Share

CHAPTER 3: COLOSSAL GATE

HISTORIA'S POINT OF VIEW,

Pagkalipas ng ilang oras ay sa wakas, nakarating din ako sa dulo ng tulay. Nakahawak pa ako sa tuhod ko dahil sa sobrang pagod.

Grabe! Hindi nakuwento ni Daddy na ganito pala ang mararanasan ko bago makarating ng Schwert.

Huminga ako nang malalim at tumayo nang tuwid. Isang malaking gate ang bumungad sa akin. Sa tingin ko ay dalawang poste ang taas nito.

"Nakalulula at nakasusuka," saad ko sabay hilot sa sintido ko dahil sa hilo na nararamdaman ko nang tumingala ako. Hindi ko na napigilan pa ang pagbaliktad ng sikmura ko, napasuka ako sa damuhan- sa gilid ng gate.

"Hija, ayos ka lang ba?" Nakaramdam ako ng haplos sa aking likuran, tila pinapakalma ako.

Kinuha ko ang panyo sa aking bulsa at pinunasan ang bibig ko bago hinarap ang may-ari ng boses.

"Uhm! Ayos lang po ako. Maraming salamat po..." nakalimutan ko na hindi ko pa alam ang pangalan ng ginang na nasa aking harapan.

"Selya, tawagin mo akong Manang Selya. Heto tubig, uminom ka," nakangiting sagot ni manang sabay abot ng bote ng tubig. Nilagok ko agad iyon dala na rin ng uhaw.

"Maraming salamat po Manang Selya. Pasensya na po kayo, mabilis po talaga akong malula," nahihiya kong saad.

"Maiba ako hija, anong ginagawa mo rito?" Pag-iba ni manang sa usapan.

"Buti po natanong n'yo iyan. Hindi ko po makita ang mga pinsan ko, sa tingin ko po ay naliligaw ako. Saan po rito ang Avanguard City? Sa Schwert Academia po kasi ang destination ko," magalang kong paliwanag sa kaniya.

"Nako hija! Hindi ka na mahihirapan pa, nandirito ka na mismo sa harapan ng Academia. Nasa tapat ka na ng Colossal Gate." Nakangiting tinuro ni Manang Selya ang malahiganteng gate na nasa aming harapan.

"Talaga po? Thanks God!" bulalas ko. Tila nawala ang pagod ko dahil nakarating na rin ako sa wakas. Agad ring napakunot ang noo ko.

"Colossal Gate?" nagtataka kong tanong.

"Iyan ang tawag sa gate na ito dahil sa pagiging higante nito. O' s'ya! Mauna na ako hija, kung kailanganin mo man ang tulong ko, nasa tabing bayan lang ang bahay ko- bayan ng Vilanania. Mag-iingat ka hija," makahulugang saad ni Manang Selya.

Tumango ako. "Maraming salamat po sa tulong at impormasyon," sagot ko.

Umalis na si Manang Selya kaya naiwan na lamang akong mag-isa sa harapan ng gate ng Schwert.

'Paano ko ito bubuksan?' tanong ko sa sarili ko. Pumasok sa isipan ko ang librong binigay ni daddy.

Dali-dali ko itong kinuha sa bulsa ng maleta ko at nagpapasalamat ako nang makita ko agad ang libro. Buti na lang hindi ko ito naiwan.

Binuklat ko ang libro ngunit nagtaka ako dahil blankong pahina ang bumungad sa akin. Nangunot ang noo ko dahil kahit saang pahina ko tignan ay wala akong makita kun'di blangkong pahina. Tinaktak ko ang libro ngunit wala man lang nahulog na papel. Anong klaseng libro 'to?

"Tsk." Napadabog na lang ako sa inis na nadarama. Kinalma ko ang sarili ko at nag-isip ng paraan. Nasaan na ba kasi sina Ate Felicia? Argh.

Lumapit ako sa gate at sinubukang humanap ng pindutan, camera at kung ano pa. Siguro may nakatagong bukasan ito. Kahit saan ko tignan ay wala akong makita. Sinubukan ko nang hawakan ang gate pero napabitaw ako agad at napa-urong dahil sa biglaang pagbukas ng gate.

Napahawak ako sa dibdib ko, para akong aatakihin sa puso dahil sa gulat.

Maliit lang ang awang nito, kasya lamang ang tao upang makadaan.

Huminga muna ako nang malalim bago pumasok sa loob. Pagkapasok ko ay bumungad sa akin ang isang napakalawak na hardin.

Narinig ko rin ang pagsara ng gate, nagpahiwatig na hindi na ako makalalabas pa.

'Wala bang ibang tao rito? Nasaan na ba ang mga pinsan ko?' tanong ko sa isipan ko.

