Share

Chapter 2

Mia's POV

Agad kong iniwas ang aking mga matang nakatingin sa lalaking iyon. Hindi ko alam kung nakita niya ako at wala na rin akong pakialam.

"E-Excuse me lang," pagpapaalam ko sa babaeng kasama ko.

Mariin kong pinahiran ang butil ng luha na tumakas sa aking mata. Hindi ako nagpahalata at dali-daling umalis at nagtungo sa banyo.

Sunod-sunod ang paghingal ko habang nakaharap sa salamin. Ilang beses na akong naghilamos ngunit matapos akong maglinis ng mukha, muli namang lumuluha ang mata ko.

"Mia, stop it! Huwag kang magpadala sa emosyon mo, please!" bulyaw ko sa sarili.

Huminga ako nang malalim at pilit na pinakalma ang sarili. Nagpalipas ako ng ilang minuto sa loob ng banyo, nagbabakasakaling sa paglabas ko mula rito ay wala na siya sa labas.

Maya-maya lang, nagdesisyon na rin akong lumabas mula sa aking kinaroroonan, mabuti na lang at wala na rin ang lalaking iyon, nakahinga ako nang maluwag.

"Anong nangyari sa 'yo?" tanong ng dating sekretarya ni Sir Marvin nang makarating ako sa loob ng aking opisina.

"S-Sumakit kasi bigla 'yong tyan ko," pagpapalusot ko saka impit na tumawa.

Tumango-tango naman siya. Pilit kong inalis sa aking isip ang mga bagay na nangyari kanina at nag-focus na lang sa trabaho.

***

Nais kong kalimutan ang mga nangyari kanina ngunit hindi ko magawa. Hindi ako makapaniwala na may nakalagpas na impormasyon sa aking research. Alam ko sa sarili na bago mag-apply sa kompanyang iyon, inalam ko ang buong background ng company. Ngunit hindi ko akalain na isang tao ang hindi ko na-research.

Kasalukuyan akong nasa bahay at nakaharap ngayon sa laptop dito sa loob ng aking silid. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na isa sa may-ari ng pinapasukan kong kompanya ang kumuha sa pagkabirhen ko.

Muli akong nag-scroll sa website ng CCheng Corporation at binasa ang mga nakasulat dito. Maya-maya lang, nakita ko ang family tree ng company at dali-dali kong pinindot iyon. Sa pagbukas ng website, nakita ko agad si Sir Marvin at ang kanyang ama't ina. Ngunit isang bagay ang nagpakunot sa aking noo. Noon ko napagtanto kung bakit nakalagpas sa akin ang impormasyon na iyon.

"Cedrick Cheng," pagbasa ko sa nakasulat habang nakatingin sa isang bakanteng frame sa family chart ng mga Cheng. "Kaya pala hindi ko siya napansin dahil wala siyang litrato sa website," wika ko.

Isang buntonghininga ang aking ginawa, saka sinandal ang likod sa backrest ng upuan. Napahilamos na lang ako sa mukha dahil sa bagay na napagtanto ko.

'Paano na? It's a big coincidence. Hindi ko akalain na mangyayari sa 'kin to,' inis kong wika sa isip.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong bumuntonghininga. Pilit kong iniisip kung ano ba ang dapat kong gawin.

'Mag-resign na lang kaya ako? Lipat na lang ako sa iba?'

"Aaah!" malakas kong sigaw dahil sa inis sabay sa mariing pagsuklay sa buhok gamit ang aking mga daliri. "Nakakainis!"

Sa pagkakataong ito, yumuko ako sa harap ng laptop at pinikit ang mga mata.

"It's been two years, Mia. Baka naman nakalimutan na rin ng lalaking 'yon ang nangyari. Besides, nagbabayad siya ng babae, it means hindi lang niya to ginawa nang isang beses kundi maraming beses na."

Tila may kung ano sa loob ko ang nabuhayan. Na baka hindi na nga niya ako makilala o nakalimutan na niya ako. Sa loob ng dalawang taon, ako lang naman ang hirap maka-move on. Mariin akong lumunok bago muling tinaas ang ulo at tumingin sa screen ng laptop.

"Walang mag-ququit, Mia. Pangarap mo to at pangarap mo sa pamilya mo," pangaral ko sa sarili. "Just forget about the past at harapin ang future. The only way to get out from the past is to face your future."

Tumango-tango ako at pilit na ngumiti. Alam kong umpisa palang ito ng pagsubok ko sa buhay at hindi ang isang tulad niya ang makasisira ng mga pangarap ko.

***

Kinabukasan, nakangiti akong pumasok sa opisina. Kalahati palang ng araw ay naayos ko na ang mga bagay na kakailanganin ni Sir Marvin para sa kanyang meeting. Ngunit hindi ko akalain na kalahati palang ng araw ay darating na naman ang kalbaryo sa aking buhay.

