分享

Kabanata 04

作者: Neverlandsink
last update publish date: 2026-10-21 20:01:45

Nang tuluyang maasikaso ni Paz ang mga papeles para sa kaniyang discharge, wala nang nagawa ang ina ni Anna kundi ang ihatid siya pauwi. Ilang beses pa siyang pinayuhan nito na magpahinga at huwag masyadong magpakapagod, mga salitang paulit-ulit lamang niyang sinagot ng isang ngiti.

Pagdating nila sa bahay, agad na sinalubong sila ng isa sa mga kasambahay.

“Ma'am, mabuti naman po at nakauwi na kayo. Kumusta na po ang pakiramdam ninyo?”

“Maayos na ako. Salamat,” sagot ni Anna bago bahagyang lumingon sa kaniyang ina. “Ma, dito ka na muna maghapunan?”

“Hindi na, anak. Marami pa akong aasikasuhin sa bahay. Magpahinga ka na lang, ha? At huwag mong kalimutang sabihin kay Lawrence kapag may nararamdaman ka.”

“Opo, Ma.”

Matapos ang ilang minutong pamamaalam, tuluyan nang umalis ang kaniyang ina. Naiwan si Anna sa malawak na sala, nakatitig sa pintuang kakasara lamang.

“Ma'am, ihahatid ko na po ba kayo sa kuwarto ninyo?” tanong ni Paz.

Umiling siya. “Hindi na. Dito muna ako. Pakikuha na lang ako ng tubig.”

Nang makaalis ang kasambahay, marahan siyang naupo sa sofa at inilabas ang kaniyang cellphone. Ilang oras na ang nakalilipas mula nang dalhin siya sa ospital, ngunit wala pa rin siyang natatanggap na mensahe mula sa kaniyang asawa.

Binuksan niya ang kanilang pag-uusap.

Walang bagong mensahe.

Walang tawag.

Walang kahit anong magpapatunay na naalala man lamang siya nito matapos siyang iwan sa ospital.

Matagal na pinagmasdan ni Anna ang pangalan ni Lawrence sa screen bago siya nagtipang mag-type.

I'm home, Lawrence. Thank you for bringing me to the hospital. I'm feeling better now. Don't worry about me.

Ilang sandali niyang tinitigan ang mensahe bago tuluyang pindutin ang send.

Pagkatapos, ibinaba niya ang cellphone at napasandal sa sofa.

Nakakatawa.

Kahit siya ang may sakit, siya pa rin ang nag-aalalang baka nakaaabala siya sa kaniyang asawa.

“Ma'am Anna?”

Napatingin siya kay Paz na kararating lamang dala ang isang basong tubig.

“Bakit, Paz?”

“May sasabihin po sana ako.”

“Ano iyon?”

Nag-alinlangan ang kasambahay bago sumagot. “Kanina po, bago kayo dalhin sa ospital, may narinig po akong sinabi ni Sir sa telepono. Hindi ko po sinasadyang makinig, pero—”

“Paz.” Marahang pinutol ni Anna ang sasabihin nito. “Kung tungkol kay Lawrence, huwag na.”

“Pero, Ma'am—”

“Ayos lang ako.”

Mabilis niyang inabot ang baso at uminom upang hindi na muling makapagsalita ang kasambahay. Ayaw niyang makarinig ng anumang maaaring magbigay sa kaniya ng panibagong dahilan upang masaktan.

Sapat na ang alam niya.

Sapat na ang mga bagay na hindi sinasabi ng kaniyang asawa.

At sapat na rin ang mga pagkakataong pinili niyang unawain ito sa halip na amining may mga bagay na hindi na niya kayang tiisin.

Nang gabing iyon, maagang pumasok si Anna sa kanilang silid. Nagpalit siya ng damit at tahimik na naupo sa gilid ng kama habang hinihintay ang pag-uwi ni Lawrence.

Alas-diyes.

Alas-onse.

Hanggang sa tuluyan nang lumalim ang gabi.

Sa bawat pagdaan ng oras, unti-unting namatay ang pag-asang marinig ang pagbukas ng p***o. Ngunit bago pa siya tuluyang makatulog, isang mensahe ang biglang lumitaw sa kaniyang cellphone.

I'll be staying at the office tonight. Don't wait for me.

Iyon lamang.

Walang tanong kung kumusta na siya.

