Share

Kabanata 4: Tunay na nangyari

  "Ako nga pala si Jamir, Jamir Estabillo," wika nito na inilahad ang kanang kamay kay Sophia.

Atubili man at nahihiya, pero sa kagandahang asal ay inabot ng dalaga ang kamay ni Jamir. Ngunit bigla rin niyang binawi ito sapagkat may kakaibang sensayon ang dumaloy sa  kaniyang kalamnan nang magdikit ang kanilang mga palad.

Pagtataka ang bumadha sa mukha ni Jamir sa ikinilos niya.

"Pasensya na Jamir galing nga pala ako sa labas, hindi pa ako nakapag-alchohol, baka mapasahan pa kita ng virus. Hindi pa naman tayo ligtas sa covid," pagdadahilan niya na alanganing nakangiti.

Kung nakumbinsi niya si Jamir sa kaniyang dahilan ay hindi niya tiyak. Nagulat siya sa naramdaman niya kanina. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon. Napapanood niya sa mga drama at nababasa niya sa online stories ang ganong pangyayari ngunit hindi niya akalain na ganoon pala yon, misteryosong damdamin na mararamdaman lang ng isang tao para sa sinasabing soulmate niya.

Pero sinawata agad ng dalaga ang nasa isip.

"Huwag kang managinip ng gising Sophia! Napaka-imposibleng mangyari ng naiisip mo! Tingnan mo nga, sa itsura pa lang ng pisikal napakalayo niyo na. Napaka-guwapo ni Jamir, masasabi ngang siya yung Prince Charming na napapanood sa mga palabas sa t.v. Ikaw tipikal ang itsura na probinsiyana.

At sa itsura ni Jamir, mukhang hindi ito basta-bastang tao lang. Bakas dito ang pagiging edukado at may sinasabi sa buhay. Tama na, Sophia! Hindi mangyayari sa tunay na buhay ang mga napapanood mo!" saway nito sa sarili sabay pilig sa ulo at tinapik-tapik pa ng kaniyang kamay 'yon.

"O-okay ka lang ba talaga Sophia? May problema ba?

Pagtingin ng dalaga dito ay titig na titig ito sa kaniya. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala at alanganing ngiti. " Hay, Sophia! Ilang ulit ka pa bang magmumukhang ewan sa harap ng lalaking yan! Tigilan mo na ang pag-iisip ng kung anu-ano!"  Muli niyang saway sa kaniyang sarili.

" Ha, wala naman okay lang ako, medyo hilo lang siguro ako," pagdadahilan niya rito.

"Kung ganon baka makabubuting umuwi ka muna para makapagpahinga ka. Hindi kasi biro ang makuhanan ng dugo,"

"Hindi, okay lang ako. Huwag mo akong alalahanin, ikaw ang pasyente at hindi ako," aniya at ngumiti rito. " Nga pala baka nagugutom ka na? Marami akong dala diyan na makakain mo. Nagluto ako bago ako nagpunta rito. O kung ayaw mo ng niluto, may dala akong tinapay at palaman, prutas meron din, ipagbabalat kita," wika niya na medyo nawawala na ang nararamdamang pagka-asiwa kay Jamir.

"Salamat, maya-maya na lang. Sabihin ko na lang sa'yo kapag nagugutom na ako,"

"Okay."

Namayani ang sandaling katahimikan.

Ngunit maya-maya si Jamir ang bumasag nito.

"Maraming salamat sa iyo Sophia at sa mga magulang mo. Marahil kung hindi kayo kaagad nadaan doon at natagpuan ako,"  bahagyang huminto sa pagsasalita ito na wari'y pinatatatag ang damdamin dahil sa matinding emosyon na nararamdaman.  Dahil napaka-swerte niya at nabigyan siya ng pangalawang buhay dahil sa tulong ni Sophia at ng mga magulang nito. "Siguro wala na ako ngayon," dugtong nito. "Tulad ng sinabi ng duktor, kung hindi kaagad ako naidala rito sa ospital at nasalinan ng dugo, hindi na ako mabubuhay," may bumikig pa sa lalamunan nito nang sabihin ang huling salitang iyon.

