Share

The Call

“Are you okay, kumusta ka na?” tanong nito sa kanya nang batiin niya ito. Dama niya ang pag-aalala sa tinig ng lalaki. "Gosh! Do you kmow how much I miss you?"

“I’m sorry…”

Hindi niya na napigilang mapahikbi nang marinig ang boses nito. Gusto man niyang pigilang 'wag maiyak ngunit inunahan siya ng lalamunan. Pumiyok siya nang muling magsalita at tuluyan na nga siyang humagulgol.

Ang tanging kailangan niya lang ngayon ay karamay at si Earl lang ang makapagpaparamdam nito sa kanya. Parang ngayon lang niya naibuhos lahat ng kinikimkim kaninang bigat ng loob at paputol-putol ang pananalita niya.

Tiniis niyang hindi kausapin ang lalaki dahil sa tampuhan nila buhat nang manggaling sila sa isla. Wala rin naman siyang mukhang maihaharap dito pagkatapos ng mangyari.

“Why, what happened?” tanong nito sa kanya.

Ngunit hindi siya makasagot dahil binabarahan iyon ng pag-iyak niya.

“Please tell me you're fine,” sabi nito. "Did Pia talk to you?" tanong pa nito.

“No,” mariing sagot niya dito.

Alam niyang malinaw na kay Earl ang dahilan kung bakit siya umalis ng gabing iyon. Malinaw na rin naman sa kanya na isinama lang siya nito para pagselosin ang girlfriend. Sino ba namang kaibigan ang magyayaya sa kanyang maglaro lang ng sugal sa napakamahal na isla na ‘yun. Nagpakalayo pa sila samantalang may casino rin naman mismo ang Langria.

Ang buong akala pa naman niya noon ay senyales na ‘yun na magsisimula na itong ligawan siya ngunit sa huli maling akala lang pala ang lahat. Kung noong gabing iyon ang dahilan ng paglalasing niya ay si Earl ngayon naman iba ang rason ng pag-iyak niya.

“Buntis ako, Earl,” pagpapatuloy niya habang umiiyak. 

“What?” dinig niyang sabi nito. Alam niyang nagulat ito sa balita niya kaya hindi na muli pang nagsalita.

Simula nang pumasok siya sa prestihyosong paaralan ay si Earl lang ang nag-iisang nagkaroon ng paki sa kanya. Kahit na madalas siyang masabihang social climber dahil lagi siyang sumasama rito ay isinawalang bahala lang niya ang mga iyon.

Para sa kanya si Earl lang ang taong kahit kailan ay hindi siya hinusgahan o itinuring na iba. Huli nga lang na malaman niyang may pagtingin pala siya rito. Kung kailan naman akala niya may chance na sila doon pa ulit bumalik si Pia.

“Sinong ama?” pambabasag nito sa katahimikang namutawi sa pagitan nila.

“H-hindi ko alam,” nahihiyang sagot niya. Narinig niyang napabuntong hininga ang nasa kabilang linya at may nahulog na babasagin na siguro ay natabig nito.

“Anong balak mo ngayon?” tanong ulit nito.

“Nandito kasi si kuya sa bahay, natatakot akong baka kung anong gawin niya kapag nalaman niya, alam mo naman kung paano mag-isip 'to,” sagot niya rito. 

Narinig niyang lumabas nang bahay ang kapatid dahil sa ingay ng pinto sa may harapan. Malamang ay katatapos lang nitong kumain kanina nang maabutan niya sa kusina dahil umuuwi lang naman ito kapag wala nang pera o gutom.

“Ihanda mo na lahat ng kakailanganin mo, hintayin mo ako mamaya sa may bus station. I’ll call you back, Ok?” sabi nito at saka pinatay ang tawag.

Kahit papaano ay parang nabunutan siya ng tinik sa lalamunan nang masabi ang pasanin sa kaibigan.

Ang problema na lang niya ngayon ay kung papaano niya ipapalaglag ang bata bago sumama dito. Alam niyang hindi siya nito sasang-ayunan sa desisyon ngunit kung hindi niya iyon gagawin ay masisira naman lahat ang pangarap niya. Magdadahilan na lang siya dito na nakunan siya basta mahalaga makabalik siya sa pag-aaral at hindi niya mapalampas ang offer ni Earl na isama siya.

Malapit nang grumaduate si Earl sa Medisina samantalang siya isang taon na lang ang hihintayin. Usapan kasi nilang isasama siya nito sa Havana kapag nakapagtapos siya sa kursong Hotel Management. Ngunit sa nangyari ngayon mukhang masisira lang at maibabaon lahat nang iyon kapag hindi niya ito gagawan ng paraan.

Wala na nga siyang perang magamit para buhayin ang sarili, mamomroblema pa siya kung anong ipapakain niya o ipambubuhay niya dito.