Walang paalala na magpahinga siya.

Walang kahit anong bakas ng pag-aalala para sa asawang ilang oras pa lamang ang nakalilipas ay nawalan ng malay.

Matagal na tinitigan ni Anna ang mensahe.

Pagkatapos, marahan siyang huminga at nag-type ng sagot.

Okay. Take care.

Dalawang salita.

Dalawang salitang kayang magtago sa lahat ng bagay na nais niyang sabihin.

I was waiting for you.

I wanted to see you.

For once, I wanted you to come home because you missed me.

Ngunit wala sa mga iyon ang kaniyang ipinadala.

Dahil sa loob ng tatlong taon nilang pagsasama, natutuhan na ni Anna na ang pinakamadaling paraan upang hindi masaktan ay ang huwag nang humiling.

Ipinatong niya ang cellphone sa kaniyang dibdib at ipinikit ang mga mata.

Bukas, gigising siyang muli bilang asawa ni Lawrence Santillan.

Maghahanda ng almusal.

Ngumingiti sa mga kasambahay.

Magtatanong kung kailan ito uuwi.

At magpapanggap na sapat na ang lahat ng iyon.

Hanggang kailan?

Hindi niya alam.

Ang alam lamang niya, sa gabing iyon, habang mag-isa siyang nakahiga sa kama nilang dalawa, unang beses niyang naisip na baka mas madaling magkasakit kaysa umasa.

Dahil ang sakit ng katawan ay maaaring maghilom.

Ngunit paano kung ang mismong taong inaasahan mong magpagaan ng lahat ay siya ring dahilan kung bakit hindi ka na makabangon?

***

Kinabukasan ay kalmado lamang na naghanda ng almusal si Anna. Maayos na rin naman ang kaniyang pakiramdam pagkatapos ng ilang oras na pamamahinga. Bagama't nanghihina pa rin ang kaniyang katawan, hindi na niya iyon gaanong pinansin. Sanay naman siyang kumilos kahit hindi maganda ang pakiramdam, lalo na kung may mga bagay siyang kailangang asikasuhin sa bahay.

Hindi na rin niya inalam kung nasaan si Lawrence kagabi o kung umuwi ba ito nang maaga. Alam na niya ang isasagot nito kung sakaling magtanong siya. Malamang ay kasama na naman nito si Jane, ang babaeng tila hindi na kailanman mawawala sa buhay ng kaniyang asawa.

Kaya naman, sa halip na mag-aksaya ng oras sa mga bagay na hindi na niya kayang baguhin, ipinagpatuloy na lamang ni Anna ang paghahanda ng almusal. Inayos niya ang mga pagkaing nakahain sa mesa, tinitiyak na naroon ang lahat ng paborito ni Lawrence. Kahit paano, iyon na lamang ang nakasanayan niyang gawin sa loob ng tatlong taon nilang pagsasama.

Ngunit sa pagkakataong ito, may isang bagay na naiiba.

Nakita niyang pumasok si Lawrence sa dining area at tahimik na umupo sa karaniwang puwesto nito. Nakasuot ito ng malinis na polo at maayos ang pagkakasuklay ng buhok. Sa unang tingin ay wala namang kakaiba sa kilos ng kaniyang asawa, ngunit hindi maiwasan ni Anna na mapaisip kung bakit ito naroroon nang ganoong kaaga.

Karaniwan ay hindi niya ito nakakasabay sa almusal. Madalas, umaalis na ito bago pa man siya makapaghain o kaya naman ay tulog pa siya kapag umuuwi ito mula sa mga lakad nito.

Gayunpaman, hindi niya na iyon pinagtuunan ng pansin.

“Ano pong gusto ninyong idagdag sa almusal, Sir?” tanong ng isa sa mga kasambahay.

“Nothing. I'll be fine,” sagot ni Lawrence habang inaayos ang manggas ng kaniyang polo.

Nang mailapag na ang huling putahe sa mesa, dumiretso si Anna sa kinauupuan niya. Tahimik siyang umupo sa kabilang bahagi ng mesa at nagsimulang kumuha ng pagkain para sa kaniyang sarili.

Akmang aabutin ni Lawrence ang mangkok na kinalalagyan ng kanin nang bigla iyong hilahin ni Anna palapit sa kaniyang bahagi ng mesa.

Napatingin siya sa asawa.

