Share

Chapter Four: The Man in Sana's Dreams

LAKAD-takbo ang ginawa ni Sana upang abutan niya ang lalaking iyon na nagligtas sa kanya sa kamay ng mga lalaking may masamang tangka sa kanya noong isang araw. Ito rin ang parehonglalaking palagi niyang hinihintay na lumabas sa gate ng kanilang paaralan bago umuwi. He was the same man she wants to see in the school gymnasium. The very man she used to follow even in the café where he works as a waiter.

“Hey! Could you please wait for me?” sigaw niya. Naririnig niya ang sariling tinig habang malakas na sumisigaw ngunit tila bingi ang lalaki sa bagay na iyon. Mas binilisan pa niya ang pagtakbo nang makita niyang tumawid ang lalaki sa kalsada. Akmang hahabulin niya ito ngunit may parating na malaking sasakyan. Nakuntento na lamang siyang hintayin na makaraan ang sasakyang iyon habang nakatanaw sa lalaking hayun at nakatayo patalikod sa kanya sa kabilang panig ng kalsada.

Napuno ng antisipasyon ang kanyang dibdib nang makita niyang unti-unting kumilos ang lalaki paharap sa direksiyon niya. Abot-abot na ang kanyang paghinga habang hinihintay ang tila napakabagal na pag-usad ng oras habang paharap ang lalaki. Pero bago pa man nito magawang humarap sa kanya ay humarang na ang parating na sasakyan at pagkaraan niyon ay wala na ang lalaki. Kagaya kahapon at noong mga nakakaraang araw ay bigo na naman siyang makita ang mukha nito.

Bagsak ang mga balikat na tumawid na lamang siya sa kalsadang iyon. Ganoon na lamang ang gulat at takot niya nang makarinig siya nang malakas at nakakangilong tunog ng mga nagngangalit na gulong. May matinding liwanag na bigla na lamang lumitaw sa kanyang harapan. Huli na ang lahat para mag-isip pa siya dahil sa loob nang ilang sandali ay hayun at mabubundol na siya ng isang rumaragasang sasakyan.

“Sana! Sana, gising! Nananaginip ka,” mababakas ang pag-aalala sa tinig ni Sana na si Lourdes nang gisingin siya nito.

Hingal na hingal si Sana nang magising. Butil-butil ang malamig na pawis sa kanyang noo. Hindi iyon ang unang beses na naging laman ng kanyang panaginip ang lalaki subalit ni minsan ay hindi niya man lamang nakita ang mukha nito. Kung hindi blur ay nakatalikod ang lalaki tuwing magtatagpo sila sa kanyang panaginip. Pero alam niya…ramdam niya, totoong nagkita na sila. Hindi lang sa panaginip niya nakilala ang lalaking iyon at sigurado siya sa bagay na ‘yon.

“D-dinalaw niya ako ulit sa panaginip, ‘ma,” sabi niya sa kanyang ina habang hinahabol ang hininga. “And it felt real, totoo ang lahat ng panaginip ko. Alam kong totoo ang mga panaginip ko tungkol sa kanya.”

Kagaya ng mga pagkakataong ikukuwento niya sa kanyang ina ang nangyari sa kanyang panaginip, umiwas ng tingin ang mama niya. Kung umiiwas ito sa topic na iyon o nagsasawa na ito sa paulit-ulit niyang mga kuwento ay hindi niya alam.

“Ayan ka na naman, anak. Kailan mo ba titigilan ang kuwento tungkol sa lalaking ‘yan?” tanong ng kanyang ina nang tumayo ito upang tunguhin ang pintuan ng kanyang kuwarto. “Halika na at nakahain na ang almusal. Masamang pinaghihintay ang pagkain,” sabi nito bago tuluyang lumabas sa kanyang kuwarto.

