Share

Rehas

Hindi man lang inabot ng buwan ay talagang nadiin si Kael sa kasalanan na kailanman ay hindi n'ya naisip na magagawa n'ya. Natagpuan n'ya ang sarili na himas ang malamig na rehas. Umiiyak s'ya sa panibugho dahil hindi ito ang buhay na pinangarap n'ya. Ang makasama ang taong mahal n'ya ang makapagpupuno sa lahat ng iyon. Subalit, ito pa mismo ang nagdala sa kanya sa kinasasadlakan n'ya ngayon.

"Kahit ano pa ang gagawin mo. Iiyak ka man ng dugo ay walang makakarinig at magkakaroon ng pakialam sa iyo ang mga tao rito." Sabi ng boses ng isang lalaki.

Buo at ma-awtoridad ang malaki at malamig na tinig nito. Sa unang tingin ay nakakatakot ang lalaki dahil bukod sa malaki ang katawan ay nakakatakot ang itsura nito. Marahil ay sa mga mata nito na akala mo ay tigre kung makatingin.

"Ako si Mando. Matagal na ako rito. Labas pasok ako sa kulungan kaya kilala na ako rito ng mga pulis. Ikaw ano ang pangalan mo?" tanong ng lalaki.

Alanganin man s'ya ay pinagbigyan n'ya ito sa pagnanais na makilala s'ya.

"Kael ang pangalan ko," tipid na sagot n'ya.

"Mukhang batang-bata ka pa. Ano ang kaso mo?" usisa ng lalaki sa kanya.

Hindi s'ya sumagot. Bagamat ay yumukod lamang s'ya.

"Sa tingin ko, hindi naman ikaw iyong tipo na kayang manakit ng ibang tao kaya nakakapagtaka kung bakit ka nandito." Patuloy sa pagsasalita ang bagong kakilala.

Dahil baguhan pa lang ay ayaw n'ya magtiwala sa kahit na sino sa loob ng kulungan. Kung ang mga tao nga sa labas na may pinag-aralan ay nagawa s'yang husgahan at gawan ng masama, paano pa kaya ang mga kagaya nito na sanay sa gawain na masasama.

"Naiintindihan ko kung ayaw mo magkwento. Kung sakali na kailangan mo ng tulong, sabihan mo lang ako. Alam ko na magkakasundo tayo dahil mukha ka namang mabait," saad nito.

"Salamat," sagot n'ya na may pag-alinlangan.

Ito ang nag-iisang tao na naunang nakipaglapit sa kanya kaya naman ay agad na nahulog ang loob n'ya sa lalaki. Naging instant Kuya n'ya ito. Ang kapalit ay ang pagiging mabait at masunurin sa nais nito. Bilang pakikisama dahil siga ito sa selda ay pinagbigyan n'ya ito. Alam n'ya na hindi ito ang katapusan ng mundo n'ya. Darating ang araw na makakalabas din s'ya. Unang gabi ni Kael sa madilim, mainit at malamok na lugar. Halos siksikan sila sa iisang silid na iyon na napapalibutan ng bakal. Hindi s'ya makatulog kaya halos buong gabi s'ya na nakamulat ang mga mata. Nakaabang sa maaring mangyari habang ang karamihan ay natutulog. Marami s'yang napapanuod sa telebisyon kung saan ay may mga nagsasaksakan at nagpapapatayan sa bilangguan. Hindi n'ya hahayaan na hanggang dito lamang s'ya. Kailangan ay makalabas s'ya upang masilayan ang anak na hindi pa nasisilang. Naiyak s'ya sa naalala.

"Ang magiging anak ko! Hindi pa nakalabas ay ito na agad ang dinaranas. Maagang nalayo sa ama. Huwag kang mag-alala dahil gagawin ko ang lahat upang magkita at magkasama tayo muli," tahimik na dalangin ni Kael.

