Share

A Twisted Game of Fate
A Twisted Game of Fate
Author: Bimaia

Prologue

"Urg!"

Isang mahinang ungol ang pinakawalan ko habang dahan-dahang nagmumulat ng mga mata. Wala pa rin ako sa huwisyo nang mapahawak sa aking ulo na noon ay tila ba minamartilyo sa sakit. Hindi ko rin masyadong maigalaw ang aking katawan. Wari ko ay nadagdagan ng sampung kilo ang aking timbang. Ganoon pa man ay pinilit ko pa ring maupo.

Nang mahismasmasan ay agad kong iginala ang aking paningin sa paligid. Napakurap pa ako ng ilang beses nang mamataan ang higanteng telebisyon sa dingding.

‘Bumili ba si Clyde nang hindi sinasabi sa akin?’

Napailing na lamang ako sa naisip. Balak kong ipabalik na lamang sa aking nobyo ang tv na iyan sa kung saan man niya ito nabili. Panigurado kasi na nagkakahalaga ito ng malaki. Mas magandang ipunin na lamang niya ang pera, tutal naman ay hindi namin kailangan ng ganito kalaking tv. Kuntento na ako sa kung ano ang mayroon kami ngayon.

Muli kong iginala ang paningin. Nangunot pa ang aking noo nang mahagip ng aking mga mata ang malaking piano na malapit sa salaming bintana. Noon ko lamang din napansin ang guitara, pati ang isang set ng drums sa gilid.

"Teka. Hindi naman mahilig sa musical instruments si Clyde kaya papaano nagkaroon ng mga ganito rito?"

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bigla na lamang kumabog nang malakas ang aking dibdib. Tila ba may mali, ngunit hindi ko mawari kung ano. Noon ko lamang din napansin na iba na ang istruktura rito sa loob ng kuwarto. Pati ang kama na kinauupuan ko ay mas malaki, at mas malambot kaysa sa ginagamit ko.

Nasa ganoon akong posisyon nang mamataan ang isang bagay na nasisigurado kong wala sa tinutuluyan naming bahay ni Clyde. Tila ako nabuhusan ng napakalamig na tubig sa. Nangalisag pa ang lahat ng mga buhok ko sa katawan habang titig na titig sa malaking portrait sa aking harapan.

Napaawang na lamang ang aking bibig habang pilit na nagsisink-in sa aking utak ang aking nakita.

"Bakit wala akong maalala sa mga naganap nang nagdaang gabi?"

Akmang tatayo na sana ako nang bigla na lamang maramdaman pananakit ng pang-ibabang parte ng aking katawan. Noon ko lamang din napagtanto na wala na pala akong kahit anong saplot. Nanlaki ang aking mga mata nang mapansin ang mga nangingitim na markang nagkalat sa iba't-ibang bahagi ng aking katawan. Ngayon lamang ako nakakita ng ganito. Sinubukan ko itong sundutin, ngunit napawingi lamang nang maramdaman ang hapdi.

Kahit nanginginig ang aking mga tuhod ay pinilit ko pa ring tumayo. Gamit ang manipis na kumot na ibinalot ko sa aking katawan ay paika-ika kong tinungo ang banyo. Pagkapasok ay pikit-mata kong hinarap ang salamin. Natatakot ako sa mga bagay na aking masisilayan. May hinuha na rin ako sa kung ano ang maaaring nangyari sa akin. Laki man ako sa hirap, ay hindi naman ako mangmang pagdating sa mga ganitong bagay. Isa sa mga payo ni nanay ay ang pagbibigay ng aking puri sa aking mapapangasawa. Ayon sa kaniya ay ito raw ang pinakamagandang regalo sa aking magiging kabiyak pagdating ng araw. Kaya naman ay hinding-hindi ko makakayanang tanggapin ito kung sakali.

Nagpalipas na muna ako ng ilang saglit, bago dahan-dahang nagmulat. Tila ako naipako sa aking kinatatayuan nang makita ang aking repleksiyon. Saglit akong natulala. Hindi ko alam kung ano ang iisipin sa mga oras na ito. Mayamaya pa ay nagsimula nang manginig ang buo kong katawan. Rinig na rinig ko pa ang malakas na tambol ng aking puso. Kulang na lamang ay lumabas ito sa aking dibdib. Tuluyan na ring nalaglag sa sahig ang kumot, ngunit hindi ko na ito pinansin pa.

Nanginginig pa ang aking kamay nang mapahawak sa aking leeg. Halos mapuno ito ng maliliit, at nangingitim na mga marka.

Nang makumpirma ang aking hinala ay tuluyang bumigay ang aking mga tuhod. Hindi ko na ininda ang lamig na nanuot sa aking balat nang mapaupo ako sa marmol na sahig. Niyakap ko nang mahigpit ang aking sarili bago mapatingin sa isang sulok.

oooOOooo

Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatulala sa bahaging iyon ng banyo. Pilit kong inaalala ang mga kaganapan noong nagdaang gabi, ngunit sumasakit lang ang aking ulo. Isa lamang ang malinaw sa akin. Nawala na sa akin ang iniingat-ingatan kong kayamanan. Ngunit ang mas nagbigay sa akin ng kaba ay kung papaano ko ipaliliwanag kay Clyde ang lahat. Natatakot ako sa magiging reaksiyon niya kapag nalaman ang nangyari sa akin. Nakagat ko na lamang ang pang-ibabang labi ko.

