Share

Chapter 5 Friends

Nakapako ang seryoso kong tingin sa kanya. Kung ganito niya nabibingwit ang mga babae niya, puwes ibahin niya ako.

“Akala ko ba hindi ka nanliligaw?” sabi ko at pinagkrus ang braso sa harapan. “Mamaya niyan at masabunutan pa ako ni Cely ng Business Ad.”

Kumunot ang kanyang noo at nanliit ang kanyang mga mata.

“Wala namang kami ni Cely,” pagtanggi niya.

“Nakita ko kayo doon sa second floor sa campus. Walang kayo pero nakikipaghalikan ka sa kanya. Ang gulo mo rin.” Umirap ako at tinalikuran na siya. Nagpatuloy na ako sa paglalakad at iniwanan na siya.

“Matagal na 'yong sa'min.” Nakahabol siya sa akin. “Last na 'yon kasi gusto ko nang manligaw sa'yo nang seryoso.”

Huminto ako at binalingan siya ng tingin. “Alam mo kahit magseryoso ka pa sa panliligaw sa'kin, hindi pa rin kita sasagutin at alam mo ang dahilan diyan. Huwag mo nang sayangin ang oras mo sa'kin. Umuwi na nga lang tayo.” Nagpatuloy na ako sa paglalakad

Hindi na siya nagpumilit pa at tahimik lang na nakasunod sa akin sa likod. Nang makarating na kami sa sakayan ay wala kaming kibuan na dalawa at pumasok na sa loob ng jeep.

Tama naman ang ginawa ko. Dapat ngayon pa lang ay alam na ni Ryker na wala siyang aasahin sa akin. Nang makahinto ang jeep sa harap ng bahay namin nag-abot na ako ng pamasahe at bumaba na.

Alas siyete ng umaga na ako nagising kinabukasan. Nakalimutan kong magpa-alarm ng orasan kagabi kaya aligaga akong naligo. Hindi na muna ako nagbihis nang maayos at suot lang ang oversized na white tshirt. May tuwalya pa sa buhok ko dahil sobra pa itong basa. Aligaga akong bumaba ng hagdanan para kumain na muna ng almusal.

Kumunot ang noo ko nang marinig ang mga boses sa ibaba at muntik na akong masubsob nang nasa panghuling hagdan na dahil nakita ko si Ryker na nakaupo sa sofa ng aming sala. Kausap pa niya si Tatay.

Parehong napabaling ang dalawang lalaki sa akin.

“Natagalan gumising,” si Tatay. Tiningnan niya si Ryker. “Sabay na raw kayo nitong si Ryker papuntang trabaho.”

“P-Po?” nauutal na tanong ko sabay conscious na hawak sa tuwalyang nasa ulo.

Bumaling si Tatay kay Ryker. “Kumain na muna tayo ng almusal.”

“Uh .  . . Kumain na po ako sa bahay, Sir,” magalang na sinabi ni Ryker.

“Eh 'di kumain ka ulit,” simpleng saad ni Tatay.

Tumikhim ako at nakuha nito ang atensiyon nilang dalawa.

“M-Magbibihis lang ako sa taas.” Hindi ko na hinintay pa ang sasabihin nila at kumaripas na ako paakyat ng kuwarto. Isinuot ko na lang ang uniporme ng store. Sinuklay ko na rin ang medyo natutuyo ko ng buhok.

Bumaba ako ulit at dumeretso na sa kusina. Nakita kong nakaupo na ang lahat pati na rin si Ryker na nasa tabi ni Tatay. Tumabi ako kay Nanay na nasa tapat naman nila nakaupo.

Naglagay na ako ng kanin sa plato at sumubo.

“Aakyat daw ng ligaw itong si Ryker sa'yo, Gertude.”

Nailuwa ko ang kanin na isinubo sa bibig dahil sa sinabi ni Nanay. Naubo ako bigla. Kaagad akong nilapagan ni Nanay ng baso ng tubig. Kinuha ko ito at sumimsim mula rito. Muli kong inilapag ang baso at pinunasan ang bibig gamit ang likot ng kamay.

“Wala namang masama ang pagkakaroon ng inspirasyon sa pag-aaral. Basta ang lagi niyo lang na iisipin ay ang pagtatapos nito,” pagpapatuloy ni Nanay.

Nag-angat ako ng matalim na tingin kay Ryker na tuwid na tuwid naman sa pagkakaupo sa tapat ko. Sobrang seryoso ng tingin niya na parang pinangangaralan ng prinsipal. Hindi nga ako kumbinsido kung ganito rin siya makaasta kapag totoong sa prinsipal talaga. Napansin ko rin na hindi niya suot ang kanyang stud lip earring ngayong umaga. Natatakot ba siya na baka mapuna ng mga magulang ko?

