Share

Kabanata Seis

NANATILING may ngiti sa labi si Spencer habang nakatingin kay Marcus. Iniisip na kaya wala itong reaksyon ay dahil kinakabahan na ito nang maghamon siya ng laban.

Ngunit ang totoo ay hindi lang makuha ni Marcus ang dahilan kung bakit ito naghahamon na makipag-fencing sa isang club, kung saan ay may party at maraming tao na posibleng madamay.

Walang duda na may alam si Spencer sa fencing dahil hindi naman ito maghahamon kung hindi nito kayang iyabang ang kakayahan, pero hanggang maaari'y ayaw ng pumatol ni Marcus.

“Pasensya na pero ayoko,” ang tipid niyang sagot na ikinalawak ng ngiti ni Spencer sa puntong nagpipigil pa ito ng tawa.

Si Luna naman na nalilito at hindi alam ang gagawin ay lumapit kay Spencer. “Spencer, please stop this nonsense. ‘Wag mo namang gawin ‘to,” pakiusap niya.

Ang kaninang naaaliw na eskpresyon ni Spencer ay bigla na lang sumeryoso at naging iritado. “Bakit, Luna? Concern ka ba rito sa manliligaw mo? Natatakot ka na magmukhang kawawa once na matalo ko?”

“That’s not wha—”

“E, ano pala Luna? Umalis lang ako saglit tapos pagbalik ko may ipinalit ka na sa ‘kin, ha, gano’n ba?!” sumbat pa niya.

Napaatras si Luna at muntik pang ma-out-of-balance sa biglaang pagsigaw ni Spencer.

Naging mabilis naman ang galaw ni Marcus at agad sinalo ang asawa. Ngunit isang malakas na tulak ang nagpaatras sa kanya.

“’Wag mong hahawakan si Luna!” ang sigaw ni Spencer.

Sa lakas ng boses ay napatingin na sa kanila ang mga tao sa paligid.

Dinala ni Marcus si Luna sa kanyang likuran. “Tama na, tinatakot muna siya,” ang awat ni Marcus.

“Siya, takot? O, baka ikaw ‘tong natatakot sa ‘kin?”

Ramdam ni Marcus ang kapit ni Luna sa laylayan ng kanyang damit. Saglit siyang lumingon at nakita ang kabado nitong ekspresyon. “Please, hayaan mo na lang siya,” ang sabi pa nito.

Wala naman talagang balak si Marcus na patulan ito ngunit sumusobra na kasi si Spencer. Ang ayaw niya pa naman sa lahat ay iyong may ibang nadadamay na tao.

Nanginginig na ang kamay ni Luna sa kaba, ngunit ayaw niya pa ring bitawan ang damit ni Marcus sa takot na patulan nito si Spencer. Alam niyang malakas ang kaibigan at hindi pa minsan natatalo ngunit iba si Marcus. Isa itong warden kaya alam niyang mas dapat siyang kabahan kapag pumatol talaga ito.

“Anong nangyayari?” Biglang lumapit si Cathy. Nagtataka nang pagbalik sa party ay tila tahimik ang lahat, kahit ang background music ay hininto. Iyon pala’y nagkakagulo na at mukhang kasalanan niya pa ata.

Napansin naman ni Marcus si Cathy kaya kinausap niya ito na dalhin sa labas si Luna. Ayaw niyang makita nito ang mangyayari.

“What?! No!” Pagmamatigas ni Luna. “’Wag mo na lang siyang patulan, please?”

Iyon sana ang plano ni Marcus pero kanina niya pa napapansin ang palihim na bulungan ng mga tao sa paligid. Habang naglalabas ng pera kaya may hinala siyang pinagpupustahan na silang dalawa ni Spencer.

Sa madaling salita ay hindi siya makakalabas sa club hangga’t hindi siya nakikipagduwelo kay Spencer. Siguradong haharangan lang siya kung susubukan niyang lumabas kasama ni Luna.

“Susunod rin ako, kaya mauna ka ng umalis.” Marahan niya pang tinulak si Luna upang makaalis na ito.

Kitang-kita ang disappointment sa mga mata ni Luna nang wala man lang epekto ang pakiusap niya. “Bahala ka sa buhay mo!” aniya at saka umalis. Naiinis na balewala ang salita niya kay Marcus.

