Share

Chapter 3

"Kuya, pakibilisan lang ang pagpapatakbo, ha. May hinahabol kasi akong exam. Hindi pwedeng ma-late ako. Mahal po ang tuition. Nag-promissory na nga lang ako dahil medyo kapos sa budget."

Hindi lumilingong sabi ko sa driver habang sumasampa sa front area ng tricycle. Busy kasi ako sa pagte-text sa cellphone. Kausap ko ang kaklase ko. Nandoon na raw ang prof namin at inaaliw na lang nila para makaabot pa ako.

Walang kibong umandar na ang tricycle.

"Kuya, pakibilisan nang kaunti."

Naramdaman ko ang pagbilis nang takbo namin pero hindi ako nakontento.

"Kuya, sige pa. Nagdi-distribute na ng test papers si sir. Hindi pa naman iyon nagpapapasok ng late students," sigaw ko na.

"Miss, madidisgrasya tayo sa gusto mo.  Kung balak mong magpakamatay, tumalon ka na. Wag mo na akong idamay. Mahal ang pagtubos ng lisensya sa LTO," sigaw din nito.

Nakuha nito ang buong atensiyon ko sa kaniyang mga sinabi.

"Attitude si kuya. Kung mamamatay ka, mamamatay ka. Kahit saang lupalop ka man naroroon, kung oras mo na, oras mo na," ganti kong sigaw.

Bigla nitong piniga ang handle ng motor kaya humaharurot agad ng mabilis ang sasakyan. Impit akong napasigaw sa pagkabigla. Muntik na akong mahulog kung hindi lang ako nakakapit kaagad sa bakal sa may ulunan ko.

"Grabe ka kuya! Hindi ka man lang nagbigay ng warning! Ikaw ata ang magpapakamatay eh!"

Hindi na kumibo pa ang lalaki. Pumikit na lang ako nang mariin at nagdasal. Lord, wag po muna ngayon. Marami pa akong pangarap! Nagmulat ako ng mata para lang makita ang muntikan nang paghagip ng isang truck sa amin. Nag-overtake kasi ang walang modong driver.

"Kuya! May truck! May malaking truck! Ayy!"

Binalewala lang nito ang mga tili ko.

Makalipas ang hindi ko na malaman na oras dahil sa kaba ay inihinto ng driver ang sasakyan sa labas ng gate ng university. Mabilis akong bumaba kahit mala-jelly pa ang mga tuhod ko sa kaba. Dumukot ako ng bente sa bulsa at iniwan sa upuan ko kanina.

"Kuya, ayan ang bayad ko. Bente iyan. Sa iyo na ang sukli. Salamat sa biyaheng kamatayan!"

Tumakbo na ako papasok sa eskwelahan. Tiningnan ko ang cellphone. Wala ng reply mula sa kaklase ko.

"Pucha! Baka nagsisimula na sila! Patay ako neto."

Tinakbo ko ang oval ng paaralan para tumawid sa pinakadulong building ng I. T.. Buti nasa first floor kami kaya hindi na ako aakyat pa ng hagdan. Narating ko ang silid namin. Pinihit ko nang mahina ang seradura. Bukas! Salamat!

"Kung sino ka mang nag-iwan sa pinto ng bukas, pagpalain ka nawa, kaibigan."

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at walang ingay na ipinasok ang katawan. Umuklo ako at hinubad ang bag saka inilagay sa sahig sa likod ng mga upuan. Sumulyap sa akin ang isa kong kaklase na hawak ang isang answer sheet. Inilagay ko ang isang daliri sa bibig para balaan itong wag gumawa ng ingay. Umismid lang ito.

Gumapang ako sa sahig papunta sa bakanteng upuang katabi ni Geraldine. Kalkulado ang kilos ko para hindi mapansin ng prof naming may sinusulat sa board. Sa wakas ay narating ko na ang upuan. Tatayo na sana ako nang biglang dumagundong ang isang boses.