Papatayin siya lalo ng kapatid kapag nalaman nito ang kahihiyang sinapit niya. Wala pa naman siyang maituturo kapag nagtanong ito kung sino ang ama ng dinadala. Sa tinuran nito kanina hindi malabong pagsalitaan din siya nito at saktan.

Nakagat niya ang ilalim na labi at napabuntong hininga nang maisip kung anong magiging reaksyon sa kanya ng ibang tao kapag lumaki na ang tiyan niya.

Natatakot siyang malaman kung sino man ang ama ng dinadala niya dahil maaaring hindi lang iisang tao ang nakasama niya nang gabing iyon base sa mga nagkalat na damit.

Panigurado ay sobrang kahihiyan lang ang kalalabasan kapag nag-imbistiga pa siya. Mapapahiya lang siya kung may makaalam na pinagpasa-pasahan man siya. Isa pa kung bubuhayin man niya ang bata, paniguradong kakawawain din ito paglaki dahil wala itong ama. Kagaya na lang nila ni Gian, alam niyang ito ang dahilan kaya hindi na nito itinuloy ang pag-aaral.

Binuhat niya ang kaisa isang bag at nagsimula na siyang maglakad pataas ng hagdan. Napansin niyang mabilis na siyang mapagod at hingalin ngayon kumpara noon. 

Nang makarating sa patad at malampasan ang isang clinic ay naalala niya ang pinag-uusapan ng dalawang nurse kanina sa bus. Pinag-uusapan ng mga ito ang medical at surgical abortion. Gusto man sana niya ang medical na paraan kung saan may iinumin lang na gamot ngunit hindi na siya qualified dahil mahigit na sa 9 weeks ang dinadala niya.

Muli siyang napatingin sa gawing iyon at napalunok. Pinag-iisipan niyang mabuti kung ihahakbang pa ba niya palayo o papunta roon ang mga paa.

Nahirapan siyang huminga ng maayos nang ihakbang niya ang mga paa papunta roon. Pansin niyang bumilis din ang pagtibok ng puso niya habang naglalalakad at may parang tumusok na karayom sa tiyan.

Huminga muna siyang malalim at saka ipinagpatuloy ang paglalakad.

Napaisip siya sa sinabi ng isang nurse kanina, kung apat na oras lang naman siyang kailangang manatiling nakahiga para matapos ang operasyon pwede niyang pakiusapan si Earl na bukas na lang siya nito sunduin.

Habang papalapit siya sa clinic ay nakita niyang may tao sa labas. Napalunok siya nang makitang dalawang babae ang naroon na may hawak na karatula.

Palubog na ang araw at medyo madilim na rin kaya siguro hindi naman siya mamumukhaan ng mga ito. Ibinaba niya ang suot na puting sumbrero para matakpan ang mata at saka binilisan ang paglalakad.

Ngunit nagulat siya ng magsalita ang babae nang matapat siya rito.

“Alam mo ba na kapag nasa tatlong buwan ang mga baby, may mata, kamay, paa at bibig na sila? Naibubuka at naisasara din nila ang mga kamay nila, sana alam mo ‘yun bago ka nagpunta rito,” sabi nito. Hindi niya ito tinitigan at nagpatuloy lang siyang nakatingin sa daan at nagpatuloy sa paglakad.

Tila ba alam nito kung ilang buwan na ang nasa sinapupunan niya. Gusto man niyang magbingi-bingihan ngunit parang paulit-ulit niyang naririnig ang sinabi nito.

“Nagdedevelop na rin ang tenga, ngipin at mga kuko nila, hindi ba’t nakaka-excite ‘yun?” dagdag pa ng isa na nakasunod pala sa kanya.

Napatakip siya sa tainga at dumeretso sa steps malapit sa pinto ng clinic. Ayaw na niyang marinig ang mga sasabihin pa ng mga ito dahil babaguhin lang nila ang isip niya.

Sa sinabi nila ay para bang nanghina ang mga tuhod niya at napahinto sa paglalakad. Lalo na nang marinig ang sinabi ng isang may mata at bibig na ang batang nasa sinapupunan niya. Napahawak siya sa tiyan at napatingin dito.

Nakagat niya ang labi sa matinding inis, dahil sa tinuran ng babae ay nagdalawang isip siya ngayon.

Umeepekto ang pangongonsensiya nila sa kanya na lalong ikinagalit niya. Ngunit ano bang alam nila sa nararamdaman niya? Hindi naman nila alam ang hirap na pinagdaanan niya. Marahil ay magandang buhay lang ang dinanas ng mga ito kaya hindi nila alam ang hirap ng mabuhay na walang inaasahan.

Maswerte pa kung makakain sila noon ng matinong pagkain. Naranasan niyang magtiis na kumain ng panis dahil sa matinding gutom. Minsan ay purong tubig lang ang pananghalian niya para lang makatipid. Saka lang naman siya nakakakain ng tatlong beses sa isang araw nang maging working student siya.

