Share

Kabanata 2

Rinig na rinig ko ang malakas na dagundong ng dibdib ko, kasabay ang mabagal na paghakbang papunta sa nakita ko na parang pigura ng tao.

"Aya!" pasigaw na tawag ni Belle sa pangalan ko. Bakas ang takot sa boses.

"Ouch!" Pigil ang pagdaing ko nang pabagsak akong napaupo at tumama ang puwet ko sa ugat ng punong-kahoy dahil sa biglang pag-atras. Hindi nga ako nagkamali. Tao nga ang nakita ko. Lalaking nakadapa at walang malay.

"Aya, halikana na, t-tara na sa bahay," nauutal at umiiyak na sabi ng kaibigan ko na pilit akong hinihila patayo, kaya lang parang nawalan ng lakas ang mga paa ko. At parang nabingi ako.

Rinig ko ang mga sinabi niya na iwan na lang namin ang lalaki at ipagbigay alam na lang sa kapitan ang aming nakita, ngunit nanatili lang akong naka-upo malapit sa lalaki na hindi ko alam kung buhay o patay.

"Aya!" pabulong na sigaw ni Belle. "Halika na!" Hinila na niya ang damit ko at sinubukan na itayo.

Pero hindi ko pa rin kayang tumayo. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kaibigan ko at sa lalaking nakahandusay. Gusto ko'ng sundin ang sinasabi ni Belle. Iwanan na lang ang lalaki, ngunit hindi ko magawa. Hindi ko alam kong bakit. Takot na takot ako pero mas nanaig pa rin ang kagustuhang tulungan ang lalaki. Gusto kong alamin kung buhay ba o patay.

Nanginginig ang buong katawan ko pero pilit kong nilalakasan ang loob. Pagapang akong lumapit sa lalaki at hinagilap ang pulso nito.

"B-Belle, buhay!" nanginginig ko'ng sabi.

Lumapit pa ako at tinutok sa mukha nito ang ilaw ng flashlight. Bukod sa may maraming sugat at pasa sa mukha, amoy alak din.

"Lumapit ka rito, tulungan natin," nanginginig ang mga kamay ko, ngunit buo ang loob na tulungan ito.

"Naloloka ka na ba, Aya? Paano kung masamang tao 'yan?" singhal ng kaibigan ko na bakas pa rin ang nginig sa boses.

Alam ko. Ramdam ko ang pangamba ni Belle, dahil iyon din ang nararamdaman ko, ngunit hindi ko magawang iwan ang lalaki sa ganoong ayos. 'Tsaka nurse ako. Magiging nurse sana, kahit paano ay may alam ako sa pagbibigay ng paunang lunas.

"Belle, tumahimik ka na. Tulungan mo na lang ako," sabi ko, kasabay ang pagpaupo sa lalaki. Wala nang nagawa si Belle, kun'di ang tulungan ako pero hindi pa rin talaga tumigil sa kakadada.

Kahit hirap na hirap kami dahil sa bigat ng lalaki, nagawa pa rin namin na iakyat ito sa kubo. Nagtuloy-tuloy pa rin ang sermon ni Belle, at hindi rin matigil ang pagdadabog niya. Hindi siya maperme sa isang lugar, pabalik-balik na naglakad sa loob ng kubo, pero tinulungan naman akong mag-init ng tubig.

Hindi na mamukhaan ang lalaki dahil sa mga pasa at sugat na natamo nito sa mukha. Ginupit ko ang suot nitong damit para tingnan din ang katawan nito. Ilang ulit akong napailing nang makita ang bugbog-sarado nitong katawan. Walang parte sa katawan niya ang walang latay.

"Aya, bakit pati 'yan?" nanlaki ang mga matang tanong ni Belle, nang binaklas ko ang sinturon ng lalaki.

"Ano pa ba? Para makita ko—"

"Malaking kasalanan 'yang gagawin mo sa taong walang ka malay-malay!" sabi niya na napa-sign of the cross pa.

"Gaga!" nasambit ko na lang. Anong akala niya , pag-interesan ko ang lalaking ito na hindi ko alam kung masamang tao nga? 'Tsaka hindi ako desperada para pagnasahan ang lalaking hindi ko naman kilala.