"Marvin, bakit hindi mo ko samahan sa party mamaya?"

Narinig ko ang mga salitang iyon matapos magbukas ang pinto ng opisina. Tinig palang, alam na alam kong si Cedrick na ito.

"Sorry, Ced. I'm very busy. Maraming dapat asikasuhin sa kompanya lalo na at malapit nang mag-retired si dad," sunod-sunod na paliwanag ni Sir Marvin habang nakatutok sa kanyang laptop at abalang tumitipa ng mga letra.

"Ang boring mo naman. It's just one night. Maraming babae roon at sigurado ko magugustuhan mo sila," tugon ni Cedrick saka umupo sa sofa na nandoon at sinandal ang likod.

Hindi ko sinasadyang tumama ang tingin ko sa orasan at napansin kong malapit nang mag-alas tres, oras ng meeting ni Sir Marvin. Hindi ko pa naiaabot ang mga dokumentong kailangan niyang basahin.

Mariin akong lumunok at huminga nang malalim.

'Kaya ko to!'

Sinimulan kong lumabas mula sa aking opisina, saka lumapit kay Sir Marvin at ngumiti. Napansin ko namang nakuha ko ang atensyon ni Cedrick dahil sa ginawa ko. Napakunot ang kanyang noo habang nakatingin sa akin.

"Sir, ito po 'yong mga documents na kailangan nyo para sa meeting mamaya," sunod-sunod kong wika saka marahang nilapag ang folder sa lamesa.

"Thank you, Mia," tugon sa 'kin ni Sir Marvin habang abala pa rin sa ginagawa.

Yumuko ako upang magbigay respeto. Tumingin ako sa direksyon ni Cedrick at bahagya ring yumuko bilang pagpapaalam.

"Excuse po," mahina kong wika saka akmang lalakad na palayo.

"Nagkita na ba tayo?" Natigil ang paghakbang ng aking paa nang marinig ko ang sinabing iyon ni Cedrick. "You know? You look familiar," aniya.

Nagsimulang bumilis ang tibok ng aking puso. Hindi ko magawang tumingin sa kanya nang diretso.

"Baka kamukha ko lang po, Sir," tugon ko saka pilit na ngumiti.

"Hmm... Saan ko nga ba nakita ang mukha mo?"

Pilit niyang inaalala ang isang bagay. Umiiling pa siya habang tinititigang mabuti ang aking mukha. Umiiwas naman ako ng tingin sa kanya at hindi humaharap nang maayos.

Hanggang sa maya-maya lang, tila nagsimulang lumiwanag ang kanyang mukha na animoy may naalala.

"Oh! I remember–"

"Sir, pasensya na po. Marami pa kong dapat tapusin na trabaho," pagpigil ko sa kanyang sasabihin.

Dali-dali akong naglakad palayo sa kanyang kinaroroonan. Nakita ko naman ang pagkunot ng noo ni Sir Marvin habang nakatingin sa 'ming dalawa ni Cedrick.

Sa pag-upo ko sa aking puwesto, nasulyapan ko ang mukha ni Cedrick. Mayroon itong pilyong pagngisi na animoy naaalala na niya ang lahat. Hindi ko maiwasang hindi mabahala. Alam kong makasisira sa akin kapag nalaman ng iba ang tungkol sa nangyari noong gabing iyon. Sa loob ko ay naghihinagpis na ako. Nais ko nang tumakbo palayo sa lugar na ito dahil sa kahihiyan, ngunit alam kong wala namang magagawa ang pagtakas at pagtago. Haharapin ko ito. Kung kailangang lumaban ay lalaban ako dahil alam kong wala akong ginagawang masama.

***

Hindi ko alam kung ilang buntonghininga na ang aking nagawa sa harap ng salamin. Kasalukuyan akong nasa washroom ng opisina upang magpalamig ng ulo, tapos na rin naman ang trabaho.

Matagal din akong nanatili sa loob bago magdesisyong lumabas. Sa paglabas ko ay nakita ko si Sir Marvin na nag-aayos ng gamit, handa na rin siyang umalis.

"Ingat po, Sir," pagtawag ko sa kanyang atensyon saka ngumiti.

Tumingin naman siya sa 'kin at ngumiting pabalik.

"Ikaw din," tugon niya.

Matapos siyang mag-ayos, lumabas na rin siya ng opisina. Ako naman ay nagtungo sa 'king area upang kunin na rin ang mga gamit ko. Matapos kong patayin ang mga ilaw sa loob ay tuluyan na rin akong lumabas at lumakad patungo sa elevator.

Naghintay ako sa tapat ng saradong elevator habang pinagmamasdan ang numerong nag-faflash sa screen nito, hanggang sa maya-maya lang ay tuluyan na rin itong bumukas.

