Share

The First Daughter's Bodyguard
The First Daughter's Bodyguard
Penulis: MissThick

CHAPTER 1

Kanina pa siya gising pero tinatamad pa siyang bumangon. Uminat-inat muna siya at hu ikab saka muli siyang pumikit. Kung pwede lang siyang magpahinga sana muna. Kung pwede lang sanang manatili siya maghapon sa higaan kasi pakiramdam niya, hindi pa siya nakababawi sa kanyang mga pagod.

Pakiramdam kasi niya, kakaiba ang umagang iyon sa mga nagdaang umaga. Haharap kasi siya sa isang hamon na susubok sa kaniyang pagkatao at katatagan. Kaya kahit alas nuwebe pa ang kaniyang appointment ay gumising na siya ng 6 o'clock, hindi dahil sa excited siya kundi kinasanayan na talaga niya ang magising ng maaga. Kung tutuusin nga late na ang gising na iyon ng mga katulad niya. Minabuti na din niyang maligo dahil sigurado naman siyang hindi na siya muli pang dadalawin ng antok saka baka kung makatulog siyang muli ay ma-late pa siya na maaring ikasisira ng inalagaan niyang reputasyon sa trabaho. Pagkaligo niya ay nanginginig pa siyang pumasok dahil sa ginaw ng buga ng aircon sa kaniyang kuwarto.

Nakasanayan na niyang pagmasdan ang hubad na katawan sa salamin bago niya isuot ang kaniyang PSG uniform. Ngunit hindi ang PSG uniform niya ang kinuha niya sa mga nakaayos na naka-hanger niyang damit. Isang light blue longsleeves at dark blue neck tie ang inilapag niya sa kama. Muli siyang bumalik sa harap ng salamin at tinanggal niya ang nakatapis niyang tuwalya. Brief na lang na puti ang tumatakip sa kaselanan niya. Sa edad niyang dalawampu't pito, maayos pa din ang pagkakahubog ng kaniyang katawan. Maumbok ang kaniyang dibdib at litaw ang kaniyang abs dahil na din sa disiplina sa katawan at pagkain. Sinipat niya sa salamin ang mukhang kinahuhumalingan na nang hindi niya mabilang na humahanga sa kaniyang hindi ordinaryong kaguwapuhan. Tama lang din ang tangkad niya sa laki ng kaniyang katawan. Huminga siya ng malalim. Habang pinagmamasdan niya ang kabuuan ay hindi niya mapigilang balikan ng alaala ang lahat.

Sino ba ang makapagsasabi sa likod ng mala-adonis niyang kaguwapuhan ay dumaan sa hirap at pananamantala ng iba sa kaniyang kahinaan? Dahil sa pagiging mahirap ay naging kakambal na niya ang pang-aalila ng mga tinuturing niyang kadugo. Masakit na kung sino pa ang kanyang mga kadugo, sila pa ang umalipusta at umalipin sa kanya. Iyon ang mga alaala ng kaniyang kabataang pabalik-balik lang sa kaniyang isipan.

Lumaki siya sa isang liblib na probinsiya ng Cagayan Valley. Pangatlo siya sa siyam na magkakapatid. Apat na lalaki at limang babae. Pagsasaka ang ikinabubuhay ng pamilya nila. Magsasakang walang sariling lupa ang tatay niya. Kaya kahit gaano kasipag ang kaniyang mga magulang ay masasabing salat sila sa kahit anong bagay. Hindi na nag-aral ang sinundan niyang dalawang kapatid dahil bukod sa malayo ang paaralan sa liblib nilang barangay ay salat din sila sa pangarap sa buhay. Bakit nga daw pa sila mag-aaral kung pagsasaka rin lang naman ang kababagsakan?

Ngunit iba siya sa kaniyang mga kapatid. May pangarap siya para sa buong pamilya. Nabuo ang pangarap na iyon, hindi lang dahil sa hirap na pinagdaanan kundi dahil na din may nakita siyang kapitbahay niya na gusto niyang pamarisan. Pulis sa Maynila ang kapitbahay nila at dahil doon ay unti-unting nakaraos ang pamilya nito sa probinsiya. Tulad nila, maralita lang din ang kapit-bahay nilang iyon ngunit naigapang nito ang pag-aaral dahil sa paninilbi sa mga nakakariwasa nilang kamag-anak. Walong taong gulang lang siya noon nang nagsimula siyang mangarap na balang-araw magiging isang magiting din siyang sundalo o pulis . Gusto niyang sundan ang yapak ng kanilang kapitbahay. Gusto rin niyang umasenso at hindi habangbuhay na nabibilad sa araw habang nakalublob sa putikan. Hindi sa ikinakahiya niya ang ikinabubuhay ng kaniyang mga magulang kundi kung may iba pa namang paraan para guminhawa ang estado ng kanilang pamumuhay ay bakit hindi niya subukang tumahak ng ibang landasin tungo sa kaniyang pangarap.

