Share

Chapter 5

MARIIN akong pumikit nang maramdaman ang hininga niya sa mukha ko. Saan ko ba dapat ibaling ang mukha? Sa kanan ba o kaliwa? Mas mabuting huwang na lang akong gumalaw at baka may kung ano pang dumikit sa labi ko.

Please, please, please.

Muntik pa akong mapasigaw nang tuluyang may maramdaman sa labi.

"Sobrang sakit no’ng ginawa mo. Nabukulan ata ako.”

Bigla kong idinilat ang mga mata at nakitang malayo na ang mukha niya. Bumalik na rin sa normal ang mata niya, hindi na galit.

Agad kong tinabig ang kamay niyang tumakip sa bibig ko, ito pala ang dumikit. “Ilayo mo nga ‘yang madumi mong kamay,” baka kung ano pang pinaghahahawak niya. “Kadiri, dumampi pa talaga sa labi ko.”

“Mas mabuti na ‘yan kaysa iba ang dumampi.”

“Ano?” Ano na namang pinagsasasabi nito?

Umalis siya sa ibabaw ko kaya agad akong bumangon at lumayo sa kanya. Baka kasi itulak na naman niya ako.

“Kenan?” si Mama.

Agad kong inayos ang itsura nang bumukas ang pinto at sumilip si Mama. “May narinig akong sigaw, anong nangyayari?”

Nagkatinginan kami ni Caleb, hindi alam kung anong sasabihin.

“Ah, a-ano kasi—”

“Nadulas po kasi si Kenan Tita, tapos pareho kaming natumba,” pagkatapos ay pinulot ang jersey na hinubad ko kanina. “Ito po, nadulas siya dahil dito.”

“Ba’t kasi basta-basta mo na lang iiwan sa sahig,” lumapit si Mama kay Caleb at kinuha ang jersey. “Tapos bas*ng-b*sa pa, talagang madudulas ka nito, Kenan.”

“Sorry, ‘Ma.”

“Mag-iingat ka.” Pagkatapos ay tumalikod na para lumabas ng kwarto.

Pagkasara ng pinto ay roon lang ako nakahinga nang maluwag. Pero agad ring binalik ang matalim na tingin sa kanya.

“Sige, uuwi na ‘ko.”

Hindi ko siya pinansin at pinulot ang mga unan na binato kanina. Buti na lang talaga at hindi napansin ni Mama na nakakalat ang mga ito.

“Uuwi na ‘ko,” ang ulit niya.

“Umalis ka na lang, walang may pake.”

“Balik na lang ako bukas.”

Hindi ko napigilang umirap. “Na naman?!”

“Ano?”

Hindi ko siya sinagot, sayang ang laway. Nang lumabas siya ng kwarto ay dali-dali kong ni-lock ang pinto para hindi na siya makapasok kung sakaling bumalik.

*****

KINAUMAGAHAN ay maaga akong nagising para maghanda sa pag-alis. Pupunta ako ngayon sa bahay ni Felix at doon tatambay buong araw para lang hindi ko makita si Caleb na paniguradong bubwesitin na naman ako.

Nakabihis na ako at aalis na pagkatapos mag-breakfast.

“O, maaga ka yatang nagising,” ang pansin ni Papa.

Napatingin naman ako sa suot niya at pati na rin si Mama. Pareho nilang suot ang uniform sa company at nag-aagahan na.

“May lakad po kasi ako,” ang sagot ko saka umupo para kumain.

“Aalis ka? Gagamitin sana namin ang motor dahil color-coding ako ngayon.”

“Ah, sige ‘Pa, magko-commute na lang ako.”

“Saan ang punta mo?” ang tanong ni Mama.

“Do’n lang kanila Felix, ‘Ma.”

Tumango-tango siya at pagkatapos ay naupo. Tahimik kaming kumain hanggang sa matapos. Naunang tumayo si Mama at niligpit ang pinagkainan.

“Ako nang bahala ‘Ma, maghuhugas ako ng plato bago umalis.