Iniisip n'ya kung kumusta kaya ang kanyang asawa. Nag-aalala din kaya ito sa kanya? Naiisip din kaya nito ang kalagayan nila o nakaramdam man lang kaya ito ng kaunting konsensya.

"Hindi kita masisisi subalit hindi ko maiwasan ang maitanong sa aking sarili. Bakit kailangan mangyari sa atin ang mga ito? Mabuti naman akong tao, wala akong kalaban o inaapakan na ibang tao." Patuloy na usal ni Kael.

Sa isang sulok s'ya ng silid kung saan ay nakasiksik s'ya matigas sa pader. Gaya ng kanyang naging kapalaran ang malamig na pader na ngayon ay kanyang sinasandalan. Pilit na pinalalakas lamang n'ya ang kanyang loob nang sa ganun ay hindi s'ya mawalan ng kahit katiting na pag-asa. Umaga na nang s'ya ay nakatulog. Naalimpungatan s'ya sa isang malakas na tunog ng orasan. Tila recess kung ikaw ay nasa paaralan. Napansin n'ya na mabilis na nagsibangon ang mga kapwa n'ya bilanggo at nag-uunahan sa pila nang pagbuksan ng bantay.

"Ano ang nangyayari?" wala sa loob na tanong n'ya kay Mando.

"Oras na ng almusal. Bilisan mo baka mahuli ka. Ano pa ang hinihintay mo? Bawal ang mabagal dito kung ayaw mo na mauubusan ka ng pagkain. Hindi mo ba alam na marami ang nagkakasakit at minsan ay may namamatay dito dahil kulang sa medikal at pagkain?" kwento ng bagong kaibigan sa kanya.

Tumalima s'ya agad at bumuntot dito. Nagmamasid s'ya habang nakasunod sa lalaki. Pinag-aaralan n'ya ang bawat sulok at ang galaw ng mga tao. Nang malapit na sila sa nagbibigay ng pagkain ay gumaya s'ya sa iba na naroon na kumuha ng malinis na plato. Pagkatapos ay naghintay na malagyan ng pagkain ito saka tahimik na naupo sa bakanteng upuan. Aminado s'ya na mahirap ang naging buhay n'ya simula sa kanyang kabataan ngunit hindi kagaya nito na walang kalayaan at kasiyahan. Sa bawat sulok ay puro paghihirap at pighati ang kanyang nakikita. Mayroon din na maluwalhati sa mga siga gaya ni Mando na napapaikutan ng kapwa preso na kanyang taga-silbi.

"Hayaan mo, masasanay ka rin!" sabi nito nang napansin ang kanyang reaskyon habang nakatanaw sa paligid.

Tinapik nito ang kanyang balikat at nang natapos na sila sa almusal ay minadali sila na bumalik sa kanilang mga selda.

"Ganito pala ang buhay sa loob," saad n'ya.

Bumalik s'ya sa pagkakahiga. Dahil walang ibang magagawa ay nagkasya s'ya sa pakikipag-usap kay Mando at sa iba pang kasamahan sa loob ng selda. Kailangan n'ya makisama at makipagkaibigan ngunit hindi s'ya maaring magbigay ng buong tiwala n'ya ni isa sa mga ito. Halos araw-araw ay walang ipinagbago ang naging buhay n'ya sa loob. Malamig at ang pakiramdam na lagi nag-iisa ang madalas ay pumupuno sa kanya. Ayaw n'ya manisi subalit habang tumatagal ay nagsisimulang umuusbong ang galit n'ya sa pamilya Mondragon. Isa na lang ang nagbibigay ng kasiyahan sa kanya. Limitado man ang pagkakataon ngunit ito ang bumubuhay muli sa namatay n'yang damdamin. Habang nakatulala sa kisame ay tinawag s'ya ni Mando.

"Bata, may dalaw ka!" saad nito na medyo malabo sa kanyang pandinig.