Kung sino man ang walang puso na gumawa sa kaniya nito. Siguradong gusto talaga nilang wakasan ang buhay niya. Hindi lang kasi simpleng bugbog ang natamo niya at halata din na pinagtulungan ito. Naihi pa nga dahil siguro sa sakit na natamo. Ang panghi niya rin kasi.

Kahit ayoko, kahit labag sa kalooban na makita ang alaga niya. Wala akong magawa, kailangan kong linisin pati iyon. Sinisiksik ko na lang sa utak ko habang hinuhubad ang salungganisa nito na training ko ito, sakaling makabalik ako sa dati kong buhay at maging isang ganap na nurse.

'Tsaka hindi ko naman nitingnan ng todo, pinikit ko kaya ang isang mata ko. 'Tsaka, hindi rin naman nakakatakot, lambot nga kasi.

"Jusmiyo, Aya!!" nasambit pa ni Belle, pero hindi naman nilubayan ng tingin habang ako ay nangingiming hawakan iyon. Buti na lang talaga at lupaypay din ito katulad ng may-ari.

Natapos din namin ang ginawang gamutan at dahil sa wala naman akong damit na panlalaki, sinuot ko na lang sa kan'ya ang daster ko. Para matakpan na rin 'yong lupaypay niyang alaga.

Pero nanatili pa rin kaming nakatingin sa lalaking walang malay na talagang kahagbag-habag ang hitsura.

"Aya naman, ano ba itong pinasok mo? Paano tayo matutulog ngayon?" bakas pa rin ang takot sa boses ni Belle.

"Pumikit ka!" wika ko.

"Aya naman, e! Nakuha mo pa talagang magbiro, nagpapasok ka na nga ng taong 'di natin kilala!"

"Wala pa naman dapat tayong ikatakot, Belle. Kung masamang tao man ang lalaking 'yan, 'di niya pa kakayanin na gawan tayo ng masama. Halos mamatay na nga 'yong tao."

Tugon ko na lang, pero ang totoo balot din ng takot ang buong sistema ko. Paano kong magising nga ito at barombado pala?

Naglatag na lang kami ng mahihigaan sa sala para doon na muna matulog. Kinandado ko rin ang k'warto para sakaling magising man ang lalaki, hindi agad ito makakalabas ng k'warto at may chance pa kami na makatakas ni Belle.

LUMIPAS ang dalawang araw, hindi pa rin nagising ang lalaki. Nadagdagan din ang trabaho ko dahil sa kaniya. Imbes na tuwing hapon lang ako uuwi sa kubo, ngayon ay kailangan ko nang umuwi ng tanghali para e-check siya. Kailangan ko pa siyang linisin araw-araw at palitan ang benda niya. At dahil wala pa rin itong malay pinapatakan ko lang ng kaunting tubig ang bibig niya.

Kaya ngayon, sobrang sisi ko kung bakit hindi ko magawang hayaan na lang ang lalaki at e-report na lang sa kapitan ang nangyari. Pero tapos na, nasa huli talaga ang pagsisisi.

Imbes mga hayop ang inaalagaan ko, nag-alaga na rin tuloy ako ng tao na hindi ko pa alam kung anong klaseng ugali ang mayro'n. Sana naman hindi asal hayop ito.

Kakarating ko lang galing sa pagpapastol at kaagad nagluto. Habang nagsasaing, sandali ko pa na sinilip ang lalaki na hanggang ngayon ay wala pa ring malay. Hindi pa rin klaro ang mukha nito, wala din kaming nakuha na pagkakilanlan niya dahil wala namang laman ang bulsa niya. Walang wallet, walang kahit ano.

Nagsimula na sana akong kumain nang makarinig ng ungol mula sa loob ng k'warto. Agad nagtambol ang dibdib ko. Bakit ngayon pa siya nagising? Bakit ngayon pa na wala akong kasama?

Dahan-dahan akong tumayo at sumilip sa k'warto. Agad akong nagkubli sa gilid ng dingding nang makitang nakaupo na ang lalaki at bakas ang pagtataka sa mukha. Hawak niya pa ang suot na bistida at sigurado akong sa pagkakataong ito, alam na niya na wala siyang suot na salungganisa.

Rinig ko ang mabagal nitong pagtayo kasabay din ang impit na ungol. Dahan-dahan naman akong lumayo sa may pinto. Bumungad sa akin ang matalim nitong titig at seryosong mukha. Mababanaag din ang galit nito kahit pa puno ng pasa ang mukha, isabay pa ang paggalaw ng panga.

