Share

Chapter FIVE

Kahit mahirap kami ay dama ko ang kahalagahan at pagmamahalan naming pamilya. Kahit salat ang aming hapag-kainan ay siguradong lahat naman kami ay nagbabahagian ng pagmamahal at matutulog na may ngiti sa labi. Iyon na lang kasi ang mayroon kami, ang pagmamalasakit at pagmamahal namin sa isa't isa bilang pamilya. Hindi nagkulang ang Nanang at Tatang ko sa pagtatanong kung maayos lang ba ang kalagayan ko kina Tiya at kung hindi ba ako nahihirapan pero alam kong walang mabuting maidudulot ang pagsusumbong ko. Ako kasi ang mawawalan. Ako ang madedehado.

Pang-apat nang pasko na nasa kanila ako. 16 years olad na ako. Sanay na sanay na ang katawan ko sa pagiging alipin. Naiugali ko na ang pagiging tahimik lang at matiisin. Wala na sa pagkatao ko yung palaban. Binago ng kahirapan ang aking dating ugali na palasagot at ipinagtatanggol ang sarili. Kaya kahit anong pagod, hirap at pang-iinsulto sa aking pagkatao at buong pamilya ko ay kakayanin kong magtiis ay kinakaya ko para lang makatapos. Kaya nga para hindi na ako lulunurin ng lungkot at inggit sa nakikita kong saya ng mga pinsan ko sa mga natanggap nilang mga regalo ay sinikap kong balikan ng alaala ang sarili kong pamilya. Ang malulutong na tawanan naming mag-anak kapag magkakasama kami sa bakasyon ko. Natanggap na kaya ng mga kapatid ko ang mga regalo ko sa kanila ngayong pang-apat nang pasko na di ko sila kasama? Binuksan na kaya ni Nanang at Tatang ang pinag-ipunan kong regalo ko sa kanila?

Iba na kasi ang sitwasyon ko nang naging alila na ako ng mismong kamag-anak ko. Hinubaran na kasi ako ng karapatang magsaya at ang tanging bumubuhay na lang sa akin ay ang aking mga pangarap at pag-asa. Doon na lang ako humuhugot ng lakas. Tumayo ako. Maluha-luha na akong umalis doon sa sala kung saan nagkakasiyahang nagkukumpulan ang aking  mga kamag-anak. Nagdesisyon akong matutulog na lang at gigising kapag maulinigan kong tapos na sila sa kanilang kasiyahan para maglinis at maghugas ng kanilang mga pinagkainan.

“Nadine, sandali lang,” boses iyon ng pinsan kong si Kuya Edwin. Nag-aaral kasi ito sa Manila at bihirang-bihira umuwi. May kasama itong bisita, Mukhang mayaman at gwapo rin. Hindi ko pinapansin at kinakausap ang lalaking iyon kasama ni Kuya Edwin.

               “Bakit po kuya? May iuutos ka po ba?”

               “Naku wala. Hindi mo na ba hihintayin na mag-alas dose?"

"Hindi na ho. Gigising na lang ho kuya kung tapos na kayong kumain para hugasan ko ang mga pinagkainan ninyo at magligpit." Nahihiya kong tugon dahil kanina ko pa napapansin ang bisita niyang malagkit ang tingin sa akin.

               "Ano? Halika nga at mag-usap tayo sa labas."

               Hinila ako sa kanilang terrace. Sumunod pa rin ang kanyang kaibigan.

               "Inaalila ka ba rito sa bahay, insan?"

               "Hindi ho kuya."

               "Huwag kang magsinungaling. Dalawang araw palang ako rito pero napansin ko ang trato nila sa'yo."

               "Wala ho 'yun kuya. Ayos lang po 'yun." Pinilit kong pigilan ang sariling mapahikbi.

               "Hindi ayos 'yun sa akin. Bukas na bukas, umuwi ka muna ha? Sa inyo ka magbagong taon."

               "Ho? Hindi ho puwede kuya. Magagalit ang Mama at Papa mo. Mawawalan ho ako ng trabaho. Titigil ako sa pag-aaral ko."

