Share

Chapter 4

SINUNOD na lamang ni Katrina ang naging suhistiyon ni Enrico para makapag-adjust siya. Tuwing aalis siya sa mansyon ay tatanggalin niya ang singsing para magiging single siya sa mata ng mga tao. 

Hindi na niya inilihim kay Darren ang lahat, naunawaan naman siya nito at patuloy na sinusuportahan. Ngunit hindi niya maiwasang mabalisa kapag magkasama sila ni Darwin o kaya ay lumalabas para mag-date. Madalas pa namang bukambibig ng nobyo ang planong pagpapakasal nila.

Hindi man nagmamadali ang nobyo dahil tatlong taon pa naman ang hihintayin nila para matuloy na ang kasal nila. Ngunit habang kasama niya ito ay lalong sumisikip ang mundo niya. Wala ring kamalay-malay ang papa niya sa totoong situwasyon niya dahil pinapaniwala pa rin niya ito na maayos ang relasyon nila ng nobyo niya.

Araw-araw din kung dumalaw sa papa niya ang Tita Lorna niya, kapatid ng mama niya na naging kasintahan na ng kaniyang papa. Kapag hindi siya makararating sa ospital ay ito ang dumadalaw. Ngunit hindi naiwasang punahin nito ang madalas niyang hindi pag-uwi kung gabi sa apartment na inuupahan niya dahil dumadaan ito sa kaniya bago uuwi sa bahay na kasalukuyan nilang tinitirahan.

Umuupa lang kasi siya ng apartment sa Malate at malapit sa trabaho niya para hindi siya mahirapan sa biyahe. Ngunit ang totoo ay tinutulungan siya ni Darren na ihatid sa mansyon ng Bushin Family sa Makati kung saan pansamantala niyang pinanindigan ang pagiging asawa kay Enrico alang-alang sa Lola Estela nito.

Hindi na rin niya tinanggihan ang pamimilit ni Estela na bigyan siya ng monthly allowance bilang maybahay ng apo nito. Gipit na gipit pa rin siya kaya nagagamit niya ang pera para idagdag sa pambayad sa lumalaking bill nila sa ospital.

Madalas din niyang tanggihan ang nobyo sa pag-aalok nito ng tulong dahil ayaw niyang bumigat ang utang na loob niya rito lalo na at hindi siya sigurado kung talaga bang matutuhan niya itong mahalin at baka masaktan lang niya nang sobra. Kaya ay iniigihan na lamang niya ang pagmomodelo para wala itong maisusumbat sa kanya.

Pagdating niya sa mansyon ay agad sumalubong sa kaniya ang masayang si Estela at agad na yumakap sa kaniya. Todo ito kung makaasekaso sa kanya at ayaw na ayaw nito na pinapatrabaho siya ng kahit anong gawain sa mansyon.

"Hija, halika! May ipinaluto akong masarap na hapunan para sa iyo. Mamaya pa ang uwi ni Rico kaya mauna ka nang kumain para magiging malusog ka. Dapat maging handa ang katawan mo nang sa ganoon ay magsisilang ka ng malusog na sanggol at hihirangin na Fifth successor of Bushin Family. Naku, matutuwa ang mga kaluluwa ng mga kaninunuan ni Rico kapag malalaman nilang may susunod na sa yapak nila," tuwang-tuwa na saad ni Estela habang magiliw na iginigiya siya sa napakaluwang na dining area.

Walang mapagtaguan ang panlulumo niya na pilit idaan sa matatabang na mga ngiti habang pinagbibigyan ang matanda. Sumusunod na lamang siya sa mga sinasabi nito. Hindi niya makita ang mga magulang ni Enrico sa paligid.

Inisip niya na baka abala ang mga ito sa trabaho o sadyang napakalaki lang ng masyon para hindi niya makita ang mga ito. Puro mga katiwala at mga guwardya lang ang nakikita niyang pakalat-kalat sa loob at labas ng masyon.

"Lola, saan po ba nagtatrabaho si Rico?" tanong niya tungkol sa trabaho ni Enrico. 

Halos isang linggo na niyang nakakasama si Enrico ngunit ngayon lang niya naisipang itanong at kay Estela pa. Sabay silang kumakain.

"Nakatutuwa ka naman, hija. Bakit hindi siya ang tinanong mo? Pero sige, ako na lang ang magsasabi. BFP officer si Rico at kasalukuyan siyang nag-aaral ng Chemical Engineering dahil siya na ang susunod na mamamahala ng apat na Pharmaceutical Factory namin sa Taiwan kapag magreretiro na ang daddy niya. Kaya nga hindi na ako makapaghintay na makita ang apo ko sa tuhod na magiging successor din ng Bushin Family," nakangiting paliwanag ni Estela.