Nanlaki ang aking mga mata nang bumukas ang elevator. Tila ayaw humakbang ng aking mga paa papasok dito.

"Hindi ka ba sasakay?"

Tila binuhusan ng malamig na tubig ang aking paa nang marinig ko ang kanyang tinig.

"H-Hindi na, Sir. Salamat," tugon ko kay Cedrick na ngayon ay nakatayo sa loob ng elevator habang nakapindot ang daliri sa open button.

"Are you sure?" aniya saka tumaas ang gilid ng labi.

Tumango lang ako bilang tugon sa kanyang sinabi saka ngumiti.

Ngunit nanlaki ang aking mata nang hawakan niya ang aking kamay at mabilis na hinatak papasok sa loob.

"Ang dami mo namang arte! Matagal pa ang susunod na elevator kaya sumabay ka na," saad niya sabay pindot sa ground floor at nilagay ang kamay sa bulsa.

Hindi ako makapagsalita. Ang tanging nagawa ko lamang ay titigan ang pinto ng elevator habang ito ay dahan-dahang sumasara. Mariin akong napalunok nang mapagtantong dalawa lang kami sa loob ng elevator.

"It's been a long time," pagbasag niya sa katahimikang bumabalot sa paligid.

Hindi ako tumugon, bagkus ay tumingin lang ako sa screen ng elevator at binantayan ang mga numero. Animoy nais ko nang hilain pababa ang elevator na ito dahil sa tagal nitong mapunta sa ground floor.

"I guess you don't remember me," muli niyang wika nang mapagtanto niyang hindi ako tumugon kanina.

Ngunit nanatili pa rin akong tahimik. Ayokong magsalita dahil baka kung ano pa ang lumabas sa aking bibig.

Narinig ko ang buntonghininga niya saka nagpamulsa. Maya-maya lang ay ngumisi siya at tumingin sa reflection ko sa salamin.

"Bakit? Hindi ka ba nasarapan? Hindi ka ba nag-enjoy? Didn't my d*ck mark in your v*gina?"

Mariin kong naikuyom ang aking kamay dahil sa mga bagay na kanyang sinabi. Maya-maya lang, hindi ko namalayang lumipad na pala ang aking palad sa kanyang mukha. Isang malakas na sampal na pala ang aking nagawa.

Sunod-sunod ang aking paghinga dahil sa kaba na aking nararamdaman. Nanlalaki naman ang kanyang mga mata, tila hindi makapaniwala sa nagawa ko.

"S-Sir, hindi mo alam kung ano ang rason kung bakit ko nagawa ang bagay na 'yon. So 'wag kang magsalita na parang isa akong slut na ginustong mangyari ang nangyari sa 'tin!" sunod-sunod kong wika sabay sa mabilis na paggapang ng luha sa aking pisngi.

"So you did remember me," aniya na tila walang naintindihan sa mga bagay na sinabi ko.

Mariin kong kinuyom ang aking kamay, saka tumayo nang maayos.

"Yes, Sir. I do remember you. Hindi ko makakalimutan ang pinakanakakadiring pangyayari sa buhay ko," mariin kong tugon sabay mabilis na pinunasan ang aking luha.

Narinig ko ang pagtunog ng elevator, hudyat na nasa ground floor na ito. Inayos ko ang sarili at sa pagbukas ng pinto ng elevator, agad kong hinakbang ang aking mga paa palabas ng pinto, iniwan ko ang lalaking iyon na may nakakunot na noo at animoy hindi makapaniwala dahil sa aking sinabi.

***

"Sigurado akong sesante na ko pagpasok ko sa trabaho bukas."

Mariin akong napasabunot sa sarili habang nakahiga ngayon sa kama sa loob ng aking silid. Hindi kasi ako makatulog dahil sa nagawa kong pagsampal sa anak ng may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan ko.

'Bakit kanina parang deserve naman niya 'yong pagsampal ko? Pero bakit ngayon parang gusto ko na lang lamunin ng lupa?'

"Aaah!"

Malakas akong napasigaw dahil sa inis.

Parang kanina lang ay hindi ko pinagsisisihan na sinampal ko siya dahil sa kayabangan niya.

'Ano nang gagawin ko? Ano nang mukhang ihaharap ko?'

Nakatulog na lang ako sa sama ng loob at malalim na pag-iisip, dahil na rin siguro sa matinding pagod.

Ngunit sa paggising ko nang umaga, muli na namang pumasok sa aking isip ang bagay na nagawa ko.

"Anak, para kang zombie. Nakatulog ka ba talaga?" wika ni nanay habang nag-aayos ng hapag-kainan.

Ako naman ay nakaupo lang sa harap ng lamesa at nakatulala.

"Opo, nay. Nakatulog naman yata," tugon ko.