“O sige, ikaw na ang bahala, aalis na kami,” ang tugon niya.

Tumayo ako saglit para kunin sa bulsa ang susi ng motor at ibigay kay Papa.

“Aalis na kami,” ang sabi ni Papa at sabay na silang lumabas ni Mama ng bahay.

“Ingat kayo,” ang sabi ko at pinagpatuloy na muli ang pagkain.

Ilang sandali pa ay narinig ko na ang mahinang ugong ng papalayong motor.

Nang matapos kumain ay tumayo na ako at hinugasan ang mga pinagkainan. Naging mabilis ang mga kilos ko dahil baka abutan pa ni Caleb.

Pagkatapos ay kinuha ko ang cellphone at nag-message kay Felix. Nakalimutan kong magsabi na pupunta ako sa kanila.

Kenan:

Nasa bahay ka?

Ilang sandali lang ay nag-reply ito.

Felix:

Oo, bakit?

Kenan:

Punta ako r’yan.

Felix:

O, sige.

Nang mab*sa ang reply niya ay agad kong pinagtatanggal ang plug ng ibang appliances sa electrical socket, maliban sa refrigerator. Siniguro ko ring sarado ang mga bintana lalo na at walang ibang taong magbabantay.

Kahit safe rito sa loob ng subdivision ay hindi dapat pakampante lalo na at iba’t ibang masasamang tao ang nagkalat lang sa paligid.

Matapos mai-lock ang main door ay lumabas na ko ng gate na siniguro ko ring lock bago umalis. Sa labas pa ng subdivision ang sakayan kaya kahit mainit na sa balat ang sinag ng araw ay naglakad ako.

“O, ba’t naglalakad ka lang? Nasa’n ang motor— Ay, dumaan nga pala rito ang mga magulang mo sakay ng motor,” ang sabi ng guard.

“Color-coding kasi si Papa, kaya hiniram muna niya ang motorsiklo, sige Manong,” ang sagot ko sabay paalam na rin. Kailangan kong magmadali. Lumabas ako sa subdivision at naglakad pa papunta sa sakayan.

Naupo ako sa waiting-shed habang hinihintay na may dumaan na bus. Hindi nagtagal ay nakasakay rin ako agad at saktong pag-upo ay nakatanggap ako ng notification mula sa social media. May PM sa akin si Caleb.

Caleb Roy Tan:

Nasa’n ka? Nandito ako sa gate pero naka-padlock.

Hindi ako nag-reply. Para saan pa? E, ito nga ang gusto ko. Saka, baka mangulit pa iyon at magtanong kung saan ako papunta tapos sundan pa ako at doon mangbw*sit.

Habang nasa bus ay ilang ulit niya pa akong m-in-essage pero hindi ko pinansin, hanggang sa huminto ang bus at bumaba ako. Naglakad ulit ako para marating ang bahay ni Felix. Isang kalye lang naman ang layo kaya ayos lang kahit ang init ng sinag ng araw.

Pagliko sa kanto ay tanaw ko na ang bahay nito na tatlong bahay lang naman ang layo. Agad kong napansin si Felix sa labas mismo ng bahay nila.

Bigla itong tumakbo palapit sa akin sabay h*bad ng t-shirt. “Ba’t naglalakad ka lang? Ang init-init.” Tapos ay nilagay niya sa ulo ko ang hinubad na t-shirt.

“Hiniram ni Papa ang motor kaya nag-commute na lang ako,” inalis ko ang t-shirt sa ulo at saka binalik sa kanya. “Magbihis ka nga, ikaw na ang nagsabi na mainit tapos hinubad mo pa ‘yang damit mo.”

“Hindi ka pwedeng mainitan, baka umitim ka.”

“Sira, hindi naman ako maputi,” ang tugon tapos ay natawa.

Pero hindi man lang siya natuwa sa sinabi ko at seryoso lang na nakatingin sa akin. Hindi ba joke iyong sinabi niya?

“Nandito ka sa teritoryo ko kaya sundin mo ang sinasabi ko.”