Sa loob ng ilang segundo, inakala ni Lawrence na magsasandok lamang ito ng kanin para sa kaniya. Iyon naman ang karaniwang ginagawa ni Anna sa tuwing sabay silang kumakain. Hindi na niya kailangang magsalita dahil alam na ng babae ang kaniyang mga nakasanayan.

Ngunit laking gulat niya nang kumuha ito ng kanin para sa sarili nitong pinggan at saka muling inilagay ang mangkok sa gitna ng mesa na para bang wala siyang ibang kasama.

Hindi man lamang siya nilingon ni Anna.

For the first time in forever, nakaramdam ng kakaiba si Lawrence sa ikinikilos ng kaniyang asawa.

Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman sa simpleng pangyayaring iyon. Wala naman sanang malaking bagay sa hindi pagsisilbi sa kaniya ng asawa, ngunit hindi niya maiwasang mapansin ang pagbabago.

Sa loob ng tatlong taon, halos kabisado na niya ang mga kilos ni Anna. Alam niyang kahit abala ito ay hindi nito makakalimutang ihanda ang kaniyang pagkain. Kahit pagod, hindi ito magrereklamo kung may kailangan siya. At kahit ilang beses niyang ipakitang wala siyang pakialam, nananatili pa rin itong maasikaso sa kaniya.

Kaya bakit ngayon ay para bang hindi na siya mahalaga rito?

Dahil ba sa nangyari kahapon?

O sadyang nagtatampo lamang ito dahil hindi niya nagawang samahan sa ospital?

Napailing si Lawrence sa sariling iniisip. Hindi naman niya obligasyong samahan ang asawa sa bawat pagkakataong may nararamdaman itong kakaiba. May sarili rin siyang mga responsibilidad, at hindi maaaring basta na lamang niyang talikuran ang mga iyon para kay Anna.

At saka, hindi naman ito ang unang pagkakataong nagkasakit ang babae.

Subalit habang pinagmamasdan niya si Anna na tahimik na kumakain, lalo lamang siyang nakaramdam ng inis.

Kaya naman, kumuha siya ng isang maliit na lalagyan mula sa bulsa ng kaniyang pantalon at marahang inilapag iyon sa harap ng asawa.

Isang singsing ang laman niyon.

Isang mamahaling singsing na matagal nang hinihiling ni Anna sa kaniya.

Naalala pa ni Lawrence kung ilang beses na itong nagpahiwatig tungkol sa singsing na iyon. Minsan ay nakita niya itong nakatingin sa isang larawan ng alahas sa kaniyang cellphone. Minsan naman ay nabanggit nito ang tungkol sa isang disenyo na matagal na nitong gustong magkaroon.

Hindi naman sa wala siyang kakayahang bilhin iyon. Kung tutuusin, maliit na halaga lamang iyon para sa kaniya. Ngunit hindi niya kailanman itinuring na mahalagang bagay ang mga kahilingan ni Anna.

Gayunpaman, binili niya ang singsing dahil naisip niyang baka sakaling makatulong iyon upang bumalik sa dati ang kanilang sitwasyon.

O marahil ay gusto lamang niyang patunayang kaya pa rin niyang ibigay ang mga bagay na hinihiling ng kaniyang asawa.

Napatingin si Anna sa maliit na kahon.

Saglit niya iyong pinagmasdan bago muling tumingin sa kaniyang pinggan.

“Para ba kay Jane iyan?” tanong niya habang patuloy na kumakain. “Maganda ah. Pero siguro huwag masyadong malaki ang diamond.”

Napahinto si Lawrence.

Dahan-dahan siyang napatingin sa asawa, tila hindi makapaniwalang iyon ang naging reaksiyon nito.

“What's that supposed to mean?” tanong niya.

Nag-angat ng tingin si Anna at bahagyang kumunot ang noo.

“Ang alin?”

“The ring.”

Napatingin siya sa maliit na kahon at saka muling ibinalik ang tingin sa asawa.

“Ah, iyon ba? Akala ko kasi para kay Jane. Hindi ba mahilig siya sa mga ganoon?”

Hindi naitago ni Lawrence ang pagkakunot ng kaniyang noo.

Hindi dahil sa kalmado si Anna, kundi dahil para bang wala lamang dito ang lahat. Para bang wala itong pakialam kung kanino niya ibibigay ang singsing o kung sino ang babaeng bibigyan niya ng mga regalong dapat sana ay para sa sariling asawa.

