Share

CHAPTER 3

THIRD PERSON'S POV

"Velasquez," nakangising tawag ng matanda sa nagngangalang Velasquez.

"Ano ang kailangan mo, Don Felix?" tanong sa kabilang linya.

"Well, mukhang hindi ako ang kailangan mo," sagot ng matanda. "Mukhang ikaw ang kailangan niya," dagdag pa nito.

Nagtaka ang lalaki sa kabilang linya kaya napatanong siya sa matanda.

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Hindi ko alam na mahilig ka pala sa mga babaeng katawa-tawa."

Mas nagtaka ito dahil sa sinabi ng matanda.

"Puwede bang diretsuhin mo na ang nais mong sabihin?" bulalas nito sa matanda.

Naiinis siya kapag binibitin siya.

"Relax, sasabihin ko na kaya relax," wika ng matanda. "Nasa amin ang girlfriend mo. Hindi ko alam na nagka-girlfriend ka pala ulit."

"Girlfriend?"

"Tingnan mo ang litratong ipinasa ng aking tauhan sa iyo," utos ng matanda.

Dali-daling tiningnan nga nito ang tatlong litrato.

Ang unang litrato ay ang pakikipag-usap niya sa isang babae. Ang pangalawa ay pawang hinalikan niya ito base sa anggulo ng kuha. Ang pangatlo ay babaeng nakagapos sa isang silya. Naningkit ang mga mata nito, pilit na iniintindi ang sitwasiyon. Ngayon ay natawa siya nang mapagtanto. Naaalala niya rin ang babae dahil minsan na rin silang nagtagpo nito.

Hindi niya inaakalang may bibiktimahin ang mga ito dahil sa maling akala. Akala siguro ng mga ito ay kasintahan niya ang babae gayong sa isang litrato ay parang hinalikan niya ito.

"Idiots," mahinang bulong niya.

"Hinihintay ka na ng girlfriend mo rito. Nasa sa 'yo kung gusto mo pa siyang mabuhay o hindi na," babala sa kaniya ng matanda. Napabuntonghininga siya.

Ayaw niyang mangyari ang nangyari na noon sa kaniya. Isang pangyayari na nagdulot ng malaking sugat sa kaniyang buhay. Sugat na hindi niya alam kung magagamot pa ba ng sinuman.

Hindi rin naman balak ng matanda na patayin ang babaeng akala niya ay kasintahan ni Velasquez. Ginagawa niya lang ito para takutin ang lalaki. Nais niya kasing magsama ang grupo niya at grupo ni Velasquez para mas malakas ang puwersa nila, ngunit ayaw ni Velasquez na mangyari ito. Alam niya kasing gagamitin lang sila ng matanda sa masasamang hangarin nito.

Hindi na niya kinausap pa ang matanda bagkus ay ibinaba na niya ang linya.

"Mukhang mapapasabak na naman kami sa giyera," nakangising wika niya. "Jacobe," tawag niya sa isa niyang tauhan.

Pumasok ang isang lalaki na halos kasing-edad niya lang.

"Yes, sir?" malalim ang boses na wika nito.

"Ihanda mo ang ating samahan, sasabak tayo sa giyera," utos niya rito.

Tumango lang ang lalaki atsaka lumabas na ng opisina nito.

Handa nang umalis si Velasquez at ang mga tauhan niya kaya nagsipasok na sila sa sasakyan. Magkasama sa iisang sasakyan sina Velasquez, si Jacobe at isang drayber. Sinulyapan ni Jacobe ang lalaki gamit ang rear view mirror at nakikita niya sa mga mata nito na handa na itong makipaglaban. Iniisip niya kung ano ang dahilan bakit nagyaya ang amo.

Salamat sa teknolohiya, natunton nila ang kuta ng mga kalaban. Nagsibaba na sila at dahan-dahan ang pagpasok. Nang makita sila ng iilang bantay ay agad na tinutukan sila ng mga baril na siya ring ginawa ng mga kasamahan niya. Itinaas ni Velasquez ang kaniyang kamay hudyat na huwag patulan ang mga ito kaya ibinaba ng mga tauhan niya ang kanilang mga armas.