"Walang anuman Jamir. Tsaka marahil hindi mo pa oras para mawala sa mundo. Ang ganoong oras kasi ay talagang dumadaan kami roon para magtungo sa bayan, kung saan nagtitinda kami ng mga prutas,"

"'Yon nga ang sabi ni Aling Tisay kahapon,"

"Nga pala kung okay lang malaman, ano ang nangyari sa'yo? Bakit nakahandusay  ka at duguan sa lugar na 'yon?

"Hindi ko rin alam. Mabilis kasi ang mga pangyayari noon," anito na ipinikit ng mariin ang mga mata na wari'y pilit inaalala ang mga nangyari noon sa kaniya.

"Sige okay lang Jamir, 'wag mo nang sagutin at baka makasama pa sa kalagayan mo," wika ni Sophia na tinapik pa ito sa braso.

"Pauwi na ako sa Maynila galing sa Batangas kung saan binisita ko ang coconut plantation na pag-aari namin. Sa gitna ng sabana may biglang humarang sa daraanan ko na isang kulay itim na van. Nagbabaan ang tatlong lalaking sakay no'n na pawang mga nakasuot ng bonet at may mga hawak na dekalibreng baril. Pilit nila akong pinababa at kinaladkad palabas ng kotse ko. Ang huling naalala ko na lang bago magdilim ang paningin ko, " saglit itong huminto at nagbuga ng hangin.  "May pumukpok sa batok at noo ko. At hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari, kung paano akong napunta sa lugar niyo na napakalayo na sa pinanggalingan ko. At hindi ko nga rin matandaan kung paano ako nagkakaroon ng tama ng baril dahil sa bilis ng mga pangyayari. Mabuti na nga lang at daplis lang sa balikat ang tama ko," mahaba nitong kuwento, sabay hilot sa kaniyang noo.

"Grabe naman pala ang dinanas mo sa mga holdaper at carnapper na 'yon. Pero ang sabi mo kanina may pag-aari kayong coconut plantation? Ibig sabihin

mayaman kayo. Pero mukhang hindi alam ng mga lalaking 'yon at hindi ka nila kilala. Kasi kung alam nila na mayaman ka ay kinidnap ka na nila,"

"Iyon na nga lang din ang ipinagpapasalamat ko ng marami sa Diyos. Kasi kapag nagkataon nadamay pa sa hindi magandang pangyayari ang pamilya ko,"

"Paano pala ang pamilya mo ngayon? Wala silang kaalam-alam na may nangyari na sa'yong hindi maganda. Wala naman kaming nakitang I.D mo at pitaka para sa contact mo sana sa iyong pamilya,"

"Mabuti na rin na wala kayong nakitang I.D ko o wallet. Mas okay nang hindi niyo nasabihan ang pamilya ko, ayaw ko kasing mag-alala sila ng matindi. Lalo na ang mommy ko na may sakit sa puso," anito at pilit ibinabangon ang katawan.

Kaagad namang tumayo sa pagkakaupo si Sophia upang maalalayan si Jamir na makaupo at maisandal ito sa headboard ng kinahihigaan nitong kama.

"Salamat," anito at muli siyang nginitian.

""Huwag mo naman akong nginingitian ng ganyan, nanlalambot ang tuhod ko,"  mahina nitong wika sa sarili habang bumabalik sa pagkakaupo"

"May sinasabi ka Sophia?"

"Ah, eh, ang sabi ko baka nagugutom ka na,"  aniya na ngumiti ng matamis dito para mapaglabanan ang kakaibang damdamin na ngayon lang pumupuno sa puso niya dahil sa epekto ng ngiti at tingin ni Jamir na nagdadala sa kaniya sa kung saan at nagpapatorete sa puso niya.

"Gusto kong uminom ng tubig, please,"  anito na mulling ngumiti s kaniya.

"Okay, ikukuha kita ng tubig," aniya sabay tayo. Pwede namang 'wag ng ngingiti eh. Bulong nito pagkatalikod.

"May cellular phone ka? ani Jamir pagkatapos nitong uminom ng tubig sa basong hawak ni Sophia.

"Oo, meron,"  sagot miya na inilapag na sa mesa ang hawak na mababasaging baso.

"Puwedeng pahiram ako mamaya? May tatawagan lang ako," ngumiti uli ito ng matamis na kitang-kita ang maganda at mapuputing ngipin nito.

"Sige Jamir,"  tumango pa siya ng bahagya rito. "Kailan mo ba pakakalmahin ang puso at tuhod ko..." Piping sigaw ng isipan niya.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status