Share

Chapter 2

Chapter 2

I remembered how ungrateful I am. Masyado kong binababa ang sarili ko noon. Labing-tatlong taong gulang pa lamang ako pero pakiramdam ko, ubos na ubos na ako. Na pasan-pasan ko ang mundo. Na magisa lamang ako. Na habang-buhay ako magiging miserable.

Pero bata pa lamang ako. Wala pang nararating. Di ko pa alam ang kalakaran sa mundo. Di sapat ang pagiging malungkot ko sa problema ng mundo. Di ko maibabalik ang lahat. Di ko na maibabalik si Papa. Di ko na maibabalik si Mama at ang kapatid ko. Tuloy ang agos ng mundo ko. Kahit anong mangyayari.

"Anita, may gusto ba sa'yo si Jaco?" Nagulat ako isang araw 'nung Grade 8 ako. Hinarangan ako ng isang taga-senior high. Iba kasi ang uniporme naming juniors sa kanila.

"P-po?" Umismid ang matangkad na babae. May kasama siyang apat na mga gagandang babae. Sa liit kong ito, alam kong walang makakapansin kung bigla nila akong awayin.

"Balita ko may gusto sa'yo si Jaco." Segunda ng isa sa mga babae. Mabilis akong napailing.

"Wala pong k-katotohanan 'yan..." Humakbang ng dalawang beses ang nasa pinakagitna. Sa gulat ko ay napaatras ako at natapilok.

"Aray!" Napahiyaw ako nang tumama ang puwet ko sa malamig na tiles nang CR namin. Nagsitawanan ang mga babae.

"Talagang walang katotohanan, Anita. Hindi magkakagusto si Jaco sa isang iyakin na katulad mo. Neneng-nene e. Baby bra pa o." Napasinghap ako nang isuksok ni ang kamay sa suot kong blouse saka hinaklit ang suot kong baby bra.

Nagsitawanan na naman sila. Napayuko ako at tahimik na umiiyak. Anong kasalanan ko sa kanila? Bakit nila papatulan ang katulad ko? Wala naman akong ginagawa.

"Lagot ka, Cristine. Magsusumbong 'yan sa nanay." Tudyo ng isa sa kanila.

"Walang mapagsusumbungan 'yan. Iniwan ng nanay. Sumama sa mayamang lalaki." Napayuko ako at itinago ang mukha sa aking bagpack.

"May paparating! Masusumbong kong makita tayo kasama ng batang 'to."

"I'm sure she already got the point. Matalino daw ito."

"Tigilan na natin. Imposibleng magkagusto si Jaco sa anak ng isang prosti? Common sense, please. Nangingilabot ako sa pangit na CR na ito." Tumingala ako sa babaeng nagsalita 'nun.

Walang ekspresyon ang kaniyang mukhang nakatingin sa akin. De-kolor ang kaniyang buhok at pula ang labi. May hikaw sa kaniyang ilong. Bigla lamang siyang ngumisi. Umiwas agad ako ng tingin.

"Anita... Anita... ang pangit ng pangalan mo." Si Criselda na ngayon ay nakasquat. Inangat nito ang mukha ko gamit ang dalawang daliri niya.

Napasinghap ako ng nilapit niya ang mukha sa akin para bumulong.

"Listen here, kid. Wag ko lang makita o marinig ang tungkol sayo at kay Jaco. I promise you, this wouldn't be the first time we're gonna play. Marami akong kayang gawin."

Napaatras ako ng bigla niyang tampalin ng dalawang beses ang pisngi ko. Kinagat ko ang ibabang labi para di mapaiyak.

"Let's go! A mosquito just bit me. Gosh."

Tumayo si Criselda saka nauna nang maglakad papalabas sa CR. Nahuli ang babaeng may hikaw sa kaniyang ilong.

"Ingat ka, bata."

Kinuyom ko ang aking kamao saka umiyak na lamang. Wala akong nagawa. Wala na naman akong nagawa.

