Share

Tasha
Tasha
Author: allaboutmadness

Prologue

Kasalukuyan akong nasa isang maliit na kwarto. Nakaupo sa isang bangko habang nakaharap sa isang may kalakihang salamin. Sobrang tahimik. Nakakabinging katahimikan.

Wala sa sariling napatitig ako sa malaking salaming kaharap ko. Alam ko, sa likod ng salaming iyon ay tinitignan nila ako. Binabasa at hinuhusgahan ang buong pagkatao ko.

Madilim ang silid at ang tanging nagbibigay ilaw ay ang naninilaw ng bombilya na nasa ibabaw. Ang sakit sa mata ng ganitong ilaw nila.

Ilang araw na ba akong nakakulong sa lugar na ‘to? Hindi ko na yata maalala pa. Sa tingin ko‘y hindi lang basta araw kundi mga ilang buwan na rin ang nakalipas. 

Napabuntong hininga na lang ako. Gusto ko ng bumalik sa silid ko at matulog.

Marahan akong napalingon nang bumukas ang nag-iisang pinto sa kwartong kinalalagyan ko.

Pumasok ang isang babaeng nakasuot ng puting uniporme habang hawak sa kanang kamay nito ang iilang papel dukomento. Sa tingin ko’y naglalaman ng mga dokumentong iyon ang mga impormasyon patungkol sa akin. 

Agad siyang dumiretso sa lamesang nasa harap ko.

“Good morning, another session na naman. So how's your day, Tasha? Nakatulog ka ba nang maayos kagabi?” siyang tanong niya sa‘kin.

Napairap na lang ako saka siya walang ganang tinitigan sa mata.

Nginitian lang ako nito saka may kung anong kinuha mula sa mga dala niya. Naglabas siya ng isang ballpen at inilagay sa may gilid ng papel na hinanda nito.

“I know ayaw na ayaw mo tuwing kinakausap kita. But you have no choice, I really want to help you. And through this session mas maiintindihan kita. You need help, and ako ang makakatulong sa iyo, Tasha.”

Ni-hindi ko pa rin siya sinasagot at nanatiling nakatitig sa kan'ya. Saglit itong napatigil at napasandal sa kinauupuan nito. Nandoon pa rin ang matamis na ngiti na laging nakapaskil sa kanyang mga labi sa tuwing magkausap kami.

“Come on. Kung hindi ka magsasalita mas lalong matatagalan tayo rito. Mas lalong matatagalan ang pagpapagaling mo.”

“Wala akong sakit.” Diretsahang saad ko sa kan’ya.

Ngunit alam ko naman sa kaloob-looban ko na may hindi tama sa sarili ko. May bagay na gumagambala sa loob ko. Dahilan kaya ako nandito sa lugar na ito.

Napakibit-balikat ito saka itinukod ang braso nito sa mesang kaharap niya. 

“Well, lahat naman ata ng may sakit ganyan ang sinasabi. Doktor ako, mas ako ang nakakaalam kung anong nangyayari sa iyo.”

May parte sa akin na gusto siyang sunggaban ngayon at saktan. Naiirata na ako sa presensya niya habang tumatagal na nakatitig ako sa nakangiti niyang mukha.

Napabuntong hininga na lang ako. Saka marahang sumandal sa upuan ko. Kailangan kong pakalmahin ang sarili ko. Ang hirap gumalaw dahil na rin sa suot-suot kong straight jacket.

I have no choice. Gusto ko ng mahiga sa higaan ko. At para payagan na niya akong makabalik sa silid ko, kailangan sundin ko ang bawat sabihin niya.

 Habang tumatagal mas nag-iinit ang ulo ko habang kaharap ang doktorang ito. Tila ba para akong isang puppet na sa isang sabi niya lang, kailangan ko agad na sumunod. Nakakasakal.

“Ako si Tasha.”

Paunang salita ko sa babaeng kaharap ko ngayon. Nakaupo siya katapat lang ng pwesto ko. Nanatili lamang itong nakatitig sa akin habang hawak ang kan'yang ballpen at papel. Inoobserbahan ang aking bawat kilos, sinusulat ang aking bawat sagot.