Nilingon n'ya ito at sumenyas ito sa gawi roon. Hindi n'ya kasi masyadong naiintindihan ang sinasabi nito dahil sa sobrang ingay ng paligid. Napansin n'ya na sa kanya nakatingin ang lahat kaya lumapit s'ya. Saka n'ya napagtanto na may bisita s'ya sa labas. Sabik na lumabas s'ya ng selda habang nakabuntot sa kanya ang dalawang gwardiya. Pagdating sa isang silid kung saan dinadala ang may mga dalaw ay natagpuan n'ya ang mga magulang. Umiiyak na tumayo ang ina at sinalubong s'ya ng yakap. Hindi ito makapaniwala sa kanyang sinapit. Halos dalawang linggo na s'ya nakakulong subalit ngayon lang nagawang magpakita ng mga ito.

"Nay!" magkahalong saya, lungkot at pananabik ang kanyang nadarama.

Mahigpit na magkayakap sila ng ina habang malungkot na nakatingin sa kanila ang ama. Hindi maawat ang pag-iyak ng kanyang nanay. Masyadong masakit at napakahirap tanggapin para sa isang Ina ang makita na nahihirapan ang anak.

"Kumusta ka rito? Ang laki ng ipinayat mo," malungkot na pahayag nito.

"Okay naman po. Nakakapanibago lang! Kaya nag-adjust pa ang katawan ko," kwela na sagot n'ya.

Pinipilit na pinapagaan n'ya ang loob ng mga magulang kahit pa na nakikita naman ng mga ito ang kanyang kalagayan.

"Kumusta po kayo? Na-miss ko kayo ni tatay," paglalambing n'ya.

Inakbayan s'ya ng ama at muli s'yang niyakap ng ina. Nais man n'yang suklian ang ginawang pagyakap ng mga ito sa kanya ngunit hindi n'ya magawa dahil may posas ang kanyang dalawang kamay.

"Maayos naman kami. Ikaw ang inaalala namin. Iniisip namin kung kumusta ka at kung kumain ka na ba. Kung nakakatulog ka ba ng mahimbing," pahayag ng kanyang nanay.

"Ang mahalaga po siguro ngayon ay buhay pa rin ako. Mabait naman po ang mga kasama ko sa selda at iyon na ang ipinagpapasalamat ko," kwento n'ya.

"Kahit na, anak. Hindi ka nararapat na nandito. Napakasama talaga ng pamilyang iyon kahit kailan," galit na bulalas ng ina.

Nagulat s'ya sa reaksyon nito dahil ngayon lang ito nagbitiw ng masamang salita sa kapwa.

"Hayaan mo, may awa ang Diyos. Ang kailangan natin gawin ay ang gumawa ng paraan para makalabas ang ating anak dito," giit ng kanyang ama.

Parehas na mababait at maunawain ang kanyang mga magulang. Marami ang nagsasabi na malaki ang pinagkakaiba n'ya sa dalawa. Maging sa pisikal na aspeto hanggang sa pag-uugali ay iba s'ya. Marami ang nagbibiro sa kanya na isa s'yang ampon ngunit ipinagkibit balikat nila ito at tinatawanan lamang. Likas na mahal na mahal nila ang bawat isa.

"Paano, Tay? Alam ko na hindi basta papayag ang mga Mondragon na makaalis ako rito. Nagawa nga nilang maglikom at mag-imbento ng ebidensya na walang katotohanan para lang madiin ako sa kaso. Ang alam ko malakas ang kapit ng Don sa hepe rito," pahayag ni Kael sa mga bisita.

"Basta, mag-ingat ka at alagaan mo ang sarili mo dahil hindi kami papayag ng tatay mo na tumagal ka rito sa loob. Ipagdasal mo na sana ay magtagumpay ang katotohanan laban sa kasamaan," bilin ng kanyang ina.

"Sige po, salamat Nay at Tay!" tanging nasambit ni Kael.

"Oo nga pala, ang balita namin ay inaasikaso ng mga Mondragon ang paghihiwalay ninyo ni Noelle. Ayaw ko sana ito sabihin dahil baka damdamin mo ngunit hindi rin maatim ng aking konsensya na hindi ko ipaalam sa iyo ang aming nalalaman," salaysay ng kanyang ama.

