Share

Trapped in Vampire Realm (Tagalog)
Trapped in Vampire Realm (Tagalog)
Author: JoVeUn

Kabanata 1 - The Start Before the Mess

Kalalabas ko lang galing trabaho bilang isang waitress sa sikat na coffee shop. Naglalakad ako papuntang terminal ng jeep habang ang pagod ay iniinda. Nakakapagod ang isang pagiging waitress, lahat ng lakas na inipon mo no'ng umaga ay awtomatikong mawawala pagsapit ng mga oras na magdadaan. Kahit sabihin na wala naman akong binubuhay na pamilya ay mahirap pa rin. Pambayad ng tubig, ilaw, gastusin sa araw-araw, pamasahe at marami pang iba.

May tumigil na jeep kaya agad naman akong sumakay, marami ang pasahero at halos magsiksikan na kami. Kahit gabi na at malamig na sa labas ay ang init pa rin ng pakiramdam sa loob ng jeep. Para kaming sardinas na nagsisiksikan. Maya-maya pa ay may bumabang anim na pasahero kaya naman nakahinga-hinga na rin ako kahit papaano. Napabuntong hininga nalang ako, ang hirap talaga ng buhay kapag mag-isa ka lang.

"Bayad po!" Sabay abot ng pera sa may katabi ko at agad naman n'ya itong tinanggap at ipinasa. Ganito na lang palagi ang senaryo ng buhay ko. Gigising, papasok sa trabaho, kakayod para sa sarili, lalabas, pagkatapos ay mag-aabang ng jeep at pagkarating sa bahay ay mabilis ng hihilata at tutulog dahil sa pagod. Nakakasawa na ang ganitong set-up ng buhay pero ano bang magagawa ko? E, ito ang nakatadhana para sa'kin.

"Para po!" sigaw ko at agad namang huminto ang jeep kaya naman dali-dali na akong bumaba. Napapikit naman ako at napalanghap ng sariwang hangin.

Sa wakas.

Naglakad ako dito sa may eskinita nitong lugar namin. Masyadong masikip at madilim kaya kapag dinilim ka ng uwi ay talagang mapapahamak ka. Naglakad pa ako ng kaunti para maabot ko na ang munting apartment ko. Bubuksan ko na sana ang pinto nu’ng may makita akong liwanag do'n sa madilim na parte ng eskinita. Napatigil ako at tiningnan ng mabuti ang liwanag na nagmumula sa dulong bahagi nitong building kung saan daan-daang pamilya ang nagsisiksikan sa pitong palapag na gusaling ito.

Inayos ko ang pagkakasukbit ng bag sa aking balikat at bahagyang nilapitan ang nakakapagtakang bagay na iyon. Biglang umihip ang malakas at malamig na hangin na dumaan sa aking bukas na balat sa braso at hita. Napatigil ako at napatingin sa buong paligid, tumambad sa akin ang napakadilim na kapaligiran kasama pa ang nakakabinging katahimikan. Muli akong napalingon sa nagliliwanag na bagay at itinuloy ang paglalakad. Bakit naman may ganito sa oras na ito? Ang halos lahat ay tulog na at sino naman ang magpapakana nito? Dala ang kuryosidad ay kumaliwa ako ng daan para makita kung ano ang pinagmumulan ng bagay na iyon.

“Waahh!” palakat ko at mabilis na napahawak sa aking kumakabog na dibdib.

“Remi!” sigaw ko habang ang tibok ng puso ko ay ayaw magpaawat.

Mariin akong napapikit at inis na ibinalik ang tingin sa kanya. Ganu'n na lang din ang taka ko noong biglang nawala ang liwanag sa likod n’ya. Mas tumaas ang inis ko at iyamot na tinitigan ang nakakaasar na mukha ng kababata ko.

“Ano ba!” inis kong sigaw at tinabig s’ya para makita ang likod n’ya pero wala akong nakitang kakaiba. Inikot ko ang mata ko pero bukod sa nakakasura n’yang mukha ay wala na akong nakita pang kahina-hinala.

Asan na ang liwanag na 'yon?

“Ano rin ba?” maang na balik na tanong n’ya sa akin.

Napakamao ang kamay ko at nagusumot ko ang t-shirt na suot n’ya. “Anong ginagawa mo rito? Ha?!”

Tamlay nitong tiningnan ang kamay kong nakahawak sa damit n’ya. “Paalala ko lang, branded ‘yang dinudumihan mo.”

Nanlaki ang mata ko at sinapok s’ya ng walang alinlangan. “Aray!”

Tiningnan ko naman ang damit n’ya na kulay itim na may malaking salitang nakaprintang Lii.

“Branded ha?” sarkastikong saad ko.

Pinagpagan n’ya ang suot at tumingin sa akin. “250 rin ‘to kaya ‘wag mo ‘tong magusot-gusot. Ilang kabang bigas din ang katumbas nito..." Hindi na 'to magkaige sa pagpupunas ng damit n'ya. "...Tss, pasalamat ka talaga dahil may pinagsamahan tayong bruha ka.”

