Share

CHAPTER V (THE CAT AND THE MICE)

“R E D ? . . .’yon ang pangalan mo?”, tanong ni Deo kay Red habang prente itong naka-de cuatro ng upo. Diretso itong humithit ng yosi na nakaipit sa pagitan ng dalawa nitong daliri.

Nakita ni Red ang sunod-sunod na tango ni Yoda mula sa gilid niya. Ito na ang sumagot para sa kanya bago pa man siya nakasagot. Mukhang kabado ito. 

May dalawang lalaking nakatayo sa likuran ni Deo. Sa unang tingin pa lang ay mahahalata nang lango ang mga ito sa ipinagbabawal na gamot.  Para bang tipikal na tagpo sa mga pelikula nina FPJ at Ronnie Rickets, kapag malapit nang magharap ang bida at mga kontrabida. 

“R-Redentor talaga ang pangalan niya b-boss”, maagap na sagot ulit ni Yoda para sa kanya. 

Pinukol ito ni Deo ng matalim na tingin.

“Ikaw ba kinakausap ko?”, anito na may himig na ng pagbabanta. Agad namang natahimik at yumuko ang huli sa takot.

Muli siyang binalingan ni Deo at pinakatitigan, animo’y sinusuri siya ng masinsinsinan.

“Ilang taon ka na?”, tanong ulit nito sa kanya sabay hithit ulit ng yosi. 

“Bente nuebe”, tipid naman niyang sagot ayon sa detalye ng karakter niya bilang under cover.

Ilang linggo niyang pinakaaral-aral ang bawat detalye ng misyon niya. Sumalalim din siya sa isang crash course at intensive training kung paano ang maging undercover agent. Sinugurado nilang kahit na lasingin o magsalita man siya habang tulog ay pangangatawan niyang siya si Redentor Capili, bente nuebe anyos, malayong pinsan ni Yoda mula sa probinsya ng Isabela. Pinalabas nilang nangangailangan siya  ng malaking halaga ng pera sa lalong madaling panahon kaya lumuwas ng Maynila. 

Si Yoda ang naging daan ng ADFP para makapasok sa grupo ni Deo. May kapatid kasi itong nakakulong matapos mahulihan ng droga. Pero ayun dito ay napagbintangan lang ang kapatid niya,  kung kaya’t on going pa rin ang hearing ng kaso nito. Nangako ang pwersa ng Special Force na tutulungan nila ang kapatid nito,  basta’t mapatunayang inosente mula sa mga kinakaharap nitong kaso. Bilang kapalit ay makikipagtulungan ito sa ADFP. 

“Pinsan ka nga ba nitong si Yoda?”, untag ni Deo sa kanya. 

“Malayong pinsan”, tipid niyang sagot na ikinangisi nito.

Gaya ng nakagawian ay alerto ang buo niyang katawan at nakahandang umaksyon ayon kung kinakailangan.  

“Baril...”, biglang sabi ni Deo. 

Bahagya siyang nagulat roon. Syempre kargado rin siya. Hindi siya susuong sa gyera ng walang armas. Mas lalo siyang naging alerto sa paligid. 

“Marunong ka bang humawak ng baril?”, maya-maya ay dagdag nito.

Pasalamat na lang talaga siya dahil sanay siyang itago ang nararamdaman niya, kaya’t sigurado siyang walang kahit na anong bahid ng emosyon ang mukha niya ngayon.  

Inilahad nito ang kamay sa lalaking nasa kanan nito. Agad naman iyong nag-abot ng baril dito. Bigla nito iyong ikinasa at itinutok sa kanya. Ni hindi siya kumurap sa ginawa nito. Maya-maya ay tumawa ito tsaka inikot ang sa hintuturo trigger guard at patalikod na inabot sa kanya.

Walang sabing na inabot naman niya iyon. Lumunok  muna siya tsaka iyon ikinasa at pinaputok ng dalawang beses habang nakatutok sa bintana sa kanang niya. Sinadya niyang wag umasinta kaya’t basta lang iyon tumama sa dingding.

“Hmm, hindi masama”, tumatangong komento ni Deo.

