Share

Chapter 14

[Past]

NAABUTAN ko si Caleb na nagsisintas ng sapatos pagpasok sa kwarto niya at nakasalampak sa sahig kaya sinamahan ko siya at tinulungang sintasin ang isang sapatos.

“Thanks,” aniya at hinaplos ang buhok.

“Para mapadali dahil baka maunahan tayo ng iba sa court.”

“Hindi ‘yan,” pagkatapos ay tumayo at kinuha ang bola sa tabi. Sumunod ako sa kanya nang lumabas na siya ng kwarto. Tuloy-tuloy kami hanggang sa kusina. “Magdala tayo ng tubig, sa ‘yo ‘to.” Sabay bigay ng tumbler na may pangalan ko. Pareho kami ng design at kulay, ang pinagkaiba lang ay nilagyan niya ng pangalan para hindi malito kung alin ang kanino.

“Si Felix kaya, anong ginagawa ngayon?” ang nasabi ko nang lumabas na kami ng bahay at nagpunta sa covered court.

“Ano ba sa tingin mo ang ginagawa niya ngayon?”

“Ewan ko du’n, sinabihan kong pumunta rito para sabay kaming mag-practice o ‘di kaya ako pupunta sa barangay nila pero ayaw naman mag-reply.”

“Hayaan mo na, magaling na ‘yun kaya hindi na nu’n kailangang mag-practice pa at saka ikaw lang naman ata ang kilala kong nagpa-practice pa para lang sa basketball try-out.”

“Pakiramdam ko kasi ay kinakalawang na ‘ko.”

Bigla niyang pinasa sa akin ang bola na mabilis kong nasalo. “’Yan ba ‘yung kinakalawang? Nasalo mo nga agad saka kahapon, nag-one-on-one tayo ‘di ba natalo mo ‘ko?”

“Pinapalaki mo naman ang ulo ko n’yan, e, sige ka, baka yumabang ako,” ang biro ko naman. Lagi niya kasi akong kino-compliment pagdating sa basketball.

Pero sa totoo lang ay hindi naman ako gano’n kagaling— sakto lang, hehehe.

“Pero totoo naman, mas magaling ka kaysa sa ‘kin.”

Natuwa ako sa compliment niya pero hindi ko pinahalata at idinaan na lang sa pagdi-dribble ng bola. “Excited na akong maisuot ang jersey uniform ng team,” ang pahayag ko dahil gustong-gusto ko talaga mapabilang sa basketball team ng school.

Kung minsan nga ay naiinggit na ko kay Caleb. Kasi siya, matagal nang nakapasok sa team no’ng grade 9 pa lang siya. Tapos ako ay hindi man lang makapasok-pasok dahil sa height ko.

Kaya nga sobrang saya ko last year kasi ang laki ng pinagbago nang height ko. Kapag nga tumatabi ako kay Caleb ay hanggang tenga na lang ako hindi tulad dati na hanggang d****b lang.

Nakakainis nga na nagmumukha akong batang maliit kapag kasama siya. At ngayon ay may chance na talaga akong mapasama sa team at hindi na maiingit tuwing pinapanuod ko ang practice nila pagkatapos ng klase.

“Ba’t ka naman magiging excited, e, nasusuot mo naman ‘yung akin.”

“Sa ‘yo naman ‘yun, mas gusto ko ‘yung sariling akin.”

“What’s mine is also yours.”

Napatingin ako sa kanya nang sabihin niya iyon. “Lagi mo naman ‘yang sinasabi, nagmumukha tuloy akong pulubi.” Pa’no, lagi niya akong binibigyan nang kahit ano, pagkain man o bagay ay binibigay niya sa ‘kin palagi kahit hindi ko naman kailangan.

Palibhasa maraming pera kaya sinasayang sa kung ano-ano. Naalala ko tuloy minsan no’ng binilhan niya ako ng sobrang mahal na damit na nakita ko sa mall. Pinilit ko siyang isauli pero ayaw na niya kaya ayon, nasa closet lang hindi ko pa naisusuot hanggang ngayon.

Maaksaya man siya sa pera pero sulit naman kasi kung minsan ay talagang nakikinabang ako, hehehe. Kahit si Felix ay natutuwang sumasama sa amin kasi lagi siyang nabubusog.

“Okay next time, hindi na kita iti-treat.”

Bigla akong umakbay sa kanya kahit na mas matangkad siya sa akin. “Joke lang naman, hehehe,” at pabiro naman niya akong siniko kaya napahiwalay rin ako. “Grabe! In-injured mo ‘ko, pa’no ako makakapag-try out nito?”

“Sira,” pagkatapos ay inagaw niya sa akin ang bola at tumakbo na papasok sa covered court. Pero nang tuluyang makapasok ay bigla siyang huminto kaya naabutan ko. “What will you do if hindi ka makapasok sa team?” out-of-nowhere niyang tanong.

“Kaya nga nagpa-practice ako nang maigi ‘di ba? Para siguradong makakapasok talaga ako.” Pagkatapos ay ngumiti, kasi sigurado akong malaki ang chance ko na makapasok sa team. Siguradong-sigurado na.