Maka-ilang kaban naman ‘to.

Dinuro ko naman ang malangis-langis n’yang noo. “Hindi ko utang na loob ‘yon sa’yo saka tingnan mo nga ‘yang noo mong pwede ng magprito.”

"Ano bang pake mo?" asar na tugon nito sa akin.

Napakamot ito sa kanyang noo at padabog na umalis sa pwesto namin. Muli kong sinilayan ang paligid dahil hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na mawawala ‘yon basta-basta. Naglakad na ako at sinundan ang katawan ni Remi na papalayo na.

"Guni-guni," bulong ko at napakamot sa anit kong sumasakit dahil sa pagtataka.

Hinawakan ko ang doorknob ng pinto ng apartment. Habang hinahanap ko ang susi sa aking bag ay sumilay ako sa katabi kong si Remi na naghahanap din ng susi ng apartment n’ya.

“Hoy!” tawag ko at mukhang timang na tumingin sa akin.

“Bakit?” sagot nito at todo ang kapa sa kanyang bulsa. Napatigil ako sa paghahanap at bahagyang napatitig sa kanya. Gusto kong itanong sa kanya ang nakita ko dahil hindi ko makumbinsi ang sarili ko na guni-guni lang ‘yon.

“Alam kong gabi-gabi mo akong pinapantasya pero ‘wag mo naman ipahalata at sa harap ko pa.”

Matinding napaikot ang mata ko paitaas at padabog na binuksan ang lumang pinto sa harap ko.

“Habagin ka sana sa mga sinasabi mo,” asar na tugon ko.

Hindi ba s’ya kinikilabutan?

“Cenn, ‘wag ako. Alam ko na ‘yang mga istaylan mo,” wika nito na nakakalokong nakatingin sa akin habang ang daliri nito ay nilawayan sabay punas sa magulo n’yang kilay. “Tingnan mo naman ang kulay ko, kulay pinutukan ng glutathione,” proud na saad nito. “‘Diba ‘to ‘yong gusto mo sa lalaki?”

“Pipiliin ko pang makipag-date sa mga bampira kesa sa’yo kung ang hanap ko lang din naman ay maputi,” pabiro kong banat at padabog na isinara ang pinto. Naramdaman ko naman ang mga gabok na nagsilaglagan sa aking balikat.

“Araw-araw talaga akong sinusubukan ng panahon sa isang ‘yon e,” bulong ko at walang ano-anong inihagis ang bag sa kamang malapit lang din sa pinto. Sa sobrang liit ng apartment ko hindi ko alam kung kaya pa ng tatlong taong mamalagi dito.

Nagpalit na ako ng damit at humilata sa kama at napatitig sa kisame. Biglang sumagi muli ang nakita ko kanina sa aking isip. “Tss, baka pagod lang ‘to.” Napailing ako at niyapos ang unan sa aking tabi. Maya-maya pa ay naramdaman ko na ang pagbigat ng talukap ng mata ko.

“Good night, Cenn! Alam kong may happy story na tayo sa pantasya mo kaya ikwento mo sa akin! Huwag kang masyadong madamot kasi alam mo namang sayo-”

“Tantanan mo ako! Sa t’wing naririnig ko ‘yang boses mo pakiramdam ko’y lagi akong nasa piligro!” balik kong sigaw sa kabilang kwarto. Narinig ko naman ang tawa nito, jusko!

~*~

Nagising ako sa tunog ng alarm clock kong nasa ulunan ko. Pinatigil ko na 'yun dahil nakakairita sa pandinig. Napatingin ako sa labas ng bintana at medyo madilim pa pero dahil kailangan pumasok ng maaga sa trabaho ay tumayo na rin ako kalaunan. Tumayo na ako sa kama at dumeritso na sa kusina na nasa tapat lang ng kama ko para makapag luto na ng almusal.

Binuksan ko ang maliit na ref para tumingin ng pwede kong iluto pero kapag minamalas ka nga naman, wala na pala akong imbak ng pagkain. Napatadyak ako sa inis.

Badtrip naman.

Nakalimutan kong mamili kahapon, ganito rin ang nangyari kahapon sa akin. Hindi rin ako na kapag-almusal dahil walang tirang pagkain kaya naman hindi ako papayag na ngayon ay hindi pa rin ako makakapag-almusal.

Tiningnan ko ang wallet ko at napagtanto kong limang daang piso na lang ang meron ako. Napabuntong hininga ako, kailangan ko ng pera dahil bukas ay bayaran na ng ilaw at tubig.

Babale na lang siguro ako sa boss ko mamaya. Tumayo na ako at nilagay sa panjama ko ang wallet. Mag aala-singko na at malapit ng pumutok ang araw kaya naman mas binilisan ko pa ang kilos para makabili na ng pagkain. Naramdaman ko naman ang pagkulo ng aking tiyan, konting tiis na lang.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status