“S-Sinabi ko na naman po kay Ryker na hindi ako magpapaligaw,” mariin kong pagkaklaro.

“Paano ba 'yan, Ryker?” si Tatay sabay subo ng kanin.

“Magbabago rin po ang isip ni Gertude,” sambit ni Ryker.

Parehong natigilan ang mga magulang ko. Tulala silang napatitig kay Ryker. Kalmado namang itinusok nito ang kanyang tinidor sa hotdog at kumagat dito. Ang dami nilang pinag-usapan na para bang hindi na ako male-late sa trabaho.

Kinamusta rin ng mga magulang ko ang nanay ni Ryker. Nanatili lang akong tahimik habang kumakain. Nakikinig lang sa usapan nila. Napuna ko rin na hindi kailanman nabanggit ng mga magulang ko ang asal ni Ryker sa campus.

Nagpaalam na rin kami sa mga magulang ko at lumabas na ng bahay. Nakita ko ang traysikel ng kaibigan niyang si Caloy na nakaparada sa harap ng bahay namin. Napag-alaman ko na ito rin ang sinakyan ni Ryker papunta sa bahay ko at pinag-antay lang niya sa labas. Nang makapasok na kami ni Ryker sa loob nito ay sinapak ko na siya nang malakas sa balikat. Napangiwi siya sa sakit.

“Sinong may sabi sa'yo na puwede mo akong ambush-in sa mismong bahay ko?!” Halos singhalan ko na siya. Natatakot lang ako na baka marinig nila Nanay ang boses ko gayong hindi pa nakakaandar ang traysikel.

“Naisipan ko lang na dumaan sa bahay niyo,” depensa naman niya.

Pinaandar na ng drayber ang traysikel kaya nasa daan na rin kami.

“Ang kulit mo rin, ano?!”

Ngumisi siya at natutuwa pa akong pinagmamasdan. “Ang ganda mo talaga kahit sa umaga. Lalo na pag nakalugay 'yang buhok mo.”

“Hindi pa rin ako pumapayag na ligawan mo, okay?” sabi ko. Pasadyang inignora ang komento niya kanina.

“Noted, Ma'am,” mapanukso niyang sagot sabay saludo pa.

Umirap ako at hindi na siya kinibo pa buong biyahe. Ewan ko lang talaga kung makikinig siya.

Una akong bumaba dahil nasa bandang dulo pa ang pinagtatrabahuhan ni Ryker. Hindi na tinanggap ni Caloy ang pamasahe na iniabot ko dahil binayaran na raw siya ni Ryker kanina. Hindi na ako umangal pa dahil sobrang late ko na. Bumaba na ako ng traysikel at naglakad papasok ng convenience store.

“Sabay tayo pag-uwi!” Dinig kong pahabol ni Ryker.

Naging madalas na ang pagsasabay namin ni Ryker. Sa tuwing nag-uusap kami ay mas lalo ko siyang nakikilala. Makailang ulit ko mang ipagdiinan sa kanya na hindi niya ako puwedeng ligawan, binabalewala niya naman ito. Napagod na rin ako kaya hinahayaan ko lang siya kung anuman ang gusto niyang isipin.

My entire vacation was spent with him. And with this, I got to know him better. Gumaan ang loob ko sa kanya. Gusto niya akong ilibre parati sa tuwing pauwi na kami ng trabaho. Tumatanggi naman ako dahil ayaw kong gumastos pa siya. Sa mga pagkakataong hindi ko naman siya mapigilan ay ako na ang nagbibigay ng suhestiyon na street foods na lang ang ilibre niya sa akin. He was still glad.

Nagpasama rin siya sa akin na mag-enrol sa first year college. Noong una ay tumanggi ako dahil tapos na akong mag-enrol at sinabihan ko rin siyang sumama na lang sa mga barkada niya mag-e-enrol din. Nga lang, sobrang tuso rin niya at pinakonsensiya rin ako dahil sinabi niyang ikinahihiya ko raw na magkaibigan kami. Porque ba achiever ako at siya kilalang pasaway lang sa buong campus. Para matigil na siya sa kanyang litanya ay pumayag na ako.

Sa labas ng opisina ng Dean ng Business Department na kami nagkita. Nauna siya dahil ang bilin ko ay kumuha na muna siya ng enrollment form mula sa Dean ng Business Department at fill out-an ito pati na ang mga subject. Ang sabi ko ay magpapahuli ako ng thirty minutes pero naging one hour ito. Hindi naman siya nainis at walang hiya pa akong inakbayan nang makahinto ako sa harap niya. Inis kong hinawi ang kanyang braso dahil pinagtitinginan na kami ng iba pang estudyante na naroroon.

