Home / Mystery/Thriller / THE HOUSE THAT EATS MEMORIES / CHAPTER 3.2 THE RECIPE CHANGES

Share

CHAPTER 3.2 THE RECIPE CHANGES

last update publish date: 2026-10-10 21:48:50

 

“Not forgetting anymore. Healing.”


10:43 P.M. — KUSINA

Patay na ang kalan.

Pero mainit pa rin ang kawali.

Nakasandal si Mara sa pader, nakaupo sa sahig. Nakatingin siya sa kamay niyang may itim na guhit, parang bakas ng isang paso.

Hindi naman masakit pero naroon pa rin.

Umupo si Nico sa tapat niya. May dala siyang dalawang tasa ng kape.

Parehong itim.

Walang asukal.

“Hindi ka pa matutulog?” tanong ni Nico.

Napailing si Mara.

“Paano ako matutulog? Paulit-ulit pa rin sa isip ko ang boses ni Andrei.”

Napapikit siya.

Ma’am... lapis ko po.

Muling umalingawngaw sa isip niya ang mahinang boses ng bata.

Huminga siya nang malalim, pero hindi sapat iyon para mawala ang bigat sa dibdib niya.

Tumango si Nico bago humigop ng kape.

“Ganoon din ang nangyari sa akin noong una kong customer,” sabi niya. “Isang matandang babae. Gusto niyang kalimutan ang asawa niya. Limampung taon silang nagsama.”

Sandali siyang natahimik, para bang may alaala siyang ayaw nang balikan pero hindi pa rin tuluyang makalimutan.

“Pagkatapos kong magluto para sa kanya, tatlong araw akong hindi nakapagsalita.”

Napatingin si Mara sa kanya.

“Bakit?”

Dahan-dahang ibinaba ni Nico ang tasa.

“Kasi sa isang kulo lang ng kawali, naramdaman ko ang limampung taon nilang pagsasama.”

Napatingin siya sa kawaling nakapatong sa kalan.

“Lahat ng saya nila. Lahat ng away. Lahat ng gabing magkatabi silang natulog. Pati iyong mga sandaling wala silang kailangang sabihin dahil sapat nang magkasama sila.” Napayuko siya.

“Parang naging akin ang lahat ng iyon.”

Muling nanahimik ang dalawa.

Ang bahay lang ang patuloy na gumagawa ng ingay.

Lumalagitik ang mga kahoy sa dingding at sahig, na para bang may kung anong humihinga sa loob ng mga ito.

“Si Lola Celia...” mahinang sabi ni Mara. “Paano niya naisipang gawin ang lahat ng ito?”

Inilapag ni Nico ang tasa niya.

Tumayo siya at yumuko sa ilalim ng mesa. Maya-maya, inilabas niya ang isang lumang kahon na nababalot ng alikabok.

May kandado iyon.

Pero hindi na nakasara.

“Kailangan mong makita ito,” sabi niya.

Tumingin siya kay Mara.

“Para maintindihan mo kung bakit ka dinala ng bahay na ito rito.”

Binuksan ni Nico ang kahon at kumuha ng isang lumang papel. Dilaw na ang mga gilid nito, at halos hindi na mabasa ang kupas na tinta.

Sa itaas, may nakasulat na:

HISTORY FRAGMENT #1: 1954

Gingoog City. Dalawang taon matapos ang digmaan.

“Dalawampu't dalawang taong gulang pa lang si Lola Celia noon,” paliwanag ni Nico habang sinusundan ng daliri ang mga nakasulat sa papel. “Bagong kasal. Bagong bahay. Bagong buhay.”

Huminto siya sandali bago nagpatuloy.

“Hanggang sa dumating ang kapitbahay niya. Isang inang may tatlong anak.”

Napabuntong-hininga siya.

“Namatay sa digmaan ang asawa nito.”

Tumingin si Mara sa papel.

