Share

Chapter 4

Wala naman siyang ginawang masama sa lalaki pero hindi niya maintindihan kung bakit pinagpapawisan siya ng malamig ngayon. Binaba na nito ang phone at ngayo'y binalot sila ng katahimikan sa loob ng elevator.

Hindi niya ito magawang lingunin. Kung maaring huwag na lang huminga ngayon para hindi lang siyang mapansin ni Hidan ay gagawin niya.

Napasinghap siya nang maramdaman ang pagsakit ng puson. Kanina pa siya nakatayo mula pa noong dumating siya dito sa building at nagbuhat siya ng napakaraming damit mula sa mga karton sa dressing room. Napagod siya kaya duda niya, iyon ang dahilan kaya sumakit ang puson niya ngayon. O baka naman magkaka-period na siya.

Sinapo niya ang puson. Kaya lang sumakit pa iyon ng tudo dahilan para mabitiwan niya ang damit. Ilang beses siyang nagdasal sa isipan niya na sana huwag naman ngayon. Huwag naman sa harapan ni Hidan.

Pinindot niya ang open button ng elevator. Nakarating na sila sa eksaktong floor pero hindi pa nagbubukas ang pinto kaya natataranta na siya. Kailangan niya nang makaalis agad.

“Hey, are you okay?”anito sa baritunong boses.

Namilog ang mata niya at sumiksik agad sa tabi.

“A-Ayos lang po ako.” Atsaka napangiwi siya. Hindi naman talaga siya okay. Kaya lang pag nagsabi siya ng totoo ay baka usisain pa siya nito.

Tensyunadong nakagat niya ang ibabang labi at pinindot ulit ang open button ng elevator. Nagtataka na siya kung bakit ayaw magbukas.

“Paumanhin po sa pansamantalang paghinto ng elevator. Titingnan po ng maintenance ang problema. Hindi po ito magtatagal. Pasensiya na sa abala.” Tumunog ang speaker sa loob ng elevator.

Napanganga siya sa narinig. Napadaing siya nang bigla na namang kumirot ang púson niya. Bakit sobrang sakit naman yata ng púson niya ngayon? Hindi naman siya ganito dati.

“Hindi ka okay. Why do you have to lie?”anito sa seryosong boses.

Namilog ang mata niya at napayuko lalo. Napansin niyang palapit na ito sa kaniya. Gusto niyang umatras pero wala na siyang maatrasan.

Bumuntong hininga ito nang mapansin na ayaw niyang lumapit ito. Inilabas ulit nito ang cellphone at mukhang may tatawagan.

“I think the girl with me right now is in pain. She's not okay so make it faster.” Maawtoridad ang boses nito.

Ang front desk pala ng building ang tinawagan nito.

Nang magbukas ang pinto ng elevator ay dinaig pa ang kidlat no'ng tumakbo siya palabas. Imbes na dumeretso sa camper van na sinasabi ng bakla ay clinic ng OB ng Mama niya ang agad niyang sinugod. Pain reliever ang iniisip niyang ibibigay ng assistant ng doktor na naiwan doon pero sinabi nitong maghihintay muna siya sa doktor dahil may tinatapos pa ito sa hospital bago magtungo sa clinic nito.

Nandoon pa rin ang kaba sa dibdib niya tuwing maaalalang nakasama niya si Hidan kanina. Kahit noong umupo siya sa sofa habang naghihintay sa doktor ay hindi niya pa rin magawang kumalma.

“Kailan ang huling period mo?” Ito ang agad na sinalubong ng doktor nang simulan na siya nitong i-check.

Two and half months nang hindi siya dinadatnan. Iyon ang sinagot niya. Inasahan niyang sasabihin nitong baka dadatnan na siya kaya ganoon. Na katulad lang ito sa nagdaan niyang problema. Minsan kasi ay nag-i-skip ang period niya ng isang buwan.

“Here, use this,”ani doktor sabay lapag ng PT sa harapan niya na dahilan ng pagkalito niya. “Just follow the instructions on the PT box.”

“Pero po-”

“Don't worry. Binigyan lang kita niyan para safety kung sakaling resetahan kita para diyan sa problema mo,”agad na putol ng doktor sa akmang pagrereklamo niya.

Napatangu-tango siya at sinunod ang sinabi ng doktor. Nagtungo siya sa CR para doon gawin ang iniutos ng doktor. Mga minuto lang ang hinintay niya sa result.

Wala sa sarili na tiningnan niya ang pregnancy test result. Balewala lang iyon sa kaniya noong una at akmang lalabas na sana na hindi man lang nag-sink in ang nakitang resulta ng PT. Natigilan lang siya sa akmang pagbubukas ng pinto nang mapagtanto kung ano nga ang resulta ng hawak.

Napasinghap siya at nabitiwan ang bagay na agad lumagapak sa sahig ng cubicle. Nakaharap iyon sa kaniya at tila gustong-gusto nitong malaman niya ang nakakagulat na bagay.

“A-Anong...” Namilog ang mata niya at napasinghap.

Dalawa ang guhit na pula doon. Ibig sabihin ay buntis siya.

......

“Really, huh? Ang hilig mo talagang sirain ang araw ko, Serrie.” Nanggagalaiti si Coby sa kabilang linya.

Dala-dala niya pa ang damit na dapat ay susuotin ni Coby sa last shoot nito sa isang clothing brand.

“Sorry talaga!”

