na damit. “Sa’n ka nag-stay kagabi?” Hindi sa curious o nag-aalala siya pero ayaw niyang baka maging usap-usapan sila sa lugar ng dahil kay Marcus.

“Sa kaibigan.”

Tiningnan ni Luna ang asawa mula ulo hanggang paa na may halong pagdududa. “Kaibigan, pero iba na ang suot?”

“Nadumihan kasi ang damit ko kaya bumili ako ng bago.”

“Whatever.” Akmang lalagpasan na niya ito nang humarang si Marcus.

“Sa’n ka pupunta? Maggagabi na.”

“I’ll meet my friends.”

“Ihahatid na kita.”

“No need, my driver naman.” Muli niyang lalagpasan si Marcus nang muli rin itong humarang sa kanyang daraanan.

“I insist. Ihahatid na kita kung sa’n man ang meeting place niyo ng mga kaibigan mo.” Ngunit ang totoo ay nais talagang sumama ni Marcus upang makilala ang kaibigan na tinutukoy ni Luna. Kailangan niyang alamin kung may koneksyon o kinalaman ba ang mga ito kay Dahlia Lopelion.

“No.”

“Sige na, promise wala akong gagawin o sasabihin na hindi mo gusto. Hayaan mo lang akong sumama sa lakad mo.”

Nagdadalawang-isip pa no’ng una si Luna pero kalaunan ay hinayaan na rin niya si Marcus sa gusto. Iniisip niya kasing mas mabuting may makasama siya ngayong gabi lalo pa’t nabalitaan nila kaninang umaga na may pinatáy na kalalakihan sa likod ng resort na malapit lang sa kanilang lugar.

Paglabas sa bahay ay agad na sumakay si Luna sa likod ng sasakyan habang si Marcus ay pinalitan na ang driver.

Pagkaupo ni Marcus sa driver seat ay nilingon siya nito ngunit hindi naman nagkomento na tulad ng pinangako.

Sa isang club na pagmamay-ari ng isa niya pang kaibigan ang napiling meeting place. Akala ni Luna ay isang simpleng hang-out lang ang mangyayari pero pagpasok sa loob ay may party pala.

“Gosh, Luna!” Ang tili ni Cathy nang makita siya. “We’ve been waiting for you! Bakit ang tagal mo?”

“Traffic, by the way. Kaninong party ‘to?” ang tanong niya na halos hindi na maaninag si Cathy dahil sa smoke effect ng party.

“Well, kanino pa ba. Kay Spencer! Kauuwi lang niya kanina at nagpa-party na agad."

"Really?" agad umaliwalas ang mukha ni Luna nang malaman na umuwi na si Spencer galing sa isang business trip abroad. “I talk to him the other day yet he didn’t say na uuwi na pala siya.”

Nakaramdam ng excitement si Luna na nakauwi na pala ang kaibigan niya. Na simula pagkabata ay magkakilala na at naging malapit sa isa’t isa.

“Parang hindi mo naman ‘yun kilala. Mahilig mang-surprise….” Natameme na lamang si Cathy nang makita ang lalake sa likod ni Luna. “Oh my gosh,” ang bulong niya pa.

Nahalata ni Luna na nakatitig ang kaibigan sa kanyang likuran kaya lumingon siya at nakitang nakatayo si Marcus. “Anong ginagawa mo rito? Hindi ka dapat sumunod.”

Tumingin-tingin si Marcus sa paligid bago ibigay ang atensiyon sa asawa. “Pinapasok ako ng guard.” Kahit ang totoo ay naghanap siya ng ibang daan para makapasok.

Paaalisin na sana ni Luna ito nang bigla na lamang kumapit si Cathy sa braso niya sabay bulong, “Who is he?” Kiitang-kita ang kislap sa mga mata nito.

Gusto sanang sabihin ni Luna na ‘driver’ niya ngunit sa klase pa lang ng tingin ng kaibigan ay alam na niyang type nito si Marcus. At kahit hindi niya pa rin ito tanggap ay wala siyang magagawa dahil pagbalik-baliktarin man ang mundo ay asawa niya ito. “S-suitor,” ang sa halip ay sagot niya. Ayaw niyang sabihin na asawa niya ito dahil nakakahiya at baka kung ano-ano pa ang ibatong tanong sa kanya about sa social status at wealth ni Marcus na wala naman.

“Favor. Bastedin mo, then, ipakilala mo ‘ko,” ang pangungulit pa ni Cathy.

Mabuti na lang at biglang dumating ang iba pa niyang kaibigan kaya nawala sila sa usapan.

Dinala siya at si Marcus sa isang malaking table at pinaupo. Agad na nakipagkwentuhan si Luna pero naisip na baka magtanong ang mga kaibigan niya tungkol kay Marcus. At baka may masabi pa ito na hind tama kaya lumapit muna siya rito. “’Wag mo sasabihing kasal na tayo. Suitor ang pakilala ko sa ‘yo, ‘kay?” Hindi na hinintay ni Luna ang sagot ni Marcus at agad ng bumalik sa puwesto.

Samantalang si Marcus ay patuloy pa rin ang tingin sa paligid kahit madilim at nakakainis ang patay sindi na ilaw. Pasimple niya ring pinagmamasdan ang mga kaibigan ni Luna na kasama niya sa table.

“Hi, ako nga pala si Cathy. Vey close friend ni Luna.”

Napaatras pa nang upo si Marcus nang bigla na lamang magpakilala ang kaibigan ni Luna. At dahil hindi naman pagpa-party ang sadya niya rito ay tumango-tango lang siya sa mga sinasabi ni Cathy.