“Ito ang isinulat ni Lola Celia.”

Inayos ni Nico ang hawak niya at nagsimulang magbasa.

Pumunta siya rito isang hapon, umiiyak.

'Celia, pakikuha naman ang sakit ko. Hindi ko na kaya.'

Wala akong maibigay sa kanya. Wala akong pera. Wala akong gamot. Wala akong alam na paraan para matulungan siyang makabangon.

Kaya nagluto ako.

Kinuha ko ang alaala ng unang halik namin ng asawa ko, noong buhay pa siya. Nasa ilalim kami noon ng puno ng mangga. Tawa siya nang tawa dahil nahulog sa buhok niya ang isang dahon.

Niluto ko ang alaalang iyon.

At ipinakain ko sa kanya.

Pagkatapos, tumawa siya.

Sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong buwan, narinig ko siyang tumawa.

Dahan-dahang ibinaba ni Nico ang papel.

Hindi agad nakapagsalita si Mara.

“Hindi niya sinadyang gumawa ng ganitong klaseng bagay,” sabi ni Nico. “Gusto lang niyang tulungan ang isang inang hindi na alam kung paano haharapin ang buhay.”

“Pero gumana,” mahinang sagot ni Mara.

Tumango si Nico.

“Kaya gumawa siya ulit. Pagkatapos, isa na naman.”

Tumingin siya sa paligid.

“Hanggang sa dumami ang mga taong pumupunta rito. Lahat may dalang sakit. Lahat gustong gumaan ang pakiramdam, kahit sandali lang.”

Sandali siyang natahimik.

“Hanggang sa dumating ang panahong hindi na niya kayang itigil.”

Tahimik na nakatitig si Mara sa lumang papel.

“Ibig sabihin...” Mahina ang boses niya. “Hindi siya masama?”

Umiling si Nico.

“Hindi. Sa tingin ko, nagsimula siyang tumulong dahil hindi niya kayang tiisin ang paghihirap ng ibang tao.”

Napatingin siya sa kisame.

“Pero habang tumatagal, natuto ang bahay. Natuto itong kumain. Natuto itong humingi.”

Napahigpit ang hawak ni Mara sa laylayan ng damit niya.

“At ngayon, hindi na lang alaala ang gusto nito.”

Hindi sumagot si Nico.

Sa katahimikang iyon, parang narinig ni Mara ang mabagal na paghinga ng bahay.

Muling inilapag ni Nico ang unang papel at kumuha ng isa pa mula sa kahon.

Mas kupas iyon kaysa sa nauna.

Sa itaas, nakasulat:

HISTORY FRAGMENT #2: 1968

Binasa niya ang laman nito.

Gutom na gutom na ang bahay.

Isang linggo nang walang customer.

Isang gabi, nagising ako at natagpuan ko ang sarili ko sa kusina.

Hindi ko alam kung paano ako nakarating doon.

Ang alam ko lang, ako ang nasa loob ng kawali.

Buti na lang at nagising si Celia.

Siya ang pumalit sa akin.

Isang taon akong hindi nakatayo.

Napalunok si Mara.

Dahan-dahan siyang napatingin kay Nico.

“Kaya ang ibig mong sabihin...”

“Kaya sinasabi kong delikado ang bahay na ito,” putol ni Nico.

Nawala ang bahagyang lambot sa mukha niya.

“Kapag hindi tayo nagluluto para sa iba...” Huminto siya at tinitigan si Mara.

“...tayo ang lulutuin.”

Nanginig ang mga daliri ni Mara.

Hindi niya alam kung dahil sa takot o dahil sa malamig na hanging biglang dumaan sa kusina.

Dahan-dahan siyang tumayo at lumapit sa estante.

Naroon ang blangkong libro.

Binuksan niya iyon sa Pahina 2.

Takas.

Naglingkod.

Ano ang susunod?

Magbabayad?

O mananatili?