"Nasaan si Don Felix?" tanong niya sa isa sa mga tauhan ng matanda.

"Nasa loob, Velasquez," sagot ng isa sa mga ito. Ngumisi lang si Velasquez.

Pumasok na sila sa malawak na bodega. Wala silang mga nakita kaya naging alerto sila.

"Maaaring nasa paligid lang ang mga kalaban, maging alerto kayong lahat," saad ni Velasquez.

"Yes, sir," tugon ni Jacobe.

Tinalasan nila ang kanilang mga mata nang ilang saglit ay nagsilabasan na ang mga tauhan ni Don Felix. Patakbong lumapit ang mga ito sa kanila kaya sinalubong nila ang mga ito. Mas tinalasan ni Velasquez ang kaniyang mga mata dahil isang tao lang ang hinahanap niya sa ngayon, iyon ay ang babae.

Aalis na siya sa mga nagkakagulong tauhan niya at mga tauhan ni Don Felix para hanapin ang babae nang may sumalubong sa kaniya. Agad na nilabanan niya ito, malakas na suntok ang binigay niya sa lalaki at pagkatapos ay malakas na sinipa ito. Magaling sa pakikipaglaban si Velasquez, siya ang pinakamagaling sa kanilang lahat kaya hindi ito agad natitinag at natatalo. Hindi agad nakatayo ang lalaking ginawaran niya ng suntok at sipa kaya hinayaan na niya ito at dire-diretsong nilisan ang lugar. Ni hindi na niya pinansin pa ang mga nagkakagulo.

Pumasok siya sa isang silid at doon nagtagpo ang kanilang mga mata. Sa pangalawang pagkakataon ay nagkita sila.

ALIYA'S POV

Wala akong ibang ginawa kundi ang matulala na lang at paminsan-minsan ay nakikinig sa ingay sa paligid, dahil wala naman kasi akong magagawa. Nakagapos ako sa isang silya at natatakpan ng tape ang aking bibig. Mga mata at tenga ko lang ang aking nagagamit. Katapusan ko na talaga ata ngayon.

"Ma, pa, mukhang malapit na po tayong magsama," wika ko sa aking isipan habang nakatingala. Ang kaso ay bubong ang aking nakikita, hindi ang kalangitan.

Napatingin ako sa pintuan nang makarinig ng mga sumisigaw na mga lalaki. Mukhang nagkakagulo sa labas. Gusto ko sanang makita ang mga nangyayari kaso hindi ko magawa. Sasagap lang ako ng tsismis. Ilang minuto ko rin itong pinakinggan hanggang sa napaisip ako.

"Ang knight in shining armor ko na kaya iyon na handa akong ipagtanggol mula sa mga masasamang tao na ito?"

Tinitigan ko nang maigi ang pintuan hanggang sa makita ko ang pagbukas nito at pumasok ang isang pamilyar na mukha. Nagkatitigan kami ng ilang segundo hanggang sa lumapit ito sa akin. Ngayon ay bumibilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko alam ang aking gagawin at lalong hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko namalayang nakalapit na pala ito sa akin nang tuluyan.

Tinanggal nito ang tape na nakadikit sa aking bibig at pagkatapos ay sinimulan nang tanggalin ang tali na pumupulot sa aking kamay at katawan. Dahil napakalapit niya sa akin, naaamoy ko siya. Sobrang bango niya.

"S-Sino ka? B-Bakit mo tinatanggal ang tali? Hindi ka ba isa sa mga tauhan ng matandang 'yon?" tanong ko sa kaniya.

Saglit siyang huminto at nagsalita.

"Hindi ako tauhan ng matandang 'yon at kung gusto mong tulungan kita, tumahimik ka na lang at huwag magtatanong pa," tugon niya.

Tinuloy na niya ang pagtatanggal ng tali at ako naman ay tumahimik na lang. Baka magdalawang-isip pa at iwan ako rito.

