Share

Chapter 2

DINILAT ko ang mga mata nang makaramdam ng kiliti sa kaliwang tenga. Lumingon pa ako sa paligid at tiningnan ang buong kwarto para siguraduhing ako lang ang mag-isa. Bigla tuloy sumagi sa isip ko ang pamilyar na pangyayari tuwing umaga. Ganitong-ganito kapag nagigising ako noon para hindi ma-late sa school. Natigil lang simula nang...

Ahh!!! Kumukulo na naman ang dugo ko kapag naiisip ang taong iyon. Ang mas mabuti pa ay bumalik na lang ako sa pagtulog kaysa mainis. Muli akong pumikit para ipagpatuloy ang pagtulog nang mag-flashback sa akin ang nangyari kagabi. Para itong rumaragasang tubig na nilulunod ang isip ko.

Bigla akong napadilat at mabilis na bumangon sa kama.

Ano ‘yun? Ano ang alaala na ‘yun?!

“Imposible, hindi pwedeng mangyari ‘yun.” Umiling-iling pa ako para kumbinsihin ang sariling hallucination lang ang nangyari. Hindi pwedeng nakabalik na siya.

Hindi pwedeng bumalik dito si, “Caleb.”

“Tawag mo ‘ko?”

Napaatras ako nang bigla siyang sumulpot sa gilid ng kama. “Anong—!” Pero hindi ko natansiya ang ginawa at mabilis nahulog sa kama.

“Tang*—!"

Sa isang iglap ay dinaganan niya ako sabay takip sa bibig. “’Wag kang magmumura.”

P*tang*na mo, Caleb!

Kahit masakit ang likod at ang pagkakadagan ay nagawa ko namang itabig ang kamay niya. “Umalis ka nga! Papatayin mo yata ako, e!”

“Ow, sorry.” Tumayo siya at tinulungan akong makatayo.

“Don’t touch me.” Ang tabig ko muli sa kamay niya.

“Ikaw kaya ang kumapit,” nang sabihin niya iyon ay mabilis ko namang binitawan ang braso niya at saka kusang tumayo.

“Anong ginagawa mo rito sa kwarto ko?”

“Para gisingin ka. Breakfast is ready.”

“Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin.” Ano ba kasing ginagawa niya rito?!

Bigla naman niyang tinakpan ang bibig kasabay ng tila pagyakap sa sarili. Umakto pa siyang parang naiiyak. “H-hindi mo ba natatandaan ‘yung nangyari kagabi?”

“Ano bang nangyari?”

Exaggerated siyang napasinghap. “Lasing na lasing ka tapos bigla mong hinila ang ulo ko at…” Yumuko siya bigla at nag-iyak-iyakan.

“Tumigil ka, umagang-umaga.” Wala naman kasing katotohanan ang pinagsasasabi niya. Natatandaan ko ang nangyari kagabi. Hindi nga lang lahat pero tandang-tanda kong binugbog ko siya gamit lang ang unan ko—Wait, iyon nga ba ang nangyari o gamit lang ang kamay? Hindi ko sure kung alin sa dalawa.

Ah, basta! Walang katotohanan ang pinagsasasabi niya. Sinungaling naman siya kaya bakit ako maniniwala sa kanya.

Ngumisi siya bigla at nahiga sa kama. Feel na feel niyang higaan ang kama ko, a. “At home na at home ka sa bahay ko, a. Sa susunod, ‘wag mo nang uulitin ‘to.”

“Ang alin?”

Nakuha niya pang magmaang-maangan na parang hindi niya alam ang tinutukoy ko. “Ang pumasok sa kwarto at kilitiin ang tenga ko para magising.”

“Ikaw kaya ang nagpapasok sa ‘kin dito kagabi. Saka, dati ko pa naman ‘tong ginagawa sa ‘yo.” At tinuro ang sariling tenga.

“Dati ‘yun, iba na ngayon. Kaya umalis ka na sa kwarto ko bago pa kita kaladkarin palabas.”

Hindi ko na hinintay na lumabas siya at nagpunta na sa banyo para maghilamos at toothbrush. Pagbalik sa kwarto ay natigilan pa ako nang makitang maayos na ang higaan ko at mga nagkalat na damit. Talagang inayos niya muna bago lumabas... tulad ng lagi niyang ginagawa. Sa aming dalawa, siya itong malinis at mahilig sa household chores kahit hindi na kailangan dahil may katulong naman sila sa bahay.

Binuksan ko ang pinto para lumabas nang muling matigilan nang bigla siyang sumulpot sa harap ng pinto. “Ba’t di ka pa umaalis?!” Nag-uumpisa na akong mainis, umagang-umaga pa lang.

“Hindi mo naman sinabing lumabas ako ng bahay.”