Kahit papaano ay naging magaan ang loob niya sa matanda at mas marami pa silang oras para magkuwentuhan kaysa kay Enrico.

"Kaya po pala madalas ko siyang nakikita sa library ng kuwarto niya, este namin po pala," aniya at muntik pang madulas baka mapaisip ang matanda dahil ang alam nito ay magkatabi sila kung matulog ni Enrico.

Ginawa na kasi ni Enrico na tulugan ang library at naglatag na roon ng higaan at siya naman ay sa kama natutulog.

"Ay oo! Matalinong bata si Rico, subsob sa pag-aaral at paborito niya ang math lalo na ang Algebra at Chemistry. Kaya nga hangang-hanga ako sa kaniya. Sigurado akong matalino din ang magiging anak ninyo," wika naman ni Estela na nagpatabang ng mukha niya ngunit hindi na nagpahalata.

 

DALAWANG linggo nang umuuwi si Katrina sa mansyon tuwing gabi pagkagaling niya sa trabaho at ospital. Madalas naman na pagod si Enrico kapag umuuwi at minsan naaabutan na lang niya na nakakatulog na ito sa library kahit hindi pa nakakapaghapunan. Nais niya itong kausapin kung kumusta na ang paglalakad nito ng annulment nila. 

Muli ay nadatnan na naman niya ito sa library, tulog na tulog habang nakapamaluktot na single bed na nilatag nito sa sahig, yakap-yakap pa ang Chemistry book. Dahan-dahan niyang nilapitan at napaluhod para maibaba ang katawan, gigisingin niya ito.

Ngunit akmang hahawakan na niya ang balikat nito ay umagaw sa pansin niya ang pagliwanag ng screen sa cellphone nito na nakalapag sa ibabaw ng isang libro. Napasulyap lang siya sa pangalan ng caller na uma-appear sa screen. Si Joyce ang tumatawag ngunit naka-silent mode ito. 

Hinayaan na lang niya hanggang sa tumigil. Saka niya itinuloy ang paghawak sa balikat nito at marahang inuga para magising ito ngunit narinig lang niya ang mahinang pag-ingos nito. 

"Rico, gumising ka. Hindi ka pa nakakapaghapunan. Ilang gabi ka nang nagpapalipas ng gutom. Masama ang magutuman lalo na nag-aaral ka pa. Pati si lola nagtatanong na sa akin kung bakit hindi ka na dumidiritso sa kusina pagkauwi mo. Kumain ka muna," panggigising niya habang patuloy na inuuga ang balikat nito.

Lalo siyang tinalikuran nito. Bahagya siyang nainis sa ipinakita nito. Nang akmang bibitawan na niya ang pagkakahawak niya sa balikat nito ay saka lang niya napuna ang mainit na singaw ng katawan nito. Muli niyang sinalat ng palad ang balikat nito, suot lang nito ay sandong puti. Sinalat niya pati ang braso at noo nito saka naramdaman ang tumataas na temperatura nito.

"May lagnat ka? Bakit hindi ka nagsasalita?" bulalas niya at nag-alala siya rito.

Dali-dali siyang tumayo at kumuha ng kumot. Kinumutan muna niya ito dahil napansin niya ang pamamaluktot nito at siguradong giniginaw ito. Hininaan niya ang lamig ng air-con saka kumuha ng maliit na palanggana na may tubig at bimpo. Hindi na siya nag-abala ng kung sino para tulungan siyang asekasuhin ito. 

"May nararamdaman ka na pala bakit hindi mo sinasabi? Paano ko malalaman kung nangingisay ka na pala diyan kung di ka magsasalita?" mga pag-aalala niya habang banayad na pinupunasan ang katawan nito.

Napapansin niya ang namumula nitong mukha marahil ay dahil sa lagnat nito. Patuloy niyang pinupunasan hanggang sa bumaba nang kaunti ang pag-aapoy nito sa lagnat. Alas onse na ng gabi ngunit nag-abala siyang tumungo sa ground floor, sa kusina. Nasa third floor pa kasi ang kuwarto nila. Nagpatulong siya kay Vivian, ang trenta anyos na kusinera, para ipaghanda ng mainit na soup para kay Enrico.

Tumulong na rin siyang maghanda ng ilang pagkain na ihahain niya para sa asawa. Hindi niya inaasahan na magising ng ganoong oras si Estela at naabutan sila ni Vivian sa kusina.

"Hija? Bakit gabing-gabi na naghahanda ka pa ng iluluto? At bakit ikaw ang gumagawa niyan?" mga alala ng matanda na bahagya pa niyang ikinagulat nang matagpuan niya ito na nasa tabi na niya habang abala siya sa pagsangkutsa ng mixed veges.