*****

TINAPIK ko ang balikat ni Felix. Hindi kasi nakaayos ang sintas ng sapatos niya. “Sintas mo, malapit na tayong tawagin.” Tinuro ko pa ang sapatos niya na agad ring inayos.

“Sorry naman, kinakabahan kasi ako.”

“Ba’t ka naman kakabahan, wala kang bilib sa galing mo?”

Tiningnan niya ako nang kakaiba na parang hindi siya makapaniwala sa narinig. “Galing?! Ni wala nga ako sa kalingkingan mo.”

Nailing na lang ako at bahagyang nangiti. Kahit kailan talaga pa-humble sa sarili.

Pinagpatuloy ko na lang ang pag-i-stretching. Ginalaw-galaw ko ang mga paa habang pinapanuod ang mga students na nauna na sa amin sa listahan at nagso-shoot na sa basketball ring.

“Oy, ‘yung team,” aniya at napatingin sa bandang kanan ng court. Pumasok kasi ang basketball team pero… bakit wala si Caleb?

Ang tagal ko nga silang pinagmasdan dahil baka nahuli lang pero wala talaga siya. Ang sabi pa naman nu’n na manunuod siya ngayon.

“Ikaw yata ang kailangan,” ani Felix sabay tapik sa puwetan ko para kunin ang aking atensiyon.

Nang tingnan ko naman ang tinutukoy niya ay may kumakaway sa akin mula sa team at pinapalapit ako. Kahit naguguluhan kung anong kailangan nila sa akin ay hindi ko na inintindi at nag-umpisa nang maglakad. Dahil nasa kabilang banda pa sila ng court ay naglakad pa ako sa may gilid.

“Ikaw si Kenan ‘di ba?” ang tanong ng Captain. “Hindi makakapunta rito si Caleb kasi biglang sinugod sa clinic.”

Bigla akong kinabahan sa sinabi niya. “Clinic?! A-anong nangyari sa kanya?”

Nagkatinginan muna silang magkakagrupo pero hindi ko na mahihintay ang sagot nila at agad nang tumakbo papunta sa clinic. Anong nangyari kay Caleb? Okay pa naman siya kaninang umaga, a.

Nakalimutan ko nang kumatok sa pinto ng clinic at basta na lang itong binuksan. “Anong kailangan mo?!” gulat na tanong ng Nurse pero hindi ko ito pinansin at dumiretso sa mga kama na natatakpan at pinapalibutan ng tela. Isa-isa kong hinawi ang mga ito para makita kong nandito ba si Caleb.

Pangalawang kama mula sa dulo ay nakita ko siya na nakahiga at nakapikit. Pinagpapawisan ang noo at halatang-halata na may iniinda siyang sakit. “Ano pong nangyari sa kanya?” ang tanong ko sa Nurse.

Matalim muna ako nitong tiningnan bago sumagot, “Next time ay matuto kang kumatok. Food poison.” Pagkatapos ay tinalikuran na kami para bumalik sa desk.

Yumuko naman ako at saka humingi ng paumanhin sa inasal ko kanina. Pagkatapos ay binalik ang atensiyon kay Caleb na nakapikit pa rin.

“Pa’no ka na-food poison? E, ang arti mo sa pagkain?” ang tanong kahit alam ko namang hindi niya masasagot.

Ilang sandali ko siyang pinagmasdan ng mag-ring ang cellphone sa bulsa ng suot kong jersey shorts. “Hello?”

“Sa’n ka na?” si Felix. “Tinatawag na ang pangalan mo.”

“Sa clinic, nandito si Caleb.” Tapos ay muling napatingin sa mukha niyang napapangiwi kahit natutulog.

“So, pa’no na, hindi ka na tutuloy?”

Rinig ko sa background ang ingay ng bola na tumatalbog. Mariin kong hawak ang cellphone at pikit-matang pinili ang mas pinaka-importante sa akin.

“Hindi na.” Pagkatapos ay pinatay na ang tawag. Huminga ako nang malalim habang nakakuyom ang kamay.

Mas importante sa akin si Caleb. At mas kailangan niya ako ngayon.

Mayamaya pa ay idinilat na niya ang mga mata at malamlam na tumingin sa akin. “You’re here,” ang bulong niya na halos hindi ko marinig sa sobrang hina.

“Sinabi sa ‘kin ng teammates mo na narito ka kaya sumugod agad ako.”

“Kumusta ang try out, nagpakitang gilas ka ba kay Coach?”

Napalunok muna ako ng laway at saka napailing bago sagutin ang tanong niya, “Nakatakbo na ‘ko rito bago ko na-realize na may try out pala,” ang biro ko at nakuha pang matawa sa sariling biro. Gusto kong pagaanin ang usapan dahil sigurado akong sisisihin niya ang sarili sa nangyari.

At tulad nga ng inaasahan ko ay kitang-kita sa mga mata niya na nagi-guilty siya. “Sana hindi ka na lang pumunta rito, kaya ko naman ang sarili ko.”