“Oo na, ang seryoso nito,” biro ko muli.

“Seryoso talaga ako, para sa’n pa ang pagbabantay ko sa ‘yo kung ikaw mismo pinapabayaan mo rin lang ang sarili mo.” Tapos ay tumalikod na siya para bumalik sa bahay.

Anong problema no’n? Nabilad lang ako sandali sa araw, galit na?

Sumunod ako sa kanya papasok sa bahay. Nakita ko ang sister-in-law niyang si ate Anna na nasa sala kasama ang anak na limang taong gulang. Lumapit ako para kulitin sandali ang bata. “Hello Kyle, musta?” sabay pisil ng mukha.

“Kuya!”

Napatingin ako nang sumigaw si Faith, ang kapatid na babae ni Felix. Nakita kong mabilis itong tumakbo papalayo.

“Anong nangyari do’n?” ang tanong ko.

Pero nagkibit-balikat lang si Felix at umupo sa tabi ni ate Anna.

Nanunuod sila ng television kaya habang nakikipagkulitan sa bata ay nakikinuod na rin ako.

Ilang sandali ay may dumaan sa harap ng television. “Ano ba Faith! talagang sa harap ng TV? Kitang may nanunuod,” ang reklamo ni Felix. “Saka, ba’t gan’yan ang suot mo, may lakad ka? Hindi naman ‘yan ang suot mo kanina, a.”

Napansin ko ang matalim na tingin ni Faith sa kapatid. “Hindi mo kasi sinabing may bisita pala tayo.”

“Si Kenan lang ‘yan, kailangan ka pang sabihan? Halos linggo-linggo ‘yang nandito.”

“Kahit na!” tapos ay tumingin sa akin sabay ngiti. “Hi, kuya Kenan.” Pansin ko agad ang pagningning ng mga mata niya. Bakit parang…?

“Oy, oy, oy! Anong klaseng tingin ‘yan! Subukan mo lang magkagusto kay Kenan, malilintikan ka sa ‘kin,” ang banta ni Felix.

Inirapan ni Faith si Felix kaya bago pa sila mag-away ay lumapit na ako rito sabay hila papalayo. “’Wag mo ng patulan,” ang awat ko pa kay Felix. “Sa kwarto na lang po kami,” ang paalam ko kay ate Anna na tumango naman.

“Wait! Anong gagawin niyo sa kwarto? Sama ako!” ang sabi ni Faith na agad lumapit pero hinarang agad ni Felix ang kamay sa noo nito.

“Wala kang paki kung anong gawin namin sa kwarto, off-limits ka,” sabay tulak nang mahina. “Subukan mong sumilip, makakakita ka ng hindi maganda."

Pansin kong nag-iba ang itsura ni Faith, tila nandiri sa sinabi ni Felix.

"Tama na ‘yan, dinudumihan mo utak ng kapatid mo,” ang saway ko.

“Matagal ng madumi ang utak n’yan, magkagusto ba naman sa ‘yo.”

“Ano namang masama?”

“Walang masamang magkagusto siya pero hindi sa ‘yo. No way, hindi ako papayag.”

Naningkit ang mata ko matapos naming pumasok sa kwarto. “’Wag mong sabihing...” sadya kong ibinitin ang sasabihin para siya ang magtapos.

“Kaibigan kita, kung magiging kayo ng kapatid ko, tapos maghihiwalay? Baka masira lang pagkakaibigan natin.”

Tumaas ang gilid ng labi ko. “Ang sweet naman, inaalala mo ang pagkakaibigan natin,” –hindi tulad ni Caleb.

Lumapit ako sa kanya at akmang yayakapin siya nang mabilis niya akong tinulak palayo. “Ang kapatid ko ang inaalala ko, oras na masaktan siya? Magdasal na lang kung sino man ang lalakeng ‘yon at kasama ka na ro’n.”

“Sabi ko nga.” Tapos ay naupo sa kama habang siya ay humiga sa tabi ko.