"Kayo po pala, lola. May lagnat po kasi si Rico kaya nagpatulong ako kay Manang Vivian na ipaghanda siya ng mainit na sopas," malumanay na tugon niya.

"Ang apo ko talaga, kapag may dinaramdam hindi talaga nagsasalita. Mabuti na lang at ikaw ang napangasawa niya, maalalahanin na maasekaso pa. Palibhasa'y sa akin na siya lumaki kaya hindi naging malapit ang loob niya sa mga magulang niya at wala siyang napagsasabihan ng mga problema niya kun'di ako lang. Pero nakapagtataka na halos dalawang linggo na siyang hindi nakakapagkuwento ng kahit ano sa akin. Siguro nga dahil sa iyo na siya nagkukuwento, tama ba?" saad ng matanda na hindi niya alam kung tatango ba siya o hindi. Dinaan na lamang niya sa mga ngiti ngunit kahit siya ay napapaisip din sa biglang pagiging tahimik ni Enrico.

Kaagad din naman na nagpaalam ang matanda para bumalik muli ito sa kuwarto nito. Tinulungan na siya ni Vivian na maihatid sa taas ang mga nailutong pagkain. Mabuti na lang at may elevator ang bahay kaya hindi siya gaanong nahirapan.

"Maraming salamat po, Manang!" pangiting wika niya matapos siyang ihatid ni Vivian at kaagad naman itong umalis.

Inayos muna niya ang mini-table at nilapag ang mga pagkain saka nilapitan si Enrico at muling ginising dahil nakatulog ulit ito.

"Bumangon ka muna at kumain. Kailangang malamanan ang sikmura mo bago ka iinom ng gamot," malumanay na pagpapabangon niya rito. Nagising ito.

Naging masunurin naman ito at dahan-dahang bumangon. Inilapit niya ang pagkain. Napapansin niya na nananamlay ito at walang balak galawin ang pagkain kaya siya na ang kumilos para subuan ito. Labis ang pag-aalala niya kaya hindi niya matiis na hindi ito asekasuhin. 

"Ayaw ko man usisain kung anong nangyayari sa iyo dahil wala naman talaga akong pakialam sa iyo at wala ka ring pakialam sa akin dahil ginagawa lang natin ito para sa lola mo. Pero hindi na maganda ang pagpapalipas mo ng gutom. Kaya pilitin mong malamanan ang sikmura mo," mahinahon na saad niya habang sinusubuan ito.

Tahimik lang ito na tinatanggap ang pagsusubo niya ng sopas, hindi niya pinapansin ang pagkakasulyap nito sa mukha niya. Nahihiwagaan pa rin siya sa pananahimik nito.

"Ano ba kasi ang problema mo at bigla ka na lang nawalan ng ganang kumain? Sabi ni lola, nitong taon ka na ga-graduate sa pagiging engineer. Hindi man ako interesadong makinig pero hindi nauubusan ng kuwento ang lola mo tungkol sa iyo. Dapat magpalakas ka para hindi ka mahirapang pagsabay-sabayin ang trabaho mo. Kumain ka pa," aniya, nakikinig lang ito sa mga sinasabi niya habang patuloy niyang sinusubuan.

"Oo nga pala, may tumatawag kanina sa phone mo, Joyce yata, 'yon ang nakita ko sa screen. Hindi naman kita magising dahil..." pagkaumid niya nang bigla nitong agawin ang kutsarang hawak niya pati ang bowl ng soup at itinuloy ang pagsubo hanggang sa maubos nito ngunit napatunganga na lang siya dahil tahimik pa rin ito.

Pagkaubos ay dumampot pa ng ilang pagkain na tila ginutom ng isang buwan. Manghang napatulala siya sa ikinilos nito. Napapangisi siya at saglit pa itong natigilan nang mapansin siya.

"Kumain ka lang. Ako ang nagluto niyan, nagustuhan mo ba?" pag-iiba na lang niya sa usapan. Hindi muna ito kumibo at naging abala sa pagkain.

Hinayaan muna niya ito na makatapos sa pagkain at naghanap siya ng paracetamol na ipapainom niya rito para lubusang gumaling. Nang makahanap ay iniabot niya rito at masunurin naman nitong tinanggap at ininom.

Iniligpit muna niya ang mga pinagkainan nito. Saka na siya nagpaalam na bumalik na sa kama at makapagpahinga. Subalit hindi kaagad siya nakatulog dahil sa hindi mawaring nararamdaman. Ayaw man niyang guluhin ang isip niya kung bakit bigla na lamang gumagaan ang loob niya kay Enrico. Alam niyang may mali, nalilito siya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status