Wala siyang nagawa kung hindi ang sundan ito. “Good morning, friend!” ang halatang excited na tinig ng matalik niyang kaibigan na si Mandy ang bumungad sa kanya habang pababa siya sa hagdan. Maliit lang ang kanilang bahay. Nag-iisa ang kanyang kuwarto sa itaas na bahagi niyon. Sa isang maliit na kuwarto naman sa ibaba katabi ng maliit nilang sala ang kuwartong inookupa ng kanyang mga magulang.

“Naligaw ka?” sabi niya sa kaibigan nang dumalo siya sa mesa kung saan ito nakaupo at maganang nag-aalmusal. Dalawa lang naman ang dahilan kung bakit ito lumilibot doon. Una, ang sumilay kay Klyde na ultimate crush raw nito at…

“I’ll help you on your first day of work as a nanny to Klyde’s twins,” iyon ang ikalawang dahilan ng palagiang pagdalaw nito. Katulad ng mga magulang niya, noon pa siya nito kinukumbinsi na tanggapin ang alok na trabaho ni Klyde…ang maging nanny ng mga anak nito.

“’Yan na naman ba ang pag-uusapan natin? Ilang beses ko bang sasabihin na I’d rather work as a waitress in a fast-food chain than being a nanny to his twins?”

“Ano pa ba naman kasi ang hinahanap mo, friend? He’ll be paying you a cold cash amounting to hundred thousand pesos every month. Libre ang pagkain. Libre ang bahay. Kasama ka niya sa mga lugar na pupuntahan nila ng mga anak niya plus the fact that you’ll have the golden chance of being with him every single minute of every single day!”

“That’s exactly the reason why I don’t want to accept his offer. Ayaw ko siyang makasama. Pakiramdam ko, araw-araw lang kaming magbabangayan,” aniya.

Eksaheradang napanganga si Mandy. “What? Kaya mong awayin ang ganoon kaguwapo, kayaman at ka-yummy na single daddy? Bakit ba kasi inis na inis ka sa kanya? Wala naman siyang ginagawang masama sa’yo,” patuloy na pag-uusisa ni Mandy habang kumakain.

Nagkibit siya ng balikat. Ang totoo, hindi niya rin alam kung bakit ba palagi siyang naiinis makita pa lamang si Klyde. Siguro ay dahil pakiramdam niya  na hindi ito mabuting ama sa mga anak nito. Tuwing umaga na lang kasi, nakikita niya itong umaalis ng bahay sakay ang super expensive na sasakyan nito. Gabi na ito kung umuwi, naaatim nitong iwanan ang mga anak sa kanyang ina, na sa hindi niya malamang dahilan ay kinukunsinti pa yata ang kapabayaan ng lalaki bilang ama. Duda niya, kaya rin iniwanan ng asawa ang lalaki ay dahil sa ugali nitong ‘yon. Kawawa lang din ang mga anak nito na halata namang napapabayaan lang ng lalaki. Isinatinig niya ang mga dahilang iyon sa kaibigan.

Bigla niyang naalala ang naging encounter nila kagabi, particular na ang paghalik nito sa kanya. Mas lalo lamang nadagdagan ang nararamdaman niyang inis para sa lalaki dahil sa halik na iyon.

“Ano ka ba? May trabaho ‘yung tao. Let me remind you, Sana that you’re neighbor was actually one of the most successful businessmen in the world. Of course, he has to work.”

“Kahit pa sa kabila ng katotohanang mayaman na siya? Sapat na bang dahilan iyon para iwanan niya ang kanyang mga anak sa isang kapit-bahay?”

“Hello, apo kaya ni Aling Lourdes ang mga batang ‘yon,…”

“What?” nabibigla at nagugulumihanang tanong niya sa kaibigan. “Paanong naging apo ni mama ang mga batang ‘yon? Ni hindi kami magkadugo ng Klyde na ‘yon,” paninita niya sa kaibigan.