Dati, kahit isang maliit na regalo lamang ang iuwi niya, sapat na iyon upang mapangiti si Anna. Hindi man niya aminin, naaalala niyang nakikita niya ang tuwa sa mukha nito sa tuwing may ibinibigay siya.

Ngayon, tila hindi na nito kayang magpakita ng kahit katiting na interes.

“Oh, come on. Don't put on an act, Anna,” sabi niya, may halong pang-aasar sa boses.

Sandaling tumigil sa pagnguya si Anna. Tiningnan niya ang asawa na para bang hindi nito maintindihan kung bakit kailangan pa nitong sabihin iyon.

“Anong act?” mahinahon niyang tanong.

“You know exactly what I'm talking about.”

“Hindi ko alam kung anong pinagsasabi mo, Lawrence.”

Napahilig si Lawrence sa kaniyang kinauupuan. Hindi niya gusto ang ganitong pag-uusap. Hindi niya gusto ang pakiramdam na tila hindi niya mabasa ang iniisip ng kaniyang asawa.

Mas lalo niyang hindi gusto na hindi ito nagpapakita ng emosyon na maaari niyang gamitin upang patunayan ang kaniyang mga hinala.

Kung nagagalit ito, maaari niya itong sabihang huwag mag-inarte. Kung umiiyak ito, maaari niya itong sabihang huwag magdrama. Ngunit kung ganito lamang ito kakalma, ano ang dapat niyang sabihin?

Napatingin muli si Anna sa singsing bago tila may naalala.

“Kung regalo ang balak mong ibigay kay Jane, may suggestion ako.”

Namilog nang bahagya ang mga mata ni Lawrence.

“Really?”

“Cartier bracelet ang ibigay mo. She wanted that one ever since. Hindi ko lang mabigay dahil regalo ng Mama mo sa akin iyon, kaya ayokong galawin ang collection ko.”

Pagkasabi niyon ay ipinagpatuloy na niya ang pagkain na para bang wala siyang sinabing kakaiba.

Samantala, tila may kung anong bagay na kumurot sa dibdib ni Lawrence.

Hindi niya maipaliwanag kung bakit lalo siyang nainis sa narinig. Kung tutuusin, wala namang masama sa sinabi ni Anna. Hindi rin naman nito ipinagbabawal sa kaniya na regaluhan si Jane. Sa halip, binigyan pa siya nito ng ideya kung ano ang maaari niyang ibigay sa babae.

Ngunit iyon mismo ang hindi niya matanggap.

Nasaan ang selos na dati nitong hindi maikubli?

Nasaan ang mga tanong na dati nitong paulit-ulit na ibinabato sa kaniya kapag umuuwi siyang may dalang regalo na hindi naman para rito?

At higit sa lahat, nasaan ang Anna na halos magmakaawa sa kaniya para lamang mabigyan ng kahit kaunting atensiyon?

“Is that what you think of me?” tanong niya.

Bahagyang tumigil si Anna sa pagsubo ng pagkain.

“Ano na naman?”

“That I'm buying gifts for Jane?”

Doon lamang siya tuluyang nilingon ng babae.

“Hindi ba?”

Napabuntong-hininga si Lawrence at napailing.

“You're unbelievable.”

“Thank you.”

Hindi napigilan ni Anna ang pagsagot nang ganoon. Hindi niya sinadyang maging bastos, ngunit sa totoo lang, wala na siyang lakas para makipagtalo sa asawa. Hindi niya alam kung bakit kailangan pang gawing komplikado ni Lawrence ang isang bagay na napakasimple.

Kung para kay Jane ang singsing, ibigay niya.

Kung para sa kaniya iyon, hindi naman niya kailangang tanggapin.

Wala siyang nakikitang dahilan para mag-away sila dahil lamang sa isang kahon ng alahas.

Lalo na ngayong unti-unti niyang natututuhang hindi lahat ng bagay ay kailangan niyang ipaglaban.

“Hindi mo man lang ba tatanungin kung para kanino talaga iyan?” mariing tanong ni Lawrence.

Tiningnan siya ni Anna bago bahagyang ngumiti.

“Para kanino ba?”

Hindi agad nakasagot si Lawrence.

