Share

Prince In My Dream (Book 1)
Prince In My Dream (Book 1)
Author: Kei Abordo

Day 01 [Dreaming Isn't Only When You Sleep]

"ADEE!! Nasaan na ba yung pinapa-photocopy ko sa’yo? Kailangan ko na ‘yon!"

"Andito na po..."

Nagmamadaling nilapitan ni Adee ang lalaking kasamahan sa opisina. Dala-dala niya ang mga papel na inutos sa kanya na ipa-photocopy.

Agad niya itong inabot sa katrabaho pero masama pa rin ang tingin nito sa kanya. Nginitian na lang ito ni Adee.

"Kukupad-kupad kumilos..." Bulong ng lalaki.

Binalingan naman ni Adee ang isa pang katrabahong babae na nasa harapan lang niya.

"Joyce, ito na yung pinapaphotocopy mo..." mahinahong pagkuha ni Adee sa atensyon ng katrabaho.

"O sige, ilapag mo na lang dyan." Tugon nito na hindi man lang tumingin sa kanya.

Paalis na si Adee para bumalik sa kanyang lamesa ng tawagin siya ulit ng lalaki. Dali-dali ulit siyang lumapit dito.

"Bakit? May ipapa-photocopy pa kayo?" Inosenteng tanong ni Adee.

Magkasalubong ang dalawang kilay ng lalaki at halos umusok ang ilong nito sa galit.

"Ano ‘to?!" Itinaas niya ang mga papel ng ibinigay sa kanya ni Adee.

Nagtatakang tinignan ito ng dalaga. "Papel po..."

"Di ko alam kung nagtatanga-tangahan ka lang o tanga ka talaga!"

Nilakasan ng lalaki ang boses niya na tila ba sinasadya na iparinig ito sa ibang katrabaho. Nakatingin na ang lahat ng empleyado sa kanila.

"Di mo ba naintindihan yung sinabi ko kanina?! Sabi ko tig-tatlong copy at hindi back-to-back!"

"N-Naintindihan po.."

"Bakit ganito ginawa mo?! Puro back-to-back ‘to?! At kulang ng isang copy! Hinihintay na ito ng Head Manager!!!"

"Yung sa’kin din, mali ang pagkaka-photocopy." Si Joyce iyon. Tumayo ito at lumapit kay Adee. "Akin ang back-to-back Adee."

Mataray ang itsura nito at hindi rin maganda ang ugali. Bente-singko anyos pa lang siya pero mukha na siyang mas mature dahil sa makapal na make-up at sa suot niya. Isa siya sa mga tao sa opisina na natutuwa kapag napapagalitan si Adee dahil sa pagiging mali-mali nito.

Ang lalaking galit naman ay si Larry. Mahigit trenta anyos na ito at mainitin ang ulo. Siya ang supervisor ng Department kung saan kabilang si Adee.

"Ganun ba kahirap yung instruction namin para di mo maintindihan?" Pagpapatuloy ni Joyce. "Gaano kalaki ba yang utak mo?...” Tumawa pa siya. “ Mali. Gaano kaliit pala?"

Nagtawanan ang ibang empleyado sa department.

Nakayukong sinasalo ni Adee ang mga masasakit na salitang binabato sa kanya ng mga katrabaho. Pinipigilan niya ang maiyak.

"Sorry... uulitin ko na lang."

"Uulitin mo talaga ito! Bilisan mo, late na ako sa pagpapasa ng report! Mapapagalitan pa ako ng Head dahil sayo!!" Sabi ni Larry sabay hagis kay Adee ng mga bond paper na hawak nya.

Ganun din ang ginawa ni Joyce.

Isa-isang dinampot ni Adee ang mga papel na nagkalat tsaka siya pumunta sa Xerox machine sa labas ng kwarto nila.

Malalim ang pagbuntong hininga ni Adee habang isa-isa niyang inuulit ang pagxexerox sa mga papel.

"Bakit ganyan ang itsura mo?"

Mabilis na napalingon si Adee sa pinanggagalingan ng boses.

Si JV iyon. Katrabaho at kaibigan ni Adee. Ang nag-iisa niyang kaibigan sa opisina. Mabait ito, magaling at matalino. Bukod pa doon, gwapo rin ito. Siya ang tanging kakampi si Adee kapag pinagkakaisahan siya ng lahat.

"Wala naman..."

"Inaway ka nanaman ba nila?! Teka nga. Makakatikim sa akin ang mga ‘yon!" Lumapit si JV sa kanya at umarte pa ito na aawayin ang mga kaopisina.