"Yata?" wika ni nanay saka nilapag ang sinangag na kanin sa lamesa. Naramdaman ko ang mainit niyang palad na hinawak niya sa aking noo. "Wala ka namang lagnat," aniya.

"Nay, okay lang po ako. Baka pagod lang sa trabaho," muli kong saad saka ngumiti upang ipakitang ayos lang ako.

Hindi ko masambit kay nanay na baka ito na ang huli kong araw sa trabaho. Alam niya ang hirap na ginawa ko makuha ko lang ang kinaroroonan ko ngayon. Nagkaroon na ako ng iba pang trabaho matapos akong maka-graduate, ngunit ito ang kompanyang pinangarap kong mapasukan noon pa man.

Nakaramdam ako ng lungkot nang maalala ang mga paghihirap ko bago makapasok sa trabahong ito. Ngayon, dahil lang nagpadala ako sa galit ng aking puso, wala na ang pangarap ko. Nabalewala ang pinaghirapan ko.

Napabuntonghininga ako dahil sa mga bagay na iniisip.

"Ang lalim no'n, ha?" wika ni nanay.

Tumingin ako sa kanya. Umupo naman siya sa aking tabi nang matapos ang ginagawa niya sa lamesa. Mapait akong ngumiti at hinawakan ang kanyang kamay.

"Nay, kahit anong mangyari, mas importante kayo sa 'kin," saad ko na alam kong nagpakunot sa noo ni nanay.

Hindi man niya maintindihan ang nais kong sabihin, malalaman niya rin ito mamaya sa oras na umuwi na ako mula sa trabaho.

***

Matapos akong kumain ng umagahan, agad na akong sumakay ng taxi. Pilit kong pinalalakas ang aking loob upang harapin ang araw na ito. Handa na rin akong masesante ano mang oras.

Ngunit hindi ko akalain na sa pagdating ko sa gusali ng CCheng Corporation, magsisimula ang pagbabago ng aking buhay.

"Siya ba 'yon?"

"Oo, yata?"

"Kamukha niya."

Halo-halong tanong ang tumatakbo sa aking isip habang pinakikinggan ang mga bulungan sa paligid.

'Anong sinasabi nila?'

Nanlaki ang aking mga mata nang maisip ang isang bagay.

Hindi kaya pinagkalat na ng lalaking iyon ang nangyari sa 'ming dalawa? bulong ko sa isip.

Pinagpatuloy ko ang paglalakad at nanatili ang ngiti sa aking labi habang sinasalubong ang mga empleyado mula sa gusali. Sinusundan naman nila ako ng tingin sabay sa pagkunot ng kanilang noo.

Maya-maya lang, isang limousine ang dumating at pumarada sa harap ng gusali. Ang lahat ng tao ay huminto sa paglalakad at tumingin sa kinaroroonan ng limousine.

Nagkibit-balikat na lang ako at muling sinimulang ihakbang ang aking paa. Ngunit sa paghakbang ko, bumukas ang pinto ng limousine at nagsilabasan ang mga lalaking naka-black suit na animoy agent.

"Anong meron?" mahina kong sambit.

Lumingon ako sa paligid. Ang mga lalaking ito ay humilera na animoy nagbibigay daan. Ngunit ang ipinagtataka ko ay tila nasa direksyon ko ang kanilang hilera.

Nanatili akong nakatayo at nakikiramdam sa mga nangyayari. Hanggang sa maya-maya lang, muling bumukas ang pinto ng limousine. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Cedrick, may hawak siyang bulaklak at may malaking ngiti sa kanyang labi.

"Ano na namang trip nito?" wika ko habang nababakas ang pagtataka sa mukha.

Patuloy sa paglalakad si Cedrick patungo sa aking kinaroroonan. Nakapako ang ngiti sa labi niya habang diretsong nakatingin sa akin, dahilan upang pagtinginan ako ng mga tao sa paligid.

Isang huling hakbang pa ang ginawa niya at nakarating na rin siya sa aking kinatatayuan.

"S-Sir, bakit po?" tanong ko sa kanya habang nakatayo sa aking harapan.

"Ms. Mia Anne Sandoval," pagtawag niya sa aking pangalan gamit ang isang malalim na tinig.

Mas lalo akong nakaramdam ng pagtataka at kaguluhan sa aking isip. Hanggang sa maya-maya lang, nanlaki ang aking mga mata nang magsimula siyang lumuhod sa harapan ko, dahilan upang magsimula ang bulungan sa paligid.

"Will you be my girlfriend?" aniya na nagpatindig sa aking balahibo.

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
ganun agad Ang bilis bakit kaya
goodnovel comment avatar
nerdy_ugly
Good job, Ms. A. Napakagandang kwento.
goodnovel comment avatar
nerdy_ugly
Ang bilis ni Cedric, pero naiinis ako sa kanya.
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status