Sa halip na maibsan ang inis niya, tila lalo lamang itong nadagdagan. Kinuha niya ang kahon at itinulak iyon palapit sa asawa.

“For you.”

Napatingin si Anna sa singsing.

Sa loob ng isang saglit, may kung anong kirot na muling bumalik sa kaniyang dibdib. Hindi dahil sa singsing, kundi dahil sa alaala ng mga panahong matagal niyang hinintay ang ganitong simpleng kilos mula sa asawa.

Ilang beses na ba siyang nagpahiwatig noon?

Ilang beses niyang sinubukang sabihin kay Lawrence na gusto niyang makatanggap ng isang bagay na pinili nito para sa kaniya, hindi dahil obligasyon nitong gawin iyon bilang asawa, kundi dahil naalala siya nito?

Ngayon, naroon na ang singsing sa harap niya.

Ngunit bakit parang wala na siyang maramdamang tuwa?

Marahil dahil sa loob ng tatlong taon, natutuhan na niyang huwag umasa sa mga bagay na hindi naman kusang ibinibigay sa kaniya.

Marahil dahil napagod na siyang maghintay.

O marahil dahil sa tuwing may kaunting pag-asang nabubuo sa kaniyang dibdib, si Lawrence rin ang unang dudurog sa mga iyon.

“Thank you,” mahinahon niyang sabi. “Pero hindi ko kailangan.”

Napatitig si Lawrence sa kaniya.

“What?”

“I said, thank you. Pero hindi ko kailangan.”

“Anna, stop this nonsense.”

“Hindi naman ako nakikipag-away.”

“Then take the damn ring!”

Napatingin sa kanila ang mga kasambahay na abala sa pag-aayos ng mga pinggan sa kabilang bahagi ng dining area. Agad namang yumuko ang mga ito at nagkunwaring walang narinig.

Samantala, nanatiling kalmado si Anna.

“Lawrence, kung gusto mong ibigay sa akin iyan dahil gusto mo akong bigyan ng regalo, salamat. Pero kung ibinibigay mo iyan dahil may gusto kang patunayan, huwag na lang.”

“Patunayan ang alin?”

“Hindi ko alam. Ikaw ang nakakaalam kung bakit mo binili iyan.”

Muli siyang yumuko upang ipagpatuloy ang kaniyang pagkain.

Hindi na sumagot si Lawrence. Hindi niya alam kung paano haharapin ang asawa na tila biglang naging ibang tao sa loob lamang ng isang gabi.

Hanggang sa matapos ang almusal ay hindi na muling hinawakan ni Anna ang kahon. Nang dumating ang isa sa mga kasambahay upang ligpitin ang mga pinagkainan, ipinakiusap ni Lawrence na iabot nito ang singsing sa kaniyang asawa.

“Ma'am, kay Sir daw po ito para sa inyo,” magalang na sabi ng kasambahay habang inilalapit ang kahon.

Napangiti nang bahagya si Anna at umiling.

“Sa kaniya mo na lang ibalik. Baka kailanganin pa niya.”

“Ma'am…”

“It's okay. Thank you.”

Walang nagawa ang kasambahay kundi sundin ang sinabi niya.

Nang makaalis ang babae, mabilis na tumayo si Lawrence mula sa kaniyang kinauupuan.

“Stop playing mind games, Anna.”

Napahinto ang babae sa pag-aayos ng kaniyang mga gamit.

“Mind games?”

“Yes. This isn't you.”

Dahan-dahang humarap sa kaniya si Anna.

“Alam mo, Lawrence, hindi naman kailangang lahat ng ginagawa ko ay tungkol sa iyo.”

Napatigil siya sa sinabi ng asawa.

Sa loob ng ilang segundo ay walang ibang maririnig sa dining area kundi ang mahinang tunog ng mga kasambahay na nag-aayos ng mesa.

Hindi iyon ang sagot na inaasahan ni Lawrence.

Sanay siyang si Anna ang unang lumalapit kapag may hindi sila pinagkakasunduan. Sanay siyang ito ang unang sumusubok na ayusin ang anumang gusot sa pagitan nila. At higit sa lahat, sanay siyang kahit ilang beses niya itong itulak palayo, palagi pa rin itong babalik sa kaniya.

Ngunit ngayon, tila wala nang balak ang babae na gawin ang mga bagay na iyon.

“What's gotten into you?” tanong niya.