Kaya nga nang bakasyon na iyon at mag-grade 2 na siya at umuwi ang tiyuhin niyang may babuyan at panaderya malapit sa bayan ng Tuguegarao ay nabuhayan muli siya ng pag-asa. Naghahanap ang tiyuhin niyang binata pa na kapatid ng tatay niya ng makakatulong nito sa kaniyang babuyan dahil nauubos daw ang oras niya sa panaderya. Ayaw sumama ng mga kapatid niya kaya nagdesisyong magpahanap kay nanay ng kabaryo nilang puwede niyang isama sa bayan pagbalik. Dalawa ang kailangan niya at dahil sinabihan siya ng Tatay niya na haggang Elementary lang ang kaya nilang maigapang sa pag-aaral niya kaya sinubukan niyang kausapin ang Nanay niya. Madaling araw palang iyon noon at gising na ang lahat para pumunta sa bukid. Aalis na rin kasi ang Tito niya. Kailangan niyang gawan ng paraan. Bago pa man dadaan ang hinihintay  na kaisa-isang jeep na parang Christmas tree sa dami ng pasahero ay masabi na niya ang kanyang magdamagang iniisip.

"Maaga pa ah! Bakit nagising ka na?" tanong ng Nanang niya habang nagpapainit ng tubig para sa kape ng kanyang tito.

Nakakatikim lang sila ng masarap na ulam lalo na ang mga delata kung umuuwi ang tito niya. Ngunit madalang lang iyon. Minsan lang siguro sa dalawa o tatlong taon kahit ang biyahe lang mula sa bayan hanggang sa baryo nila ay humigit kumulang tatlong oras. Bukod kasi sa lubak-lubak na daan ay iisa lang din ang masasakyan. Walang kuryente, walang mapaglilibangan, walang nakikitang pag-aasenso. Kung hindi siya aalis doon, mabubuhay siya bilang magsasaka, mamatay siyang magsasaka pa rin.

"Puwede ho kayang ako na lang ang sasama kay Tito 'Nay?"

"Anong ikaw? Tumigil ka nga.”

“Pero Nay, gusto ko hong makatapos ng pag-aaral.”

“Daniel, hindi mo pa kaya ang trabaho do'n anak.”

“Kaya ko ho.”

“Mapilit ka talaga ah. Sige, tanungin mo ang tito mo kung gusto ka niyang isama." Halatang nilakasan ng nanay niya ang tinurang iyon.

Sa dami nilang magkakapatid ay kahit mahirap sa isang ina na malayo ang anak ay nanaisin nitong mawalay ang anak kaysa sa kasama niyang magtitiis ang hirap at walang marating sa buhay.

"Anong sasama, huwag muna. Hindi mo pa kaya ang sarili mo. Saka na lang kung magtapos ka ng elementarya. Hindi na kita pipigilan at ako na mismo ang kakausap sa tito mo na tulungan kang makatapo kung makatapos ka na sa Elementary." Makapangyarihang sinabi ng tatay niya nang pumasok ito dala ang lubid ng kanilang kalabaw.

Tumingin siya sa Tito niya na noon ay nakikinig lang sa usapan. Hinihintay niyang Tito niya mismo ang magsabing kahit hindi na siya tutulong sa babuyan at panaderya nito ay handa siyang pag-aralin siya sa bayan dahil pamilya naman sila. Ngunit tagos ang tingin ng tito niya sa kaniya. Wala itong narinig. Parang walang nakita. Kaya nga nang umalis ang tito niya nang umagang iyon na hindi siya kasama at nasa ibabaw na siya ng kalabaw ay umasa pa rin siyang balang araw ay makakapunta rin siya ng bayan at doon niya pipiliting makamit ang kaniyang pangarap.

Dumaan pa ang ilang taon, lalong naging mahirap ang buhay. Alam niyang hindi na siya kayang itaguyod ng kaniyang mga magulang dahil hindi lang naman kasi siya ang pumapasok sa paaralan. Kahit ang mga iba pa niyang mga kapatid ay nagsisipag-aral na rin. Kaya nagdesisyon siyang muling kausapin ang nanay niya kung puwede siyang makitira kina Tiya Dely niya na kapatid ng nanay niya, kapalit ng pagtulong-tulong nito sa gawaing bahay ay susuportahan siya sa kaniyang pag-aaral

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status