“So, kumusta?”

Napatingin ako sa kanya nang maguluhan sa tanong. “What do you mean?”

“Bumalik na si Caleb, so, kumusta? Galit ka pa rin ba sa kanya?”

“Ayoko siyang pag-usapan.”

“Galit ka pa nga.”

Matapos ay natahimik kami. “Anong gagawin natin ngayon?” ang tanong tapos ay humiga katabi siya.

“Aba, malay ko. Ang ganda no’ng pinapanuod ko ro’n sa sala, e.”

“Parang pinapalayas mo na ‘ko, a.”

“Hindi ba obvious?”

“Kahit obvious ay hindi ako uuwi, may asungot do’n.”

Bumuntong-hininga siya kaya napatingin ako at tumingin sa akin. Bumuka ang bibig at tila may gustong sabihin pero hindi rin tinuloy. “Ang boring,” aniya.

“Maglaro na lang tayo ng mob*le le*ends?” ang suggestion ko.

“Wala akong load.”

“Pa-load-an kita.”

“500 gusto ko,” ang tugon niya.

“Ang demanding, 100 lang oy, wala pa ‘kong allowance.”

“Sige na, 100 na lang. Kuripot.” At ako pa talaga ang kuripot?! E, lagi nga siyang nagpapalibre ng pagkain. Mas mahal niya pa nga ata ang pagkain kaysa sa ibang bagay.

Matapos ko siyang mabigyan ng load ay agad kaming nag-umpisa sa paglalaro. Hindi na namin napansin ang oras hanggang sa tawagin kami ni ate Anna para magtanghalian.

“Kain muna tayo,” ang aya ni Felix at nauna nang lumabas ng kwarto.

Sumunod naman ako papunta sa kusina nila at agad napansin si kuya Fernan, ang nakakatandang kapatid ni Felix na asawa ni ate Anna.

“O, nandito ka pala Kenan,” ang pansin niya sa akin.

Napatingin pa ako sa suot niyang damit. Marumi at maraming grasa. “Bumisita lang Kuya, galing ka sa shop?” ang tanong ko na tinanguan lang niya. Mekaniko ito tulad ng ama na si tito Ferdinand at nagtatrabaho sa isang talyer. “Ikaw lang po ang mag-isang umuwi?”

“Hindi na sumama si Papa dahil tinatapos niya pa ‘yung isang kotseng nasiraan. Kukunin na kasi mamayang hapon.”

Tumango ako saka umupo sa tabi ni Felix na agad akong inabutan ng pinggan. Tiningnan ko naman ang pagkaing nakahain. Wow, may sinigang na baboy at galunggong.

“Salamat, ate Anna,” ang sabi ko. Kapag kasi bumibisita rito ay lagi siyang nagluluto ng paborito kong pagkain, ang sinigang.

“Wala ‘yun, alam kong paborito mo ‘yan kaya kain lang nang kain,” ang sagot habang sinusubuan si Kyle na nasa kandungan.

“Tinulungan ko si Ate na magluto n’yan,” ang singit ni Faith.

“Faith,” ang saway ni Felix.

“Oo na, hindi ko na aagawin sa ‘yo si kuya Kenan.” Pagkatapos ay tumungo na lang sa pagkain.

Nagkatinginan kami ni Felix sabay tawa dahil iba ang iniisip ni Faith tungkol sa amin ng Kuya niya.

“Tigilan mo na ‘yang kapapanuod ng BL series, kung ano-anong iniisip mo sa Kuya mo at kay Kenan,” ang saway ni kuya Fernan.

Bigla namang dumila at inasar ng katabi ko si Faith. Hindi na ito nag-react at kumain na lang.

“Magkaibigan lang kami ng Kuya mo,” ang sabi ko kay Faith. “Imposibleng mangyari sa ‘min ‘yang mga BL series na pinapanuod mo, ‘di ba?” sabay tingin kay Felix.

Tumingin muna siya sa akin nang matagal pero hindi naman nagsalita.

***<[°o°]>***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status