Share

Chapter 3

KUMUSOT ang mukha ni Katrina nang maramdaman ang pangingirot ng kanyang ulo dahil naparami ang nainom niyang alak. Dahan-dahang iminumulat ang mga mata hanggang sa mapuna na nakahiga siya sa malambot na kama. Dagling napabalikwas siya nang mapansin na nasa ibang kuwarto siya. Maluwang ang silid, mamahalin ang mga kagamitan, at naramdaman niya ang lamig mula sa buga ng aircon.

Hilong-hilo pa siya ngunit pinilit niyang bumangon. Panay ang pagkisap niya ng mga mata para labanan ang pagkakahilo niya. Humapuhap ng makakapitan hanggang sa mapahawak siya sa gilid ng isang lamesa. May bahagyang kadiliman ang silid. May natatanaw siyang maliit na reflectorized clock at napagtanto na alas-tres na ngunit hindi sigurado kung hapon o madaling araw.

"Nasaan na ba ako?" tanong niya sa sarili habang naglakad-lakad kung saan para hanapin ang pinto.

May sariling banyo, library, veranda at mini-living area ang kuwarto kaya nalula siya kung saan siya tutungo. Nawala sa loob niya kung ano ang nangyari bago siya nagpakalasing.

Sa kahahanap niya ng pinto ay hindi na alam kung saan siya nakarating. May naaninag siyang silid at alam niyang nakabukas ang pinto kaya diri-diretso siyang pumasok. Subalit lumutong ang noo niya at lumagabog ang katawan niya sa kung anong nakaharang.

Biglang nagising ang diwa niya at napuna na salaming pinto pala ang binangga niya na sa pag-aakala'y nakabukas na. Kumusot ang mukha na hinimas niya ang noo habang ang isang kamay ay kinakapa ang seradura ng pinto para buksan ito.

"Ano ba kasing kuwarto ito? Ano ba ang ginagawa ko dito?"tanong niya sa sarili habang papasok sa loob.

Nangangapa siya dahil ilang bahagi lang ng silid ang naaabot ng ilaw na nagmumula sa lamp shade na nakapatong sa study table. Ilang sandali siyang nangangapa hanggang sa maulinigan niya ang paghilik ng kung sino at agad niyang hinanap kung saan nagmumula.

Sa kalilingon kung saan ay biglang may natisod ang mga paa niya dahilan para kagyat siyang mabuwal sa kinatatayuan. Kumalampag ang kung anong bagay na natamaan ng kamay niya at bumagsak sa sahig, kasunod ang ingay ng paglagapak niya. Saka lumakas sa pandinig niya ang kanina'y mahinang hilik at ngayo'y halos nasa mukha na niya.

Saka lang niya napansin na nakadagan na pala siya sa bultong nakahilata sa sahig, tulog na tulog at humihilik pa rin. Naamoy niya ang hininga nito, amoy alak kaya mangali-ngali siyang tumayo. Subalit sa kagustuhang makabangon kaagad ay hindi sadyang nadaganan ng tuhod niya ang nakaipit sa pagitan ng mga hita nito.

"Aaahh!" d***g nito, biglang nagising at napabangon.

Nasapol ng makisig na braso nito ang balikat niya nang bumalikwas ito at napaupo.

Dagli siyang gumiik sa matigas na bagay at sumubsob pa ang mukha niya sa dingding. Nasaktan siya at napikon sa ginawa nito. Nang mapansin ang malalapad na likod nito na hinulmahan ng makikisig na mga kalamnan dahil wala itong pang itaas na damit ay mangali-ngali niyang nilapitan at kinagat sa likod.

"Arraay! Ano ba?! Aswang ka ba? Bakit mo ako kinagat?!" atungal nito na biglang nahimasmasan sa ginawa niya. Hinagod nito ang kinagat niya.

Nakatalikod sila sa ilaw kaya hindi niya gaanong maaninag ang mukha nito. Gigil na gigil siya dahil nasaktan siya sa ginawa nito.

"Sinuntok mo ako eh!" inis na pakli niya.

"Hindi kita sinuntok! Naipit ang ano ko eh, ang sakit kaya. 'Buti hindi napisa!" nakasimangot na angal nito. 

Hindi siya nakakibo. Dumaan ang sandaling katahimikan.

Nasundan na lang niya ng tingin ang dahan-dahang pagkilos nito, tumayo at may hinanap. Ilang saglit pa ay lumiwanag ang buong silid. Binuksan pala nito ang ilaw. Saka niya nalaman na nasa loob pala sila ng library.