“Nothing.”

“Then why are you acting like this?”

“I'm not acting, Lawrence.”

“Really? Because I don't believe you.”

Sandaling nagkatinginan ang dalawa.

Nais sanang sabihin ni Anna na hindi na niya kailangang maniwala sa kaniya. Hindi na rin mahalaga kung ano ang iniisip nito tungkol sa pagbabago ng kaniyang kilos. Pagod na siyang ipaliwanag ang sarili sa isang taong hindi naman talaga nakikinig.

Ngunit pinili na lamang niyang manahimik.

May mga laban palang hindi kailangang ipanalo.

May mga tanong na hindi na kailangang sagutin.

At may mga pagkakataong ang pinakamagandang gawin ay ang tumalikod, kahit pa ang taong iniiwan mo ay ang taong minsan mong pinangarap na makasama habang-buhay.

“I'm going upstairs,” sabi niya.

Hindi man lamang naghintay si Anna ng sagot. Iniwan niya si Lawrence sa dining area at tahimik na naglakad patungo sa hagdan.

Naiwang nakatayo ang lalaki habang nakatingin sa papalayong asawa.

Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lamang naging ganito si Anna. Hindi naman niya hinihinging magbago ito nang lubusan. Ang gusto lamang niya ay bumalik ito sa dati, sa babaeng palaging nakatingin sa kaniya na para bang siya lamang ang lalaking umiiral sa mundo nito.

Ngunit sa pagkakataong ito, hindi man lamang siya nilingon ni Anna.

At iyon ang lalong nagpagalit sa kaniya.

“Anna!”

Hindi huminto ang babae.

“Anna, I'm talking to you!”

Doon lamang bahagyang lumingon si Anna mula sa huling baitang ng hagdan.

“Yes?”

Nanlaki ang mga mata ni Lawrence sa simpleng pagtugon nito. Walang takot, walang pag-aalinlangan, at walang kahit anong pahiwatig na naghihintay ito ng susunod na sasabihin niya.

“Stop this nonsense. Whatever you're trying to do, it won't work on me.”

Saglit na pinagmasdan siya ni Anna.

Pagkatapos ay ngumiti ito nang bahagya, ngunit walang saya sa mga mata nito.

“Don't worry, Lawrence. I'm not trying to do anything.”

At sa pagkakataong iyon, tuluyan na siyang tumalikod.

Naiwan si Lawrence sa ibaba, hawak ang maliit na kahon na ilang minuto niyang ipinilit na tanggapin ng kaniyang asawa.

Hindi niya alam kung bakit parang mas mabigat pa iyon kaysa sa inaasahan niya.

Tiningnan niya ang singsing at mariing napakuyom ang kaniyang kamay sa paligid ng kahon.

“Stop playing mind games, Anna,” bulong niya sa sarili. “Hindi bagay sa iyo.”

Ngunit kahit ilang ulit niya iyong sabihin, hindi nawala ang kakaibang pakiramdam sa kaniyang dibdib.

Dahil sa kauna-unahang pagkakataon, hindi niya matiyak kung ang asawa ba niya ay nagtatampo lamang o talagang nagsisimula nang sumuko.

At ang hindi niya alam, ang babaeng ilang taon niyang hinayaang maghintay ay unti-unti nang natututong mabuhay nang hindi naghihintay sa kaniya.

Sa itaas, tahimik na isinara ni Anna ang p***o ng kanilang silid.

Sandali siyang sumandal doon at pumikit.

Masakit pa rin.

Siyempre, masakit pa rin.

Hindi naman ganoon kadaling burahin ang tatlong taon ng pag-asang baka isang araw ay piliin din siya ng kaniyang asawa. Hindi ganoon kadaling kalimutan ang bawat gabing naghintay siya sa pag-uwi nito, ang bawat umagang naghanda siya ng almusal para rito, at ang bawat pagkakataong pinaniwala niya ang sarili na baka bukas ay iba na ang lahat.

Ngunit pagod na siya.

Pagod na siyang maging asawa sa papel lamang.

Pagod na siyang makipagkumpitensya sa isang babaeng hindi naman kailangang gumawa ng kahit ano upang makuha ang atensiyon ni Lawrence.

At higit sa lahat, pagod na siyang sisihin ang sarili sa mga bagay na hindi naman niya kasalanan.