Nang tuluyan na niyang matanggal ang tali ay tumayo na ako. Nauna na siyang maglakad papuntang pintuan at ako naman ay sumunod na. Nang makalabas na kami ng silid ay nagulat ako sa aking nasaksihan. Hindi ko akalaing makakakita ako ng ganito karaming mga taong nagsusuntukan. Maglalakad papalapit dito ang lalaking tumulong sa akin nang hawakan ko ang kaniyang kanang kamay.

"Saglit lang," wika ko. Sinulyapan niya ang kamay kong nakahawak sa kaniyang kamay at pagkatapos ay tumingin sa akin. Kumunot pa ang kaniyang noo habang nakatingin sa akin. "Masasali tayo sa kanila kung lalapit tayo. Ayokong masali, natatakot ako," nagmamakaawa ang mukha kong nakatingin sa kaniya.

Hindi siya nakinig sa sinabi ko. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kamay ko at ako'y hinila. Pilit pa akong nagpupumiglas pero masyado siyang malakas. Napahinto lang siya nang makarinig kami ng malakas na boses ng matanda.

"Tama na 'yan!" sigaw nito. Nilingon namin kung sino ang nagsalita.

Tumingala kami para makita ang ngayon ay nakangising matanda habang pumapalakpak.

"Sabi ko na, darating ka, Velasquez," sambit nito. "Alam kong hindi mo hahayaang may mangyaring masama sa girlfriend mo," dugtong niya.

"Ganiyan ka ba kadesperado, Don Felix? Na kahit mga inosenteng tao ay ipapain mo para lang makuha ang nais mo?" ngayon ay sumagot ang lalaking nakahawak sa aking kamay.

"Kahit sa anong paraan, Velasquez, gagawin ko makuha ka lang," wika ng matanda. Ngumisi lang ang lalaki.

Naguguluhan man ay nakinig ako sa kanilang usapan. Hindi ko alam kung bakit ako nadamay eh hindi ko naman sila mga kilala. Dapat labas na ako sa kung anuman ang away na meron sila. Bakit ba kasi ako nila kinuha? Akala ko pa naman kidnap for ransom na, hindi pala.

"Kahit sa anong paraan, Don Felix, hinding-hindi mo ako makukuha," huling sambit ng lalaki sabay hila na sa akin papalabas ng bodega.

Isinakay na ako ng lalaki sa isang itim na kotse pagkatapos ay sumakay na rin siya. Akma na kaming aalis nang magsalita ako.

"Sandali lang," wika ko at nagsitinginan silang tatlo sa akin; ang drayber, ang poging katabi ng drayber at ang lalaki sa tabi ko. May pagtataka ang kanilang mga mukha. "Ang mga bag ko. Andoon lahat ang mga gamit ko kaya kailangan kong kunin ang mga iyon," saad ko.

"Okay, lumabas ka at kunin mo pero pagbalik mo nakaalis na kami," seryosong wika ng lalaking katabi ko.

"P-Pero, kailangan ko talaga ang mga 'yon. Ang toothbrush ko, ang mga bra at panty ko, ang mga damit ko, mga pantalon, pajamas, at mga sapatos ko. Ibibigay naman ata nila sa akin dahil wala naman silang mapapala sa mga iyon," pagmamakaawa ko. "Please, maawa kayo sa akin."

Rinig ko ang pagbuntonghininga ng katabi ko habang nakatingin sa labas.

"Jacobe, kunin mo ang mga bag niya," utos nito.

"Yes, sir," sambit ng lalaking katabi ng drayber. Lumabas na ito at bumalik sa bodega.

Kinabahan pa ako dahil baka ano ang gawin sa kaniya ng mga alagad ng matandang 'yon. Todo tingin pa ako sa bintana ng kotse na nakaharap sa bodega at hinihintay ang pagbabalik ng lalaki. Nanlaki ang mga mata ko at napangiti nang makita itong lumalabas ng bodega habang bitbit ang tatlong bag ko.

"Salamat naman," wika ko sabay nakangiting tumingin sa lalaking katabi ko.

Tahimik lang itong nakahalukipkip habang nakapikit. Hindi ko naman mapigilang mamangha sa guwapo nitong mukha. Guwapo nga kaso lang mukhang masungit.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status