Nakatayo si Mara sa harap ng mga pahina nang maramdaman niya ang presensya ni Nico sa likuran niya.

Hindi siya hinawakan nito.

Pero ramdam niya ang init ng taong nakatayo ilang hakbang lamang ang layo sa kanya.

“Hindi mo kailangang magbayad, Mara,” sabi ni Nico.

Dahan-dahan siyang lumingon.

“Kung ganoon, ano ang gusto ng bahay?”

“Hindi ko alam kung ano ang gusto ng bahay.”

Sandaling nagkatinginan ang dalawa.

“Pero alam ko kung ano ang kailangan mong piliin.”

“Ano?”

“Kung aalis ka o mananatili.”

Napatawa nang mahina si Mara, pero walang saya sa tunog nito.

“Madali lang sabihin  kapag hindi ikaw ang kailangang mamili.”

“Sa tingin mo ba, hindi ko ginawa ang pagpiling iyan?”

Hindi agad nakasagot si Mara.

Napatingin siya sa mga itim na guhit sa kamay niya.

“Ten years ka na rito,” sabi niya. “Bakit hindi ka umalis?”

Napangiti si Nico, pero hindi umabot sa mga mata niya.

“Kasi wala na akong uuwian.”

Tumahimik siya sandali.

“Matagal ko nang naibayad ang lahat ng mayroon ako.” Napatingin siya sa mga garapon sa estante.

“Ang mga alaala ko sa nanay ko. Sa tatay ko. Sa kapatid ko.” Napalunok siya.

“Pati ang huling araw na magkakasama kami bago masunog ang bahay namin.” Sandaling napapikit si Nico.

“Lahat, Mara. Isa-isang nawala.” Nang muli siyang dumilat, nakatitig na siya sa isang garapon sa sulok.

“Kapag lumabas ako rito, ano na lang ang matitira sa akin?”

Walang maisagot si Mara.

“Sino na lang ako kung pati ang mga alaalang bumuo sa akin ay wala na?”

Muling bumalik ang katahimikan.

Pagkaraan ng ilang sandali, si Nico naman ang tumingin sa kanya.

“Pero ikaw, may uuwian ka pa.”

Umiling si Mara.

“Kahit masakit. Kahit may tatay kang naghahabol sa iyo. May buhay ka pa sa labas ng bahay na ito.”

“Wala na.” Mabilis na lumabas ang mga salitang iyon sa bibig ni Mara.

“Sinunog ko na ang lahat noong tumakas ako.”

Hindi iyon totoo.

Pero kung paulit-ulit niyang sasabihin sa sarili niya, baka balang araw ay maniwala na rin siya.


11:30 P.M.

Tok.

Isang katok.

Mahina, pero sapat para mapatigil ang kanilang pag-uusap.

Nagkatinginan sina Mara at Nico.

“Wala tayong customer na dumarating nang ganitong oras,” sabi ni Nico.

Tumayo siya at dumukot ng kutsilyo mula sa tabi ng lababo.

Hindi niya iyon hawak para manakit.

Gusto lang niyang may maipangdepensa sa sarili kung sakaling may panganib sa labas.

Dahan-dahang lumapit si Mara sa p***o.

Hindi niya alam kung bakit, pero may kung anong nagtutulak sa kanyang buksan iyon.

Kaya hinawakan niya ang seradura at itinulak ang p***o.

Isang bata ang nakatayo sa labas.

Labing-isang taong gulang, marahil.

Basang-basa ang damit. Wala siyang payong, at nakadikit sa noo niya ang basang buhok.

“Anak?” tanong ni Mara.

Tumingala ang bata.

May kung anong pamilyar sa mga mata nito.

Hindi niya maipaliwanag kung ano.

“Ma'am,” sabi ng bata.

Nanlamig ang mga daliri ni Mara sa pagkakahawak sa p***o.

“Nahulog po yung lapis ko.”