Dahan-dahan siyang lumapit sa salamin at pinagmasdan ang kaniyang repleksiyon. Maputla pa rin siya dahil sa nangyari kahapon, ngunit mas maayos na ang kaniyang pakiramdam kaysa noong nakaraang araw.

Marahil iyon din ang dahilan kung bakit mas malinaw na niyang nakikita ang mga bagay na matagal na niyang ipinagkakaila sa sarili.

Hindi niya kailangang magmakaawa para mahalin.

Hindi niya kailangang tanggapin ang bawat regalong ibibigay sa kaniya upang patunayang mabuti siyang asawa.

At hindi niya kailangang magkunwaring masaya sa isang pagsasamang matagal na niyang pinangarap na maging tahanan.

Hinaplos niya ang kaniyang dibdib at marahang huminga.

“Enough, Anna,” bulong niya sa sarili.

Sa unang pagkakataon, hindi niya iyon sinabi upang pigilan ang sarili sa pag-iyak o upang piliting tanggapin ang panibagong pagkukulang ni Lawrence.

Sinabi niya iyon dahil gusto na niyang piliin ang sarili.

Kahit kaunti.

Kahit ngayon lamang.

At kung sakaling mapansin ni Lawrence ang pagbabago sa kaniya, hindi na niya responsibilidad na ipaliwanag kung bakit.

Dahil hindi niya kailangang patunayan sa asawa na nasasaktan siya upang maging totoo ang sakit na nararamdaman niya.

Minsan, ang pinakatahimik na tao ang siyang pinakamatagal nang lumalaban.

At kapag tuluyan na itong napagod, hindi palaging galit ang matitira.

Minsan, katahimikan na lamang.

At sa pagkakataong iyon, iyon na mismo ang simula ng paglayo.

在 APP 繼續免費閱讀本書
掃碼下載 APP

最新章節

  • The Wife He Never Chose   Kabanata 05

    Sa loob ng tatlong taon, walang ibang hinangad si Anna kundi ang maging masaya sila ni Lawrence. Ngunit sa kagustuhan niyang mapanatili ang kanilang pagsasama, may mga bagay din siyang isinantabi, gaya ng pagtuturo sa mga bata. Halos ilang buwan na rin kasing expired ang lisensya niya bilang isang guro at kailangan na niyang kumuha ng panibago.Noon, akala niya, kapag ikinasal siya ay magiging masaya na siya. Akala niya, sapat nang makasama niya ang lalaking mahal niya para masabi niyang kumpleto na ang kaniyang buhay. Ngunit hindi pala ganoon kadali ang lahat. Sa halip na saya, kirot sa dibdib ang madalas niyang maramdaman. Kaya naman minabuti niyang gawin na ang mga bagay na hindi niya nagawa noon. Tutal, wala naman siyang mawawala kung susubukan niyang ibalik ang dating Anna na minsan niyang kinalimutan dahil sa pag-ibig.“Paz, baka gabihin ako ngayon. Siguro, huwag na lang kayong magluto ng marami. Para kay Sir na lang,” sabi niya habang inaayos ang mga gamit sa kaniyang bag. “At

  • The Wife He Never Chose   Kabanata 04

    Nang tuluyang maasikaso ni Paz ang mga papeles para sa kaniyang discharge, wala nang nagawa ang ina ni Anna kundi ang ihatid siya pauwi. Ilang beses pa siyang pinayuhan nito na magpahinga at huwag masyadong magpakapagod, mga salitang paulit-ulit lamang niyang sinagot ng isang ngiti.Pagdating nila sa bahay, agad na sinalubong sila ng isa sa mga kasambahay.“Ma'am, mabuti naman po at nakauwi na kayo. Kumusta na po ang pakiramdam ninyo?”“Maayos na ako. Salamat,” sagot ni Anna bago bahagyang lumingon sa kaniyang ina. “Ma, dito ka na muna maghapunan?”“Hindi na, anak. Marami pa akong aasikasuhin sa bahay. Magpahinga ka na lang, ha? At huwag mong kalimutang sabihin kay Lawrence kapag may nararamdaman ka.”“Opo, Ma.”Matapos ang ilang minutong pamamaalam, tuluyan nang umalis ang kaniyang ina. Naiwan si Anna sa malawak na sala, nakatitig sa pintuang kakasara lamang.“Ma'am, ihahatid ko na po ba kayo sa kuwarto ninyo?” tanong ni Paz.Umiling siya. “Hindi na. Dito muna ako. Pakikuha na lang a

