Share

CHAPTER 7

THE ONE-YEAR CONTRACT

CHAPTER 7

APPLE'S POV

Dahil masyado na naman akong naiinip, naisipan ko nalang munang mag-imbestiga. Simula kasi ng umalis s'ya, nagsimula nang magtanong ng kung ano-ano ang isipan ko. At sa akin pa talaga nagparatanong sa halip na kay Drav. Tulad ng, ano ba talaga ang ibig sabihin ng kontrata kuno na pinermahan ko? Sinabi na n'ya sa'kin noon ang mga nakasulat doon pero hindi ko rin naman kasi naintindihan. Sa dinami-dami d'yan ng babaeng pwede n'yang kuning katulong? Bakit ako? Bakit ayaw n'ya akong paalisin dito? Bakit green ang blackboard? Bakit hindi lumilipad ang sky flakes? Bakit — ay mali. Nalisya na naman ako.

Umalis si Drav kanina nang dumating sina Kio at Hiro. Gusto ko pa sanang makipag-kwentuhan at magtanong sa kanila pero hindi ko na nagawa. Kaya ngayon mag-isa na naman ako. Gusto ko sanang pagtripan ang mga gamit n'ya rito pero saka na. Kapag may nakita na akong clue kung bakit nga ba ako nandito.

Sinimulan kong halughugin ang mga gamit n'ya sa kwarto. Hindi sa magnanakaw ako ah? Basta ito ang pinaka-una kong naisip na gawin. Inuna ko ang damitan n'ya. Ang dami n'yang damit. Karamihan ay 'yung mga style sinusuot ng lalaki 'pag ikakasal. Yung...coat ba ang tawag doon? Ah basta iyon na iyon. Pati lagayan n'ya ng brief nahalungkat ko rin. Hmm. Kumuha kaya ako ng isa? Tapos gagawin kong souvenir? Bigla tuloy pumasok sa isip ko ang imahe n'ya habang nakasuot lang ng brief. Waaaaa Apple! Bad ka! Bad ka utak ni Apple! Napakasama mo!

Nang wala akong nakitang kakaiba, nagtungo na ako sa mini-mesa n'ya. May mga sulong iyon. Una kong binuksan ang unang sulong. Puro magazine? Kinuha ko iyon lahat at inisa-isa.

"T-Travis," basa ko sa malaking nakasulat doon, at lahat iyon ay mukha n'ya ang nasa pinaka-unahan, tapos Travis din lahat.

Okay. Hinga. Sa totoo lang, hindi ko talaga kilala si Dravour. Wala akong ideya kung gaano s'ya kasikat, kaya wala akong nararamdaman ngayon. Siguro kung si Elena ang nandito, umabot na sa kisame ang ulo n'ya kakatalon sa sobrang kilig. Pero ako, wala man lang. Para sa'kin s'ya pa rin ang timang na demonyong kilala ko.

Nang matingnan ko na ang lahat ay binalik ko na iyon sa sulong. Secret lang natin ha pero may parte ako ng magazine na pinunit. 'Yung may litrato n'yang nakatayo habang nakasandal sa puno. Wala lang. Gusto ko lang paglaruan. Lalagyan ko lang naman ng sungay, pangil, buntot, saka 'yung tinidor na kamukha ng kay Satanas. Tapos gagawin kong panakot sa kan'ya. Oh ha! Galing di'ba?

Nang maisilid ko na sa bulsa iyon ay binuksan ko na ang ikalawa. Brown na envelope ang tumambad sa akin. Kinuha ko iyon at agad na binuksan. Nang kunin ko ang laman nito ay kaagad kumunot ang noo ko.

"T-Teka, kamukha ito nung, dinrawingan ko ng teddy bear ah?" bulong ko sa aking sarili. Umupo ako sa kama at inilabas lahat ng papel. Sampung papel ang lahat ng nandoon. Walang drawing sa ibaba lahat, 'yung akin lang ang may drawing.

"Samantha, Vanessa, Di...Diyana? Jessa, Yesha, Perla, Silka, Papaya ,— ay mali. Cheska, Bianca, Olivia," basa ko sa mga pangalang nakalagay sa bawat blanko niyon. Sinilip ko ulit ang envelope kung mayroon pang nakalagay, at may isang maliit na parang karton doon. Kinuha ko iyon at tiningnan.

"W-Wow, ang ganda naman nito," paghanga ko sa babae sa larawan. Ang ganda n'ya. Balingkinitan ang katawan, ang puti at mukhang makinis ang kutis, palagay ko matangkad din, saka, malaki ang hinaharap. Para s'yang modelo—este modela. Babae kasi kaya modela.

Napatitig ako sa babae at sa mga papel na hawak ko.

Kontrata. Pumerma rin ako sa kontrata kuno na ito. Saka, pumerma rin naman ako, pero bakit wala ang akin dito? Sinilip ko ang sulong mula sa pagkakaupo ko sa kama. Wala nang ibang laman iyon. Baka naman sumuot sa ilalim? Saglit akong dumapa sa sahig para silipin sa ilalim ng mesa n'ya at kama kung nandoon ang sa akin, pero wala. Tsk.