“Sumasama kasi ‘tong pinsan kong ‘to sa tatay niya sa pangangaso simula bata kaya medyo marunong ‘to humawak ng baril boss”, singit ni Yoda na may pagmamalaki sa tono ng boses.

“Alam mo Yoda kanina pa ako naririndi sa’yo eh”, sarkastikong saad ni Deo kaya’t muling napatungo ang ‘pinsan’ niya.

Dahan-dahan itong naglakad papalit sa kinatatayuan ng huli. 

“Ano ba sabi ko sa inyo?”, tanong nito nang ganap na makalapit.

“K-Kapag hindi k-Kinakausap h-huwag s-sasabat”, halos pabulong nang sagot ni Yoda.

“Eh bakit ka sabat ng sabat, P*TANG *NAHA^!&# KA??!!!”, sigaw ni Deo. Nanlalaki ang mga mata at nanggigigil ito sa galit na tila ba kaya nitong pumatay. Bigla itong parang naging mabangis na leon at aligagang sininghot-singhot ang nanginginig na kamay.

Tila nababalisa itong nagpalakad-lakad paikot sa upuan nito kanina. 

“Grrrr!!! Arrgh! Arrrgh! Grrrr!”, anito na parang bang nanggigigil ito sa hangin. Mukhang sanay na ang mga tauhan nito rito dahil hindi na mababakasan ng gulat ang mga ito sa kakaibang asal ng amo nila.

Makalipas ang ilang sandali ay muli siya nitong hinarap.

“Red, Red, Red...”, paulit-ulit nitong sambit sa pangalan niya habang papalapit sa kinaroroonan niya.  Ipinatong nito ang dalawang kamay sa magkabila niyang balikat at pinakatitigan siya.

“Bakit mo gustong sumali sa grupo ko?”, 

“Kailangan ko ng pera”, simple at tipid niyang sagot na ikinatawa nito ng bahagya.

“At bakit kita kailangang tanggapin sa grupo ko?”

Nagkibit-balikat siya tsaka muling sumagot ng tipid.

“Dahil kailangan ko ng pera”, 

Napahagikhik ng tawa si Deo na habang tumatagal ay lumalakas. Hanggang sa nauwi iyon sa malutong na halakhak, sabay itinuturo-turo siya.

Binalingan nito si Yoda na halos magdikit na ang baba at dibdib sa labis na pagkakayuko.

“Pasalamat ka...”, ang tangi nitong sabi habang dinuduro-duro ang pobre. 

“Turuan mo ‘tong pinsan mo ng patakbo ko rito nang magka-silbi ka namang ungas ka!”, utos nito. 

“O-Opo”, sagot ni Yoda kasabay ang sunod-sunod at mabibilis na pagtango.

Muli itong bumalik sa kinauupuan nito kanina na para bang isa itong hari na bumalik sa trono niya. Sinenyasan nitong  muli ang lalaking nagbigay ng baril dito kanina. May iniabot itong isang litrato. Mabilis nitong sinipat iyon tsaka ipinakita sa kanya. Tila iyon isang candid shot ng mga dalagang sa tantya niya ay nasa edad disi otso hanggang bente. Kuha iyon sa labas ng gate ng isang unibersidad. Kung titingnan ay naka-pokus ang kuha sa babaeng nakasalamin at pinakasimple ang damit sa lahat. Lumapit ang peke niyang pinsan sa kanya para makisilip sa litratong ipinapakita ni Deo.

“Scarlet”, 

“Bago mong chikas boss?”, pabirong tanong ni Yoda na agad humalukipkip nang ambahan ng suntok.

“Sundan n’yo”, utos nito.

Tumatangong kinuha ni Yoda ang litrato mula dito.

Para silang mga langaw na binugaw nito paalis. Walang sali-salitang tumalikod na ang kasama niya kaya’t sumunod na lang din siya. Nagtuloy-tuloy ito palabas ng apartment na nagsisilbing hideout ng grupo.

Dire-diretsong lumulan sa driver’s seat ng 1996 Honda civic na kulay pilak si Yoda. Sumakay naman siya sa passenger side niyon.