“Masyado kang confident,” saway ko sa kanya. “Akin na nga 'yang form.”

Ngumiwi siya at iniabot na sa akin ang hawak na form. “Sakit lang kasi ng braso ko. Na-injured kahapon sa paglalaro ng basketball.”

Peke akong ngumiti. “Palusot ka lang, eh.” Tiningnan ko ang form at nakitang hindi niya pa ito fini-fill-out-an. Muli ko siyang tiningnan. “Hindi ba sabi ko sa'yo unahin mo pag-fill out nitong form?”

“Hinihintay kita. Baka magkamali ako,” pagdadahilan naman niya.

Mababaw akong napabuntonghininga. Itinuro ko ang bakanteng armchairs na nasa gilid ng corridor. “Upo na muna tayo ro'n. Fill out-an mo 'tong form.”

Nauna ako sa kanyang maglakad. Nakasunod naman siya sa akin sa likuran. Naupo na ako sa armchair. Sumunod naman siya sa pag-upo sa kabilang armchair.

“May ballpen ka?” tanong ko sabay sulyap sa brown envelope na dala niya.

Tumango siya at kinuha ito mula sa kanyang envelope.  Gamit ang bibig ay kinuha niya ang takip ng ballpen.  Tumingin siya sa akin. “Start na?”

Tinanguan ko siya. Sinimulan na niya ang pag-fi-fill out ng information sa form. Mabilis ang ginawa niyang pagsusulat at namangha rin ako sa penmanship niya. Ang ganda lang kasi para sa isang lalaki. Lalong-lalo na para sa isang notorious basagulero. Mas maganda pa nga ang penmanship niya kaysa sa penmanship ko!

Tuloy-tuloy ang ginagawa niyang paglalagay ng impormasyon. Habang tumatagal nga ay nagdududa na ako dahil ang sabi niya kanina ay baka magkamali raw siya sa pag-fill out kaya hinintay niya pa ako pero maski nasa tabi niya naman ako, ni isang beses ay hindi niya ako tinanong kung ano ang gagawin at kung ano ang ilalagay.

“Okay na ba 'to?” tanong niya nang matapos na. “Registrar's office na susunod, 'di ba?”

Tumango ako at kinuha ang form na hawak niya. Mabilisan ko itong sinuri. Nagtaas ako ng isang kilay at tiningnan siya. “Kung kanina mo pa 'to ginawa, eh 'di sana kanina pa tayo tapos sa enrollment mo. At saka hindi mo naman pala kailangan ng tulong ko. Kaya mo naman pa lang mag-isa na fill out-an 'to.” Isinoli ko na ang form sa kanya.

“Mas kaya ko pag nandiyan ka,” simple niyang saad at tumayo na. Nagsimula na siyang humakbang sa deriksiyon ng registrar's office.

Naiwan naman ako sa upuan na tulala habang iniisip ang sinabi niya. Ano naman kaya ang ibig niyang sabihin doon?

Nilingon niya ako. Naningkit ang mga mata niya. “Hindi mo ba ako sasamahan?”

Napapisil ako sa sariling ilong at tumayo na. Sumunod na ako sa kanya. Mistulan lang akong naging anino niya habang nakasunod sa kanya dahil para yatang alam na naman niya ang gagawin. Pagkatapos mai-print ng registrar's office ang schedule ni Ryker ay lumabas na siya ng silid.

“Congrats. You are now officially a college student,” bati ko sabay sulyap sa hawak ng schedule card. May senseridad ito dahil sa totoo lang ay natutuwa naman talaga ako para sa kanya.

“Buti nga pinasa ka ng teachers mo sa senior high, 'no?” pahabol na pang-aasar ko.

Ngumisi lang siya at sa pagkakataong ito ay wala na itong halo ng malisya. Nakita ko sa kanyang hitsura ang lehitimong tuwa. Nahihiya niyang sinulyapan ang schedule na hawak niya at tiningnan na ako.

“Libre kita ng pananghalian,” anyaya niya.

Kaagad akong umismid. “Ayan ka na naman, eh. Nagiging galante ka na naman na para bang hindi nauubos 'yang pera mo. 'Wag na. Uuwi na rin ako.”

“Ryker!”

Sabay kaming napalingon dahil sa malakas na pagtawag sa pangalan niya. Mabilis akong napaatras nang makita ang apat na mga lalaking barkada niya sa highschool na palapit sa kinatatayuan namin.

Sinulyapan ako ng mga ito at lumantad ang malisyosong ngiti sa mga labi nila.

“Hi, Gertude,” nakangising bati sa akin ng isang lalaking kulay brown ang buhok. Madalas ko itong nakikita sa may talahiban na umiinom. “Ganda talaga ni Miss Campus Crush.”