"Iyon naman talaga ang nais nila mangyari eh. Ang tuluyan akong mawala sa landas nila upang maging malaya sila na gawin ang kanilang nais. Hindi ako magtataka kung isang araw ay may ipapadala sila sa loob upang tuldukan ang buhay ko," pahayag ni Kael.

"Huwag naman sana, Diyos ko!" nag-aalala na saad ng kanyang ina.

"Kaya nga kailangan din natin gumalaw para maunahan natin sila at bago pa sila makapag-isip ng ganun." Giit ng kanyang tatay.

Hindi maitatago ang kilabot na nararamdaman ng kanyang ina.

"Mag-iingat po ako. Hindi ko hahayaan na magtagumpay sila," pangako n'ya sa nanay n'ya.

Bago pa makalimutan at maubos ang kanilang oras ay may nilabas ang ina mula sa hawak nito na bayong.

"Ito pala ang paborito mo, nagdala ako. Kumain ka ng marami," naalala na sabi ng ina.

Inabot nito ang isang plastic na naglalaman ng paborito n'yang ulam at mga prutas. Hindi nagtagal ay natapos na ang oras ng dalaw. Mahigpit na yakap ang iniwan nila sa bawat isa.

"Babalik kami kung kailan makakaluwag ulit kami ng tatay mo. Huwag mong pababayaan ang iyong sarili," dagdag pa ng kanyang ina.

"Pangako namin ng iyong ina na hindi ka magtatagal dito sa loob. Magtiwala ka!" patuloy ng ama.

Nagpaalam na sila sa isa't isa bago s'ya iginiya ng gwardiya pabalik sa kanyang selda. Wala s'yang magagawa kundi ang magpadala sa pansamantalang agos ng kanyang buhay.

"Sino ang dumalaw sa iyo?" usisa ni Mando.

"Ang mga magulang ko," saad n'ya.

"Kumusta daw ang asawa mo?" tanong pa ng kaibigan.

Kibit balikat ang kanyang naging tugon at naunawaan nito ang ibig n'yang sabihin. Tinapik nito ng mahina ang kanyang balikat.

"Okay lang iyan. Sa ginawa n'ya ay s'ya naman ang nawalan." Pagpapalubag nito sa mabigat n'yang kalooban.

Nagmukha s'yang matapang sa harapan ng ibang tao ngunit sa pagsapit ng gabi at sa tuwing s'ya ay nag-iisa, hindi n'ya mapigilan ang mga katanungan na dumadaloy sa kanyang isipan. Napakalungkot ng mga pangyayari ngunit kailangan n'yang unti-unting tanggapin na hindi s'ya mahalaga sa asawa. Hindi lang takot para sa sarili ang pangamba na kinakaharap ni Noelle kundi para rin sa kanilang anak. Nagagawa rin n'yang itanong sa kawalan kung mahal nga ba s'ya ni Noelle o nadala rin lang ito sa kanilang kapusukan. Dahil wala itong ginawa na ipagtanggol at ipaglaban ang tunay na nararamdaman nito.

"Mahal mo nga ba ako? O dahil lang sa pagrerebelde mo sa mga magulang mo kaya mo ako pinatulan? Ano nga ba ang katotohanan, Noelle? Dahil ikaw, walang pag-aalinlangan na minahal kita. Pero ikaw? Hinayaan mo na masira ang buhay ko," may paghihinagpis na sumbat n'ya.

Iniisip n'ya na kaharap n'ya ang asawa. Marami s'yang nais sabihin dito. Halos gabi-gabi ay gising s'ya at sa umaga lang n'ya magagawang maidlip dahil alam n'ya na hindi s'ya ligtas sa lugar na pinaglagakan sa kanya. Ito ang isa sa mga dahilan kaya malaki ang nabawas sa kanyang timbang.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status