Pinili niyang manahimik at makiramdam muna sa sitwasyon. Hindi rin naman nagsasalita si Yoda kaya namayani ang katahimikan sa loob ng kotse habang binabagtas nila ang daan. 

Makalipas ang mahigit isang oras ay pumarada sila sa may di kalayuan sa gate ng isang unibersidad. 

Nang bumaba si Yoda ay sumunod na rin siya. Tuloy-tuloy itong naglakad palapit sa ilang stalls ng street food, na halos limang metro ang layo sa pinag paradahan nila ng kotse.

“Haaaayyyy, sa wakas pwede nang magsalita!”, tila nakahinga ng maluwag na sabi ni Yoda.  Ganap silang makalapit sa mga stall ng pagkain.

Bago kasi nagsimula ang misyon ay pinakabilingan nila itong huwag na huwag magbabanggit ng tungkol sa misyon kahit saan sa bahay nila, sa kotse o sa kuta ni Deo bilang pag-iingat na rin. Maraming koneksyon ng huli sa loob at labas ng pulisya kaya hindi malayong may mga wiretapping device din ito.

“Anong gusto mo, Colonel?”, nakangiting tanong nito sa kanya.

“Mas maganda kung masasanay kang tawagin akong Red habang ginagawa nating ito”, walang emosyon niyang sagot habang iginagala ang paningin sa paligid, para siguruhin walang nakamanman sa kanila. 

Hindi ito sumagot kaya nilingon niya ito.  Nakita niyang kunot-noo itong nakatitig sa kanya na para bang isa siyang puzzle na hindi nito mahulaan.

“Bakit?”, tanong niya.

“Wala naman, napaisip lang ako kung ganyan talaga ang personality mo sa totoong buhay o in-character ka lang”,

“Na ano?”,

Pero imbes na sagutin ay pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa habang hinihimas-himas pa ang ilalim ng baba.

Magsasalita na sana siya nang biglang nanlaki ang mata nito na para bang nakakita ng multo. 

Akmang lilingon siya para sundan ang direksyon ng tingin nito pero agad siya nitong pinigil.

“Wag ka munang lilingon!”, pabulong nitong pagalit sa kanya, kaya para siyang na-estatwa rin. 

“Sina Geronimo at Egan, mga bata ni boss!”, mariin ulit nitong bulong habang kunwari ay tumutusok ng fishball at tokneneng.

Agad naman niyang nakuha ang ibig nitong sabihin, kaya kaswal din siyang tumusok rin ng kikiam at fishball. Inasahan na niyang hindi sila basta-basta pagkakatiwalaan ni Deo at marahil ang ‘assignment’ na ibinigay nito sa kanila para sundan si Scarlet ay para subukin lamang siya.

Tinapik-tapik niya ito sa balikat tsaka kaswal na inakbayan. Kailangan niyang pangatawanan na magpinsan sila kaya dapat ay magmukha silang close at magkapamilya. Medyo kumunot ang noo ni Yoda at mukhang na-weirdohan sa ginawa niya pero pasimple niya itong pinandilatan habang hinihigpitan ang pagkakaakbay rito. 

Hindi nagtagal ay lumabas sa gate ang grupo ng mga babaeng estudyante, kung saan isa doon si Scarlet. Muli niyang tinapik si Yoda sa balikat at pasimpleng tumango sa gawi ng gate. Mula sa kinaroroonan nila ay madidinig ang mahinang tawanan at animo’y bulungan ng mga ito dahil sa distansya.

Pasimple niya muling sinulyapan ang direksyon kung saan nila nakita ang mga tauhan ni Deo, pero wala na ang mga ito doon. Bahagya pa siyang nagpalinga-linga sa paligid pero mukhang tuluyan nang umalis ang mga ito. 

“Sinigurado lang nilang sumunod ka sa utos at hindi nagsumbong sa parak”, ani Yoda saka sumubo ng tokneneng at pasimpleng pinagmasdan ang grupo nina Scarlet kaya natuon din doon ang pansin niya.