"Ms. Romero? What are you doing crawling in the floor like that?"

Nabitin ang tangka kong pagtayo. Kagat ang labing napapikit na lang ako. Muntikan na eh. Makakaupo na ako, eh. Bakit ngayon pa!

"Patay ako nito," bulong ko.

Ibinuka ko ang mga mata at itinaas ang mukha. Nakatingin ang lahat ng mga kaklase ko sa akin. Ang iba ay naiinis ang mukha at ang karamihan ay natatawa. Bumalik ang tingin ko sa mukha ng prof namin na naghihintay sa kasagutan ko. Lumunok ako at makailang beses na kumurap. Unti-unti akong tumayo, nakahawak ang kamay sa tiyan.

"S-sir, kasi..."

Kumunot ang noo nito.

"You know I don't tolerate tardy students especially during exams. I'm sorry Ms. Romero but you have to leave the room. You are distracting your classmates, too," pinal nitong saad.

Nag-panic ako. Hindi pwedeng hindi ako maka-take ng exam, no! Ang mahal kaya ng bayad ko tapos wala pang retake ito. Hindi ko rin maatim na mag-take ng summer class dahil wala na akong datung! Pinagana ko ang isip at agad na nag-isip ng dahilan.

"Sir, I was not actually late. I was here kanina, sir. Lumabas lang po ako para maglabas po ng sama ng loob sa CR. Nagka-LBM po kasi ako, sir. K-kaya rin po ako gumagapang kasi ang sakit pa rin po ng tiyan ko."

Pinaawa ko ang mukha at mas hinigpitan pa ang pagkakahawak sa tiyan para effective ang acting. Ginalingan ko na ang pag-arte para maawa naman kahit papaano ang prof naming ito.

"Then you should not be here. Dapat nasa clinic ka. Class, could someone of you here escort Ms. Romero to the clinic?"

Wala na. Patay na talaga. Baka mabuko pa ako.

"Sir, no need po. Kagagaling ko lang po sa clinic kanina kaya nga po ako natagalan. Binigyan na po nila ako ng gamot. Any minute now ay gagana na po ito. No worries na po talaga, sir. Magiging okay na po ako. Okay na po ako."

Matagal akong tinitigan ni sir na parang inaarok kung nagsasabi ba ako ng totoo. Gumala ang paningin nito sa mga kaklase ko, umaasang papasinungalingan o patotohanan ang mga sinasabi ko. Buti na lang talaga at walang umimik. Buti na lang!

"Okay Ms. Romero. Take your seat now."

Tumalikod na ito at bumalik sa pagsusulat.

Mabilis na umupo ako sa tabi ni Geraldine na may malapad na ngiti sa labi.

"Ayos, ah. Nakalusot ka na naman," bulong nito sa akin.

Kinindatan ko si Geraldine.

"Ako pa. Magaling to no."

"Buti walang lumaglag sa iyo."

"Takot lang nila. Subukan lang nila. May mga kaibigan akong saggano sa lugar namin. Ipapa-hunting ko sila," biro ko.

"Iba ka talaga, Xylca. O, hetong test paper mo. Pahirapan pa ang pagkuha ko ng extra copy dahil mala-eagle eyes pala si sir." Inabot nito sa akin ang test paper na agad kong kinuha.

"Salamat. Pahiram na rin ng ekstrang ballpen. Nasa likod ang bag ko. Iniwan ko."

Iiling-iling na naglabas ito ng ballpen at ibinigay sa akin.

"Salamat, Ge. Hayaan mo, sa susunod na makaraket ako, ikaw ang unang ire-recommend ko."

Freelancer kasi ang kaibigan kong ito. Gumagawa siya ng art designs, book covers at iba pang mga art on web. Mura lang ang singil niya sa mga customers kahit maipagmamalaki naman talaga ang angking talento at abilidad. Minsan talaga mababa ang tingin ng karamihan sa mga freelancers kaya binababaan din ang bayad.