Napaatras pa ako ng isang beses.

Nilapitan siya ni Ryker at walang abisong pinikot sa tainga.

“Tangina! Tangina!” hiyaw niya at napahawak pa sa braso ni Ryker.

Natawa ang iba pang mga barkada niya. Ilang segundo pa ang lumipas bago siya lubayan ni Ryker.

“Sakit, tol!” reklamo nito sabay haplos sa tainga na namumula na.

Maingat akong sinulyapan ni Ryker bago binalingan ang mga barkada. “Umalis na nga kayo. May gagawin pa kami.”

“Actually, wala na,” sabad ko kaya napatingin na silang lahat sa akin. Totoo naman at wala kaming plano kundi ang samahan lang siyang mag-enrol. “Uuwi na ako.”

“Wala na naman pala, eh!” sambit ng isa pa sa mga tropa ni Ryker. “Sama ka sa'min, Ryk! Birthday ngayon ni Eric. Inuman tayo sa kanila.”

Bumaling sa akin si Ryker na sa akin pa yata humihingi ng pahintulot. “Sumama ka na. Uuwi na rin ako,” pag-uulit ko.

“Text ko muna si Caloy,” sabi niya sabay dukot sa cellphone mula sa bulsa.

“Hindi na,” agap ko. Ayaw kong maabala pa siya. “Marami namang traysikel sa labas. Sige. Mauna na ako.” Tumalikod na ako at isang beses na kumaway. Naglakad na ako paalis.

“Nagpaalam ka na sa boss mo na magpa-part time ka na lang?” tanong niya sa akin isang hapon habang kumakain kami ng kwekwek na nasa tapat lang ng convenience store. Tapos na pareho ang duty namin at pauwi na lang.

Ngumuya na muna ako bago nagsalita. “Oo. Pumayag naman siya kasi nga magpapasukan na rin. Alas tres ang huli kong klase kaya four-thirty until 7 pm na lang ang duty ko. Ikaw ba?”

Itinapon na niya ang stick sa basurahan. Kinuha niya ang mineral bottled water. Binuksan niya ang takip nito at iniabot niya sa akin.

“Parehas tayo,” anunsiyo niya.

“Ng schedule?” Nanliit ang mga mata ko at uminom na ng tubig.

“Oo.”

Ibinigay ko sa kanya ang mineral bottled water na pinangahalatian ko na. “Tinotoo mo talaga 'yong sinabi mo na i-a-adjust mo schedule mo sa'kin?”

Tumango na siya at uminom na. Inubusan na niya ang laman nito at pagkatapos ay nilapirot ang plastic bottle na wala ng laman. Nilagay niya ito sa loob ng basurahan. Tiningnan na niya ako.

“Pumayag din naman ang tatay mo kasi delikado ang daan lalo na gabi ka na uuwi.”

Ngumuso ako. “Hindi man lang naisip ni Tatay na ikaw 'yong delikado.”

Hindi na niya pinansin pa ang sinabi ko. Dinukot niya ang cellphone sa loob ng kanyang bulsa. Kunot-noo niyang sinulyapan ito. “Papunta na raw si Caloy rito.” Nag-angat siya ng tingin sa akin. “ ‘Di mo pa rin in-a-accept 'yong friend request ko.”

Awtomatiko akong pilyang ngumisi. “Bakit? Friends ba tayo?”

“Friends and soon to be in a relationship,” puno ng kumpiyansa niyang sagot.

“Oo na! Ia-accept ko na 'yon mamayang gabi.”

Malapad siyang ngumiti. Napatitig ako bigla sa hitsura niya. Plastik ako kung sasabihin kong hindi ako nagwaguwapuhan sa kanya. Maraming babae naman ang humahanga sa hitsura niya.

“Bakit?” untag niya dahil hindi na ako kumibo pa at nakatitig na lang sa kanya.

Dalawang beses akong napakurap. Nang mapagtanto ang ginagawa ay tumikhim ako at napakamot sa gilid ng leeg. Inilipat ko ang tingin sa kalsada at insakto naman na nakita ang traysikel ni Caloy na papalapit na sa lokasyon namin.

“Nandito na si Caloy,” anunsiyo ko.

Sumakay na kami sa traysikel ng kanyang kaibigan at bumiyahe na pauwi.

Kinagabihan, bago matulog ay kinuha ko ang cellphone sa ibabaw ng bedside table. Ni-open ko ang f******k at muling hinanap ang friend request ni Ryker sa akin na matagal ng nakatiwangwang dito. Pinagmasdan ko ito ng ilang segundo at napunang hindi pa rin siya nagpapalit ng bagong profile picture niya.

Ngumiti ako at sa huli ang pinindot na ang confirmation. Now, we are friends.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status