               "Ako ang bahala sa kanila insan. Kailangan mong gugulin ang bakasyon mo kasama ang mga kapatid mo at sina Tito at Tita. Heto, may pasalubong at regalo rin ako sa'yo." Iniabot ni Kuya Edwin ang regalo sa akin. Nahihiya at nagdadalawang isip akong tatanggapin iyon. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako makatanggap ng ganoong regalo at pagpapahalaga ng isang kamag-anak.

               “Salamat kuya.”

               “Walang anuman. Siya nga pala, si Jayson. Kaibigan ko. Pangalawang beses na siyang kasama ko ritong umuwi at dalawang beses na rin niya akong kinukulit na ipakilala raw kita sa kanya dahil may pagkasuplada ka raw.”

               “Hi, Nadine,” inilahad ni Jayson ang kanyang kamay. Titig na titig siya sa akin. Hindi ko alam kung tatanggapin ko ang maputi at mukhang napakalambot niyang palad. Naamoy ko agad ang kanyang kabanguhan. Napakaguwapo rin pala niya sa malapitan. Alangan na alangan ako sa kanyang kakisigan. Nanginginig ako. Nanlalamig.

               “Ano insan? Nakikipagkilala si Jayson oh. Milyonaryo ‘yan baka ‘kala mo.”

               “Hindi ko ito ibababa hangga’t hindi mo tatanggapin.” Ngumiti siya. Nakita ko ang biloy niya, ang mapuputi niyang ngipin. Lalo akong nakaramdaman ng kakaiba. Para akong hinihimatay sa kilig.

               “Nadine. Ako po si Nadine,” mahina kong tugon kasabay ng pagtanggap ko sa kanyang pakikipagkamay.

               Siya na ba ang lalaking babago sa buhay ko? Ang lalaking aahon sa akin sa kahirapan o siya ang lalaking lalong aapak sa akin para lalong lumublob sa putikan?

       “Ano? Maiwan ko na lang muna kayo rito ha? Magkuwentuhan muna kayo?” pamamaalam ng pinsan ko.

              “Kuya…” sambit ko. Nakikiusap ang mga mata kong huwag kaming iwan. Hindi dahil natatakot ako kundi nahihiya ako at ngayon lang sa tanang buhay ko ang makipag-usap ako sa isang lalaki at sa kagaya pa ni Jayson na tiga-Maynila at sobrang guwapo. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko alam kung ano ang pwede naming pag-usapan.

              “Okey lang ‘yan. Kilala ko ‘yan. Mabait kaya huwag kang mag-alala. Boss ko ‘yan. Mayaman. Respetado. Sumama lang ‘yan uli ngayon dito para makilala ka ng husto.”

              “Pero kuya, baka magalit sina Tiyo at Tiya.”

              “Akong bahala sa kanila. Pinsan kita at hindi ka rito katulong. Enjoy the holiday.” Tumingin siya kay Jayson. “Ikaw na ang bahala sa pinsan ko Sir Jayson ha?”

              “Oo naman. Ako na ang bahala sa kanya.”

              Tumingin sa akin si Sir Jayson nang nakaalis na si Kuya. Lumapit siya sa akin. Ramdam ko ang balikat niyang nakadikit sa balikat ko kaya umusog ako palayo.

              “Natatakot ka ba sa akin?” tanong niyang nakangiti.

              Oh my God, nakita ko na naman ang biloy niya. Ang kanyang makinis, guwapo at maputing mukha.

              “Hindi mo ba ako kakausapin?”

              “Ahm kasi… kuwan eh, nahihiya ako sa’yo, Sir.”

              “Nahihiya pero hindi naman takot.”

              “Hindi ho Sir. Nahihiya lang ho.”

“Good. Akala ko natatakot ka eh?”

“Bakit naman ho ako matatakot sa inyo Sir. Hindi lang ho kasi ako sanay.”

              “Sanay saan?”

              “Sa pakikipag-usap po sa lalaki.”

              “Ah, ibig sabihin, wala ka pang boyfriend?”

              “Wala pa akong naging boyfriend, Sir.” Nanlalamig ako. Nanginginig, actually.

              “Talaga? Manliligaw?”

              Huminga ako ng malalim. Gusto kong mawala yung kabog sa dibdib ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status