“Namimilipit ka nga sa sakit, e, ‘wag mo na lang isipin ‘yung nangyari, ang importante ay magpagaling ka. Saka kahit bumalik pa ako ro’n ay wala na rin akong aabutan. Malamang ay tapos na ang try out.”

Gumalaw siya at sinubukang bumangon sa kama na agad ko namang pinigilan. “I’m fine, nakapagpahinga na ‘ko.”

“Sigurado ka?” pero hinayaan ko na lang siya sa gusto at tinulungang makaupo nang maayos. “Sobrang sakit ba?” ang tanong na tinanguan naman niya. “Ba’t ka ba kasi na food-poison?”

“May na-inom lang akong expired na pala.”

Tsk, hindi naman pala kasi nag-iingat. “Tingnan mo kasi nang mabuti ang iniinom mo para hindi ka nagkakagan’to.”

“I know,” tinitigan niya ako nang matagal. “Nag-alala ka ba?”

“Malamang, sinong hindi mag-aalala kung biglang may magsasabi na narito ka, e, hindi ka naman basta-basta nagkakasakit o hindi kaya nai-injured… ‘yun nga lang, kung minsan ay aanga-anga.”

“What?”

“Bakit hindi? E, ang dali lang kayang malaman kung expired na ang iniinom, malalasahan mo naman ‘yun.”

“Concern ka ba talaga sa ‘kin o hindi?”

“Hindi.” Siyempre, hindi ako aamin.

Mayamaya pa ay pareho na kaming natahimik hanggang sa dumating si Felix. Agad nitong kinamusta si Caleb. Pagkatapos ay bumaling sa akin. “Nainis ‘yung Coach kanina, ilang beses tinawag pangalan mo.”

Napabuntong-hininga ako sa binalita niya pagkatapos ay napatingin kay Caleb na nakatitig din pala sa akin. “Kumusta, makakapasok ka ba sa team?” ang tanong ko na lang.

Nangiti siya tapos ay tinapik ang balikat ko na may kasamang himas. “Ayokong pumasok sa team ng hindi ka kasama,” may halong lambing ang tono ng boses niya.

Mahina ko ngang siniko ang tiyan niya. “Ba’t mo naman sinayang ‘yung chance?”

“Ikaw kaya ang nag-aya sa ‘king sumali sa basketball team tapos iiwan mo lang din ako? ‘Wag na oy!”

Nang mapadako naman ang tingin ko kay Caleb ay nakatingin ito sa aming dalawa ni Felix habang nakakunot ang noo. Mukhang masama pa talaga ang pakiramdam niya. “Sumasakit ba ulit ang tiyan mo?”

Umiwas siya ng tingin sabay iling. “May class pa kayo, right? Mas mabuti pang bumalik na kayo.”

“Pa’no ka?” Hindi naman pwedeng iwan ko siya rito.

“May Nurse naman kaya ayos lang, saka mabuti-buti na ang pakiramdam ko kaysa kanina kaya ‘wag ka ng mag-worry.”

“Sure?” Gusto ko pa namang mag-skip ng class.

“Tara na,” ani Felix at inakbayan ako.

“Hands!” mariin at may halong inis na wika ni Caleb.

Naguguluhan naman kaming nagkatinginan ni Felix pagkatapos ay muling binalik ang tingin sa kanya. “Ha, anong sabi mo?” ang tanong ko.

“I want to talk to him, alone,” aniya pa habang nakatitig kay Felix.

“O-okay, mauuna na ‘kong lumabas.” Nagpalipat-lipat pa ang tingin ko sa kanilang dalawa habang paalis. Ano kayang pag-uusapan nila ng hindi ako kasali?

Palakad-lakad ako sa labas ng clinic dahil napapatagal na ang usapan nila sa loob. Naku-curious na tuloy ako.

Hanggang sa bumukas ang pinto at lumabas si Felix… na tulala?

“Hoy, an’yare sa ‘yo?” sabay hawak sa balikat niya na agad niyang kinapitlag at parang napapasong umiwas sa akin.

“Don’t touch me! Baka makita niya tayo, malagot pa ‘ko.”

“Ha?!” ang gulo niya! “Tinatanong lang naman kita, kung maka-react ‘to.”

Biglang sumeryoso ang tingin niya at bahagyang lumapit. “Makinig ka, Kenan,” tapos ay napansin kong napalunok muna siya ng laway bago nagpatuloy, “Simula ngayon, hindi mo na ‘ko hahawakan at gano’n din ako sa ‘yo— No touch, okay?!”

“Nasisiraan ka na, ano ba kasing problema?”

“Ah, basta! Sundin mo na lang ang sinasabi ko.”

“E bakit nga kasi?”

Humugot muna siya ng malalim na hininga bago ako sagutin, “M-may nalaman lang akong sikreto.”

“Ano naman ‘yun?”

Bumuka ang bibig niya at bumuwelo ng sasabihin, “Ngayon ko lang nalaman na…”

***<[°o°]>***

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status