Nahiga ako sa sahig at itinaas ang aking dalawang kamay na hawak pa rin ang litrato at kontrata. Naisipan kong tingnan ang likod ng picture. May nakasulat kaya binasa ko agad.

"I...lo-beh...yo-uh. Tsss. Hindi naman ako ganun ka-bobo para hindi mabasa ng matino ang I love yo—teka. Ha?"

Inilapit ko pa ng mabuti ang sulat sa mga mata ko. Siyanga! I love you nga ang nakasulat!

Itong babaeng ito. Isa ba ito sa mga babaeng pumerma rin ng kontrata? Para saan ba kasi talaga ito?! Pang-katulong ba talaga ito? At saka, sino ka bang babae ka? Pers love ka kaya ni Drav?

Tama na ang kahibangang ito. Tama na Apple. Hindi na pwede ito. Kailangan mo nang magdesisyon.

Kailangan ko nang mag-aral ng English. At, kailangan ko na ring pigain si Drav. Kailangan ko nang mangulit ng todo. Doon lang ako makakakuha ng sapat na impormasyon.

Nang sumapit na ang gabi ay naisipan kong magluto ng masarap. Piritong itlog lang naman ulit, pero hindi na sunog. Saka 'yung kanin, hindi na rin sunog. Labag na labag ito sa batas ng aking kalooban pero naniniwala akong kapag nagpakabait ako, babait din s'ya. Kapag bumait na s'ya, sasagutin na n'ya ng matino ang mga tanong ko. At kapag sinagot na n'ya iyon ng maayos—este matino, maliliwanagan ang madilim kong isipan sa lahat ng mga nangyayari.

Kakatapos ko lang magpirito ng itlog nang bumukas ang pinto, kaya naman agad akong nagtungo sa sala para salubungin s'ya. Nagsalubong agad ang aking mga kilay nang magkita sila. Narinig ko pang nagbatian ng kumusta na raw. Paano kasi, pasuray-suray siyang pumasok ng bahay, gulo-gulo ang buhok, saka parang wala sa sarili.

Alam ko na. Naka-droga na ito. Pinag-krus ko ang aking mga braso habang nakatayo sa harapan n'ya. Nakatigil pa rin s'ya sa may pinto, at maya-maya ay tumingin sa akin nang namumungay ang mga mata.

Napalunok ako ng laway. H-Hindi. Hindi ka dapat magpadala sa mga mata n'ya.

Bigla s'yang ngumisi.

"Tsss. Kakaiba ka talaga. Hindi mo man lang ba ako tatanungin kung saan ako nanggaling?" sabi n'ya, at sa tono ng pananalita n'ya, mukhang, hindi lang droga ang nahithit n'ya.

Uminom pa yata ng isang drum ng alak.

Naku. Alam ko na ang ganitong mga padali. Maraming nangyayaring hindi kaaya-aya kapag ang isa ay lasing. Saka, hindi ko pa s'ya gaanong kilala.Kailangan ko pa ring mag-ingat. Wala pa akong tiwala sa kan'ya, kahit na, ang mga mata n'ya.

Talagang kakaiba.

Umatras ako ng bahagya nang nagsimula s'yang umabante.

"Won't you say anything?"

"Tsss. Hindi ko na kasalanan kung wala ka sa sarili mo ngayon. Hindi na trabaho ng katulong ang tulungan ka pang makaakyat sa kwarto mo at palitan iyang damit mo. Umakyat ka na."

Tumawa s'ya ng mahina.

"Pfft. Wow. How rude. Ah. Nevermind. I'll handle myself. I can handle myself. I don't need your help."

Dahil hindi ko rin naman s'ya naintindihan, iniwan ko na s'ya sa sala. Siguro, ganti ko na rin ito sa kan'ya? Oo nga. Hindi ako masamang tao, pero pagdating sa kan'ya, parang mas gusto ko na lang maging masama.

Pumuwesto ako sa may pinto ng kusina at pinagmasdan s'ya. Grabe. Kakaiba s'ya sa Drav na nakilala ko. Ngayon, para s'yang baliw na nasasapian. Hindi tuwid ang paglakad, at napapamura pa sa Tagalog kapag bumubunggo s'ya sa sofa. Maya-maya ay tumigil s'ya, at dinampot ang babasaging vase na nakapatong sa lamesang salamin. Tinitigan n'ya iyon, at nagtataka na ako kung anong sinasabi n'ya roon sa vase. Inoorasyunan n'ya ba iyon?

Ang sunod n'yang ginawa ang ikinagulat ko. Bigla n'yang inihagis sa pader ang vase. Sa lakas ng pagkakahagis n'ya ay nagkapira-piraso ng maliit ang vase. Sinunod n'ya ang maliliit na unan sa sofa at pinaghahagis n'ya rin iyon.

"Aaaaahhhhh!" sigaw n'ya bago sinipa ang sofa. Wwaaaaaaaaa! Hindi ako makagalaw. Para akong nanonood kay Kingkong habang nagwawala. Pero kasi! Anong gagawin ko?! Hihintayin ko ba s'yang kumalma muna bago ko s'ya lalapitan?!