Nabitawan niya ang seradura.

Sa isang iglap, bumalik sa isip niya ang mukha ni Andrei.

Ang boses nito.

Ang mga salitang paulit-ulit na bumabagabag sa kanya.

Ma'am... lapis ko po.

Pero hindi si Andrei ang batang nasa harap niya.

Hindi ito multo.

Hindi rin ito ang alaala ng batang minsan nang dumaan sa kanyang buhay.

Isa itong ibang bata.

Isang bagong customer.

Pero bakit ganoon na lamang kasakit ang pakiramdam niya?

“Pasok ka muna,” sabi ni Nico mula sa likuran niya.

Mahigpit ang boses nito habang sinusuri ang bata.

“Bakit ka nag-iisa sa ganitong oras?”

Tahimik na pumasok ang bata at naupo sa armchair sa sala.

Magkadikit ang mga tuhod niya, at mahigpit niyang hawak ang laylayan ng basang damit.

“Hinahanap ko po ang bahay ni Lola Celia,” sabi niya.

Tumingin siya kay Mara.

“Sabi po ni Nanay, dito raw puwedeng magpalimot.”

Nagkatinginan sina Mara at Nico.

May kakaibang bigat sa salitang magpalimot.

Parang isa itong pamilyar na dasal na matagal nang naririnig ng bahay.

Dahan-dahang lumapit si Mara sa bata.

“Ano ang gusto mong kalimutan?”

Napayuko ito.

“Yung pagkahulog ko po sa hagdan.”

Sandali siyang natahimik bago nagpatuloy.

“Masakit po.”

Walang gumalaw sa loob ng bahay.

Pati ang mga kahoy sa dingding ay tila tumigil sa paglangitngit.

Hindi si Andrei ang batang ito.

Alam iyon ni Mara.

Pero ang takot na nakita niya sa mga mata nito ay kapareho ng takot na naiwan sa kanya ng alaala ng unang bata.

“Imposible,” bulong ni Nico.

Namumutla siya habang nakatitig sa bata.

“Patay na si Andrei.”

Napatingin si Mara sa kanya.

“Hindi siya si Andrei.”

“Alam ko.”

“Kung ganoon, bakit—”

“Dahil buhay pa ang sakit na iniwan niya,” putol ni Nico.

Natahimik si Mara.

Dahan-dahan siyang napatingin sa mga garapon sa estante. Pagkatapos, sa kawali. At sa huli, sa kamay niyang may itim na guhit.

May kung anong nagbago sa loob niya.

Hindi man nawala ang takot, hindi na iyon ang nangingibabaw.

Lumapit siya sa bata at lumuhod sa harap nito upang magpantay ang kanilang mga mata.

“Anak, hindi kita matutulungang burahin ang alaala mo.”

Tumingin sa kanya ang bata.

“Bakit po?”

Dahan-dahang ngumiti si Mara.

“Dahil hindi mo kailangang kalimutan ang lahat para gumaan ang pakiramdam mo.”

Bahagyang kumunot ang noo ng bata.

“Pero masakit po.”

“Alam ko.”

Inabot ni Mara ang kamay nito.

“Hindi ko maipapangakong mawawala agad ang sakit. Pero puwede kitang tulungang matutong harapin iyon.”

Sandali siyang natahimik bago tumayo at kunin ang blangkong libro.

Binuksan niya iyon sa Pahina 3.

“Halika. Subukan natin ang ibang paraan.”

Inilapag niya ang libro sa mesa at iniabot sa bata ang isang panulat.

“Isulat mo rito ang mga bagay na kinatatakutan mo. Kahit ano. Hindi mo kailangang magmadali.”

Nag-alangan ang bata.

“Pagkatapos po?”

“Pagkatapos, lulutuin natin ang isinulat mo.”

Napatingin si Nico sa kanya.

“Mara, ano'ng ginagawa mo?”

Hindi lumingon si Mara.