"Tumigil ka nga dyan! Akala mo naman may magagawa siya?..." Pigil ni Adee sa kaibigan at sa wakas, ngumiti na rin ulit ito.

Natawa lang si JV.

"Meron ha! Akala mo?!"

"Sige nga? Anong magagawa mo?" Tinignan ni Adee si JV na nakapamewang. "Kapag inaway mo sila, maaaring mawalan ka ng trabaho. At pag nawalan ka ng trabaho, nganga ka na!"

Natawa lang ulit si JV.

Lumapit pa sya kay Adee at kinuha ang mga papel na hawak nito.

"Akin na nga ‘yan... Ako na gagawa. Ilang kopya?"

"Tatlo dyan. Tapos dito back-to-back."

Umalis si Adee sa harap ng machine para ipaubaya kay JV ang ginagawa.

"Tsaka kasalanan ko rin naman yun JV... Lagi kasi akong nagkakamali."

Hindi siya tinignan nito, abala lang ang kaibigan niya sa ginagawa.

"Baka isang araw na lang, tanggalin na ako dito sa opisina..." patuloy ni Adee sa seryoso at malungkot na tono.

This time, tinignan na siya ni JV at ngumiti ito.

"Ano ka ba? Wag mo isipin ‘yon! Tsaka kapag pinaalis ka nila, aalis din ako."

Natawa si Adee.

"Baliw!"

"Ililibre sana kita ng ice cream mamaya kaso may kailangan akong puntahan... bukas na lang siguro?"

"Ikaw bahala..." Nagkibit balikat si Adee.

Si Adee Sebastian, 24 years old. Isang simpleng babae. Being a loser was all she had ever been.

Binubully sya noon sa school,

Dakilang utusan naman siya ngayon sa office.

Mahiyain, palaging nagkakamali, clumsy, isang push-over, and she's a laughing-stock.

Pero sa kabila nito ginagawa pa rin nya ang lahat para magustuhan siya ng mga tao sa paligid niya.

She works hard for her family, pero hindi niya kasama ang mga ito dahil sa probinsya sila nakatira. Mag-isa lang sya sa Manila ngunit mabuti na lang may dalawa siyang matuturing na tapat na mga kaibigan.

At isa na doon si JV Perez, 25-years old. Hindi katulad ni Adee, magaling ito, matalino at responsable. Lagi itong napupuri sa trabaho at ginagalang. Idagdag pa na gwapo niyang itsura, matangkad, magaling manamit at masaya kasama. Kung kaya maraming dalaga sa opisina ang nagnanais na mapalapit sa kanya.

Si JV din ang tagapagtanggol ni Adee sa tuwing napapagalitan siya o napagkakaisahan ng ibang katrabaho. Kung minsan pa ay sinasalo niya ang trabaho na para kay Adee.

Tatlong taon na silang magkatrabaho, tatlong taon na rin silang magkaibigan. Kung hindi lang dahil kay JV, marahil ay naisipan na ni Adee na umalis sa trabaho.

Ngunit isa rin si JV sa dahilan kung bakit naiinis kay Adee ang mga katrabaho. Naiinggit ang mga ito sa kanya, nagseselos. Sobrang malapit kasi sila ni JV.

She treats JV as her best friend, but she doesn't know what JV feels about her.

---

Bago umuwi ay nakagawian na ni Adee na daanan sa trabaho ang isa pa niyang kaibigan na si Sarah, lalo na kapag may hindi magandang nangyari sa kanya sa opisina. Minsan naman ay kasama niya sa JV sa pagbisita.

Katulad naman ni Adee, simpleng babae lang din si Sarah. Magkaklase sila simula highschool at parehas na nangarap na makapagtapos ng kolehiyo. Pareho sila mahilig magdrawing at magdesign kaya Designing sana ang gusto nilang tapusing kurso.

Sa kasawiang palad, hindi nakapagtapos si Adee at si Sarah naman ay hindi nabigyan ng pagkakaaon na makapasok man lang sa kolehiyo.

Sabay na nagsapalaran ang magkaibigan sa Maynila upang makahanap ng disenteng trabaho.

"Oh Sissy, hindi mo kasama si JV?" Bati ni Sarah kay Adee ng pumasok ito sa shop.

Kasalukuyang nagtatrabaho si Sarah bilang apprentice sa isang dress shop malapit sa pinapasukan ni Adee.

"Hindi eh, may pupuntahan raw siya ngayon. Ililibre nga ako dapat nun ngayon ng ice cream eh." Seryoso ang itsura ni Adee pero pinipilit niya pasiglahin ang boses niya.