Talagang hinahamon niya ang pasensiya ko. Nilagpasan ko siya para magpunta sa kusina.

“Wait, nakah*bad ka, magbihis ka kaya muna.” Hinabol niya ako at nagawa pang humarang sa harap ko.

Pagod ko siyang tiningnan. Anong gusto niya? Suot ko pa rin ang damit kagabi? “Kita mo ‘to? Ito ba ‘yung nakah*bad sa ‘yo?” Sabay turo sa suot na boxer shorts.

“Nakikita ko ‘yang abs at nipples mo.”

“Anong pakialam mo?! Nasa bahay naman ako,” lalagpasan ko na sana siya nang mabilis niyang hinawakan ang braso ko at hinila pabalik sa kwarto. “Ano ba?!”

“Magbihis ka kung ayaw mong masiraan ako ng bait.”

Mahinahon lang ang pagkakasabi niya pero ramdam ko na seryoso siya.

“Ano?” pinag-cross ko pa ang mga braso. “May gagawin ka na namang katrayduran sa ‘kin tulad ng ginawa mo dati?” Mapanghamon ang tingin ko sa kanya.

Hindi na ako madadaan sa pinapakita niyang concern dahil hindi na kami tulad ng dati. Matagal ng nasira ang pagkakaibigan namin.

“Ba’t mo ba ‘to pinapalaki? Gusto ko lang naman na magbihis ka hindi ‘yung ganyan ang itsura mo. Hindi mo ba nakikitang may bisita ka.”

“Saan?” lumingon-lingon pa ako sa paligid. “Ang sarili mo ba ang tinutukoy? P’wes, asungot ka, hindi bisita.” Tumalikod ako para kumuha ng damit. Kung hindi ako magbibihis ay hindi niya rin ako titigilan. Para siyang isang linta na hindi ako tatantanan hanggang hindi nauubos ang dugo ko. Kaya mas mabuting sundin ko na lang siya kahit labag sa loob ko.

Padabog akong nagbihis sa harap niya pero nasa ibang direction naman ang tingin. “O, ba’t ayaw mong tumingin? Ito ang gusto mo ‘di ba?” nang matapos ay lumapit ako sa kanya. “Happy na?” ang sarkastiko kong tanong at lumabas ng kwarto. Hindi pa ako nakuntento at binunggo pa ang balikat niya.

Pumunta ako sa kitchen area para tingnan kung may iniwan ba sa aking pagkain si Mama. Inangat ko ang takip sa may mesa para tingnan kung ano ang niluto nito bago umalis papunta sa work.

Tuyong isda at ampalayang may itlog. Agad akong kumuha ng pinggan para kumain nang maupo rin si Caleb sa kabilang side ng mesa.

“Ano pa bang ginagawa mo rito?” pinakalma ko ang sarili kahit inis na inis na. Hindi ako pwedeng sumabog dito lalo na at nasa hapagkainan ako.

“Ibinilin ka sa ‘kin ni Tita at Tito bago umalis kaya hindi kita pwedeng iwan.”

“Mukha ba ‘kong maliit na bata para bantayan mo pa?”

“Oo.”

“Dalawang taon lang ang tanda mo sa ‘kin kaya ‘wag kang magmalaki.”

“Talaga?”

“Hindi na ako bata. Hindi na ako ang dating Kenan na nauuto mo. Malaki na ang pinagbago ko.”

Umangat ang gilid ng labi niya. “Para sa ‘kin ikaw pa rin naman si Kenan ko. The sweet little naive, Kenan.”

Sumama agad ang tingin ko. Kung pwede ko nga lang siyang murahin ngayon ay nagawa ko na. “Gusto kong kumain ng maayos kaya tigilan mo muna ako bago ko ibato sa ‘yo ‘tong kutsara,” ang pagpipigil ko na gumawa nang madugong krimen. Gusto ko lang kumain pero talagang gusto niyang ubusin ang pasensiya ko.

Mabilis naman niyang itinaas ang dalawang kamay na parang sumusuko. “The table is yours.” Saka siya tumayo at umalis.

Sana nga lang ay lumabas na siya ng bahay para maging tahimik na ang araw ko. Patapos na ako sa pagkain nang bumalik siya at naupo ulit katapat ko.

Umirap ako at pinagpatuloy na lang ang pagkain. Hindi ko na lang siya papansinin kapag nagsalita.

“May pasalubong nga pala ako sa ‘yo, nasa luggage at hindi ko pa nailalabas.”

Deadma lang, ‘wag mong pansinin. Hindi siya nag-i-exist sa paningin mo.

Sa huling subo ay tumayo ako dala ang pinagkainan at nilagay sa lababo. Pagkatapos ay aalis sana para makalayo sa kanya.

