Share

Prowess In Love
Prowess In Love
Author: ladynie_

Chapter 1

"Paalam anak ko, pangako babalikan kita dito." 

Pasimple niyang pinunasan ang luha ko kaya ramdam na ramdam ako ang lamig ng kaniyang nanginginig na kamay. Imbis na tumigil sa pag-iyak ay mas lalong bumuhos ang luha ko.

"P-pero Ina, hindi ba pwedeng dito nalang po muna tayo mamalagi? K-kung ayaw mo po dito Ina ay sasama nalang ako sa iyo."

Pagsusumamo ko kay Ina. Alam kong mahirap ang kalagayan namin ngayon, pero ang kaalamang mawawalay ako sakanya ay mas lalong mahirap. Ang isiping hindi ko mararamdaman ang mga haplos niya sa akin ay parang bumibiyak sa puso ko.

Hinihiling kong kahit papaano ay mabago ang desisyon niya. Ngunit ang kanyang sunod-sunod na pag-iling ang nagpahina sa akin. Buo na ang pasya niya. Iiwan niya nga ako. Nanginig ang labi ko habang pinipigilan ang hagulhol ko. 

"Alam mong hindi maaari anak ko, ayaw kong masaktan ka. Kita mo naman kung gaanong nakakatakot ang mga Mamang iyun hindi ba? Paano kung awayin ka din nila gaya ng ginawa nila sa amin nila Mang Nestor?"

Napakakalmado ng pagkakasabi ni Ina ngunit kahit anong paliwanag niya ay hindi ko siya kayang intindihin. Alam ko kung gaano kapanganib pero ayokong mag-isa. Gusto kong lumaban kasama niya. Nanginginig na itinaas ko ang aking kamay upang hawakan ang pisngi niya. Hinahagod-hagod ko iyon. Hindi pa man siya naka-alis ay nagluluksa na ang puso ko.

"Pero, Ina, diba sabi mo hindi ka aalis sa tabi ko hangga't may buhay ka pa? Hindi ba pwedeng lumaban nalang tayo ng magkasama?" 

Ayun na naman ang pag-iling niya. Pigil na pigil niya ang kanyang luha pero kahit ganun ay batid kong gusto na niyang umiyak. Ibinulong ko sakaniya ang aking pagmamakaawa, ang aking hinagpis. Sa bawat salitang binibigkas ko ay nanlalambot ang aking Ina. Sa bawat sandaling dinidiin ko ang pagkaka-kapit sa kaliwang braso niya ay nararamdaman ko ang pagpipigil niyang yakapin ako.

"Mangyayari 'yon anak, pero sa ngayon iiwan na muna kita dito. Kapag natakasan ko na sila ay babalik ako, tutuparin natin ang pangarap natin at magkasama tayo hanggang sa pagtanda ko. Pangako ko 'yan."  Pagti-tiyak niya,

Inayos at pinagpagan niya ang aking maduming damit at tsaka niya hinipo ang akin buhok. Bahagyang inangat ang tingin kay Madre Juanna na agad naman niyang ibinalik sa akin.

"Paalam, Ajah ko. Pangako babalikan kita dito. Mahal na mahal kita. Huwag mo masyadong isipin ang paglalayo natin, ha."

Isang malungkot na ngiti ang iginawad niya sa akin at bago niya akong hinalikan sa pisngi. Tumalikod na siya at bahagyang pinahid ang pisingi niya. Ayaw niya akong iwan pero gagawin niya. Ayaw niya akong masaktan pero sinasaktan niya. 

"INA! HUWAG KA PONG AALIS."  

Palakas nang palakas ang sigaw ko habang nakikiusap sa kaniya, maging ang pag-iyak ko ay tumindi habang tinatawag siya. Lumingon siya at muling ngumiti sa akin pero sa pagkakataong ito ay hindi niya na pinigilan pa ang luha niya.

"Ina," bulong ko.

"Ingatan ninyo ang anak ko, Madre Juanna. Huwag mong hayaan na maampon siya. Kahit gaano pa katagal sisisguraduhin kong babalik ako. Maraming salamat. Paalam." 

Mahigpit na hinawakan ni Madre Juanna ang balikat ko nang magsimula ng maglakad si ina palayo sa amin.

"INA! INA NAMAN!! BALIKAN MO AKO INA! HUWAG MO 'KONG IIWAN!" 

Walang tigil akong sumigaw at nagmamakaawa sa kanya hanggang sa maramdaman ko na lang ang pagyakap sa akin ng Madre. Kahit anong pagpupumiglas ko ay hindi ko kayang kumawala sakaniya.

"INA! INA! INA!"

Paulit-ulit ko siyang tinawag ngunit kahit ang lingunin ako ay hindi na niya nagawa.

*

"INAAA!" Pabalikwas akong bumangon sa aking pagkakahiga habang nanginginig at lumuluha. 