Lumiwanag ang mukha nito sa sinabi ko.

"Talaga Xylca? Salamat na agad, ha. Malaking tulong na iyon. Dahil nga sa mga referrals mo sa akin kaya nakabayad ako sa tuition ko."

"Sus, wala iyon."

"Okay, class. Pay attention for further instructions."

Natigil ang pag-uusap namin. Umayos na kami ng upo at nakinig na sa aming professor.

PASADO alas-diyes na ako nakalabas ng school. May tinapos pa kasi akong research sa library. Sinadya ko ring magpagabi ng uwi dahil ayoko pang umuwi ng bahay. Ayoko pa munang makarinig ng anumang sigawan ngayon. Quota na ako masyado. Sabihin na nating sanay na ako sa walang hanggang tigil nila na bangayan pero may mga panahong nagsasawa ka rin. Ang gabing ito ang isa sa mga iyon.

Wala ng mga tricycle sa labas ng school. Mga iilang pampasaherong motorsiklo ang naka-park sa gilid.

Naagaw ang atensiyon ko ng isang lalaki na nakaupo sa gilid ng kalsada ilang metro mula sa kinarooronan ko. Naninigarilyo ito. Nakatingin sa semento at parang malalim na nag-iisip. Hindi ko masyadong kita ang mukha dahil medyo madilim sa lugar na kinauupuan nito. Nakasuot ang lalaki ng shorts, t-shirt na ginupit ang manggas. Walang sapin ang mga paa. Tinitigan ko ng maigi ang lalaki. Ginawa pala nitong sapin sa puwet ang tsinelas.

May kung ano rito na dahilan kung bakit hindi ko magawang bawiin ang tingin mula rito. Para bang nakabalot ang lalaki ng misteryo na kailangan kong tuklasin.

Sinundan ko ng tingin kung paano nito hithitin ang sigarilyo at ibuga ang usok sa ilong at bibig nito. Hindi ko alam na pwede palang maging ganito ka-elegante ang paninigarilyo. Sa iskwater kasi, ang sagwang tingnan ng mga lalaki at babae doon na naninigarilyo.

Parang tangang nakatayo ako doon at nakatitig sa lalaki na animo'y nababatobalani sa paghitit-buga nito ng usok. Sa ilalim ng sinag ng buwan, para akong timang na hinihintay ang lalaking magbaling ng tingin para makita ko ang mukha niya.

Natupad ang piping hiling ko nang bahagyang nagtaas ng tingin ang lalaki sa akin. Sinalubong ko ang mga mata nito. Ilang segundo ko pang pinanatili ang tingin sa mga mata niya bago ko naisipang pag-aralan ang ibang bahagi ng mukha nito.

Guwapo si kuya. Kahit sa kakarampot na ilaw na nagre-reflect ay masasabi kong may itsura talaga. Aakalain mong afam sa unang tingin. Matangos ang ilong, pangahan, makapal ang kilay, at malamlam ang mapula-pulang mata. Wait! Mapulang mata?

Napaatras ako nang kaunti ng tumayo ang lalaki at basta na lang inihagis ang sigarilyo at tinapakan ito. Habang ginagawa niya iyon ay hindi niya ako nilulubayan ng tingin.

Tiningala ko ang lalaki. Grabe ang tangkad nga nito. Ibinalik ko ang tingin sa mapulang mata ng lalaki. Sumigid ang takot sa kabuuan ko. Adik si kuyang gwapo. Mabilis na pinutol ko ang tinginan namin at nagkukumahog na tumalikod at nagsimulang maglakad.

"Sandali, miss!" habol nito.

Nanlalaki ang mga matang nagsimula akong tumakbo! Adik na nga, rapist pa si kuya! Naku po!

"Miss!"

Nakarinig ako ng pagkabuhay ng makina at ang humaharurot na motorsiklo. Diyos ko po! Kidnapper si kuya! Mas binilisan ko pa ang pagtakbo. Nagpalinga-linga ako para humingi ng tulong. Napakatahimik na ng daan at wala ng mga taong naglalakad. Nasa kanto ang karamihan sa mga tao sa ganitong oras.