  • The Wife He Never Chose   Kabanata 03

    Hindi na muling nagpadala ng mensahe si Lawrence matapos ang huli nitong sinabi. Si Anna naman ay tahimik na ipinagpatuloy ang kaniyang mga gawain hanggang sa matapos siyang maghanda ng pagkain.Nang matapos ang lahat, dinala niya ang isang tray ng pagkain sa silid ni Lawrence. Kumatok muna siya nang dalawang beses bago marahang binuksan ang pinto.“Lawrence, nagdala ako ng pagkain mo.”Ngunit hindi siya nakatanggap ng sagot.Nang tuluyan siyang makapasok, nakita niyang nakaupo si Lawrence sa gilid ng kama habang abala sa pakikipag-usap sa telepono. Bahagya itong napangiti sa taong kausap, isang ngiting matagal nang hindi nakita ni Anna na ibinigay sa kaniya.“Have you eaten, Jane?” tanong ni Lawrence sa kabilang linya. “I can have something delivered to you if you want.”Napayuko si Anna.Hindi niya sinasadyang marinig ang pag-uusap ng dalawa, ngunit hindi rin niya nagawang agad na lumabas. Sa simpleng tanong na iyon, muling naalala niya kung gaano kalayo ang pagkakaiba ng pakikitung

  • The Wife He Never Chose   Kabanata 02

    Hindi lingid sa kaalaman ng iba na kontrata lamang ang kasal nina Anna at Lawrence. Ito ay dahil nangako ang amain ni Lawrence na ipapakasal ang panganay niyang anak sa magiging anak ng tatay ni Anna, isang pagkakaibigang nabuo dahil pareho silang galing sa hirap noong mga bata pa sila. Elementary pa lamang ay halos hindi na magkandamayaw ang mga magulang ni Lawrence sa pag-aayos ng kasal nila. Kaya lang, dahil sa murang edad ng mga bata, hindi naman magiging madali ang bawat paraan, kaya minabuti na lamang nilang maghintay hanggang sa lumaki ang mga ito. Si Anna, mahal talaga si Lawrence noon pa man, pero si Lawrence ay tanging si Jane lamang ang minahal. Hindi lang siya makatanggi sa ama, kaya pinili niya si Anna kahit labag sa kalooban niya. Hindi rin naman talaga ganoon si Lawrence noon. Kung tutuusin, mas maganda pa ang pakikitungo niya kay Anna dati kaysa ngayon. Si Anna Katalina Roxas—ang Katalina ay galing sa kaniyang ina, at ang Roxas naman ay apelyido ng kaniyang ama, na

  • The Wife He Never Chose   Kabanata 01

    Hindi mapakali si Anna sa kaniyang kinatatayuan dahil buong araw siyang naging abala sa paghahanda ng mga gamit para sa pag-uwi ng kaniyang asawa. Galing kasi ito sa business trip sa ibang bansa, at paniguradong gusto na rin nitong kumain ng mga pagkaing Pilipino. “Ma’am Anna! Itong baka po ba, kanina pa natin pinakuluan? Baka naman po, kapag tinusok ni Sir Lawrence ng tinidor, mahulog na agad sa sobrang lambot!” biro ng kanilang kasambahay. Naalala kasi ni Paz na minsan nang nagalit si Lawrence dahil sa sobrang lambot ng pagkaing inihanda para sa kaniya. Halos hindi na niya kailangang nguyain ang karne bago ito mahulog sa kaniyang tinidor. “Hayaan mo na muna, Paz. Tatawagan ko lang ang Sir ninyo para malaman kung dito ba siya kakain. Kung hindi naman, para na lang sa inyo ang mga pagkain,” sagot ni Anna. Kinuha niya ang kaniyang telepono sa bulsa at tinawagan si Lawrence. Ngunit sa unang sagot pa lamang nito, halos maramdaman na ni Anna ang pagkayamot ng kaniyang asawa sa simplen

更多章節
探索並免費閱讀 優質小說
GoodNovel APP 免費暢讀海量優秀小說,下載喜歡的書籍,隨時隨地閱讀。
在 APP 免費閱讀書籍
掃碼在 APP 閱讀
DMCA.com Protection Status