Naramdaman ko rin ang paghapdi, at pag-iinit ng aking mga mata. Kasunod noon ay ang pagpatak ng butil-butil kong mga luha. Noong una ay paisa-isa lamang, ngunit hindi nagtaggal ay nagmistula nang talon ang aking mukha.

Hindi ko na alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa mga oras na ito. Gusto kong magwala, ngunit tila ako napag-iwanan ng lakas sa mga sandaling ito.

Gusto kong sumigaw, ngunit naninigas ang aking panga. Nagmistula ring disyerto ang aking lalamunan. Tanging ang impit na iyak lamang ang aking nagagawa upang ilabas ang lahat ng sama ng loob na naipon sa loob ng ilang taon.

Hindi nagtaggal ay humahagulgol na ako. Pakiramdam ko ay tila ba mapupunit na ang aking utak sa loob ng aking bungo. Umaalingawngaw na sa bawat sulok ng banyo ang aking pagtangis, ngunit wala na akong pakialam. Napahawak na lamang ako nang mahigpit sa isang upuan na naroon upang kahit papaano ay masuportahan ang matinding panginginig ng aking katawan.

Sinubukan ko na ring patahanin ang sarili, ngunit mas lalo lamang naging makapal ang pag-agos ng tubig sa aking mga mata. Tila ako pinagsakluban ng langit at lupa nang mga sandaling ito. Pakiramdam ko ay nawalan na ako ng saysay sa mundo. Ang natira lamang ay ang namumuong pagkamuhi, at pandidiri sa sarili.

Makalipas pa ng ilang minuto ay medyo nahimasmasan na ako. Nananakit na rin ang mga namamaga kong mata, at alam ko na wala na akong mailuluha pa. Napagtanto ko na hindi ko na maibabalik pa kung ano man ang nawala kahit pa lumuha ako ng isang balde. Kahit hirap ay pinilit kong tumayo.

Kailangan kong makaalis sa lugar na ito. Hindi na mahalaga kung saang lupalop ako mapadpad. Ang importante ay makalayo ako rito.

Muli akong humarap sa salamin. Hindi ko na halos makilala ang aking sarili dahil naniningkit na ang namumula kong mga mata. Napalunok pa ako nang muling mahagip ng aking paningin ang mga nangingitim na marka sa buo kong katawan, ngunit agad ko ring iwinaglit sa isipan ang namumuong sakit ng pagkawala ng pinaka-iingatan kong kayamanan.

Agad na akong naghugas ng mukha. Wala na akong panahon upang maligo. Ang nais ko lamang ay makaalis na sa lugar na ito sa lalong madaling panahon.

Pagkalabas ng banyk ay napayakap agad ako sa sarili nang humampas ang malamig na hangin sa buo kong katawan. Nagmumula ito sa bukas na bintana. Ngayon ko lang din napansin na malakas pala ang ulan sa labas. May kasama pang kulog at kidlat na paminsan-minsan ay gumuguhit sa kalangitan. Nanginginig man ay isa-isa ko nang hinablot ang aking mga damit na nagkalat sa sahig. Iyon nga lang ay hindi ko na makita ang pekeng balat na nakasanayan ko nang suotin.

"Yes, sir. Nasa loob pa po si ma'am at kasalukuyan pang natutulog."

Napahinto lang ako sa paghahanap nang makarinig ng mga yabag, at boses sa labas mismo ng pituan. Nanlalaki pa ang mga mata ko nang makita ang bahagyang pagpihit ng doorknob. Mabilis kong iginala ang paningin sa buong silid. Naghahanap ng maaaring mapagtataguan. Unang pumasok sa isip ko ang ilalim ng kama, ngunit alam ko na makikita agad ako rito. Sunod kong tiningnan ang banyo, ngunit masyadong halata kung doon ako magtatago.

Rumble!

Napaitag ako sa kinatatayuan nang muling marinig ang malakas na tunog ng kulog. Napalingon ako sa gawi ng bintana. Doon ay muli kong nakita ang magarbong guhit ng kidlat. Tila ba ito isang imbitasyon na roon ako sa bintana dumaan. Napalunok na lamang ako, ngunit hindi na ako nag-aksaya ng oras. Alam ko na wala nang ibang paraan. Hindi ko na rin ininda ang matinding hapdi sa maselang bahagi ng katawan ko dahil sa biglaang paggalaw ng mabilis. Ang nasa isip ko ngayon ay makaalis na sa lugar na ito sa kahit anong paraan.

Katataas ko pa lamang sa bintana ay narinig ko na ang pagbukas ng pinto.

"Helen? What are you-no!"

Huli na nang mapalingon ako sa sumigaw. Nakita ko pa ang nahintatakutang mukha ni Red na kapapasok lamang. Tumatakbo pa ito palapit sa aking direksiyon, ngunit huli na ang lahar. Naramdaman ko na lamang na nahuhulog na ako pababa. Tuluyang nawala ang kontrol ko sa aking katawan habang mabilis na bumabagsak. Ngayon ko lang napagtanto na nasa ikatlong palapag pala ang silid kung nasaan ako, ngunit wala na akong magagawa pa.

Isang mapait na ngiti na lamang ang aking pinakawalan habang hinihintay ang aking katapusan. Naramdaman ko pa ang muling pagtulo ng aking mga luha, ngunit bago pa man ako panawan ng ulirat ay bumulong na muna ako sa hangin.

"Clyde, mahal ko. Salamat sa lahat, paalam."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status