"Miss! Wag kang tumakbo! Tatanungin lang kita kung gusto mo bang sumakay. Wala pa kasi akong pasahero ngayong gabi," sigaw ng lalaki habang sakay ng motor.

Sa kaniyang sinabi ay bigla akong napahinto sa pagtakbo. Hinihingal na hinarap ko ito at binigyan ng matalim na tingin.

"Walangya ka kuya! Tinakot mo ako! Akala ko kidnapper ka! Bakit mo pa kasi ako hinabol? May pasahero bang tumatakbo? Syempre kung sasakay ako sa iyo, malamang sinabihan na kita! At hindi ako sasakay sa iyo kasi wala na akong pera!" nagpupuyos sa galit na bulyaw ko rito.

Nagtaas-baba ang dibdib ko dahil sa magkahalong kaba, inis, at galit. Idagdag pa ang distracting na mukha ng lalaki na mas lalo pang gumwapo sa paningin ko dahil mas napagmamasdan ko na siya sa malapitan. Mas matangos pala ang ilong ni kuya kaysa sa inaakala ko. At ang mga labi. Ang pupula! Smoker ba talaga ito?

"Hindi ako kidnapper, miss. Naghahanap-buhay lang. Nakita kasi kitang tinitingnan ako kanina kaya akala ko pasahero ka. Pasensiya ka na. Hinabol kita kasi nagtaka ako nang bigla kang tumakbo."

Binawi ko ang pagkakatitig sa labi nito at inilipat sa mga mata niya.

"Bakit kasi ang pula ng mata mo? Adik ka ba kuya?"

Napatitig uli ako sa mga labi nito nang tumiim ito. Waring nainis sa paraan ng pagtatanong ko.

"Hindi ako adik, miss. Kakagaling ko lang kanina sa welding kaya ang pula ng mga mata ko," seryosong sabi nito.

Natahimik ako.

"Pasensya na kuya, ha. Natakot lang ako."

Nagkibit'balikat ito.

"Hindi kita masisisi. Iyan din ang sinasabi nila," sabi nito sa pagod na tinig.

Nakaramdam ako ng awa sa sinabi niya.

"Sige kuya. Alis na ako. Bumalik ka na sa pwesto mo. Sorry ulit."

Natagpuan ko ang tinig pagkatapos ng ilang sandali.

Naglakad na uli ako. Pinayapa ko ang sarili mula sa nangyari kanina. Ang judgemental ko na ba? Hindi rin naman niya ako masisisi. Ang una talagang maiisip mo sa kaniya ay kung adik ba ito o hindi.

Napalingon ako uli nang maramdaman kong nakasunod pa rin sa akin ang motor. Tumigil ako at nagtatanong ang matang tiningnan ang lalaki.

"Iilawan ko ang daan para sa iyo. Sira ang lamppost sa Pluto at Mars street. May nakatiwangwang din na imburnal diyan sa susunod mo na liko. Baka madisgrasya ka pa," sagot nito.

Parang may mainit na kamay na humaplos sa puso ko sa sinabi ng binata. Uso pa pala ang mga gentleman at matulungin sa panahon ngayon. Akala ko alamat na lang sila. Na-appreciate ko rin ang katotohanang hindi niya ako pinilit na sumakay sa kaniya. May respeto si kuya.

Nag-isip ako sandali kung tatanggihan ba ang alok nito o sasang-ayon na lamang. Pinili ko ang huli.

"Salamat, kuya?"

"Pierce. Ako si Pierce."

Tumango ako. Pierce. Bagay nga sa kaniya ang pangalan niya kasi piercing ito kung tumitig. Chour. Napahagikhik ako sa naisip. Ang landi mo, Xylca.

