LOGINHindi na umulan pero basa pa rin ang kalsada. Nakasabit pa sa mga bubong ang tubig-ulan, at paminsan-minsan ay may patak na nahuhulog sa lupa.
Nakaupo si Mara sa kusina, abala sa pagsusulat sa kanyang libro. Nasa Pahina 4 na siya.
Naglingkod.
Nagluto.
Hindi para kalimutan.
Para maalala nang tama.
Nagbago.
Matagal niyang tinitigan ang huling salitang isinulat niya.
Nagbago.
Hindi pa niya alam kung tunay ngang nagbago ang bahay o kung sandali lamang itong nagpapanggap na maamo. Pero matapos ang nangyari kagabi, alam niyang hindi na niya kayang bumalik sa dati.
Sa tapat niya, tahimik na nagbabalat ng bawang si Nico.
Hindi ito nagsasalita.
Mula nang baguhin ni Mara ang recipe, parang may kung anong nagbago sa kanilang dalawa. Mas madalas nang mapatingin si Nico sa mga dingding. Paminsan-minsan, napapatigil din ito sa ginagawa, na para bang may hinihintay na mangyari.
“Natatakot ka?” tanong ni Mara nang hindi lumilingon.
Huminto si Nico sa pagbabalat ng bawang.
“Oo.”
Napatingin siya kay Mara.
“Kasi kapag nagutom ulit ang bahay...” Sandali siyang natahimik. “Hindi na ako ang uunahin nito.”
Dahan-dahan niyang ibinaba ang hawak na bawang.
“Ikaw na.”
Isinara ni Mara ang libro at tumayo. Kinuha niya ang apron na nakasabit sa tabi ng kalan at isinuot iyon.
“Kaya nga kailangan nating tumulong sa mas maraming tao,” sabi niya.
Tumingin siya kay Nico.
“Kung may paraan para mabusog ang bahay nang hindi natin kailangang burahin ang mga alaala ng mga tao, kailangan natin iyong mahanap.”
Hindi agad sumagot si Nico.
“Paano kung hindi sapat ang bagong recipe mo?”
Saglit na natigilan si Mara.
Hindi niya alam ang sagot.
Pero sa pagkakataong ito, hindi niya hahayaang takot ang magdesisyon para sa kanya.
“Kung hindi sapat, susubukan natin ulit.”
Bago pa makasagot si Nico, biglang tumunog ang lumang orasan sa dingding.
9:03 A.M.
Tok. Tok. Tok.
Tatlong mabilis na katok ang umalingawngaw mula sa pintuan.
Hindi iyon katok ng isang taong basta dumaan lamang.
Parang may taong nagmamadaling makapasok, natatakot na baka hindi na siya pagbuksan.
Nagkatinginan sina Mara at Nico.
Tumayo si Mara at naglakad patungo sa pintuan.
Nang buksan niya iyon, isang babae ang bumungad sa kanya.
Nasa trenta anyos ang babae. Nakasuot siya ng mahabang itim na abaya at may dalang maleta na halos sira na ang isang gulong. Halatang malayo ang kanyang nilakbay. Gusot ang damit, magulo ang buhok, at bakas sa mukha ang matinding pagod.
May pasa rin sa kanyang pisngi.
Sinubukan niya itong takpan ng buhok, pero hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Mara.
“Magandang umaga po,” maingat na bati ni Mara.
Tuyong-tuyo ang mga labi ng babae.
“Water, please,” mahina nitong sabi. “Tubig lang po.”
Agad na lumapit si Nico sa mesa, kumuha ng baso, at pinuno iyon ng tubig. Iniabot niya iyon sa babae.
Halos maubos nito ang tubig sa tatlong lagok.
“Salamat,” bulong ng babae.
Sandali siyang nakaupo nang tahimik bago tumingin kina Mara at Nico.
“Narinig ko po ang tungkol sa bahay na ito,” sabi niya. “Sa group chat namin.”
Huminga siya nang malalim.
“Sabi nila, kayo raw po ang tumutulong sa mga taong gustong makalimot.”
Umupo si Nico sa tapat niya. Kalma ang mukha nito, pero mahigpit ang pagkakahawak sa gilid ng mesa.