Sumunod naman si Cathy rito kahit gusto pang mag-stay upang panuorin kung ano ang mangyayari kay Spencer at Marcus.

Hinatid ng tingin ni Marcus ang asawa hanggang sa tuluyan na itong mawala sa bulto ng mga tao.

At nang balikan niya si Spencer ay iba na ang kanyang tingin. Mas seryoso at mapanganib.

“Kunin mo ng equipment mo,” ang utos niya na ikinatawa lang ni Spencer.

“Tapang-tapangan?” ang panunuya pa nito habang natatawa. At kahit ang mga taong nasa paligid ay nakitawa na rin.

Hindi pinansin ni Marcus ang pangungutya nito at sa halip ay tinawag ang isang waiter na dumaan malapit sa kanya, “May walis-tambo o mop ba kayo rito? Pwedeng mahiram kahit saglit lang?”

Hindi nagtagal ay bumalik ang waiter na may dalang walis-tambo. Nang makitang inabot ito sa kanya ay halos malunod sa tawanan ang buong lugar.

“F*ck, dude! Panalo na ‘ko sa pusta!” may isang sumigaw sa kung saan at muling nagtawanan ang lahat.

“Nagpapatawa ka ba?” ang tanong ni Spencer habang nakaturo ang sabre sa kanya.

“Hindi, kaya umpisahan na natin at ng makaalis na ‘ko rito.”

“Aba! At nagyayabang ka pa rin?” Lumingon sa gilid si Spencer. “Kunan mo nga kami ng video, ay i-live mo na lang pala,” ang utos nito sa isang lalake at matapos ay binalik sa kanya ang atensyon. “Tingnan ko lang kung hanggang saan ang yabang mo.”

Pigil ang buntong-hininga ni Marcus dahil sa sinabi ni Spencer. Kanina pa kasi ito salita nang salita na mayabang daw siya ngunit ito naman talaga ang totoong mayabang sa kanilang dalawa.

“Sumugod ka na ng matapos na tayo.”

Nawala ang tuwa sa mukha ni Spencer at walang ano-ano ay biglang sumugod. Target nito ay ang mukha niya.

Mabilis namang umatras si Marcus at nailagan ang sabre. Hindi niya pa ginagamit ang walis-tambo dahil gusto niya munang makitang gumalaw ito bago gumawa ng aksyon. Pag-aaralan niya muna ang galing nito sa fencing bago sumugod.

Ang plano niya ay gayahin kung pa’no ito gumalaw at kung pa’no patatamaan ang katunggali.

Na-excite naman si Spencer nang makailag si Marcus. Na ibig sabihin ay mabilis ang reflexes nito. Ngunit alam niya na pagdating sa skills ay wala itong panama kumpara sa kanya.

Kaya sinenyasan niya si Marcus na mauna nang sumugod, tutal naman at uuwi pa rin itong talunan. Hindi na niya kailangang magpagod na sumugod pa dahil hindi bagay sa galing niya.

MABIGAT ang hakbang ni Luna paglabas sa club. Naiinis nang hindi man lang siya sinundan ni Marcus na nagpaiwan para lang mapahiya.

Tuloy-tuloy siya sa kotse nang mapahinto. Wala siyang driver!

Hindi naman pwedeng siya mismo ang magmaneho at baka maulit uli ‘yung nangyari sa kanyang muntik nang madisgrasya sa daan.

Sakto namang nakahabol si Cathy. “Luna, I’m so sorry. Dahil sa ‘kin kaya nagkakagulo sa loob.”

“Ano ba kasing sinabi mo kay Spencer?”

“W-wala naman masyado. Ang sabi ko lang ay suitor mo si Marcus,” hindi iyon ang eksakto niyang sinabi pero ayaw naman niyang pati siya ay madamay sa inis ni Luna.

Kung magkataon ay baka masira ang pagkakaibigan nila at hindi na siya isama sa mga special gatherings tulad nito. Si Luna pa naman ang tanging koneksyon niya mula sa mayayamang kaibigan.

Kinakalma naman ni Luna ang sarili upang hindi mabaling kay Cathy ang inis sa asawa. “Hayaan mo na. Eventually, ay malalaman rin ni Spencer sa ibang tao kung sino si Marcus.”