Pagkabalik nito ay nakasubsob pa ang mukha niya sa ibabaw ng mga tuhod na nayayakap niya habang nakaupo at nakasandal sa gilid ng book shelve. Naramdaman niya ang mga yabag nito na papalapit sa kaniya ngunit hindi niya pinagkaabalahang sundan ng tingin.

"Bakit nagising ka na? Madaling araw pa lang at ilang oras pa lang ang naitutulog mo," huminahong salita nito at naramdaman niyang nasa harapan lang niya ito.

Saka siya dahan-dahang nag-angat ng mukha at sinuyod ng tingin ang napakagandang hubog ng mga kalamnan nito pati ang six packs of abs nito na lihim na nagpalunok-laway sa kaniya. Tameme lang niyang natitigan ang kayguwapo't makikinis na mukha nito. Matangos ang ilong at maninipis ang malapusong mga labi nito. Dagdag pa ang pagkatsinitong mga mata na namumungay habang nakatitig sa mukha niya.

Ngunit nang mahumalata na ito ay bumalikwas siya at tumayo. Nasundan nito ng tingin ang pagtayo niya at dahan-dahan din na tumayo ngunit kailangan niyang tingalain ito kapag gusto niyang tingnan sa mukha dahil sa tangkad nito na naglalaro sa anim na talampakan.

"Bakit dito mo pa ako pinatulog? Nasaan si Darren? Akala ko tutulungan niya akong makauwi," biglang salita niya na hindi makatingin sa kausap.

"Nagpaalam ang kaibigan mo dahil may emergency raw siyang lakad. Isa pa, hindi pumayag si lola na umalis ka lalo na at lasing na lasing ka na. Hindi ko naman alam kung saan ka ihahatid dahil hindi ka na matinong kausap kagabi," malumanay na saad nito. Hinarap niya ito at tiningala ang mukha. 

"Sa isang iglap lang nasira ang buhay ko dahil sa kagagawan ninyo ng lola mo! Kinunsensiya ninyo ako para mapapayag ako na pakasalan ka. Hindi ko maintindihan kung bakit nagpakagaga ako para pumayag ng ganun na lang. Ngayon, paano mo ako mapapalabas sa ganitong situwasyon? Hindi mo ako kilala at hindi rin kita kilala! May boyfriend ako na umaasang siya ang pakakasalan ko at umaasa ang ama ko na hindi ko siya bibiguin. Pero nasaan ako ngayon? Nagpakasal bigla sa estrangherong katulad mo!" napapaluhang pagsesentimyento niya.

Namanglaw ang mukha nito nang marinig ang mga sinabi niya. Dahan-dahan itong napapayuko.

"I'm so sorry kung napasubo ka. May girlfriend din ako pero hindi ako sinipot sa kasal sana namin. Si lola ang nagpasya ng lahat. Itinakda niya ang pagpapakasal ko sa ika-dalawampu't limang kaarawan ko dahil iyon ang isinulat niya sa last will testament niya at wala siyang pakialam kahit sino ang pakakasalan ko. Ako ang successor ng pamilya namin at ang magigig anak ko ang susunod. Hindi ko gusto ang lahat pati ang pagpapakasal, pero natakot ako sa pagtatangkang pagpapakamatay ni lola kaya napilitan ako. Siya kasi ang nagpalaki sa akin at mahal na mahal ko siya," malumanay na pagpapaliwanag nito.

Gusto man niyang manumbat pa ngunit sandali muna niyang hinuma ang sarili, nag-isip, at nanahimik muna habang nakasandal sa shelve.

"Gumawa ka ng paraan," pagkuwa'y utos niya. Napatingin ito sa kanya. "Bago ito makarating kay papa at sa boyfriend ko, dapat malinis na ang pangalan ko. Hindi nila puwedeng malaman na kasal ako sa iyo," patuloy niya.

"Pero, paano kung hindi pumayag si lola?" 

"Rico, nakikiusap ako! Paano naman ako? Ang mga taong umaasa sa akin? Oo, nakonsensiya ako baka ako pa ang maging dahilan ng pagkatsugi ng lola mo kaya napilitan akong magpakasal nang 'di oras sa iyo. Kung apo lang sa tuhod ang kailangan niya, puwede ka namang umampon na lang o kaya maghanap ka ng babaeng aanakan mo, kunin mo ang bata at ipakilala mo sa lola mo," pang-uudyok niya.