"Ganun ba? Kamusta naman sa trabaho ngayong araw? Base sa itsura mo, mukhang napagalitan ka nanaman?"

Nginusuan lang ni Adee si Sarah. Natawa ito.

"Ano ka ba? Bakit ka pa nalulungkot, eh sanay na tayo diyan! Hindi na bago yun!"

"Oo nga naman..." Natawa silang dalawa.

"Sya nga pala sissy! Balita ko may bagong shop na nagbukas malapit sa bus station..." Si Sarah.

"Anong shop naman ‘yun?"

"Hindi ako sure pero narinig ko nagbebenta sila ng mga lucky charms. Try mo dumaan dun sissy tapos bumili ka ng isa. Malay mo effective?"

Natawa si Adee sa sinabi ng kaibigan.

"Hindi lucky charm ang kailangan ko sis! Himala ang kailangan ko!"

"Basta try mo lang dumaan! Tignan mo na din kung may magugustuhan ako..." hinaplos-haplos pa ni Sarah ang dulo ng buhok ni Adee.

"Sige na nga. Titignan ko yung shop."

"Yes! I love you sissy!" Sabay yakap kay Adee.

"Sige na sis, babalik na ako sa trabaho. Medyo tambak ako ngayon ng gagawin."

Umalis na si Sarah at naiwang nakaupo sa maliit na sofa si Adee. Saglit siyang nag-isip kung pupuntahan niya yung shop na sinasabi ni Sarah, tumingin sya sa relo niya tsaka siya tumayo para umalis.

---

NAG-AABANG NG BUS SI ADEE ng may dumating na dalawang estudyanteng nagkukwentuhan.

"Effective ba talaga itong lucky charm?" Sabi ng estudyanteng may maikling buhok, hawak hawak nito ang isang bracelet na gawa sa itim na beads.

"Ayy! Sobra! Simula ng binili ko itong kwintas na ‘to sa shop na ‘yun kahapon, lagi na akong pinapansin ng crush ko!" Kwento ng isa pa na medyo may katabaan, kinikilig kilig pa ito.

Kinilig din yung isang estudyante.

"Sana effective din sa akin itong Love Charm!"

Pasimpleng nakikinig si Adee sa usapan ng dalawang babae, hanggang sa may dumating ng bus.

"Miss, hindi ka ba sasakay?!" Tanong ng konduktor ng bus.

Umiling si Adee."Hindi po."

---

"ITO NA SIGURO YUNG SHOP..."

Nakatayo si Adee sa tapat ng isang lumang boutique shop at nag-aalangan siyang pumasok.

"Akala ko ba bagong bukas? Bakit parang napag-iwanan na ito ng panahon?"

Hinila niya ang hawakan ng pinto at binati siya ng tunog ng door chimes na nakasabit dito.

Inilibot niya ang tingin sa paligid. Madaming kakaibang mga bagay ang nakadisplay, karamihan ay tila ba mga antique.

Nilapitan ni Adee ang isang lamesa na may mga nakalagay na mga boteng may iba't ibang laman — buhangin, maliliit na shells, at mga beads.

"Ano itong mga ito?..."

Seryosong tinitignan ni Adee ang mga nasa ibabaw ng lamesa ng may marinig siyang boses ng isang matandang lalaki.

"Anong hanap mo, hija?"

Halos mapapitlag si Adee sa gulat.

Nanlalaki ang matang tinignan nya ang matanda.

"Ah...Eh... Nagtitingin lang po."

Bahagyang natawa ang matanda. "Kailangan mo rin ba ng pangpaswerte?"

"H-Hindi naman po sa ganon..."

Mabagal ang paghakbang ng matanda habang naglalakad ito palapit sa kanya.

Kinakabahan naman si Adee sa maaaring gawin nito sa kanya. Pasimple niyang inabot ang bote na nakapatong sa lamesa. Naisip nyang ihampas ito sa ulo ng matanda kung sakaling may gawin itong hindi maganda.

Nang nasa harapan na ni Adee ang matanda ay dahan-dahan din nitong inangat ang kamay nya at ipinatong sa ulo ng dalaga.

Kinakabahang napayuko si Adee.

Lalong humigpit ang pagka-hawak niya sa bote.

Limang segundo lang ay inalis na rin ng matandang lalaki ang kamay niya sa ulo ni Adee.

"Alam ko na kung anong kailangan mo..." sambit ng matanda.

"Talaga po?!" Di sinasadyang mamangha si Adee sa sinabi ng kausap.