May kung anong kakaibang emosyon na nagdaan sa mga mata ng kanyang kaibigan bago ito nag-aatubiling sumagot. “H-hindi naman dahil hindi kadugo ay hindi na p-puwedeng ituring na apo, and besides, magkatabi lang ang bahay n’yo,” nagkakandautal na sabi ng kaibigan niya. Kung hindi lang niya ito lubusan kilala, iisipin niyang may itinatago ito sa kanya.

“Gutom ka lang, Mandy. Kumain ka nang kumain at nang hindi pinapasok ng hangin ‘yang isipan mo,” aniya sa kaibigan.

Akmang kukuha na siya ng pagkain nang marinig niya ang masayang tinig ng kanyang ina na nagmumula sa labas ng kanilang bahay. “Ang cute-cute naman talaga ng mga ‘yan, eh, ‘no? Oh, ngingiti pa yan, oh. Gutom na ba ang mga babay na ‘yan?”

Ano mang gutom ni Sana ay kaagad na nawala nang makita niya ang kanyang ina na pumasok sa kanilang bahay. Karga nito sa magkabilang braso ang dalawang napakagagandang anak ni Klyde. Katulad ng dati, tila lumukso ang puso niya pagkakita pa lamang niya sa mga bata. May kung anong saya na idinudulot sa kanyang puso ang makita ang mga ito.

Tila ganoon rin naman ang mga sanggol dahil nang makita siya ng mga ito ay nagkakawag na ang mga ito. Mabilis siyang tumayo at kinuha ang isa sa mga kambal mula sa kanyang ina. Pakiramdam niya ay napakagaan ng loob niya nang mahawakan niya ang bata. “Kelsey, right?” tanong niya sa bata na bigla na lamang ngumiti nang mabanggit niya ang pangalan nito.

Walang halos pinagkaiba ang hitsura ng mga bata. Mula buhok hanggang sa kulay mga mata at balat ng mga ito ay magkamukhang-mukha. Kakatwa lang rin na kung gaano kahirap para sa ibang tao na hulaan kung sino si Kelsey at Kianna sa mga ito ay tila walang kahirap-hirap naman niyang nagagawa iyon. Sa isang tingin lang, alam na alam na niya kung sino si Kelsey at kung sino si Kianna.

Mayamaya, nagsimulang umiyak ang batang si Kianna na hayun at hawak pa rin ng mama niya. “Naku, nainggit na naman ang isang ‘to. Parang gusto rin niyang sumama sa’yo, anak,” sabi ng nanay niya.

Walang nararamdamang pagrereklamo na kinuha pa niya ang sanggol na hawak nito. Mas lalo lamang nadoble ang sayang nararamdaman niya nang pareho na niyang hawak ang mga bata. “Oh, ano? Happy na ‘yang Kianna na ‘yan, ‘no?” maging siya ay natawa nang humagikgik ang batang si Kianna. “Pakiss nga ako my little angles,” sinimulan niyang sibasibin ng halik ang leeg ng mga bata. They smell heaven. May kung anong puwang sa kanyang puso ang tila napupunuan sa tuwing hahalikan niya ang mga bata.

Dinala niya sa mahabang sofa sa kanilang sala ang kambal at doon ay sinimulan niyang kantahan ang mga ito. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, tuwing kukuhain ng mama niya ang mga bata, nakasanayan na niyang kantahan ang mga ito. Kung minsan ay binabasahan niya ng fairy tales ang dalawa. Sa edad na dalawang taon ay hindi mahirap alagaan ang mga ito dahil likas na malalambing at mababait. Hindi kagaya ang mga ito ng ibang bata na napakaiyakin.

Kasalukuyan niyang kinakantahan ang mga bata nang aksidenteng mapadpad ang kanyang paningin  sa kanyang mama at kay Mandy. Huling-huli niya kung paano siyang titigan ng mga ito. They are both smiling, but in their eyes, naroon ang mga luha na tila ba nanghihinayang ang mga ito.

Bakit ba pakiramdam niya ay may kung anong itinatago ang mga ito sa kanya?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status