"Naiintindihan kita. Pero hindi gano'n kadali ang mga suggestion mo. Taiwanese ang lola ko na matagal nang nakatira rito sa bansa. May mga tradisyon sila na hindi gaya ng iniisip mo," giit nito na ikinainis niya.

"Akala ko ba'y tutulungan mo ako na makalabas sa problemang ito? Bakit parang gusto mo pa yata na sa akin ka magkakaanak? Kapakanan lang ba talaga ng lola mo ang iniisip mo? Paano ang sarili mo at paano naman ako? May nakatakda akong pakakasalan at hindi ikaw 'yon. Habang maaga, gumawa ka ng paraan," mariing wika niya.

"Sige, tutulungan kitang makaalis, pero sa isang kondisyon," anito na nagpakunot sa noo niya.

"Kondisyon? Anong kalukuhan na naman 'yan?" kontra niya.

"Ipakita natin kay lola na mag-asawa tayo. Pero lahat puwede mong gawin. Malaya kang makipagkita sa boyfriend mo, tanggalin mo ang singsing mo kapag lalabas ka, pero isusuot mo kapag nandito ka sa mansyon. Hindi tayo puwedeng mahulog sa isa't isa at gagawa ako ng paraan para may maipakitang apo kay lola. Tapos, ilalakad ko ang annulment natin habang maaga. Kahit isa o dalawang taon lang, nakikiusap ako," mga kondisyon at panunuyo ni Enrico na hindi pa agad nagpakumbinsi sa kaniya.

"Naguguluhan pa ako. Basta mamaya, aalis ako para puntahan si papa sa ospital," aniya na biglang nagpaisip kay Enrico.

"Ospital? May sakit ang papa mo?" biglang pag-aalala nito. Nanilim ang mukha niya at napansin din nito.

"Halos kalahating taon na si papa sa ospital. Naka-dialysis siya dahil sa malalang diabetes. Nababaon na kami sa malaking bill namin sa ospital kaya kung saan-saan na ako nangungutang. Hindi sapat ang pagmomodelo ko ng bridal gown para matugunan ang araw-araw na bill sa ospital. Dahil sa pagkakautang ko sa bombay at kagustuhang makatakas kaya ako aksidenteng nakapasok sa simbahan at kamalasang naikasal nang 'di oras sa iyo," nanghihimutok na salaysay niya na nagpaseryoso sa mukha nito.

"Kung hindi mo masamain, gusto kong tumulong sa..."

"Huwag na!" pagputol niya sa sasabihin nito. "Bibigyan mo pa ako ng utang na loob. Si Darwin, ang boyfriend ko, siya ang umaalalay sa akin sa mga gastusin ko sa ospital kapag nagigipit ako. Kaya siya ang gusto ni papa para pakasalan ko," aniya ngunit napansin nito na tila napipilitan siyang banggitin ang tungkol sa nobyo.

"Gusto siya ng papa mo para sa iyo? Bakit parang hindi ka masaya?" usisa nito. Iniba niya ang tingin.

"Wala! Matutulog na ako, inaantok pa ako," pagdadahilan niya para hindi na mapunta kung saan ang usapan.

Umalis na lamang siya at bumalik sa kama para mahiga muli. Naiwan naman si Enrico na napapaisip sa huling sinabi niya. Lumalim din ang pag-iisip niya dahil aminado naman talaga siya na wala siyang nararamdaman para sa nobyo ngunit nahihirapan siyang hiwalayan alang-alang sa kapakanan ng papa niya.

Tuwing ipipikit niya ang mga mata ay paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang masuyong paghalik sa kaniya ni Enrico habang ikinakasal sila. Ayaw lang niyang kompirmahin sa sarili niya kung ano ba talaga ang nararamdaman niya dahil alam niyang hindi puwedeng magpatuloy ang kasalukuyang kalagayan nila.

Gulung-gulo ang isip niya sa mga nangyayari sa kaniya. Hindi pa rin natatapos ang pang-uusig sa konsensiya niya dahil siya ang dahilan kung bakit inatake sa puso ang kaniyang ina. Hindi man niya sinasadyang sagutin ang mga masasakit na sinabi ng kaniyang ina ngunit labis-labis na ang pagsisisi niya. Kaya ay nahihirapan siyang mag-isip ng paraan kung paano makakatakas sa sitwasyon na posibleng ipagdaramdam ni Estela kapag magpupumilit siya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status