“Ano pong pangalan ninyo?”
“Athena.”
Sandali siyang tumingin sa sahig bago muling nagsalita.
“Athena Santos.”
“OFW po kayo?” tanong ni Mara.
Tumango si Athena.
“Apat na taon po akong nagtrabaho sa Saudi Arabia. Domestic helper.”
Umupo si Mara sa tabi niya, sapat ang layo upang hindi siya mailang.
“Ano po ang gusto ninyong makalimutan, Ate Athena?”
Napapikit si Athena.
Matagal siyang hindi sumagot. Nang magsalita siya, halos pabulong na lamang ang kanyang tinig.
“Yung amo ko.”
Sandali siyang natahimik.
“Si Madam.”
Dahan-dahan niyang hinila pataas ang manggas ng kanyang damit.
Nakita ni Mara ang mga pasa sa kanyang braso. May mga luma nang naninilaw at mayroon ding mas bago.
Hindi agad nakapagsalita si Mara.
Hindi dahil wala siyang gustong sabihin, kundi dahil alam niyang may mga sakit na hindi dapat salubungin ng mga tanong na parang simpleng kuwento lamang ang mga iyon.
“Tatlong taon niya akong sinaktan,” patuloy ni Athena. “Kapag wala siyang makitang pagkain. Kapag masama ang timpla niya. Kapag pagod siya. Minsan, kahit wala naman akong ginagawang mali.”
Napayuko siya.
“Kapag umiiyak ako sa gabi dahil nami-miss ko ang anak ko, lalo siyang nagagalit.”
Mahigpit niyang hinawakan ang palda niya.
“Isang linggo na akong nakauwi, pero parang hindi pa rin ako nakakaalis sa bahay nila.”
Dahan-dahang umangat ang kanyang tingin.
“Kapag pumipikit ako, naririnig ko pa rin ang boses niya.”
At sa katahimikan ng kusina, tila may boses na biglang umalingawngaw sa pagitan nila.
Huy! Bilis! Tamad!
Napapitlag si Athena.
Muling nanlabo ang kanyang mga mata sa pamumuo ng luha.
“Gusto kong makalimutan ang takot,” bulong niya. “Kasi hindi na ako makatulog nang maayos. Hindi na rin ako makalabas ng bahay nang hindi kinakabahan.”
Huminga siya nang nanginginig.
“Pati sarili kong anino, minsan, ikinatatakot ko.”
Tahimik na nakinig si Mara.
“Anim na taong gulang ang anak ko,” patuloy ni Athena. “Nang makita niya akong umuwi, niyakap niya ako nang mahigpit.”
Bahagya siyang ngumiti, pero hindi umabot sa mga mata niya.
“Akala ko, kapag nakita ko na siya, magiging maayos na ang lahat.”
Napayuko siya.
“Pero isang gabi, tinanong niya ako kung bakit daw ako nanginginig kahit wala naman akong sakit.”
Hindi na napigilan ni Athena ang pagpatak ng kanyang mga luha.
“Hindi ko alam kung paano sasagutin ang anak ko.”
Walang nagsalita sa loob ng ilang sandali.
Maging si Nico ay nanatiling tahimik.
Tumingin siya kay Mara. Hindi niya kailangang magsalita upang maipahayag ang tanong na nasa isip niya.
Ano ang gagawin mo ngayon?
Dahan-dahang tumayo si Mara.
“Tutulungan kita, Ate Athena.”
Napatingin sa kanya ang babae.
“Pero hindi natin kailangang burahin si Madam sa mga alaala mo.”
Kumunot ang noo ni Athena.
“Kung hindi po natin siya buburahin, paano po mawawala ang takot ko?”
Lumapit si Mara sa kalan at kinuha ang lumang kawaling luwad na ginagamit nila para sa mga alaalang mas mabigat kaysa karaniwan.
“Hindi ko maipapangakong mawawala agad ang takot mo,” sagot niya. “Pero puwede nating subukang baguhin kung paano ka nito naaapektuhan.”
Inilapag niya ang kawali sa kalan.