"Sino ka?!" pasinghal nitong tanong habang hawak ang tagilirang balot sa bandage. May saksak din kasi siya sa tagiliran pero mababaw lang naman.

"Ah-po, ako 'yong nakakita at tumulong sa'yo," putol-putol kong tugon.

Nakakangatog ng mga tuhod ang boses niya. Buo at walang emosyon. Walang bakas ng pasalamat sa taong tumulong sa kan'ya. Sa madaling salita, walang utang na loob.

"Anong lugar 'to?! pasinghal na tanong ulit nito.

"El Canto, po," sagot ko, kasabay ang pag-atras.

" 'Yong mga damit ko!"

"Sa k'warto," turo ko ang nakatupi na damit. Mabuti na lang at hindi ko tinapon ang damit niya. Tinahi ko ang t-shirt na ginupit ko at nilabhan ang mga iyon.

Lumabas na rin ako ng kubo, pagpasok niya sa k'warto. Pero agad din akong nahinto sa paghakbang nang makarinig ng ingay mula sa loob. Kahit takot ako, pumanhik pa rin ako at sumilip sa k'warto.

"Nasaan ang wallet ko?!" agad nitong tanong. Kita ko ang mga nagkalat na kagamitan ko sa loob ng kwarto. Kasalukuyan niyang hinalungkat ang backpack ko na naglalaman ng importanteng mga gamit.

"Po... wala... po kayong wallet sa bulsa, " takot kong tugon. Pero nasa backpack ang tingin ko. Pabagsak niya iyong binitiwan at hinarap ako.

"Paano ako aalis?" sigaw niya at dinuro ako.

Nanginginig ang mga kamay ko na dumukot ng pera sa bulsa at inabot iyon sa kaniya. Pinipilit na huwag mas'yadong makalapit sa kaniya. Gusto ko nang batukan ang sarili ko. Ako na nga ang gumamot, ako pa ang nagbayad. Nabawasan pa tuloy ang sahod ko.

Pahablot niya iyong tinanggap at wala pa ring pasalamat na bumababa ng kubo. Lumuwag ang pakiramdam ko nang maglakad na ito palabas ng bakod. Napaupo pa nga ako sa may hagdan at napisil ang noo habang ang mga tuhod ko ay nangangatog pa rin.

"Hoy!" umalingawngaw ang boses nito na agad nagpa-angat ng ulo ko.

"Saan ako dadaan?!" galit na naman nitong tanong.

Tinuro ko ang daan, ngunit matalim na tingin ang ganti niya. Wala akong nagawa kun'di ang samahan siya para ituro sa kaniya ang daan. Giniya ko siya palabas sa makipot na daan palabas ng El Canto hanggang sa malaking kalsada.

Tinuro ko na lang sa kaniya ang daan papunta sa bus stop at patakbong umalis at iniwan siya. Walang lingon at mabilis ang ginawa kong pagtakbo, makabalik lang agad sa kubo.

Bukod kasi sa naramdamang takot dahil sa boyolenteng lalaking niligtas ko. Padilim na rin at ayokong abutan ng dilim sa nakakatakot na daan na mag-isa lang ako.

Pawis at hingal akong dumating sa kubo. Pero kahit na ganoon, panatag na rin ang kalooban ko dahil wala na dito ang lalaking iyon na tinulungan ko na nga, siya pa ang galit. May mga tao talagang hindi marunong magpasalamat.

Inayos ko na muna ang mga gamit kong hinalungkat ng lalaki kanina, saka ako umupo sa harap ng lamesa. Kinalma ko na rin muna ang sarili, bago ako nagsimulang kumain. Mahigit dalawang oras na ang lumipas, sigurado akong nakasakay na ang lalaking iyon ng bus.

Malakas na tili ang nagawa ko nang biglang bumukas ang pinto. Kahit sobrang nagulat ako, agad ko namang nabunot ang itak ko.

"B-bakit ka bumalik?" tanong ko, nanginginig ang mga kamay, ngunit nagawa ko pa rin na itutok sa kaniya ang hawak na itak.

Matalim pa rin ang mga mata niya pero naka-taas na ang mga kamay, ngunit hindi ito sumagot. Nasa nakahain na pagkain sa lamesa ang tingin niya, kaya napalingon din ako roon.

Mabilis niyang nahawakan ang kamay ko at naagaw ang itak, at saka tinulak ako pagkatapos. Nasalampak ako sa sahig.