Siya na naman. Napanaginipan ko na naman si Ina. Sobrang pangungulila na naman ang nararamdaman ko. Parang bata akong umiiyak habang inaalala na naman siya— ang mga panahon kasama ko siya.

Nungulila ako sa kaniya. Dahil sa pag-iwan niya ay hindi ko na muling naramdamang gumaan ang puso ko.

Kung ang ibang anak na iniwan ay nagtanim ng galit sa magulang nila. Kung ang iba piniling tapusin ang buhay nila, ako naman ay narito nananatiling mahina at umaasa.

"Ina, miss na miss na po kita, hindi mo pa ba ako babalikan?" 

Habang iniisip ang mga pangyayari sa buhay ko ay lalo lamang akong nanlupaypay. Sa mga taon na pananatili ko sa bahay ampunan ay purong pag-iyak at pag tunganga lang ang nagawa ko, ni kaibigan ay hindi ako nagkaroon. Kung mayroon man ay ang mga Madreng kasama ni Madre Juanna lang. 

Makalipas ng ilang taong pangungulila ay naampon ako ng mag-asawang matagal na pala akong gustong ampunin. Ngunit imbis na matuwa ay mas lalo lamang akong nalungkot. Mas sumidhi lamang ang pangungulila ko. Hiniling kong makalimot upang kahit papaano ay mabawasan ang alalahanin ko.

Minsan ay hindi ko maiwasang manginig kapag kasama ko ang umampon sa akin. Oo, binihisan nila ako, pinakain, binigyan ng mga bagay na hindi madaling bilhin, ngunit hindi naging sapat iyon upang sumaya ako. Si Mommy ay naging malupit sa akin sa unti-unting paglaki ko, habang si Daddy naman ay parang gusto na akong ibalik sa ampunan. Napaka-iyakin ko, nakapahina ko at higit sa lahat napaka-walang kwenta ko, iyan ang pinaparamdam nila sa akin. 

Pinag-aral nila ako sa magandang paaralan. Magandang paaralan pero may masasamang mag-aaral. Lagi akong napagkakaisahan. Lagi akong kinakawawa. They love pulling my hair, throwing my belongings away from me, ang sabi nila ay wala akong karapatan na gamitin ang magagarang gamit.  Masaya silang nakikitang para akong basurang nagpagulong gulong kahit saan. Masaya silang nakikitang nahuhulog ako sa hagdanan.

"I hate my life,” bulong ko sa sarili ko habang pinupunasan ang mga luhang ayaw tumigil sa pag patak.

Mayroon talagang mga tao na ginagawang katatawanan ang buhay mo. They know I'm adopted and they don't like the fact that a tycoon adopted me. They don't like the fact that I'm way richer than them. Kung hindi ako iniwang mag-isa marahil hindi ko pinagdaanan ang mga bagay na iyon. Ang malakas na katok at sigaw ni Nana Luz ang nagbalik sa akin sa kasalukuyan.

"AERYNNE! DIYOS KO, GUMISING KA, ANAK!" 

Nakaupo lamang ako sa aking kama habang patuloy na humihikbi. Batid kong nag-aalala na naman ni Nana Luz dahil sa biglaang pag-iyak ko. Ilang beses ko ng napanaginipan si Ina at maging ang mga armadong lalaki na pumasok sa bahay namin noon, katunayan ay kamuntik narin akong hindi magising dahil sa takot at panginginig ko, bagay na hiniling kong mangyari na lamang kesa mabuhay sa mundong sa tingin ko hindi ko dapat kinabilangan. Muli ay narinig ko ang malakas na magkatok ni Nana Luz. 

"Diyos ko itong batang 'to, nasaan na ba kasi ang susi nito Abner? Bilis naman at baka kung ano nang nangyari kay Aerynne," wika ni Nana Luz

Gumagaralgal ang boses ni Nana kaya naman ay kahit nanghihina pa ay tumayo ako nang hindi na siya mabahala pa. Patuloy parin ang aking pag-iyak habang naglalakad ako tungo sa pintuan. Huminga ako ng malalim bago ko tuluyang binuksan ang pinto. Sinalubong naman ako ng yakap ni Nana at hinaplos ang aking likod. 

"Nana," usal ko at sinuklian ang yakap niya.

Tuloy-tuloy parin ang agos ng aking luha kung kaya't maging sa kuya Abner ay hinahaplos na ang aking ulo. Sila lang ang mayroon ako. Sila yung laging nandiyan para alalayan at gabayan ako. Sila lamang din ang dahilan kung bakit paminsan-minsan ay nagagawa kong tumawa. 

"Nanaginip ka na naman ba, anak?" tanong ni Nana sa akin na hindi ko magawang sagutin.

Kay aga-aga pa ay nanghihina na ako. Mas napahikbi lamang ako nang makita ko ang lungkot sa mata ni Kuya na ngayon ay nasa likod ni Nana. Tiningnan ko siya pa parang humihingi ako ng simpatiya.