Isang misteryosong ngiti ang itinugon sa kanya nito tsaka ito umalis at nag punta sa isang malaki at lumang aparador. May kinuha ito mula dito tsaka bumalik kay Adee.

"Ito ang kailangan mo hija..." Inabot ng matanda ang isang maliit na kahon sa kamay ni Adee. Mukha itong lalagyan ng singsing.

Nagtatakang binuksan ni Adee ang kahon. Nasa loob nito ang isang antigong singsing. May malaking dyamante ito na kulay itim. Ginto ang frame na humahawak sa bato pero halatang halata pa rin ang pagkaluma ng alahas.

Natulala si Adee sa singsing. Maganda ito at tila ba kumikinang sa loob ng kahon.

"Sa pagkakaalam ko… Ang singsing na yan ay mahigit ng isang libong taon. Ang huling nagmay-ari nyan ay isang maharlikang lalaki. Ipinapasa ang singsing na yan sa babaeng magiging parte ng angkan nila. Sa babaeng napili para maikasal sa anak nilang lalaki, na siyang magiging tagapagmana. Kung sino mang babae ang mabigyan ng singsing na iyan ay tiyak na magbabago ang buhay..."

Tahimik na nakikinig si Adee, hindi makapaniwala sa sinasabi ng matanda.

"Paano niya po nalaman ang kwento na ‘yan?"

Ngumiti ang matanda. "Naikwento sa akin ng lumipas kong lolo, at kwinento naman iyon sa lolo ko ng lolo pa nya..."

"Niloloko niyo lang ata ako lolo..."

"Hindi kita niloloko. Kunin mo na ang singsing na iyan, ibibigay ko na lang sayo ng mura yan..."

Tinignan ulit ni Adee ang singsing.

"Teka, lolo, alam niyo ba kung anong klaseng bato ito? Bakit itim na itim siya? Nakakatakot naman ata ito..."

"Maniniwala ka ba kung sasabihin kong, nagpapalit ng kulay ang dyamante na iyan?"

Kumunot ang noo ni Adee. "Seryoso ba kayo lolo?"

"Ang sabi ng lolo ko, nagbabago ang kulay ng bato na ‘yan at nagiging dalisay na dyamante."

Naguguluhan na si Adee sa mga naririnig.

"Paano po mangyayari yon?"

Umiling ang matanda.

"Yun ang hindi nasabi ng lolo ko bago siya pumanaw. Nararamdaman ko na para sayo ang singsing na yan hija, maaaring baguhin ng singsing na ‘yan ang buhay mo..."

Tinitigan muli ni Adee ang singsing.

---

"BAKIT KO BA ITO BINILI?! Naloko ata ako ni lolo?!"

Kausap ni Adee ang sarili habang naglalakad sa kalsada, tinitignan niya ang singsing na binili mula sa Antique Shop.

"Pakiramdam ko nahold-up ako ng 500 pesos. Haay Adee!!! Mali-mali ka na, uto-uto ka pa!"

Patawid si Adee sa kalsada nang may makita siyang nahuhulog na kulay pulang mga talulot ng bulaklak. Napatingala siya at nagtataka kung saan nanggaling ang mga ito. Dahan-dahang lumapag ang isa nito sa balikat nya.

Hindi napansin ni Adee na nasa gitna na siya ng kalsada, hanggang sa narinig na lang niya ang sunod-sunod na busina galing sa rumaragasang sasakyan papunta sa direksyon niya.

Huli na ang lahat para umatras siya o tumawid. Napako ang mga paa niya sa kanyang kinatatayuan at natulala na lang suya sa mabilis na sasakyang papunta sa kanya.

Mabilis ang mga pangyayari. Sa lakas ng pagkakabunggo ng sasakyan kay Adee ay tumalsik ito ng ilang metro. Nagulat ang mga tao sa paligid sa nasaksihan.

Nakahiga si Adee sa kalsada at naririnig niya ang sigawan ng mga tao, naramdaman din niya ang pag-agos ng sarili niyang dugo.

"Yung babae nabunggo!!!"

"Buhay pa ba siya?!"

"Tumawag kayo ng ambulansya!!"

Naririnig niyang sigaw ng mga tao.

Sinubukan ni Adee na imulat ang kanyang mga mata at mukha ng isang lalaki ang dumungaw sa harapan niya. Ngunit malabo na ang kanyang paningin kaya hindi na niya masyadong maaninag ang itsura ng lalaki.

"Miss… Miss!"

At tuluyan nang nawalan ng malay si Adee.

To be Continued>>>

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status