“Hindi natin lulutuin ang alaala para burahin ito. Lulutuin natin ang takot para matulungan kang mabawi ang lakas na nawala sa iyo.”
Binuksan niya ang isang garapon na walang label.
Pag-angat pa lamang ng takip, kumalat na sa kusina ang kakaibang amoy ng dishwashing liquid, pawis, at malamig na takot.
Napapikit si Athena.
Kumunot ang noo ni Nico.
“Ano ang laman niyan?” tanong niya.
“Isang alaala mula sa isang OFW na dumating dito dalawang taon na ang nakalipas,” sagot ni Mara.
Maingat niyang hinawakan ang garapon.
“Bago siya umalis, sinabi niyang sana raw ay makatulong ito sa mga susunod na taong makararanas ng katulad ng pinagdaanan niya.”
Tumingin siya kay Athena.
“Para sa mga susunod na katulad ko, iyon ang sabi niya.”
Napailing si Athena.
“Hindi ko po deserve na tulungan ninyo ako.”
Huminto si Mara.
Saglit na bumalik sa kanyang isip ang mga alaalang matagal niyang pilit tinatakasan—ang kamay ng kanyang ama, ang sakit, at ang takot na wala siyang mapupuntahang ligtas.
Alam niya kung ano ang pakiramdam ng maniwalang baka kasalanan niya ang lahat.
“Walang sinumang dapat makaranas ng ganoong klaseng sakit, Ate,” mahinahon niyang sagot. “At hindi mo kailangang patunayan na karapat-dapat kang tulungan.”
Dahan-dahan niyang ibinuhos ang laman ng garapon sa kawali.
Hissss.
Biglang umakyat ang usok mula sa kawali.
Hindi ito itim.
Kulay abo ito—makapal at mabigat, na para bang may dalang mga salitang matagal nang ikinulong sa loob ng dibdib ng isang tao.
Napaatras si Athena nang bahagya.
Sa loob ng usok, tila may mga aninong gumagalaw.
Mga aninong hindi niya gustong makita.
Mga alaalang pilit niyang iniiwasang balikan.
Kumuha si Mara ng isa pang maliit na garapon mula sa estante.
May nakasulat dito:
TAPANG NG NANAY — 1986
“Ito ang panimpla,” sabi niya.
Binuksan niya ang garapon at maingat na idinagdag ang laman nito sa kawali.
Unti-unting nagsimulang kumulo ang laman.
Blup.
Blup.
Blup.
Sa bawat pagputok ng bula, bahagyang gumagalaw ang usok, na para bang may tinig na pilit kumakawala mula sa loob nito.
Kinuha ni Mara ang blangkong libro at binuksan iyon sa Pahina 4.
Inilapag niya ang libro sa harap ni Athena, kasama ang isang panulat.
“Isulat mo ang lahat ng ginawa niya sa iyo.”
Tahimik na nakatitig si Athena sa blangkong pahina.
“Lahat ng sinabi niya,” dagdag ni Mara. “Pati iyong mga gabing hindi ka makatulog. Iyong mga sandaling gusto mong umiyak pero pinili mong manahimik dahil natatakot kang may makarinig sa iyo.”
Nanginginig ang mga daliri ni Athena habang inaabot ang panulat.
“Paano kung hindi ko kayang isulat ang lahat?”
“Hindi mo kailangang tapusin agad,” sagot ni Mara. “Isulat mo lang ang kaya mo. Magpahinga ka kapag kailangan mo.”
Tumingin siya kay Athena.
“Hindi mo kailangang saktan ulit ang sarili mo para mapatunayan na nasaktan ka.”
Matagal na tinitigan ni Athena ang papel.
Pagkatapos, nagsimula siyang magsulat.
Pinalo.
Huminto siya.
Huminga nang malalim.
Sinigawan.
Muling gumalaw ang panulat.
Pinagbawalan akong kumain.
Nanginig ang kanyang mga daliri, pero nagpatuloy siya.
Tinawag akong bobo.
Tumulo ang luha sa pahina.
Pinunasan niya ang kanyang mga mata gamit ang manggas bago isinulat ang huling pangungusap.
Miss na miss ko ang anak ko.
Pagkatapos niyon, tuluyan nang bumigay ang kanyang mga luha.