Hindi ko napigil ang pamumuo ng mga luha ko, kasabay ang paulit-ulit na pag-iling.

Nanlilisik kasi ang mga mata niya at nagtiim ang bagang, walang kurap din itong tumitig sa akin.

Umurong ako palayo nang dahan-dahan siyang humakbang palapit sa akin. Lalo pa akong nanginig nang tinutok niya sa akin ang itak.

Naisip kong ito na yata ang katapusan ko. Tuluyan ko yatang iiwan ang mga magulang ko. Ang masama, mamatay ako na hindi man lang sila nakita.

Tuloy ako sa pag-urong hanggang sa marating ko ang pinto ng k'warto. Pumasok ako at agad ni lock iyon. Kahit sobrang takot ko na. Nakuha ko pa rin na sumilip sa giwang ng dingding.

Hawak pa rin nito ang itak habang mabilis ang ginawang pagsubo. Para itong hayop na gutom na gutom. Dalawang araw nga naman itong walang kain at puro tubig lang ang laman ng tiyan.

Pinahid ko ang mga luhang lumandas sa aking pisngi at nilagyan ko ng harang ang pinto. Pigil ang iyak ko habang balot ng kumot ang katawan ko. Bakit pa ba siya bumalik? Ano pa ba ang gusto niya? Ginamot ko na nga siya at binigyan pa ng pera.

Napa-upo naman akong biglang nang marinig ang bahagyang pagtulak ng pinto. Mas kumabog pa ng malakas ang dibdib ko, hirap na ako sa paghinga. Pigil din ang hikbi ko. Ilang taon akong nagtago at tumakas sa mga taong naghahanap sa akin. Ito lang din pala ang kahahantungan ko.

Hindi nga ako naging pambayad utang at nakasal sa lalaking hindi ko kilala. Mamamatay naman ako sa kamay ng lalaking tinulungan.

Ramdam ko ang pag-uga ng kubo sa kada hakbang niya. Gawa nga lang sa kawayan ang kubo, kaya ramdam agad kunting galaw lang. Rinig ko rin ang pabagsak na pag-upo nito sa sofang kawayan at ang pagbitiw nito sa itak na hawak.

Alam kong maya maya lang ay mawawalan na kami ng ilaw dahil kanina pa nakabukas ang solar light ko. Hindi ko na kasi ito nagawang patayin at magsindi ng lampara dahil sa biglang pagbalik nitong hayop na lalaki. Talagang hayop!

Pinilit kong hindi makatulog kahit antok na antok na ako. Natatakot ako sa maaring gawin sa akin ng lalaki. Baka pasukin na lang niya akong bigla at gawan ng masama. Sa tingin at kilos niya lang kasi kanina, parang gusto na niya akong patayin.

Kung nakinig lang sana ako kay Cambelle, hindi sana mangyayari sa akin ito. Hindi magugulo ang buhay ko. Hindi malalagay sa panganib ang buhay ko.

Ilang sandali pa ay nawalan na nga kami ng ilaw.

"Shit!" paulit-ulit nitong mura, kasabay ang pag-uga ng kubo. Sa dilim ng paligid nagawa niya pa ang kumilos.

Nanlaki ang mga mata ko nang maya maya ay may ilaw na sa labas ng k'warto. Hindi ako makapaniwalang nagawa nitong mahanap ang lampara at posporo kahit madalim at hindi naman niya kabisado ang kubo.

Kung paano niya iyon ginawa wala na akong pakialam, ang mahalaga sa akin ngayon ay kung paano palayasin ang lalaking hayop na ito.

Wala na akong narinig na anumang ingay mula sa labas ng k'warto. Hindi na rin umuga ang kubo. Tanging ang mga tunog na lang ng mga kuliglig at iba pang insekto ang naririnig ko. Halos bumigay na rin ang mga talukap ko sa antok.

MALAKAS na kalampag ang gumising sa akin. Pabalikwas akong bumangon habang mahigpit ang kapit sa kumot. "P-paano ka nakapasok?"

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Nan
Nako! sana Hindi nalang nyo tinulongan Yan talagang mapahamak ka sa ganyang klasing tao naging aral din Yan na ipag alam lang sa mga pulis Nang ganong pangyayari patuloy Kong subaybayan itong kwentong ito nice story kahit nakakatakot
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status