“Sinusubukan kong baguhin ang recipe.”

“Hindi ganoon kasimple ang lahat.”

“Alam ko.”

Huminga siya nang malalim.

“Pero paano kung hindi natin kailangang burahin ang alaala para gumaan ang pakiramdam ng isang tao?”

Muli siyang tumingin sa bata.

“Paano kung matulungan natin siyang harapin ang nangyari, sa halip na turuan siyang kalimutan iyon?”

Natahimik si Nico.

Kinuha ng bata ang panulat.

At nagsimulang magsulat.

Mabagal sa una.

Paminsan-minsang humihinto, na para bang hinahanap niya ang mga salitang hindi niya kayang sabihin nang malakas.

Pero nagpatuloy siya.

Habang nadaragdagan ang mga salitang nakasulat sa pahina, nagsimulang kumulo ang laman ng kawali.

Napalingon si Mara.

May usok na umaakyat mula rito.

Pero iba na ang kulay.

Hindi na itim.

Puti.

Manipis at magaan, na para bang unti-unting lumuluwag ang isang buhol na matagal nang nakatali sa loob ng kusina.

Nang matapos ang bata, dahan-dahan niyang ibinaba ang panulat.

Tumingin siya sa isinulat niya.

Pagkatapos, tumingala siya kay Mara.

May maliit na ngiti sa kanyang labi.

Hindi dahil nakalimutan niya ang nangyari.

Kundi dahil sa unang pagkakataon, naramdaman niyang maaari niya iyong ikuwento nang hindi nag-iisa.

“Salamat po, Ma'am.”

Tumayo ang bata at naglakad patungo sa p***o.

Hindi siya pinigilan ni Mara.

Bago lumabas, lumingon pa ito at ngumiti.

Pagkasara ng p***o, biglang humina ang ulan.

Maya-maya, tumigil na rin ang patak ng tubig sa bubong.


12:01 A.M.

Nakatayo lamang si Nico sa tabi ng kalan.

Nakatitig siya sa kawali.

Malinis na iyon.

Walang natirang bakas ng usok o ng kung anong kanina lamang ay kumukulo sa loob nito.

“Ano iyon?” tanong niya.

Lumapit si Mara at tumingin din sa kawali.

“Eksperimento.”

“Eksperimento?” Napailing si Nico. “Mara, hindi tayo naglalaro rito. Alam mo kung ano ang kayang gawin ng bahay na ito.”

“Alam ko.”

“Kung gayon, bakit mo ginawa?”

Saglit na natahimik si Mara.

Pagkatapos, itinaas niya ang kamay niyang may itim na guhit.

“Dahil baka may iba pa tayong puwedeng gawin.”

Tumingin siya kay Nico.

“Paano kung hindi natin kailangang burahin ang mga alaala para mapagaan ang sakit na dala ng mga ito?”

Hindi sumagot si Nico.

“Paano kung puwede nating gamitin ang mga ito para matutong maging matatag ang isang tao?”

Napatingin si Mara sa blangkong libro.

“Baka puwede nating lutuin ang takot. Hindi para mawala ang nangyari, kundi para hindi na nito kontrolin ang buhay natin.”

Dahan-dahan siyang huminga.

“Baka hindi na kailangang magutom ang bahay kung matututo tayong magpagaling sa halip na magpalimot.”

Lumapit si Nico.

Maingat niyang hinawakan ang kamay ni Mara, ang kamay na kanina pa may itim na guhit.

Pagkatapos, bigla siyang natigilan.

“Mara...”

“Ano?”

Nakatitig siya sa kamay nito.

“Nawawala.”

Napatingin si Mara sa sariling palad.

Ang itim na guhit ay unti-unti nang kumukupas.

Hindi ito biglang naglaho. Dahan-dahan itong humina, hanggang sa halos hindi na makita.

Parang may kung anong matagal nang nakadikit sa kanya ang sa wakas ay nagsimulang bumitaw.