Habang pinapagalitan siya ni Coby sa kabilang linya ay wala siyang ibang masabi kundi ang 'sorry'. Nalilito siya at hindi niya na alam ang gagawin. Hindi niya alam kung papaano ito sasabihin sa Mama niya. Ikakasal na siya kay Coby. At ini-expect ng lahat na iyong nangyari lang sa kanila ng Hidan na iyon ang magdadala ng kahihiyan sa pamilya niya.

Pero hindi niya inaasahang may susunod pa. Paano na lang kapag nalaman ito ng step-father niya? Baka saktan siya nito at madamay ang batang nasa sinapupunan niya.

“Hihintayin kita sa park,”aniya sa huli.

Hindi man lang nagsalita si Coby noong ibaba nito ang phone. Ang park na tinutukoy niya ay iyong malapit sa village na kinaroroonan ng bahay nila. Madadaanan iyon.

Hindi siya pwedeng umuwi mag-isa. Kukwestyunin na naman siya ng pamilya niya kung bakit mag-isa siya. Alam niyang ayaw masira ni Coby ang napagkasunduan ng pamilya nila kaya nakatitiyak siyang pupunta ito para ihatid siya.

Kaya lang at dumaan na lamang ang tatlong oras pero hindi pa rin siya sinisipot ni Coby. Nakaupo siya sa duyan ng kids park at tulala.

Nang tingnan niya ang phone ay 12 na. Wala pa rin si Coby kaya laylay ang balikat na naglakad na lang siya pauwi. Tulog na ang lahat nang makarating siya buti na lang nandiyan ang guard para papasukin siya.

Nang makapasok siya sa kwarto ay saka niya lang nagawang ibuhos ang lahat ng sama ng loob. Buong buhay niya ay hindi siya umiyak dahil nagtampo siya. Ngayon pa lang. Tila naipon iyon sa loob ng ilang taon at ngayon niya lang tuluyang nailabas.

Kahit maga pa ang mata kinabukasan ay humarap pa rin sila sa wedding organizer para sa cake testing at pag-uusap din nila ang tungkol sa theme ng wedding. At lahat-lahat na.

Matamlay siyang pumipili ng mga designs ng bouquet habang si Coby ay abala sa ka-chat nito. Pangisi-ngisi pa habang nagta-type sa phone. Paniguradong ang babae na naman nito ang ka-chat ngayon. Ikakasal na sila't lahat-lahat pero babae pa rin ang inaatupag ni Coby.

“Sir kayo po? Wala po kayong nagugustuhang design diyan?”untag ng organizer kay Coby.

Saglit lang na sumulyap si Coby sa babae at balik na naman sa phone ang mata.

“Siya na lang ang papiliin mo. Hindi ako mahilig diyan.” Tamad na sagot ni Coby.

Halatang nagtaka ang organizer sa reaksyon nilang dalawa ngayon. Usually dapat parehong excited ang mga ikakasal lalo na pagdating sa ganitong usapin. Pero iba sila ni Coby. Dahil para silang hindi ikakasal sa mga itsura nila.

“Ganoon po ba?” Hilaw na ngumisi ang babae at sumulyap sa kaniya.

Nagbitiw rin siya ng tipid na ngiti sa organizer para kunyari isipin nitong ayos lang na siya lang ang pumili.

Wala rin siya sa huwisyo habang pumipili. Parating sumasagi sa isipan niyang ikakasal na siya tapos dala-dala niya sa sinapupunan ang anak ng ibang lalaki. Parang ayaw niyang maupo rito para pag-usapan ang kasal. Feeling niya hindi niya deserve ang bonggang kasal na ganito.

Paano niya magagawang maglakad tungo sa altar ng hindi naiisip ang tungkol sa bata? Pakiramdam niya mas masahol pa siya kay Coby.

Tapos nila doon ay agad siyang tumakbo tungo sa kwarto niya nang makaramdam na naman ng pagbaligtad ng sikmura. Nanghihina at tulalang umupo siya sa gilid ng bowl.

Wala siyang ganang magkikilos sa mga oras na iyon. Kahit noong sabihin ng katulong na kailangan niya nang bumaba ay parang ayaw niya sundin kaya lang alam niyang magagalit ang ama kapag hindi siya bumaba.

Nasa kabisera ang ama habang nasa kanan naka-upo malapit sa ama-amahan ang kaniyang ina. Tahimik silang pareho hanggang basagin ng ama ang katahimikan.

“Wala nang kasal na mangyayari,”anunsyo nito.

Dahilan para mapaangat ang tingin niya sa ama. Namilog ang mata niya. Hindi niya maipagkakailang umahon ang tuwa sa dibdib niya.

Pero anong dahilan para iatras ang kasal? Si Coby ba? Ang pamilya ni Coby? O ang ama niya? Pero ang ama niya ang siyang willing na ipagpatuloy ang kasal. Tapos biglang ganito?

At tuwing titingnan niya ang ama ay parang may kakaiba rito. Hindi man lang ito nag-aalala ngayong hindi na matutuloy ang kasal. Isa sa tinuturing nitong asset ang pamilya ni Coby kaya bakit parang ayos lang dito ang nangyayari ngayon?

“You're marrying someone. And not Coby. Naisip kong hindi na malaking kawalan ang mga Reyes sa atin,”ani ama at kalmadong tumungga ng paborito nitong wine. “He's a CEO, kilala sa business world, he's a big catch.”

At bumaling ang ama niya sa kaniya. Namilog ang mata niya. Kakaiba ang kabang nararamdaman niya ngayon. Kakaiba sa kaba na naramdaman niya noong ianunsiyo na ipapakasal siya kay Coby. Mas malala ngayon.

“Make sure na mapasaya mo siya, Serrie.” Sumilay ang kakaibang ngisi sa labi ng ama-amahan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status