“H-hindi ka galit sa ‘kin?”

“No, and actually I lied. He’s not really my suitor.”

“What do you mean?” Naguguluhan si Cathy. Kung hindi manliligaw si Marcus ay ano pala ito ni Luna?

“He’s my husband.”

“What?!” Gulantang at hindi makapaniwala si Cathy. Paanong naging asawa ni Luna si Marcus ng hindi niya alam? “H-husband? Pa’no nangyari ‘yun?”

“It’s a long frustrating story.”

“How ‘bout Spencer? He doesn’t know, right?”

“No, and please. ‘Wag mong sasabihin sa kanya. Hayaan mong ako ang magsabi.”

Halo-halo ang nasa isip ni Cathy dahil sa ibinunyag ni Luna. Litong-lito ngunit mas nag-uumapaw ang tuwa sa kanya dahil sa wakas ay wala na sa landas niya si Luna. Maaari na niyang lapitan si Spencer.

“Promise, hinding-hindi ko sasabihin kay Spencer. P-pero pa’no na si Marcus—‘yung asawa mo sa loob? Baka mapa’no siya?” Kunwaring concern si Cathy ngunit ang totoo ay wala na siyang pakialam kay Marcus. Hindi siya pumapatol sa may asawa na.

“Kaya na niya ang sarili niya. He’s a prison warden after all.”

“W-what?” Muntik na matawa si Cathy nang malaman na warden lang pala si Marcus. Ngunit agad ring naalala si Spencer. Baka ito ang manganib. “Baka mapa’no si Spencer? Tara, bumalik tayo sa loob.” Akmang hihilahin niya si Luna nang umiling ito.

“Hindi naman niya siguro ipapahiya ang pamilya ko at lalo na ang sa kanya.”

Sa tabas pa lang ng pananalita ng kaibigan ay nasisiguro na ni Cathy na hindi lang basta warden si Marcus. Na-curious tuloy siyang bigla. “Bakit? Sa’ng pamilya ba siya galing?”

“Lopelion,” tipid na sagot ni Luna.

Nawindang si Cathy matapos malaman na sa isa sa pinaka-kilalang pamilya nagmula si Marcus.

Panay ang mura niya sa isip habang inggit na inggit kay Luna. “Oh my gosh, Luna! Kinasal ka sa isang Lopelion? You’re so lucky!”

Pero hindi maramdaman ni Luna ang sinasabi ni Cathy na ang swerte niya dahil kinasal siya kay Marcus.

“Do you love him?” ang tanong ni Cathy kahit alam naman niyang ‘hindi’ ang sagot. Hindi madaling magkagusto si Luna sa iba at alam niyang si Spencer lang ang lalakeng naging malapit dito.

Kaya nagbagong muli ang isip niya at balak ulit na lapitan si Marcus na di hamak na mas mayaman kumpara kay Spencer.

Sasagot na sana si Luna nang mapansin si Marcus na papalapit sa kanya. “W-what happen?” agad niyang tanong. Sinuyod pa ng tingin ang buong katawan nito upang tingnan kung may natamo bang sugat.

“Sinong nanalo?” Agad na singit ni Cathy na nakuha pang humawak sa braso ni Marcus. “I’m sure na ikaw.” Sabay ngiti nang ubod tamis. Hindi pa siya nakuntento at idinikit pa nang husto ang katawan sa braso nito.

Hindi sumagot si Marcus at nanatili ang tingin kay Luna na masama pa rin ang loob.

Si Cathy naman ay muntik nang mapairap nang hindi man lang pinansin ni Marcus. At ilang sandali pa’y naramdaman na nag-vibrate ang cellphone.

May notification mula sa isang social media. Balewala niya naman itong cl-in-ick at nakitang may live ang isa niyang kaibigan na nasa loob ng club.

“Oh my gosh, Luna! May nag-live kanina.” Sabay pakita kay Luna ng live video sa naganap na laban sa pagitan ni Spencer at Marcus.

Maririnig sa video ang tawanan ng mga tao dahil sa hawak na walis-tambo ni Marcus. At kahit nga si Cathy ay natawa rin.