Kung pagmamasdan ng maige ay agad na mapapansin ang laki ng pagkakaiba ng ayos ng dalaga sa mga kasama nito. Panay mga nakatakong at hapit na damit ang mga ito samantalang si Scarlet ay naka-simpleng tshirt at maong na pantalon lang na pinaresan ng rubber shoes.

Narinig niyang pumalatak ang kasama kaya nilingon niya ito . Nakita niyang ngumi-ngiti ito habang nagsasawsaw ng tokneneng.

“Bakit?”, tanong niya at ginaya ang ginagawa nito.

“Wala, naisip ko lang, konti lang din pala ang nilamang mo sa akin sa pagka-gandang lalaki, ano?”

Napakunot ang noo niya sa mga sinasabi nito.

“Tingin mo manong? Mga isang paligo lang siguro ano?”, baling pa nito sa nagtitinda ng fishball na umiling-iling lang. 

Hindi na lang siya sumagot dahil hindi niya naman alam kung ano bang pinagsasabi nitong kasama niya. Binalingan niya na lang ang mga target. Sakto namang lumingon din sa gawi nila ang babaeng katabi nito kaya’t saglit na nagtama ang mga mata nila. May pamilyar na pakiramdam siyang nadama sa malalamig at walang emosyong mga matang iyon. Na para bang minsan na niya iyong natitigan. Ang hindi niya maalala ay kung saan at kailan.

Natauhan siya nang bigla siyang sikuhin ni Yoda.

“Uy! Baka matunaw ‘yong chikas, Ser!”, kantiyaw nito. 

Tumikhim na lang siya upang itago ang pagkapahiya at nagkunwaring tumusok ulit ng fishball at mabilis na kinain iyon. 

Muli siyang siniko ng makulit na kasama. Napabuntong-hininga siya. Mukhang mas mapapagod siya sa kakulitan nitong peke niyang pinsan kaysa sa misyon niya mismo. 

“Mukhang type ka ni baby ah”, pabulong nitong panunukso. 

“Sinong baby?”, kunot noo niyang tanong.

Bahagya itong tumango sa direksyon ng mga dalaga habang may mapanudyong ngiti. Hindi siya nagkamali, ang tinutukoy nitong ‘baby’ ay ang babaeng katabi ni Scarlet, na siya ring titigan niya ng saglit kanina. Hindi na ito nakatingin sa gawi nila pero nakita niyang tinapunan pa rin siya nito ng isang mabilis na tingin, pero agad din nitong binawi. 

Doon niya naalala na isa pala siyang undercover kaya dapat siyang mag-ingat sa mga taong posibleng makakilala sa kanya. Agad siyang yumuko at pasimpleng hinila pababa ang suot niyang itim na sumbrero upang itago ang kanyang mukha. Lihim siyang napahiling na sana ay hindi siya kilala ng babae. 

Napaangat na lang siyang muli ng tingin sa mabibilis na tapik ni Yoda.

“Tara”, may pagmamadali nitong sabi.

Nang muli niyang nilingon ang mga dalaga mukhang nagpapaalamanan na ang mga ito at may nakaparada nang itim na BMW sa tapat nina Scarlet. 

Agad siyang sumunod sa kasama na nauna nang bumalik sa kinaroroonan nga kotse nila. Pero imbes na pumasok ay sumandal lang ito sa may hood at itinuloy ang pagkain ng fishball na nakalagay sa plastic cup. 

Nakita niyang nakaparada pa rin ang BMW kaya mukhang magmamasid muna sila. 

“Haysss, kawawa namang ‘tong chikas na ‘to”, maya-maya ay sabi nito habang umiiling.

“Bakit naman?”, 

“Lesson number 1, dalawang bagay lang ang rason kung bakit pinapasundan ni Boss Deo ang isang tao”,

“Una, kapag babae, pwedeng kursunada niya at balak gamitin, o di kaya may utang sa kanya at gusto niyang singilin. Kapag lalaki naman, pwedeng may utang na dapat sisingilin o di kaya ay banta sa negosyo ni boss”, dagdag pa nito.

Tahimik siyang naghintay ng sasabihin pa nito pero hindi na ito nagsalita.

“Ano ‘yung pangalawang rason?”, tanong niya.