"Aahhh!" gulat at takot na hiyaw ko nang pati ang malaking vase n'ya sa sala ay natumba na rin. Wwaaaaaaaaa!

"Fuck you! Damn you! How I wish that you are not my mother! Aaaahhhh!" sambit n'ya bago binuhat ang lamesang salamin saka ibinagsak. Ano nnnaaa?! A-Aawatin ko na ngaaa!

"Drav! T-Tumigil ka na nga!" bulyaw ko sa kan'ya habang naglalakad palapit sa kan'ya. Hindi ako sigurado kung tama ba itong ginagawa ko pero, kailangan ko pa ring subukan!

Tinangka ko s'yang hawakan pero nanlilisik ang mga mata n'ya nang tumingin s'ya sa'kin.

"Drav, l-lasing ka lang. Magpahinga ka na sa taas, ha? K-Kalimutan mo na ang sinabi ko kanina. Halika na—"

"Stop pretending that you're fine with this! That you're not scared! Kabisa ko na kayo! Probably tomorrow wala ka na rin dito katulad nila!"

"A-Ano bang sinasabi mo? Pinapatay mo na ba ako sa isip mo at sinasabi mo riyan na bukas ay wala na ako rito?! Alam kong galit ka sa akin pero hindi ko akalaing talagang tototohanin mo ang sinabi mong kakainin mo ako?!"

"Just shut the fuck up kung wala ka rin namang sasabihin kundi katarantaduhan!"

"Aba! Ako pa talaga ngayon ang tarantado?! Sino bang nagwawala ngayon?! Ako ba, ako ba?!"

Sinipa ko ang sofa.

"Loko ka talaga e noh?!"

Nakita ko ang mga nakadisplay na burluloy sa isa pang maliit na lamesa sa gilid. Kinuha ko iyon lahat at ibinagsak sa sahig.

"Nagtitimpi lang talaga ako pero kung nasa Tondo ka, tulog ka na sana dahil sa suntok ko!"

Hinubad ko ang aking panloob na tsinelas at parehas na ibinato sa pader.

"Ano bang problema mo?! Magsabi ka! Hindi 'yang bigla ka na lang d'yang nagwawala!"

S'ya naman ang natigilan habang nakatingin sa akin. Putek! Mas lalo akong naiinis!

"Ano?! Bakit tumigil ka?!" Gumawi ang atensyon ko sa sofa. Mabilis ko iyong nilapitan, pero habang naglalakad ako ay biglang humapdi ang aking talampakan. Pero dahil nangingibabaw ang galit ko, nilapitan ko pa rin ang sofa.

"A-Apple, that's enough—"

"Che!"

Nang malapitan ko na ang sofa ay hinanda ko na ang sarili ko para buhatin iyon. Niyakap ko ang sofa at sinubukang iangat. Parang nababasa na ang ilalim ng dalawang paa ko, pero mas nakatuon ang atensyon ko sa pagbuhat sa sofa.

"Lang'ya! Magpabuhat kang sofa ka!"

"Apple."

"Manahimik ka! Bwiset ka!"

Halos naubos na ang lakas ko kakaangat sa sofa na hindi man lang nakikisama. Sa kakaangat ko sa sofa ay ako ang umangat. T-Teka nga! Dapat ang sofa ang aangat, hindi ako! At bakit nakabalinsot ako?! Tapos bakit paakyat yata ng hagdan?! Teka! Hindi ko pa naiaangat ang sofa! Hinihintay na ako ng sofa!

"Tumigil ka na. This is supposed to be my moment but you steal it," sabi n'ya. Urgh!

"Ibaba mo nga ako! Kapag hindi mo ako ibinaba sisigaw ako ng rape!"

"Edi gawin mo."

"Aba talagang-rraapppee! Rraapppeee! Aaaaahhh! Aaahhh!"

Ang sakit sa lalamunan!

Nagpumiglas ako. Hinawakan ko ang magkabilang tagiliran n'ya at agad na kinurot.

"Aawwwww—dang!"

Nang lumuwag ang hawak n'ya sa'kin ay kinuha ko na ang pagkakataon para bumaba mula sa pagkakakarga n'ya sa'kin, pero nang maitapak ko na ang paa ko ay bigla itong bumaling pa-gilid, dahilan para mawalan ako ng balanse at magpagulong-gulong pababa.

"A-Apple!"

Naalog ang utak ko dahil sa pag-slide ko sa hagdan. Pero a-ang saya naman no'n.

Padapa kong narating ang sahig. Hindi ako makagalaw. Naalog masyado ang brain ko eh. May biglang humawak sa akin, inalalayan ako sa likod at inangat. Papikit-pikit na ako pero nakatanggap ako ng ilang sampal din iyon. At lahat malakas.

"Darn it! Don't close your eyes! I'll bring you to the hospital! Ang tanga kasi!"

"B-Bwiset ka. M-Mamaya ka sa'kin..." huling sinabi ko sa kan'ya bago ako binawian ng buhay—

este, malay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status