“Iiwan mo lang ang pinagkainan mo ng hindi hinuhugasan?” aniya pero tulad ng kanina ko pa itinatanim sa utak, hindi siya nag-i-exist sa mata at tenga ko. “Ang laki raw ng pinagbago pero hindi pa rin naghuhugas ng pinggan pagkatapos kumain,” sabi niya pa.

Kaya nahinto ako at nilingon siya na lumapit sa lababo at inuumpisahan nang hugasan ang iniwan ko.

“Tumabi ka d’yan,” ang sabi ko sabay tulak sa kanya. “Kaya kong hugasan ‘to.” At inagaw sa kanya ang sponge.

“So, napansin mo na rin ako.”

Tang*na! Mandurugas talaga! Nauto na naman ako para pansinin siya.

Gigil kong kinuskos ng sponge ang pinggan sa inis. Kunwari ay mukha niya ito.

“Ako na nga d’yan baka ibato mo pa ‘yan sa ‘kin, e.”

Tumalim ang tingin ko sa kanya. Nanggigigil na ang kamay at balak gawin ang sinabi niya.

Huminga ako nang malalim saka binitawan ang hawak na pinggan. “T-tapusin—" kumalma ka. “Mo.” At iniwan na siya para magpunta sa sala.

Pabagsak akong naupo sa sofa at binuksan ang television para manuod. Mabuti na lang at ang isa sa paborito kong anime ang pinapalabas kaya medyo gumanda ang mood ko.

Pero saglit lang dahil muling sumulpot si Caleb at naupo pa sa tabi ko kaya umusog ako palayo.

“On* pi*ce ba ‘yang pinapanuod mo?”

Hindi ko siya sinagot. Nakikita naman niya, e, ba’t kailangan niya pang magtanong.

“Parang tulad lang no’ng dati. Tanda mo pa ba? Lagi natin ‘tong inaabangan tapos ginagaya pa natin,” nilingon ko siya na sobrang lawak ng ngiti. “Ako si Ror*noa Z*ro tapos ikaw si Monkey—”

“Tumigil ka na!” ang singhal ko. “Ayoko ng maalala kung ano man ‘yang sinasabi mo,” dahil matagal ko ng pilit binabaon sa limot ang lahat ng may kinalaman sa iyo. “Kung inaakala mo na maibabalik mo pa ang pagkakaibigan natin ay ‘wag ka ng mag-effort dahil mabibigo ka lang.”

Tumayo ako at bumalik sa kwarto. Ni-lock ko pa ang pinto para masigurong hindi siya makakapasok sa kwarto at pati na rin sa buhay ko.

Hindi ko siya hahayaang sirain na naman ang maayos na takbo ng buhay ko simula nang umalis siya.

Okay na ako, hindi ko siya kailangan. Kayang-kaya kong humanap ng kaibigan. Saka nandito naman si Felix at ang iba kong kaibigan sa highschool. Nakaya at nagawa kong maging masaya sa loob ng dalawang taon ng wala siya.

Ilang sandali lang ay may kumatok sa pinto ng kwarto. “Uuwi muna ako, Kenan.”

“Please lang, 'wag ka ng bumalik!” ang sigaw ko.

Ilang segundong natahimik, akala ko ay nakaalis na siya.

“Hindi pwede, kahit ilang beses mo kong ipagtabuyan ay babalik at babalik pa rin ako.”

“Kaya pala ang dali lang sa 'yong umalis.”

“Gusto ko lang na hindi lumala ang sitwasiyon, alam kong sa sobrang galit mo'y ayaw mo 'kong makita.”

“Ah, kaya pala dalawang taon kang nawala.”

“Kenan naman,” halos magmakaawa ang boses niya. Pagkatapos ay sinusubukang ipihit ang doorknob para makapasok.

Pero lock na ang pinto. Mayamaya ay tumalikod ako ng higa mula sa pinto. “’Wag ka ng magpagod. Bumalik ka na sa inyo!” ang sigaw ko sabay talukbong ng kumot at takip sa tenga gamit ang unan.

Pero kahit tinakpan ko na ang tenga ay narinig ko pa rin ang sinabi niya, “Okay.”

Okay?! Iyon lang ang gusto niyang sabihin? Ito ang problema niya, e!

Madali siyang sumuko. Kunwari ay nag-i-effort pero sa umpisa lang naman. Palibhasa ay nasanay na ako lagi ang gumagawa ng paraan kapag nagkakatampuhan kami.

Pero ngayon? Umasa siya sa wala dahil hindi na ako kikilos! Bahala siya sa buhay niya!

Biglang sumikip ang di*dib ko. Sa sobrang sikip ay ang hirap nang huminga.

Sana panaginip na lang ito. Sana mawala na lang itong nararamdaman kong sakit.

At sana, bumalik na siya kung saan siya nararapat dahil okay na ako… nang wala siya sa buhay ko.

***<[°o°]>***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status