A Contract Marriage With Abe Dela Torre
Kinakaya ni Isla Aguilar ang mabigat na hamon ng buhay. Nagtatrabaho sa araw, nag-aaral sa gabi para sa pangarap na mas maayos na buhay at makatulong sa gamutan ng bunsong kapatid na may Down Syndrome at butas sa puso. Sa gitna ng kanyang pagsusumikap, ang kanyang tanging pahinga ay ang lihim na talon malapit sa likod ng kanilang bahay, kung saan isang araw ay iniligtas siya ng isang guwapo at matipunong estranghero sa pag-aakalang siya ay nagpapatiwakal.
Hindi niya inakalang ang estrangherong iyon ay si Johan Abraham Dela Torre, ang bagong CEO ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya na kilalang istrikto at malupit sa pamamalakad sa kumpanya, at mailap sa mga babae. Kaya’t laking gulat ni Isla nang bigla siyang alukin ng CEO ng kasal kapalit ng tulong para sa operasyon ng kanyang kapatid. May kundisyon ang kasunduan: walang pisikal na relasyon, sikreto ang kasal maliban sa pamilya ng lalaki, at isang taon lamang ang bisa.
Habang tumatakbo ang mga araw, unti-unting nahuhulog ang loob nina Isla at Abe sa isa’t isa. Dahil sa angking galing at talino, si Isla ay naging isang asset ng kumpanya, at si Abe, sa kabila ng pagkukunwaring malamig at matigas, ay palihim na sinusuportahan si Isla sa kanyang pangarap.
Ngunit paano kung may ibang babae na nagpupumilit maging parte ng buhay ni Abe at palaging minamaliit ng matapobreng ina ni Abe si Isla?
Magagawa ba nilang ipaglaban ang pag-ibig sa kabila ng takot, sakit, at mga hadlang?