Kaya wala silang karapatan na iparamdam sa kanya na masamang tao siya kung 'yun man ang piliin niya. Dahil sawang-sawa na siyang magdildil ng asin.

Napaluha siya nang maalala ang mga sinapit nila ni Gian noong hindi na umuwi ang tatay nila. Kung hindi pa nakinuod ang kapatid sa kapitbahay ay hindi pa nila malalamang namatay na ang ama.

Hindi biro ang lumaking walang inaasahang magulang. Bukod sa wala nang nagtatanong kung kumain ka na ba o anong gusto mo sa pasko, wala ring nagpapaalala sa'yo na mahalaga ka.

Naalala niya noong pinagmalupitan ng isang ale ang kapatid dahil nagnakaw ito ng tinapay. Panay kasi ang iyak niya noon dahil sa matinding gutom.

“Alam mo ba na kapag limang buwan na ang baby diyan sa sinapupunan mo, mararamdaman mo kapag pumadyak ito?” pagpuputol ng nakakatandang babae sa pagbabaliktanaw niya.

Nagpatuloy lang siya sa pagpasok sa clinic at hindi na nilingon ang nagsasalitang babae. Napatakip siya sa ilong dahil hindi niya nagustuhan ang amoy sa loob.

May mga babaeng nakaupong malamang ay nakapila sa isang cubicle. Mayroon ding nakasuot ng surgical dress na parang wala ng dugo at namumuti ang labi. Mukhang hindi na ito makapaglakad at nakasakay sa wheel chair na itinutulak ng lalaking kasing edad din nito.

Maraming iba’t-ibang ingay na maririnig sa loob, may umiiyak, sa isang kwarto, may nagsasalita, at mayroon ding nagdarasal. Tuluyan lang siyang napalabas nang hindi na niya kayanin ang amoy at naduwal.

“Ilang taon ka na ba? Hindi pa huli ang lahat. Maganda ang puso mo kung may takot ka,” sabi sa kanya ng babaeng nakahawak ng karatola na nakasunod pa rin sa likuran niya habang nagsusuka siya.

Mabuti na lang at tumunog ang cellphone niya para may dahilan siyang iwan ito na hindi siya nagmumukhang bastos.

Tinapunan niya ito nang tingin nang makalayo. Nagulat pa siya dahil nakangiti ito at kinakawayan siya.

“Hello!” bati sa kanya ng nasa kabilang linya. Napatingin siya sa screen dahil hindi si Earl ang nagsalita. Walang numero o pangalan din na lumantad sa screen ng cellphone.

“Earl?” tanong niya dito.

“Earl, again? Darlin', ilang beses ko bang maririnig ‘yan sa’yo? Ang bilis mo namang makalimot,” sabi nito na ikinainis niya.

“Sino ka ba? Wrong number ka yata,” nanghihinang sagot niya dito.

“I know your name, it's Roief 'di ba? Do you know how much I miss you?” sabi nito na ikinagulat niya.

“Paano mo nalaman ang number ko? Sino ka ba?” tanong niya. Nagising ang nanghihinang katawan niya sa sinabi nito at nanlaki ang mga mata niya nang mabanggit nito ang pangalan.

“I got it from someone, hindi mo ba ako namiss?” sabi nito. Halata sa boses ng kausap na masaya ito.

Napahawak siya sa bibig sa sinabi nito. Hindi niya alam kung magagalit ba siya o magtatanong. Nahahati ang isip niya sa posibilidad na maaaring ito ang nakasama niya nang gabing 'yun o baka isa lang ito sa mga nakalaro niya.

"Paano ba tayo nagkakilala?" muling tanong niya rito.

"Don't you remember anything?" sagot naman nito at parang lumungkot ang tinig nito.

"Sabihin mo nga kasi sino ka ba at bakit kilala mo ako? Sabihin mo nga kung isa ka sa gumalaw sa akin?" inis na tanong niya rito.

Natahimik ang nasa kabilang linya sa tanong niya at maski siya ay naguluhan kung bakit ganun ang lumabas na kataga sa bibig.

"Wha—"

Hindi na niya narinig kung ano man ang sumunod na sinabi ng lalaki dahil nahulog ang cellphone nya. Naramdaman niyang may kamay na sumalo sa kanya habang may panyo namang nakatakip sa bibig. Unti-unting nanlabo at dumilim ang mga paningin hanggang sa wala na siyang marinig mula sa paligid.

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Sa Fora
sino kaya dumukot?
goodnovel comment avatar
Matthew Kato
party? dont get drunk
goodnovel comment avatar
Long-Live-Evie
Sana si Earl na lang yung... ......... Kaloka si boy, dami pa sinasabi, hindi na lang magpakilala .........
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status