Hindi siya pinigilan ni Mara.
Hindi rin niya sinabing huwag umiyak.
Nanatili lamang siya sa tabi ni Athena, tahimik na naghihintay hanggang sa maging handa itong magpatuloy.
Habang nadaragdagan ang mga salitang nakasulat sa pahina, unti-unting numinipis ang usok mula sa kawali.
Ang mga sigaw ay naging pabulong.
Ang mga bulong ay naging halos hindi marinig.
Hanggang sa tuluyan nang nanaig ang katahimikan.
Sa huli, ang natira na lamang ay ang banayad na amoy ng bawang at ang sariwang amoy ng ulan mula sa labas.
Lumipas ang tatlumpung minuto bago tuluyang ibinaba ni Athena ang panulat.
Matagal niyang tinitigan ang kanyang isinulat.
Parang ngayon lamang niya nakita ang lahat ng sakit na matagal niyang kinimkim.
Dahan-dahan siyang tumayo.
Mas tuwid na ang kanyang likod ngayon, bagaman halata pa rin ang pagod sa kanyang mukha.
“Hindi pa rin nawawala,” sabi niya.
Tumingin siya kay Mara.
“Naaalala ko pa rin ang lahat.”
Tumango si Mara.
“Hindi naman kailangang mawala agad.”
Huminga nang malalim si Athena.
“Pero...” Napahinto siya, tila nagulat sa sarili niyang napansin. “Hindi na siya sumisigaw sa isip ko.”
Saglit siyang natahimik.
“Naalala ko pa rin ang boses niya, pero parang hindi na nito kayang sakupin ang buong isip ko.”
Ngumiti si Mara.
Pagod ang kanyang mga mata, pero totoo ang ngiti niya.
“Kasi hindi natin binura ang nangyari, Ate.”
Napatingin siya sa kawali.
“Sinubukan lang nating gawing simula ang sakit mo, hindi katapusan ng buhay mo.”
Hindi agad nakasagot si Athena.
Sa halip, niyakap niya ang sarili niya at huminga nang malalim.
Sa unang pagkakataon mula nang makauwi siya, nakahinga siya nang hindi pakiramdam na kailangan niyang magmadali.
Kinuha niya ang maleta at dahan-dahang naglakad patungo sa p***o.
“Salamat,” sabi niya.
Bago lumabas, lumingon siya kay Mara.
“Babalik ako bukas.”
Bahagya siyang ngumiti.
“Dadalhin ko ang anak ko. Gusto kong turuan siyang magluto.”
Napangiti rin si Mara.
“Sige, Ate. Hihintayin namin kayo.”
Lumabas si Athena ng bahay.
At sa mismong sandaling iyon, tuluyang sumikat ang araw.
Nakatayo lamang si Nico sa harap ng kalan.
Nakatitig siya sa kawali.
Malinis na ito.
Wala nang usok. Wala na ring kakaibang amoy na kanina lamang ay bumalot sa buong kusina.
“Gumana,” bulong niya.
Tumingin siya kay Mara.
“Yung bagong recipe mo.”
Huminga siya nang malalim, na para bang kailangan niyang marinig ang sarili niyang sabihin iyon nang dalawang beses bago siya maniwala.
“Talagang gumana.”
Tumango si Mara.
Ngunit bago pa siya makapagsalita, bigla siyang napahawak sa kanyang kamay.
May bago na namang itim na guhit sa kanyang balat.
Maliit lamang iyon, pero malinaw.
Nakita rin iyon ni Nico.
Unti-unting nawala ang tuwa sa mukha nito.
“May kapalit pa rin,” sabi niya.
Itinuro niya ang kamay ni Mara.
“Hindi man natin binura ang alaala, may bahagi pa rin ng sakit na napupunta sa iyo.”
Tinitigan ni Mara ang itim na guhit.
Hindi niya alam kung ano ang eksaktong ibig sabihin nito. Hindi rin niya alam kung gaano karaming guhit ang kaya niyang dalhin bago tuluyang maningil ang bahay.
Pero nang tumingin siya sa bintana, may nakita siyang batang naglalaro sa labas.