“True ba na nililigawan mo si Luna?” ang bulong nito sa kanyang tenga.

At tulad ng bilin ni Luna na dapat ay ‘suitor’ lang siya ngayong gabi ay tumango siya sa tanong ni Cathy.

“Naku, ‘wag ka ng magpagod dahil may boyfriend na si Luna.”

Nagtataka man sa sinabi ay hindi na ito pinagtuonan ng pansin ni Marcus.

“Totoo! As a matter of fact ay narito siya—” Sabay turo sa isang direksyon. “See that man there? That’s Spencer, Luna’s boyfriend.”

Tumingin naman siya direksyong tinuro ni Cathy hindi dahil sa ‘boyriend’ kuno ito ni Luna. Kundi dahil naalala niya ang pangalan ng lalake na minsang pinag-usapan ng mag-ina.

Ito ang nagsabi na pinalayas siya ng Ama. Gusto niyang alamin kung bakit ito nagkakalat ng balitang hindi naman totoo.

Habang kausap ni Luna ang mga kaibigan ay napapatingin siya banda kay Marcus. Ang lapit at tila may kung anong binubulong si Cathy. At nang tumuro ito sa kung saan ay saka lang siya napatayo sa puwesto upang ipaglayo ang dalawa. “Anong sinabi mo kay Marcus?" ang bulong niya kay Cathy nang mailayo.

Natawa muna ito bago siya sinagot, “Na boyfriend mo si Spencer.”

Hindi makapaniwala si Luna na sasabihin ‘yun ni Cathy kay Marcus. Alam ng lahat na hindi niya boyfriend si Spencer. Yes, nanliligaw ito but, it’s a total different story!

Tiningnan niya si Marcus na hindi mababakasan ng kahit anong reaksyon. Hindi niya tuloy alam kung masama ba ang loob nito o hindi. Well, wala naman siyang pakialam kung anong mararamdaman nito pero ayaw lang niya na may maisip itong masama tungkol sa kanya. Hindi siya pinalaki ng parents niya na kahit may asawa na’y malapit pa rin sa manliligaw.

SA KABILANG DAKO ng club ay makikita si Spencer na nakikipagkuwentuhan sa mga inimbitahang bisita. Pangiti-ngiti at iniyayabang ang napuntahan niyang lugar abroad.

Pero habang kausap ang mga bisita ay nahagip ng paningin ang kaibigang si Cathy. Mabilis ang lakad at tila galit.

At bago pa ito makalampas ay humarang siya upang tanungin kung anong problema? Party niya ito at ayaw niyang masira ang magandang gabi dahil lang kay Cathy.

“Tanungin mo si Luna. The nerve na dalhin dito ang suitor niya sa party mo.” Matapos ay saka ito umalis.

Nagtaka naman si Spencer sa sinabi ni Cathy. Pa’nong may ibang suitor si Luna kung alam naman ng lahat ng tao sa lugar na nililigawan niya ito?

Saglit siyang nagpaalam sa kausap na bisita upang hanapin si Luna at ang tinutukoy ni Cathy na ‘suitor’.

Hindi naman siya nahirapan dahil kahit pa siguro ga’no kadilim ang paligid ay madali niyang makikilala si Luna.

Pasimple siyang lumapit mula sa likod habang abala ito sa kausap na lalake. Marahil ay ito ang tinutukoy ni Cathy dahil hindi niya naman ito nakikilala.

Ang tingin ng lalake ay napunta sa kanya kaya kinuha niya ang pagkakataong ipamukha rito na wala na itong pag-asa kay Luna. Isang mabilis na halik sa pisngi ang ginawa ni Spencer habang nakatingin sa lalake.

Sa gulat ni Luna ay naitulak niyang bigla si Spencer sabay baling ng tingin kay Marcus. “It’s not what you think,” ang paliwanag niya ngunit dahil sa background music ng club ay hindi na ito narinig ni Marcus.

Kumunot lamang ang noo ni Marcus nang makita ang ginawa ni Spencer kay Luna. Alam niyang sinadya nito ang ginawa, dahil nakita niyang nag-usap ito saglit at si Cathy na maaaring ipinaalam kung ‘sino’ siya sa buhay ni Luna.

“Hi,” biglang pakilala ni Spencer sabay lahad ng kamay sa kanya. “Spencer nga pala.” Ipinapakita ang suot na r*lex.

Sumulyap muna si Marcus kay Luna bago tinanggap ang kamay ni Spencer. Nakipag-shake hands rito. Matapos ay naglabas ng handkerchief si Spencer para punasan ang kamay na ginamit.

Tiim-bagang na ngumiti si Marcus. Habang iniisip na hindi kataka-takang magkaibigan ang dalawa. Hanggang sa naramdaman niya ang haplos ni Luna sa kanyang braso.

“Sorry,” ang sabi pa nito. Hindi ito rinig ni Marcus dahil sa background music ngunit sigurado siyang ito ang sinabi ni Luna.

Bahagya nga siyang nabigla na humingi ng paumanhin si Luna dahil sa inasal ni Spencer.

Habang si Luna ay nais sanang sawayin si Spencer sa ginawa nito ngunit naisip niyang baka magtampo naman ito at masira ang sariling party kaya kay Marcus na lamang siya bumaling.

Si Spencer naman ay tuwang-tuwa sa ginawa. Hindi pa siya nakuntento at gusto pang ipahiya sa maraming tao si Marcus. Aniya, “It’s my party. So, I can do whatever I want." Ngumisi pa kay Marcus bago ito hinamon. “Fencing tayo? Pampapawis lang."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status