Si Jaco ay nananatili nga sa La Felicidad. Huling pagkakita ko sa kaniya ay noong kasal nila Mama at Tito Marcio. Labis ang pagkadismaya nang kaniyang angkan sa biglaang pagpapakasal nila Mama. Maraming haka-haka na di ito anak ni Tito Marcio at nabuntis lang siya ng ibang lalaki at nais ipaampon sa isang mayamang tao. Nagkaroon 'nang komosyon pero natuloy pa rin ang kasal. Sumama pa rin si Mama sa Manila.

Kaya kung sinong nagsabi na magkakagusto sa akin si Jaco Avanceña, nagkakamali siya. Walang katuturan iyon.

Magkaharap ang building ng mga senior high sa building namin. Nasa ikalawang palapag ang aking classroom. Nakatitig ako sa building ng mga senior high sa corridor habang inaaalala ang pagcorner sa akin ng mga senior high sa akin kahapon. Malaki ang epekto nito sa akin. Dahil sadyang nakakatrauma na maging walang kalaban-laban.

Nasa ikaapat na palapag ng mga senior high si Jaco nang biglang sumungaw sa railings. Nanlaki ang mga mata ko ng magkatitigan kami.

Nakatungo siya sa akin, umayos ng tayo at dinantay ang dalawang braso sa metalya ng railings. Nakabukas ang mga butones ng uniporme dahil sumasayaw ito kasama ng malakas na hangin.

Umatras ako agad bago pa ako mapansin ng grupo nina Criselda. Nagmamadaling bumalik ako papasok ng classroom. Habol-habol ko ang hininga. Nakita ba niya ako? Hindi diba? Teka, nakita ba niya ako? Sana hindi. Baka sa iba siya nakatingin. Kay Shea siya nakatingin. Katabi ko lang si Shea. Sana di niya ako nakita.

Diyos ko. Sana po di ako nakita ni Jaco. Sana po di niya ako nakita.

Ngayon ko lang siya ulit nakita. Talagang naririto siya nagaaral. Iiwas ako. Dapat ko siyang iwasan.

Kahit anong mangyari.

Pagkatapos nang klase ay dumeretso agad ako sa aming bakery. Tinupad ni Mama na bigyan ako ng pera para itayo ulit ang aming panaderya dati. Wala siyang kwestyon o tanong sa kung anong ginawa ko sa pera. Isang bagay na ipinagbago niya. Siguro dahil malaki na ang pera ni Mama.

May mga pinsan si Papa rito sa La Felicidad. Pero ayaw na nila kay Mama magmula noong bumalik siya sa pagaaliw ng mga kalalakihan sa kabilang bayan. Magmula noong umalis si Mama ay unti-unti ay tinulungan nila ako sa pagpapatayo ng panaderya ni Papa. Iyon naman kasi ang pinagkukuhanan dati ng pera ng buong kamaganak ni Papa. Nawala lamang nang kailangang ibenta ng lupa para pambayad sa mga bayad sa hospital ni Papa at panglibing niya. At hindi na muli ito naipatayo.

Bukod sa kanila, si Tiya Sela rin ang kumupkop sa akin. Siya ang kaibigan ni Mama. Magkaiba man ang aming tirahan, ginagabayan niya pa rin ako kahit papaano.

"Oh, nandito ka na." Si Mang Amor nang makita akong papasok sa kusina. Siya ang isa sa aming panaderyo. Ngumiti ako.

"Mano po, mang Amor." Nilahad niya ang kamay.

"Lalo ka ata gumaganda, hija."

"Anita nga kasi ang pampaswerte ng bakery." Panloloko ni Tiya Sela. Lumapit ako sa kaniya saka nagmano.

"Kamusta ang araw mo?" Tanong niya saka hinaplos ang buhok ko. Isang bagay na madalas na ginagawa ni Mama.

Napangiti ako.

"Maayos naman, po."

"Tiya Sela! May bibili!" Si ate Grace na anak ng pinsan ni Papa na si Tita Solly.

Humahangos siyang pumasok sa kusina. Kumuha na rin ako ng apron para isuot.

"Bakit ako tinatawag mo? Di mo kayang magbenta?" Natawa kami sa sinabi ni tiya. Napangiwi si ate Grace.

"Si Jaco ang bibili! Di ko kayang harapin! Napakapangit ko ngayon."

Napasinghap ako.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status