Tinahak ko ang nag-iisang daan sa hardin na'to. Nakamamangha ang lawak at ang ganda nito. Maraming uri ng bulaklak na may kani-kaniyang liwanag at talaga namang ang gaganda nila sa paningin. Nakahelera ang mga ito base na rin sa kanilang mga kulay. May mga paruparo din na umiikot sa buong hardin, animo'y binabantayan ang mga halaman.

FELICIA SNAPE'S POINT OF VIEW,

"Tama ba ang gagawin natin? Iiwan natin siyang mag-isa rito?" tanong ko kina Havoc. Nakararamdam ako ng awa para kay Historia.

"Wala tayong magagawa ate." Buntong-hininga ni Aliyana na ginawa rin ni Herecie.

"Ang kailangan natin ay tiwala. Magtiwala tayo sa kakayahan ni Historia. She's a strong young lady, after all." Nakangiti si Havoc habang pinagmamasdan si Historia sa tubig ng fountain- ang fountain na maaring gamitin kung mayroon kang nais makita na bagay, tao, lugar at iba pa. Makikita mo mismo sa tubig, parang isang TV.

Kitang-kita namin ang kinalalagyan ni Historia, sa Garden of Nymph. Ang hardin ng mga diwatang paruparo na nangangalaga sa kalinisan at kagandahan ng buong hardin.

"Kailangan n'yang matuto ng s'ya lang mag-isa. Utos ito ni Tito Sebastian, kailangan nating sumunod." Seryoso lang ang mukha ni Kinaro habang pinapanood si Historia sa tubig ng fountain.

Nandirito kami sa office ni Head Mistress Iris-asawa ni Head Master Kino; sa loob ng headquarter. Silang dalawa ang namumuno sa Academia.

"Aalis na po kami Head Mistress, kayo na po ang bahala sa pinsan namin. Alam kong hindi n'yo s'ya pababayaan," kalmadong saad ni Kinaro.

"Makaaasa kayo. Iparating n'yo na lang ang pagbati ko kina Sebastian at Florida," nakangiti nitong sagot.

"Uhm." Tumango ako.

Kinumpas pahugis bilog ni Kinaro ang hawak niyang gold na portal upang buksan ang lagusan palabas ng Parallel Dimention.

Yumuko kami sa harapan ni Head Mistress upang magbigay galang, tumango lang ito sa amin.

Pumasok na kami sa portal at agad kaming nilamon nito. Mabilis kaming nakarating sa Tree of Portals. Sanay ako sa paglabas pasok sa portal kaya hindi na ako nakararamdam ng hilo, gayon din sina Kinaro.

Nakasakay na kami ng Van ngayon. Pauwi na kami upang ibalita sa pamilya namin na nasa loob na ng Academia si Historia.

"Sana lang ay hindi magalit si Historia sa ginawa natin. Tiyak 'kong maraming katanungan sa isipan n'ya kapag nalaman na n'yang iniwan natin s'ya," nag-aalalang turan ni Herecie.

Napabuntong-hininga ako. Sang-ayon ako kay Herecie.

Pinasama kami ni Tito Sebastian hindi para samahan si Historia sa Academia, kun'di protektahan s'ya hanggang sa makapasok na s'ya sa loob. Maiintindihan din ni Historia ang lahat sa tamang panahon.

Ilang oras lang ang biyahe namin bago makarating sa bahay. Dumiretso kami sa office ni Tito Sebastian upang mag-report.

Pagkabukas ng pinto ay naabutan naming siyang nakikipag-usap kay Tita Florida. Ngumiti si tita nang makita kami.

"Hello po tita, tito." Tumango lang sila sa pagbati namin.

"Kumusta ang prinsesa namin?" tanong ni tito.

"Nasa Garden of Nymph na po s'ya no'ng umalis kami sa headquarter," magalang kong sagot. Tumango naman si tito na tila nawala ang kan'yang pag-aalala.

"Maiwan ko muna kayo, maghahanda ako ng meryenda para sainyo. Alam kong napagod kayo sa byahe." Nakangiting umalis si Tita Florida.

"Hindi po sa pangingielam, Tito Sebastian. Bakit po hindi n'yo sinabi kay Historia ang totoo?" biglaang tanong ni Herecie. Nagbuntong-hininga si tito.

"Gusto ko s'yang matuto, iyon ang alam n'ya. Siguro hindi pa ito ang tamang panahon para sa katotohanan. Hayaan nating s'ya mismo ang makatuklas sa katotohanan," paliwanag ni tito.

Napatahimik kami sa paliwanag ni tito.

'Patawarin mo kami Historia, para din sa'yo ito.'

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status