"Ayos lang 'yan Aerynne, h'wag mo masyadong dibdibin ang mga nangyari," ani ni kuya Abner na nagpalala sa aking paghikbi. 

Paanong hindi dibdibin? Kung kaya ko lang, edi sana noon ko pa ginawa.

"Oo nga naman anak, hindi ka namin pababayaan, kaya huwag ka ng malungkot. Nalulungkot din kami sa tuwing nalulungkot ka," ani ni Nana habang hinahaplos ang aking likod.

"Ang hirap lang po kasi. Pwede naman na mamiss ko nalang si ina, b-bakit kailangan pa na sa ganitong paraan. Panaginip? Paulit-ulit na pagpapaalalala 'yun ng mga nangyari sa amin. Tsaka Nana, ang tagal niya pong wala." 

Para akong batang nagsusumbong sa pagkakataong ito. Ang paghikbi ko ay mas lumakas at hindi ko na mapigilan ang pagyugyog ng aking balikat.

"Huwag ka mag-alala Ryn, walang ina na kayang kalimutan ang anak," pagtitiyak ni Nana sa akin. 

"At tsaka hindi naman natin nakakalimutang dumalaw sa ampunan diba, Ryn? Kapag bumalik ang nanay mo paniguradong malalaman naman natin 'yon."

"H'wag mo din sana isiping pabigat ka Aerynne, baka yan ang dahilan kaya ka nahihirapang mamuhay ng masaya ngayon. Dahil diyan sa negatibong pag- iisip mo."

"Salamat po Nana, salamat kuya Abner. Salamat kasi nandiyan kayo. Salamat k-kasi m-minahal niyo ako. H-hindi niyo ko pinabayaan. Sobrang bigat na po ng nararamdaman ko pero nariyan kayong lagi para pagaanin ang loob ko." Halos hindi ko na matapos ang sasabihin ko dahil sa sunod-sunod na paghikbi.

"Walang wala iyon Aerynne, alam mo yan. Anak na ang turing ko sa iyo, kaya naman kung nangungulila ka sa nanay mo ay maaari mo naman akong yakapin. Maaari kang mag kwento sa akin,” malumanay sa sabi ni Nana at inalis ang pagkakayap niya sa akin.

"Baka naman nasobrahan lang sa pagpapatawa yan Nana. Bakit ba kasi kiniliti ni Bicky yan kahapon, eh." biglang sabat ni kuya nang pabiro.

Napatawa naman ako ng kaunti kahit pa may luha sa pisngi ko. Marahil hindi na naman maipinta ang mukha ko ngayon. Minsan talaga ay nagbibiro si Kuya sa mga ganitong sitwasyon. Alam niya kasi'ng madaling pagaanin ang loob ko, na kahit ang luha ko ay umuurong kapag may narinig akong nakakatawa.

"Ano akala mo sa'kin kuya? Batang naiihi pag nasobrahan ng tawa?" banat ko din sa kanya ng pabiro habang nanginginig ang labi.

"Oo, kaso yung mata mo nga lang ang umiihi," aniya at tumawa ng napakalakas.

Unti-unti ay naibsan ang kalungkutan sa amin kaya naman ay suminghap si Nana at tinapik ang likod ko.

"Hay naku. Oh siya sige, tama na ang iyak at mag ayos ka na ng iyong sarili. Ikaw naman Abner tigilan mo na pang aasar mo kay Aerynne at baka umiyak lang lalo 'yan." Bumitaw si Nana sa yakap at pinahid ang aking luha.

Bahagya akong tinapik ni kuya Abner sa balikat at tumatawa-tawa pa. Mabilis nawawala ang negatibong pag-iisip ko sa tuwing nagbibiro siya.

"Aba'y tigil ka na sa kaka-iyak mo dyan Ryn, nagmumukha ka nang bruha. Di ka pa naman maganda," pagbibiro niya pa ulit at sa pagkakataong ito ay ginugulo ang buhok ko.

Kakaiba ang accent niya sa pagsasalita dahil nga ay Ilonggo siya. Marahil iyon ang dahilan kaya ako natatawa sakaniya.

"Kuya naman, e. Paanong hindi mag mumukhang bruha kung ginugulo mo lalo ang buhok ko? At tsaka maganda ako, di lang ako nag aayos," sagot ko sakanya. 

Piningot niya ang ilong ko at pabiro akong sinampal.

"Aysus naman talaga 'tong batang to, oh. Edi mag ayos ka, di ka naman namin pinipigilan." 

Nginiwian ko lang siya. Inayos niya naman ulit ang buhok ko at ngumiti sa akin ng napakalaki.

"Salamat kuya," niyakap ko si kuya Abner at pinisil niya naman ang pisngi ko bago pumasok sa aking silid.

Atleast, I have them.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status