Tumatawa ito habang hinahabol ang isang bagay sa kalsada.
Walang bigat sa kanyang mga kilos.
Walang takot sa kanyang tawa.
Napaisip si Mara kung ilang tao ang katulad ni Athena—mga taong patuloy na lumalaban kahit walang nakaaalam sa bigat na dinadala nila.
“Kung iyon ang kapalit para matulungan silang makabangon,” sabi niya, “haharapin ko.”
Lumapit si Nico at hinawakan ang kamay niya.
Hindi niya pinunasan ang itim na guhit.
Hindi niya sinubukang alisin iyon.
Hinawakan lamang niya ang kamay ni Mara, na para bang nais niyang ipaalala rito na hindi nito kailangang harapin ang lahat nang mag-isa.
“Hindi mo kailangang akuin ang sakit ng lahat,” mahinang sabi ni Nico.
Tumingin si Mara sa kanya.
“Alam ko.”
“Kung alam mo, huwag mong kalimutang may hangganan ka rin.”
Sandaling natahimik si Mara.
Pagkatapos, bahagya siyang tumango.
Sa pagkakataong ito, hindi siya nangakong kakayanin niya ang lahat.
Nangako lamang siyang susubukan niya—at matututo siyang humingi ng tulong kapag hindi na niya kaya.
Binitiwan ni Nico ang kamay niya at bumalik sa lumang kahon.
“May kailangan kang makita.”
Kumuha siya ng isang lumang papel.
“History Fragment. 1986.”
Napatingin si Mara.
“1986?”
Tumango si Nico.
“EDSA.”
Dahan-dahan niyang iniladlad ang papel.
“May isang inang nagtago rito kasama ang anak niya sa loob ng tatlong araw. Natatakot silang matagpuan ng mga sundalo.”
Napakunot ang noo ni Mara.
“Dito mismo?”
“Dito mismo.”
Sinundan ni Nico ng daliri ang kupas na sulat bago nagsimulang magbasa.
Itinago ko si Junjun sa ilalim ng mesa.
Takot na takot siya. Hindi siya makatulog at halos hindi makapagsalita.
Wala akong alam na paraan para mapanatag siya. Wala akong maibigay na pangakong magiging ligtas kami kinabukasan.
Kaya sinabi ko sa kanya, 'Anak, magluto tayo. Para may magawa tayo habang naghihintay.'
Naghanap kami ng mga sangkap sa kusina.
Nagluto kami ng adobo kahit halos walang karne.
Hindi nawala ang takot namin. Nandoon pa rin ang panganib sa labas.
Pero habang naghahanda kami ng pagkain, unti-unting kumalma si Junjun.
Sa unang pagkakataon nang gabing iyon, nakatulog siya.
Dahan-dahang ibinaba ni Nico ang papel.
Matagal na nakatitig si Mara sa mga nakasulat.
“Ganoon pala,” bulong niya.
Tumingin siya sa kawali.
“Hindi pala kailangang mawala ang takot para makahanap tayo ng paraan na magpatuloy.”
Tumango si Nico.
“Siguro, iyon ang matagal nang sinusubukang ituro sa atin ng bahay.”
Napatingin si Mara sa kanya.
“Pero nakalimutan na nito kung paano tumulong nang hindi kumakain ng sakit.”
“Kung ganoon,” sagot ni Nico, “baka kailangan nating turuan ulit.”
Sa unang pagkakataon nang umagang iyon, ngumiti si Mara nang walang halong takot.
Kinuha niya ang libro at binuksan iyon sa Pahina 4.
Maingat niyang isinulat ang mga salitang matagal na niyang pinag-iisipan.
Naglingkod.
Nagluto.
Hindi para kalimutan.
Para maalala nang tama.
Nagbago.
Nagligtas.
Matagal niyang tinitigan ang huling salita.
Nagligtas.
Hindi lamang si Athena ang nais niyang tulungan.
Gusto rin niyang iligtas ang bahay mula sa gutom na unti-unting sumisira rito.
At marahil, sa proseso, maililigtas din niya ang sarili niya mula sa paniniwalang ang tanging paraan para makaligtas ay ang tumakas.
Sa labas, muling umalingawngaw ang tawa ng batang naglalaro.