Hindi ito nagsalita at nanatiling naghihintay sa aking susunod na sasabihin.

“Ako si Tasha Bautista Morales, dalawampu't apat na taong gulang. Pinanganak sa lungsod ng Lapulapu. Pangatlo sa limang magkakapatid. Nakapagtapos ng Bachelor of Secondary education sa isang sikat na paaralan sa Cebu. Ako ang asawa ni Kendrick Morales—”

Napatigil na lang ako sa pagsasalita ng bigla na lang siyang sumabat sa sinasabi ko.

“Si Mr. Kendrick Morales, pinatay mo siya hindi ba?”

Agad na napakuyom ang kamay ko sa tinanong niya iyon. Ang kaninang inis na nararamdaman ko‘y unti-unti na ngang napapalitan ng pagkamuhi. Ramdam kong nag-iinit ang katawan ko.

“Aminado akong baliw ako, pero kahit kailan hindi ko sinaktan o pinatay ang lalaking siyang tumanggap sa kung sino ako,” matigas kong saad sa kan’ya.

Napatango-tango naman ito saka may kung anong isinulat sa notes niya.

Prente lang siyang nakaupo sa harap ko habang nakasuot ng puting uniporme na nababagay talaga sa propesyon niya. Kita rin mula sa pwesto ko ang name plate na nakadikit sa may kanang bahagi ng uniporme nito. Nakaukit doon ang pangalan niya, Doktora Cali Vestine.

“Continue. Isaad mo lahat bakit ka napunta sa lugar na ito, Tasha. Mula sa umpisa. Gusto ko, walang labis walang kulang.”

Napayuko ako at nakita na nakasuot ako ng malaking puting jacket. Nakagapos ang manggas ng jacket sa likod ko habang ang paa ko nama'y nakakadena. Napatawa na lang ako sa isipan ko. Gan'yan ba kayo katakot sa tulad ko?

Takot na takot ba kayo sa maaaring gawin ko? Hindi ang tulad ko ang dapat niyong katakutan. Dahil kung pagbabasehan lang, ako ang mas agrabyado rito dahil sa wala akong kasalanan.

Ako nga ang nakagapos ngayon dito. Pero alam ng Diyos na inosente ako. Pero ano nga bang magagawa ko? Ano nga bang magagawa ng Diyos? E kinalimutan naman niya ako. Noon pa lang pinabayaan na niya ako.

Iyong sabi nilang “Kapag may kailangan ka, lumapit ka lang sa Kanya.”

Isa lang namang kahibangan ang sinasabi nilang iyon. Bakit? Sa ilang beses na lumapit ako sa kan’ya, nakinig ba siya? Dininig niya ba ang mga pagtangis ko? Tinugunan ba niya ang bawat hiling ko?

Hindi. Dahil kahit kailan wala naman talagang Diyos ang nakikinig sa atin.

Sinasabi nila na lahat ng bagay may rason. Sa lahat ng masamang nangyari sa buhay ko. Sa lahat ng nawala sa akin. Anong rason? Para saan ang lahat ng iyon? Naging mabuti naman akong tao.

Sabi nila, kapag naging mabait ka at sumusunod sa bawat utos Niya tiyak gagantimpalaan ka niya ng isang masayang buhay.

Nasaan na? Nasaan ang buhay na iyon?

“Tasha? Nakikinig ka ba?” siyang tawag sa akin ni Doktora Vestine dahilan para mabaling sa kanya ang atensyon ko.

“Ang sabi ko, gusto kong isalaysay mo sa akin ang mga nangyari bago ka napunta sa mental hospital na ito.”

Habang sinasalaysay ko ang buhay ko ay tila bumalik ako mga panahong inosente pa ako. Panahong isa lamang akong hamak na Tasha na nasa matinong pag-iisip.

Hindi naman ako dating ganito.

Sadyang binago lang ako ng mga demonyong kilala ko. Winala nila ang dating ako. Ang inosenteng ako.

Ako si Tasha at ito ang aking kwento.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status