Tumingin siya kay Nico.

“Kaya ko ito.”

Hindi niya alam kung gaano kalaki ang pagbabagong kailangan nilang harapin. Hindi rin niya alam kung papayagan ba sila ng bahay na baguhin ang mga patakaran nito.

Pero sa unang pagkakataon, mayroon siyang gustong gawin na hindi nagmumula sa takot.

“Turuan mo ako,” sabi niya.

Bahagyang kumunot ang noo ni Nico.

“Turuan kang magluto?”

Umiling si Mara.

“Hindi para magluto ng limot.”

Huminga siya nang malalim.

“Para magluto ng tapang.”

Matagal siyang tinitigan ni Nico.

Pagkatapos, sa unang pagkakataon matapos ang sampung taon, ngumiti siya nang hindi dahil may customer siyang kailangang paglingkuran.

Isang maliit na ngiti.

Totoo.

“Sige,” sabi niya.

“Bukas.”

Bahagyang napangiti si Mara.

“Bukas?”

Tumango si Nico.

“Tatlumpung customer.”

Nawala ang ngiti niya nang bahagya, at napalitan iyon ng seryosong tingin.

“Kung gagawin natin ito, kailangan nating tulungan ang bawat isa sa kanila. Hindi natin puwedeng basta baguhin ang recipe at umasang walang mangyayaring masama.”

Tumango si Mara.

“Alam ko.”

“Hindi lahat ng takot kayang mawala sa isang gabi.”

“Kung ganoon, hindi natin sila mamadaliin.”

Napatingin si Nico sa kanya.

“Tutulungan natin silang matutong humarap sa sarili nilang mga alaala,” pagpapatuloy ni Mara. “Hindi para tumakas sa mga iyon, kundi para makapagpatuloy sila.”

Saglit na natahimik si Nico bago tumango.

“Kung ganoon, magsisimula tayo bukas.”

Bumalik si Mara sa mesa.

Kinuha niya ang panulat at muling binuksan ang libro sa Pahina 3.

Matagal niyang tinitigan ang mga salitang isinulat niya kanina.

Pagkatapos, dahan-dahan niyang isinulat ang mga sumusunod:

Naglingkod.

Nagluto.

Hindi para kalimutan.

Para maalala nang tama.

Huminto siya sandali.

Pagkatapos, sa ilalim ng mga salitang iyon, nagdagdag siya ng isa pa.

Para maghilom.

Sa labas, nagsisimula nang mamutla ang kalangitan.

Sa loob ng bahay, unti-unting nagbago ang kulay ng ilaw.

Ang dating mapusyaw na dilaw ay napalitan ng malambot na puting liwanag.

Hindi na kasingbigat ng dati ang katahimikan.

At ang bahay...

Hindi na ito humihinga na para bang gutom na gutom.

Sa unang pagkakataon, parang may puwang sa bawat paghinga nito.

Puwang para sa isang bagong simula.

Puwang para sa pag-asa.

At marahil, para sa isang bagay na matagal na nitong nakalimutan kung paano gawin.

Ang maghilom.

Valdemoro, Claudine

Hi! Nagbabasa ka parin hanggang sa chapter na 'to? SALAMAT! Comment ka naman sa baba pang inspire ba :) Keep reading!

| Like
Continue to read this book for free
Scan code to download App
Comments (1)
goodnovel comment avatar
Reniel Salazar
grabing utak galing mag isip kung paano gumawa ng story
VIEW ALL COMMENTS