Sa loob ng bahay, nanatiling tahimik ang mga dingding.
Wala nang pagkalansing ng mga garapon.
Wala nang mabigat na paghinga mula sa kisame.
Ngunit hindi pa rin lubos na kampante si Mara.
Dahil alam niyang ang katahimikan ng bahay ay hindi nangangahulugang ligtas na sila.
Maaaring nagbabago ang bahay.
Maaaring natututo itong mabuhay nang hindi kumakain ng sakit.
Pero may mga lihim pa itong hindi ibinubunyag.
At sa bawat bagong customer na dumarating, maaaring may isa pang alaalang magbubukas sa pintuan ng nakaraan.
Sa pagkakataong ito, gayunman, hindi na lamang paglimot ang hahanapin ni Mara.
Hahanapin niya ang paraan para maghilom.
Kahit pa ang bahay mismo ang pinakamahirap nilang pagalingin.
Nagbabasa ka parin ba hanggang dito? woah, lodi! Anyway, suggest naman kayo kung ano magandang tawag sa inyo na mga reader ko. THANK YOU AND KEEP READING, mwauh!
"Not every memories needs to be erased. Sometimes, we simply need to learn how to live without being afraid of them."[DAY 4 — 9:00 A.M. — GINGOOG CITY]Hindi na umulan pero basa pa rin ang kalsada. Nakasabit pa sa mga bubong ang tubig-ulan, at paminsan-minsan ay may patak na nahuhulog sa lupa.Nakaupo si Mara sa kusina, abala sa pagsusulat sa kanyang libro. Nasa Pahina 4 na siya.Naglingkod.Nagluto.Hindi para kalimutan.Para maalala nang tama.Nagbago.Matagal niyang tinitigan ang huling salitang isinulat niya.Nagbago.Hindi pa niya alam kung tunay ngang nagbago ang bahay o kung sandali lamang itong nagpapanggap na maamo. Pero matapos ang nangyari kagabi, alam niyang hindi na niya kayang bumalik sa dati.Sa tapat niya, tahimik na nagbabalat ng bawang si Nico.Hindi ito nagsasalita.Mula nang baguhin ni Mara ang recipe, parang may kung anong nagbago sa kanilang dalawa. Mas madalas nang mapatingin si Nico sa mga dingding. Paminsan-minsan, napapatigil din ito sa ginagawa, na para ban
“Not forgetting anymore. Healing.”10:43 P.M. — KUSINAPatay na ang kalan.Pero mainit pa rin ang kawali.Nakasandal si Mara sa pader, nakaupo sa sahig. Nakatingin siya sa kamay niyang may itim na guhit, parang bakas ng isang paso.Hindi naman masakit pero naroon pa rin.Umupo si Nico sa tapat niya. May dala siyang dalawang tasa ng kape.Parehong itim.Walang asukal.“Hindi ka pa matutulog?” tanong ni Nico.Napailing si Mara.“Paano ako matutulog? Paulit-ulit pa rin sa isip ko ang boses ni Andrei.”Napapikit siya.Ma’am... lapis ko po.Muling umalingawngaw sa isip niya ang mahinang boses ng bata.Huminga siya nang malalim, pero hindi sapat iyon para mawala ang bigat sa dibdib niya.Tumango si Nico bago humigop ng kape.“Ganoon din ang nangyari sa akin noong una kong customer,” sabi niya. “Isang matandang babae. Gusto niyang kalimutan ang asawa niya. Limampung taon silang nagsama.”Sandali siyang natahimik, para bang may alaala siyang ayaw nang balikan pero hindi pa rin tuluyang makali
"Here, we don't erase what happened. We just cook it. So, it stop hurting every time you remember."It was morning.But there was no sunlight.Last night’s rain still clung to the roof, dripping steadily, over and over, as if someone inside the house were counting the seconds.Mara was awake before the lights had fully come on.She still wasn’t used to the bed.For three nights, she had been sleeping in the armchair, and somehow, her body had learned that it was the only place where she was safe.Nico was already in the kitchen.He always was.Apron. White shirt. Old burn scars across his hands as he chopped onions that didn’t seem to make him cry.“Good morning,” Nico said without looking back. “We have a customer later. Ten o’clock.”Mara walked toward the stove.The smell of coffee filled the kitchen.Not the kind of coffee you simply drank.This was the kind you only had to smell to feel, for a moment, that maybe you didn’t have to cry.“What’s hurting her?” Mara asked.Nico washe