Ngunit iba si Luna. Nanatiling seryoso ang tingin sa video.

Unang sumugod si Spencer na nagawang mailagan ni Marcus. Inaasahan na ni Luna na makakaiwas ito dahil alam niyang hindi biro ang trabaho nito bilang isang warden.

At nang si Spencer na ang sumugod ay hindi man lang nito nagawang tamaan si Marcus. Napakabilis ng pag-iwas nito na halos hindi napansin ni Luna.

Kaya mas lalong nawala ang kompyansa ni Spencer at mas lalong naging desperado sa laban.

Sa pagsugod nito kay Marcus ay bigla na lang tumalsik palayo ang hawak na sabre matapos hampasin ng walis-tambo.

May mga sumigaw at napasinghap sa live video at kahit silang dalawa ni Cathy ay gano’n din ang reaksyon.

Iritado na ang mukha ni Spencer nang pulutin niya ang sabre sa sahig. Sandaling lumikot ang video dahil sa mga taong nagtutulakan upang makakita nang mas malapitan.

Nang naging maayos na ang kuha ng camera ay makikita muling magkaharap si Spencer at Marcus.

Hindi nagtagal ay sumugod si Spencer at ganoon din si Marcus. Ngunit mas nauna nang bahagya si Spencer at balak patamaan ang dibdíb ni Marcus nang sa isang iglap ay mabilis itong umatras.

Sa ginawang ito ni Marcus ay agad ring umatras si Spencer upang hindi mahagip ng hawak nitong walis-tambo. Ngunit nahuli na ito dahil nagawa na ni Marcus na mailapat ang hawak na walis-tambo sa bandang tiyan ni Spencer.

Sa gulat nga ay hindi na nito nagawang makakilos. Hanggang sa may sumigaw, “Yes! Panalo ako!”

Matapos ay hinagis ni Marcus ang hawak sa sahig at saka nilapitan ang lalakeng kumolekta ng pera kanina. “Akin na’ng pera,” aniya habang nakalahad ang kamay.

“B-bakit?” ang tanong pa ng lalake. Naguguluhan kung ba't hinihingi nito ang pera.

Hindi nagsalita si Marcus at nanatiling nakalahad ang kamay kaya wala itong nagawa kundi iabot ang hawak na pera.

Makikita sa video na binibilang nito ang pera kaya napatingin si Luna kay Marcus na nasa loob na ng kotse, na naghihintay sa kanya. Habang iniisip na sinarili kaya nito ang pera?

Hanggang sa napansin niya ang pagsinghap ni Cathy na nasa kanyang tabi. Kaya muli niyang binalik ang tingin sa cellphone nang makita sa video na umuulan ng pera at nagkakagulo ang lahat sa pagkuha.

“Anong nangyari?” ang tanong niya pa.

“Hinagis niya ang pera,” ang sabi ni Cathy na bilib na bilib kay Marcus. “Ang cool niya.”

Hindi na niya hinintay na mag-end ang video at diri-diretso siya sa kotse upang kausapin si Marcus.

Samantalang si Cathy ay naiwan, ngunit ilang sandali pa’y nagpasiyang bumalik sa loob.

“Anong ginawa mo sa loob?”

“Wala, pinagbigyan ko lang naman siya sa gusto niyang mangyari.”

“Pero pinahiya mo siya! Sa harap ng maraming tao.”

“Sorry,” ang tipid na sagot ni Marcus upang huminahon na ito.

“Hindi sa ‘kin. Do’n sa kaibigan ko, kay Spencer.” Matapos ay marahas na napabuga ng hangin dahil sa frustration. Paano na niya haharapin ang kaibigan kung gayong pinahiya na ito ni Marcus?

Mukhang kailangan niya itong kausapin para humingi ng paumanhin sa nangyari. At sasabihin na rin niya ang totoong relasyon kay Marcus. Mas mainam na sa kanya na manggaling kaysa malaman pa nito sa ibang tao.

Sandaling sumulyap si Marcus sa asawa bago ibalik ang atensyon sa pagmamaneho. Mariin ang hawak sa manibela habang iniisip na kung gano’n naman pala ka-importante ito sa buhay ng asawa ay ito na lang dapat ang pinakasalan at hindi siya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status