Latest chapter

  • THE HOUSE THAT EATS MEMORIES   CHAPTER 4.1 THE OFW

    "Not every memories needs to be erased. Sometimes, we simply need to learn how to live without being afraid of them."[DAY 4 — 9:00 A.M. — GINGOOG CITY]Hindi na umulan pero basa pa rin ang kalsada. Nakasabit pa sa mga bubong ang tubig-ulan, at paminsan-minsan ay may patak na nahuhulog sa lupa.Nakaupo si Mara sa kusina, abala sa pagsusulat sa kanyang libro. Nasa Pahina 4 na siya.Naglingkod.Nagluto.Hindi para kalimutan.Para maalala nang tama.Nagbago.Matagal niyang tinitigan ang huling salitang isinulat niya.Nagbago.Hindi pa niya alam kung tunay ngang nagbago ang bahay o kung sandali lamang itong nagpapanggap na maamo. Pero matapos ang nangyari kagabi, alam niyang hindi na niya kayang bumalik sa dati.Sa tapat niya, tahimik na nagbabalat ng bawang si Nico.Hindi ito nagsasalita.Mula nang baguhin ni Mara ang recipe, parang may kung anong nagbago sa kanilang dalawa. Mas madalas nang mapatingin si Nico sa mga dingding. Paminsan-minsan, napapatigil din ito sa ginagawa, na para ban

  • THE HOUSE THAT EATS MEMORIES   CHAPTER 3.2 THE RECIPE CHANGES

    “Not forgetting anymore. Healing.”10:43 P.M. — KUSINAPatay na ang kalan.Pero mainit pa rin ang kawali.Nakasandal si Mara sa pader, nakaupo sa sahig. Nakatingin siya sa kamay niyang may itim na guhit, parang bakas ng isang paso.Hindi naman masakit pero naroon pa rin.Umupo si Nico sa tapat niya. May dala siyang dalawang tasa ng kape.Parehong itim.Walang asukal.“Hindi ka pa matutulog?” tanong ni Nico.Napailing si Mara.“Paano ako matutulog? Paulit-ulit pa rin sa isip ko ang boses ni Andrei.”Napapikit siya.Ma’am... lapis ko po.Muling umalingawngaw sa isip niya ang mahinang boses ng bata.Huminga siya nang malalim, pero hindi sapat iyon para mawala ang bigat sa dibdib niya.Tumango si Nico bago humigop ng kape.“Ganoon din ang nangyari sa akin noong una kong customer,” sabi niya. “Isang matandang babae. Gusto niyang kalimutan ang asawa niya. Limampung taon silang nagsama.”Sandali siyang natahimik, para bang may alaala siyang ayaw nang balikan pero hindi pa rin tuluyang makali

  • THE HOUSE THAT EATS MEMORIES   CHAPTER 3.1 THE SECOND COSTUMER

    "Here, we don't erase what happened. We just cook it. So, it stop hurting every time you remember."It was morning.But there was no sunlight.Last night’s rain still clung to the roof, dripping steadily, over and over, as if someone inside the house were counting the seconds.Mara was awake before the lights had fully come on.She still wasn’t used to the bed.For three nights, she had been sleeping in the armchair, and somehow, her body had learned that it was the only place where she was safe.Nico was already in the kitchen.He always was.Apron. White shirt. Old burn scars across his hands as he chopped onions that didn’t seem to make him cry.“Good morning,” Nico said without looking back. “We have a customer later. Ten o’clock.”Mara walked toward the stove.The smell of coffee filled the kitchen.Not the kind of coffee you simply drank.This was the kind you only had to smell to feel, for a moment, that maybe you didn’t have to cry.“What’s hurting her?” Mara asked.Nico washe