Ngumisi ito.

“Tssrkkkk”, anito habang umaktong ginigilitan ang leeg gamit ang sariling hinlalaki nito.

Hindi na siya nagulat sa sagot nito. Alam naman niyang notorious si Deo pagdating sa mga maruruming gawain.

“Sa totoo lang, alam mo? Gusto ko na ring kumalas”, maya-maya ay seryosong sabi nito.

Nang lingunin niya ito ay nakatuon ang pansin nito sa kinakain nito pero mukhang wala ito sa sarili dahil panay lang ang pagtusok-tusok nito sa mga fishball.

“Ba’t di mo gawin?”, 

Natawa ito ng pagak.

“Masyado nang matagal akong nagtatrabaho para kay Deo para pakawalan niya lang ako ng basta”, sagot nito tsaka ako tinapunan ng mabilis na sulyap bago ibinalik muli sa pagkain ang pansin.

“Para sa mga tulad ko, buhay ko ang katumbas ng kalayaan ko mula sa mga gaya ni Deo”.

“Hindi mo ba sinubukang humingi ng tulong sa  kapulisan?”, 

Muli itong natawa ng pagak tsaka bahagyang lumapit sa kanya at bumulong.

“Colonel...hindi lahat ng naturingang tagapagtanggol ng mga inaapi ay matuwid na kagaya mo. Tina’mo nga kami ng kapatid ko? Dahil lumaki kami sa iskwater, mahirap, walang magulang at hindi nakapagtapos, kami ang pinakamadaling pagbintangang kriminal. Kasi lahat gagawin namin para malamnan ang kumakalam naming sikmura eh”, paliwanag nito tsaka muling umayos ng tayo at isinubo ang huling piraso ng fishball mula sa plastic cup na hawak nito.

“Ay teka, oo nga pala, ako naging totoong kriminal, pero ‘yong kapatid ko? Tsk, mas pipiliin pa n’on na kumain ng basura kesa magnakaw. Ni pumatay ng langaw di ‘ata kaya n’on ”, pabiro nitong dagdag at sinundan iyon ng tawa.

“Kaya pakiusap ko lang Colonel, gagawin ko ang lahat para matulungan kayo, basta ipangako niyong makakalabas ng kulungan ang kapatid ko”, sabi pa nito habang seryosong nakatingin sa kanya. 

Tumango na lang siya bilang sagot. Ang totoo ay hindi niya magawang pasinungalingan ang mga nauna nitong paratang sa mga tagapagtanggol ng bayan. Nakakahiya mang aminin, ay totoo ang mga sinabi nito. 

“Red, tara!”, ang nagmamadaling tono nito ang umagaw sa isip niya. 

Nagmamadali silang sumakay sa kotse nang makitang paalis na ang itim na BMW lulan si Scarlet at ang magandang babaeng katabi nito kanina.

“Tago mga daga, heto na ang mga poging pusa! Meow!”, biro pa ni Yoda sabay umaktong parang pusang nangangalmot.

Naiiling siyang kumapit sa grab handle. 

“Uy!”, baling nito sa kanya. Hindi niya naintindihan ang ibig nitong sabihin kaya binigyan niya lang ito ng blangkong ekspresyon.

“Meow..”, sabi ulit nito na para bang inuudyok siyang gayahin ito.

Sinamaan niya lang ito ng tingin. Pero sa halip na matakot ay tinawanan siya nito at kinalmot-kalmot na parang pusa. Nang hindi siya magpakita ng reaksyon ay tumigil na rin ito. Narinig niya ang pagbulong-bulong nito na parang batang nagmamaktol. Ang totoo ay gusto niyang matawa. Kung sa ibang pagkakataon lang sila nagkakilala, siguro ay magiging matalik silang magkaibigan nito. 

Nang hindi pa ito kumilos ay tinapik niya ito tsaka tumango sa direksyon ng BMW upang iindika na paalis na ang kotse at dapat na silang gumalaw.

“Psh, KJ”, narinig niyang bulong nito tsaka pinaandar ang sasakyan.

Pilit niyang itinago ang ngiti. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status