"To forget your pain, you must first cook it.""Anong pangalan niyo, Lola?" tanong ni Nico. Iyong magalang na tono at professional."Aling Rosa," sagot ng matanda. Hinawakan niya yung payong niya. Mahigpit."60 years na akong may dala-dala.""Ano pong gusto niyong kalimutan?"Umiyak si Aling Rosa. Iyong iyak na walang tunog at patak lang ng luha ang makikita sa mga mata nito."Yung anak ko," bulong niya. "Namatay sya twenty years ago. Naaksidente siya. Pero tuwing Pasko, hinahanap ko siya sa palengke. At tuwing birthday niya, nagluluto ako ng paborito niyang pagkain. Pagod na ko, anak. Pagod na kong maalala sya."Lumapit si Nico sa estante. Kumuha siya ng isang libro. Asul. Manipis. At may pamagat na Uwi."Inyo na po to," sabi niya. Inilapag sa harap ni Aling Rosa. "120 pages. Basahin niyo. Hanggang dulo.""Magkano 'to?" tanong niya."Wala pong bayad ito pero kailangan niyo pong magbahagi ng isang alaala," sabi ni Nico. "Yung pinakamasaya. Iyon po ang magiging kapalit."Napapikit si A
"She woke up in a house that cooks memories fo breakfast"Nagising si Mara sa tunog ng kutsara na dumadampi sa tasa.Clink. Clink. Clink.Mabagal. Parang metronome. Parang binibilang yung paghinga niya.Dilaw pa rin yung ilaw. Yung amoy ng kape mas malakas na ngayon. Hindi barako. Hindi 3-in-1. Ito yung amoy ng kape na may gatas, may konting asukal, at may... lungkot?Nakaupo pa rin siya sa tabi ng bintana. Nakatungo sa dibdib niya yung ulo.Sa kandungan niya, wala na yung libro. Takas. Nasa estante na ulit. Sa gitna. Parang naka-display."Gising ka na," sabi ni Nico.Nasa kusina siya. Likod lang yung nakikita ni Mara. Naka-white shirt pa rin. Nagbubuhos ng mainit na tubig sa isang tasa."Anong oras na?" tanong ni Mara. Puno ng laway at pagod yung boses niya."Umaga na sa labas," sabi ni Nico. "Pero dito... dito walang oras."Tumayo si Mara. Masakit yung batok. Masakit yung dibdib. Hindi dahil sa puyat. Dahil sa mga alaala nawala.Sinubukan niyang alalahanin ulit yung tatay niya sa bu
" She ran from the people chasing her. She didn't know the house ask for more."Pahina 5.Pahina 6.Habang nagbabasa si Mara, pakiramdam niya ay unti-unti siyang hinihigop papasok sa mga pahina.Hindi na lamang mga letra ang mga salita.Naging mga daan ang mga ito.Naging ulan.Naging tunog ng sarili niyang mga yabag habang humahampas ang mga paa niya sa putik kanina.Sa pahina 7, nagtago ang babae sa isang eskinita. Amoy ihi at basura roon. Pero mas ligtas pa rin iyon kaysa sa labas.Totoo iyon.Doon mismo siya nagtago kanina.Sa pahina 8, narinig niya ang boses ng lalaking humahabol sa kanya.“Lalabas ka rin.”Iyon mismo ang sinabi sa kanya ni Roger sa telepono noong nakaraang linggo.Mas hinigpitan ni Mara ang pagkakahawak sa libro.Bakit?Bakit nakasulat dito ang buhay niya?Tumingin siya kay Nico.Patuloy pa rin itong nagsusulat na para bang walang kakaibang nangyayari.“Nico,” mahinang tawag ni Mara.“Hmm?”Hindi ito tumingala.“Bakit... bakit nandito ang kuwento ko?”Doon lama