  • THE HOUSE THAT EATS MEMORIES   CHAPTER 2.2 THE RECIPE FOR LETTING GO

    "To forget your pain, you must first cook it.""Anong pangalan niyo, Lola?" tanong ni Nico. Iyong magalang na tono at professional."Aling Rosa," sagot ng matanda. Hinawakan niya yung payong niya. Mahigpit."60 years na akong may dala-dala.""Ano pong gusto niyong kalimutan?"Umiyak si Aling Rosa. Iyong iyak na walang tunog at patak lang ng luha ang makikita sa mga mata nito."Yung anak ko," bulong niya. "Namatay sya twenty years ago. Naaksidente siya. Pero tuwing Pasko, hinahanap ko siya sa palengke. At tuwing birthday niya, nagluluto ako ng paborito niyang pagkain. Pagod na ko, anak. Pagod na kong maalala sya."Lumapit si Nico sa estante. Kumuha siya ng isang libro. Asul. Manipis. At may pamagat na Uwi."Inyo na po to," sabi niya. Inilapag sa harap ni Aling Rosa. "120 pages. Basahin niyo. Hanggang dulo.""Magkano 'to?" tanong niya."Wala pong bayad ito pero kailangan niyo pong magbahagi ng isang alaala," sabi ni Nico. "Yung pinakamasaya. Iyon po ang magiging kapalit."Napapikit si A

  • THE HOUSE THAT EATS MEMORIES   CHAPTER 2.1 THE JAR OF FORGOTTEN THINGS

    "She woke up in a house that cooks memories fo breakfast"Nagising si Mara sa tunog ng kutsara na dumadampi sa tasa.Clink. Clink. Clink.Mabagal. Parang metronome. Parang binibilang yung paghinga niya.Dilaw pa rin yung ilaw. Yung amoy ng kape mas malakas na ngayon. Hindi barako. Hindi 3-in-1. Ito yung amoy ng kape na may gatas, may konting asukal, at may... lungkot?Nakaupo pa rin siya sa tabi ng bintana. Nakatungo sa dibdib niya yung ulo.Sa kandungan niya, wala na yung libro. Takas. Nasa estante na ulit. Sa gitna. Parang naka-display."Gising ka na," sabi ni Nico.Nasa kusina siya. Likod lang yung nakikita ni Mara. Naka-white shirt pa rin. Nagbubuhos ng mainit na tubig sa isang tasa."Anong oras na?" tanong ni Mara. Puno ng laway at pagod yung boses niya."Umaga na sa labas," sabi ni Nico. "Pero dito... dito walang oras."Tumayo si Mara. Masakit yung batok. Masakit yung dibdib. Hindi dahil sa puyat. Dahil sa mga alaala nawala.Sinubukan niyang alalahanin ulit yung tatay niya sa bu

  • THE HOUSE THAT EATS MEMORIES   CHAPTER 1.2 THE HOUSE FOUND ME

    " She ran from the people chasing her. She didn't know the house ask for more."Pahina 5.Pahina 6.Habang nagbabasa si Mara, pakiramdam niya ay unti-unti siyang hinihigop papasok sa mga pahina.Hindi na lamang mga letra ang mga salita.Naging mga daan ang mga ito.Naging ulan.Naging tunog ng sarili niyang mga yabag habang humahampas ang mga paa niya sa putik kanina.Sa pahina 7, nagtago ang babae sa isang eskinita. Amoy ihi at basura roon. Pero mas ligtas pa rin iyon kaysa sa labas.Totoo iyon.Doon mismo siya nagtago kanina.Sa pahina 8, narinig niya ang boses ng lalaking humahabol sa kanya.“Lalabas ka rin.”Iyon mismo ang sinabi sa kanya ni Roger sa telepono noong nakaraang linggo.Mas hinigpitan ni Mara ang pagkakahawak sa libro.Bakit?Bakit nakasulat dito ang buhay niya?Tumingin siya kay Nico.Patuloy pa rin itong nagsusulat na para bang walang kakaibang nangyayari.“Nico,” mahinang tawag ni Mara.“Hmm?”Hindi ito tumingala.“Bakit... bakit nandito ang kuwento ko?”Doon lama

More Chapters
Explore and read good novels for free
Free access to a vast number of good novels on GoodNovel app. Download the books you like and read anywhere & anytime.
Read books for free on the app
SCAN CODE TO READ ON APP
DMCA.com Protection Status