Walang kibong nagpatuloy ako sa paglalakad habang nasa likod ko naman si Pierce na sadiyang pinabagal ang motor para masabayan ako.

Isang bloke na lang ang lalakarin ko para marating ang paradahan ng mga jeep nang magsalita ang lalaki.

"Hindi mo ba sasabihin ang pangalan mo?" basag nito sa katahimikan ko.

Umismid ako.

"Wag na. Baka hanapin mo pa ako at ligawan. May jowa ako ngayon kaya wag ka nang pumorma."

Tumawa nang malutong ang lalaki. Maiinsulto na sana ako kung hindi nito dinugtungan ng paliwanag.

"Sorry. Ganiyan ka ba talaga?"

"Ang ano?"

"Conceited. Hindi naman lahat ng lalaking gustong kunin ang pangalan mo ay gusto ka nang ligawan."

Tumawa ako.

"Lumang tugtugin na kasi iyang mga da-moves niyo. Laking looban to no. Alam na alam ko ang karakas ninyo dahil marami na akong mga kaibigan sa amin ang umiyak matapos buntisin ng mga lalaking nakikipagkilala sa kanila. At kahit ayaw mo akong ligawan, hindi ko pa rin ibibigay sa iyo ang pangalan ko. Malay ko ba kung gagamitin mo iyan pang-catfish o pang-troll. Eh di nasira ang magandang image ko? Kaya no name na Kuya Pierce."

Napailing ang lalaki, naglalaro ang ngiti sa gwapong mukha nito.

"Ang layo na nang inabot mo. Advance mong mag-isip."

"Sa panahon ngayon, mainam na ang maagap. Ang dami na kasing mga taong nagkalat para manloko lang ng kapwa."

Narating na namin ang paradahan ng mga jeep.

"Salamat sa effort at sa ilaw ng motor mo. Sa susunod, wag mo nang gawin sa akin iyon. Kaya ko na ang sarili ko. At kahit ipilit mo pa, hindi ko ibibigay sa iyo ang pangalan ko. Ang dami ko nang nabasang pocketbooks na ganito ang plot. Gwapo ka kuya pero mas gwapo sa akin ang mga lalaking may datung."

Nginitian ko siya.

"Salamat uli."

Kumaway ako bilang pamamaalam bago hinarap ang paghihintay sa jeep. Hindi ko na pinansin ang nakakalokong tawa nito.

"Miss, ibang klase ka talaga. Nagpasalamat ka nga pero sabay panlalait naman. Oo, ako na ang mahirap para sa standard mo pero at least hindi ako burara."

Lumapit ang lalaki sa akin at may idinikit sa noo ko. Napilitan akong tingnan ang lalaki na ngayon ay gahibla na lang ang layo mula sa aking mukha kaya natitigan ko ang deep set na mga mata nito na napalilibutan ng mahahabang pilik-mata. Ang ganda ng mata ni kuya, parang nangungusap.

"Ah, nga pala, sa susunod na magde-demand ka sa driver na pabilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan, siguraduhin mong mahigpit ang pagkakahawak mo sa mga gamit mo, Xylca Romero."

Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ko. So siya ang nasakyan ko kanina. Kaya pala parang pamilyar ang boses nito. Hindi na kasi ako nagkaroon ng pagkakataong tingnan man lang ang driver kaninang tanghali dahil sa pagmamadali. Wow. Pagkakataon nga naman, o.

Inilayo ng lalaki ang mukha nito sa akin at pinitik ang noo ko gamit ang kung anumang dinikit niya kanina. Napipilitang kinuha ko ito sa kaniya nang akmang bibitawan niya ito.

Paatras itong humakbang palayo habang nakapaskil ang ngisi sa mukha. Naisahan ako ng guwapong mama.

Binuhay nito ang motor at mabilis na pinaharurot palayo. Naiwan akong nakatitig sa lugar kung saan nakatayo ang lalaki kanina. Itinaas ko ang kamay kung nasaan ang ibinigay nito. It was my SSS ID.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status